11. Arcangel UPANG MAKILALA ANG isang bagay, kailangangang wasakin ito. Natuklasan ito ni Daniel noong pitong taon siya at kinasawaan na ang paulit-ulit na pagsalo ni Popeye sa mga inihahagis na spinach ni Olive Oyl sa kaniyang game-and-watch. Regalo iyon sa kaniyang birthday ng Tito Tony niya. Isang hapon, ipinuslit niya ang screwdriver at sinimulang tanggalin isa-isa ang screw sa likod ng laruan. Takangtaka siya na wala si Popeye sa loob, o si Olive Oyl, o kahit si Bluto na paminsan-minsa’y nanggugulo sa pagsalo ni Popeye ng mga de-lata at spinach na inihahagis ni Olive Oyl. Kahit ang bangkang sinasakyan ni Popeye o ang barkong kinatatayuan ni Olive, wala. Imbes, salamin, patung-patong na salamin ang nasa loob. May totoong salamin. May salamin na halos plastic, kulay puti. May isa p

