AYON SA ALAMAT, kumuha ng tipak ng putik mula sa kaniyang puso ang Manlilikha at saka ito itinapon sa himpapawid. Humampas ito sa isang malaking punong kawayan na natungkab ang isang bahagi hanggang pumasok ang putik sa loob. Humalo ang putik sa tubig na nasa loob ng kawayan at nanahan doon nang ilang libong taon matapos ang pagkayanig na iyon bunga ng paglilinis ng damdamin ng Manlilikha. Ilang libong taon pa bago nagkahugis ang putik na iyon sa loob ng kawayan. Naghilom na noon ang natungkab na bahagi ng kawayan. Wala pang puno noon, at ang daigdig ay isang malawak na damuhan. Sa daigdig ng mga damo, ang anino ng mga dambuhalang kawayan ang naghahari. Wala nang balita noon kung ano ang nangyari sa Manlilikha. Ang hinala ng ibang damo’y nakatulog. Pinabayaan, napabayaan sila. Itinumba

