"Anong klaseng nilalang ka?"
Marahang hinila ni Maimin si Juna papunta sa likod niya. "Isa akong cherubim! Isang cloud angel!"
"Kung gano'n cherubim, alam mo naman siguro ang patakaran naming mga sundo. Kailangan naming maihatid ang mga kaluluwa ng mga namatay sa dapat nilang kapuntahan at dahil dapat ay patay na ang batang 'yan, wala tayong magiging problema kung maayos mo siyang ibibigay sa akin." Inilahad ng sundo ang isang kamay nito na tila nanghihingi lang ng kagamitan.
Nagtagis ang mga ngipin ni Maimin. Alam niya ang patakaran PERO! Si master Juna ang isa sa mga taong unang naging mabait sa kanya rito sa lupa. Po-protektahan niya si master Juna kahit anong mangyari, kahit pa labag 'yon sa patakaran.
"Hindi ko siya ibibigay sa 'yo!" Biglang lumuhod si Maimin sabay lingon kay Juna. "Master, sakay sa likod ko bilis!"
Tumalima naman agad si Juna. Mabilis itong sumampa sa likod ni Maimin at mahigpit na kumapit sa leeg nito.
Kahit hindi niya alam kung anong nangyayari, alam niya na masamang tao ang kaharap nila. At ayon sa narinig niya, gusto siya nitong kunin!
"Bad guy! I won't let you have me, monster ice face!"
"Kung 'yan ang nais mo cherubim, pagbibigyan kita."
Agad na naglaho sa kinatatayuan si Maimin. Naramdaman naman ni Juna ang biglaang pagdilim ng paningin niya at nang muli siyang magmulat, na-realized niya na nasa itaas na sila ng rooftop.
"H'wag kang mag-alala master Juna. Hindi ko hahayaang makuha ka niya sa 'kin."
Ang totoo niyan kinakabahan si Maimin. Pa'no ba naman kasi, sa tanang buhay niya bilang isang cloud angel ay ito ang unang beses na makikipaglaban siya. Idagdag pang sa isang sundo na hindi ikakailang malakas na nilalang.
Pero nakapagpasya na siya kaya wala nang atrasan. Hindi niya ipagsasawalang bahala ang buhay niya kaya hindi niya hahayaan ang sariling matalo sa laban na ito. Isa pa nangako siya kay Master Juna.
Humanda si Maimin.
Umismid naman ang sundo.
"Bago ang lahat cherubim, hindi magandang asal kung hindi ko ipakikilala ang aking sarili bago tayo maglaban." Bahagyang yumukod ito. "Ika-pitumput apat (74) na sundo, ang pangalan ay Hampi Pei. Alam kong malugod ka na makilala ako."
Maimin: "....."
May kayabangan din ang isang ito ah. Sinong malugod na makilala siya? Ulo niya! Kung pwede nga lang bumalik hihilingin niyang sana hindi na sila nagkita.
Bahagyang tumango si Maimin. Kunwari na lang natutuwa siyang nakilala ang mayabang na ito.
Nilingon niya si Juna na nakasampa pa rin sa likuran niya at nginitian. "Master Juna, ibababa muna kita sandali. Magiging delikado kaya mas makabubuting lumayo ka muna."
"Are you gonna be in danger Maimin?"
Hindi naintindihan ni Maimin ang sinabi ng bata pero nararamdaman niyang nag-aalala ito. Umiling na lang siya para hindi na ito gaanong mag-alala.
Ibinaba niya si Juna, agad naman itong tumakbo di kalayuan. Tumayo roon at kinakabahang tiningnan ang dalawang magkaharap.
"Pagbigbigyan kita cherubim." Ipinakita ni Hampi ang tatlong daliri. "Tatlong beses. Kapag natamaan mo ako ng tatlong beses, hahayaan ko na ang batang 'yon, kahit pa ang ibig sabihin nito magsasayang na naman ako ng oras sa napakahabang overtime gagawin ko. Meron akong isang salita kaya... gawin mo lahat ng kaya mo cherubim para manalo."
Agad na tumango si Maimin. Ilang sandaling tiningnan ng dalawa ang isa't-isa bago biglang nawala sa kinatatayuan.
Agad na pinalibutan ni Maimin ng barrier ang sarili niya. Hindi nga siya nagkamali dahil ilang sandali pa ay nakaramdam siya ng malakas na puwersang bumalya sa barrier niya.
Pakiramdam niya nanginig ang buong katawan niya dahil sa tindi ng puwersang 'yon. Nagtagis ang mga ngipin ni Maimin. Kailangan niya ring sumugod dahil kung hindi, hindi siya makakatama rito.
Bumalot sa buong katawan niya ang bilog na barrier at nagsilbi itong baluti na po-protekta sa kanya. Mabilis na kumilos si Maimin at sa isang iglap lang ay nasa likuran na siya ni Hampi. Sinubukan niyang sipain ito mula sa likuran subalit mabilis itong nakailag. Umikot ng ilang beses sa ere si Maimin at sinubukang tamaan uli ito sa harapan pero bigo pa rin siyang matamaan ito.
Pa-slide na umurong si Maimin at pinag-isipan ang susunod niyang gagawin. Pumalakpak siya ng dalawang beses kasunod no'n ay paglabas ng makapal na usok.
Ang akala ni Hampi ay gagamitin ito ni Maimin para linlangin siya subalit salungat ang ginawa nito. Itinago nito ang sarili sa makapal na usok. Susugod na sana siya pero bago pa man siya makakilos ay nakaramdam siya ng malakas na sipa sa batok.
"Isa!" Malakas na sigaw ni Maimin.
"Paanong—"
"Teleport." Simpleng sagot nito.
Aah... paano nga ba niya nakalimutan na may kakayanan silang mag teleport? Ang akala niya ay inaaya siya nitong pumasok sa makapal na usok.
Hmp! Ito na ang huling beses na matatamaan siya nito. Iyon ang nasa isip ni Hampi subalit hindi niya alam kung kailan napunta ang cherubim sa ilalim niya at pinatamaan siya ng isang malakas na tadyak mula sa ibaba na tumama sa ibabang bahagi ng tiyan niya.
Napatalon siya paatras. Hindi nakakaramdam ng sakit ang mga sundo na gaya niya subalit yon ay kung galing sa pangkaraniwang bagay gaya ng suntok ng mga tao, o kahit ano pang materyal na bagay na gawa ng mga tao. Pero ibang usapan ang mga spell at kapangyarihan ng mga celestial. Gaya na lang ng isang ito.
Bubwit pero ang lakas manipa. At bakit ba panay sipa na lang siya? Hindi ba siya marunong sumuntok?
Ang totoo niyan tama ang hinala niya. Hindi nga marunong sumuntok si Maimin at ginagamit niya lang ang sa tingin niya'y may malakas na puwersa at iyon ay ang paa!
"Isa na lang sundo." Proud na sabi ni Maimin.
Tumaas ang isang kilay ni Hampi. "Tingin mo pagbibigyan pa kita?" Ibinuka nito ang palad at mula roon ay sumibol ang kulay itim na kapangyahiran.
Namutla ang mukha ni Maimin nang makita niyang hindi siya ang target ng sundo kundi ang batang nakatayo di kalayuan.
Mabilis siyang kumilos. Nag teleport papunta kay Juna, niyakap ang bata at agad na tumalon at lumipad palayo.
Nakita niya ang pagbagsak ng itim na kapangyarihan. Kinilabutan siya nang makitang umikot iyon sa tinamaan at unti-unting nagiging luma.
Balak nitong patayin si master Juna!
Hindi na komportable ang pakiramdam ni Maimin. May namumuong hindi magandang pakiramdam sa puso niya. Unti-unti nitong kinakain ang magagandang pakiramdam na matagal nang nasa kanya. Gusto niyang saktan ang sundo. Gusto niya itong saktan hanggang sa hindi na ito maging banta sa kanila.
Hindi alam ni Maimin kung anong nangyayari. Nakalutang na itinaas niya ang kamay sa ere at umusal ng panalangin.
"O espiritu ng kidlat na naninirahan sa kalangitan—"
Bahagyang natigilan si Hampi at nanlalaki ang mga matang tiningnan ang nakalutang na cherubim.
"Ikaw na may malakas na kapangyarihan na gumawa ng ingay sa buong kalangitan—" Nagsimulang mamuo ang makapal at maitim na ulap sa itaas nila. Ramdam rin ang pagbaba ng temperatura at paglakas ng malamig na hangin. "Bilang isang cherubim humihingi ako ng pahintulot para hiramin ang iyong kapangyarihan." Isang mahaba at matabang kidlat ang gumuhit sa kalangitan, kasunod nito ay tila isang malakas na pagsabog.
Bumilog ang kidlat at kasabay nito ay ang lalong paglakas ng kulog.
Samantala, ilang tao sa ibaba ng building ang nakakita sa maanomalyang pangyayari sa itaas ng building. Ilan sa kanila ang naglabas ng cellphone para kuhanan ang nangyayari at ang iba naman ay nagmamadaling umalis sa takot na baka matamaan ng kidlat.
"Nababaliw ka na cherubim! Hindi mo maaaring gawin 'yan! Mapaparusahan ka!"
"Tinatawag kita ngayon para gapiin ang kalaban sa aking harapan!"
Nagtipon ang mga kidlat at bumulusok patungo kay Hampi. Tinangkang tumakbo ng sundo pero tila may buhay ang kidlat na humahabol sa kanya kahit saan siya magpunta. Lumipad siya palayo habang iniiwasan ang kidlat. Makailang beses na tumama ito sa ilang building na katabi kung nasaan sila. Ang ilan ay tumama sa bintanang salamin dahilan para mabasag 'yon at ang iba naman ay tumama sa konkretong pader. Nag crack ang ilan sa mga ito tanda kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng kidlat.
Hindi alam ni Hampi kung maiiyak siya o maiinis. Gusto niya lang naman itama ang pagkakamaling nangyari pero bakit gusto niya siyang burahin sa mundo ng cherubim na ito at bakit ganito ito kalakas? Ito ang unang beses na nakaharap siya ng isang cherubim na kayang tumawag ng ganito kalakas na kidlat.
Talaga bang isa lang siyang isang pangkaraniwang cherubim? Ang sagot: HINDI! Walang ganito kalakas na cherubim!
Kung gano'n... Ano ba talaga ang kaharap niya?
Hahabol pa sana si Maimin pero bigla na lang may humablot sa balikat niya. Marahas siyang lumingon at nakita niya ang isa pang sundo. Sa pagkakataong ito, kilala niya ang sundong ito.
"Zin."
"Maimin."
"Balak mo rin bang kunin sa akin si master Juna?"
"H'wag kang mag-alala." Nakangiting umiling si Zin. "Simula ngayon wala nang kukuha sa kanya. Ako na ang bahala rito. Kaya kumalma ka, ha?"
Nawala ito at sa isang kisapmata ay kaharap na ang tumatakbong si Hampi.
"Kapitan!" Bulalas ni Hampi.
Isang malakas na suntok pinakawalan ni Zin at tumama sa panga ni Hampi.
Gulantang na hinawakan ni Hampi ang nasuntok na pisngi. "Bakit?"
"Isa kang hangal para galitin ang isang cherubim at dito pa man din sa daigdig ng mga tao. Gusto mo bang ipaalam sa lahat na may mga kagaya natin?"
"Pero hindi ako ang gumamit ng malakas na kapangyarihan!"
"Pero ikaw ang dahilan! Makinig kang mabuti Hampi, may rason ang lahat ng nangyayari. Hindi mapaparusahan ang cherubim ngunit ikaw ay mananatili sa Kaisan ng ilang taon para tumanggap ng parusa."
Kaisan?! Ito ang lugar kung saan ipinadadala ang mga Sundo, anghel at makapangyarihang nilalang na nakagawa ng pagkakamali. Mayroong level ang Kaisan at ang pinakaibuturan nito na kung tawagin nila ay level ng walang hanggang kamatayan ipinadadala ang mga hinatulan ng pinakamabigat na parusa.
Hindi ka mamamatay sa lugar na 'yon kahit pa ilang beses kang humiling na tapusin na lang nila ang buhay mo.
Isa rin itong lugar kung saan pinaparusahan ang mga nilalang ng kadiliman sa tuwing may nagagawa silang hindi maganda o kaya nama'y labag sa batas.
"Bakit ako!? Itinatama ko lang naman ang pagkakamaling ginawa ng cherubim na 'yon!" Galit na sigaw ni Hampi.
Wala siyang nilabag na batas kaya bakit siya pupunta sa Kaisan? Nababaliw na ba ang mga ito?
"Gaya ng sinabi ko may rason ang lahat ng nangyayari, subalit ng dahil sa pakikialam mo, may tyansang bumilis ang mga mangyayari."
"A-Anong ibig mong sabihin kapitan?"
"Isang mahalagang misyon ang pinakawalan ni Lareikan at may kinalaman ang cherubim na nakalaban mo."
"Misyon ni Lareikan—ibig sabihin ang cherubim na 'yon—"
"Tama. Isa siya sa mga kandidata."
Kunot noong ikinuyom ni Hampi ang kamao. "Kaya pala napakalakas nya."
"Sa paglipas ng panahon hindi na nagiging balanse ang mundo. Kasabay nito ang pamumuo ng mga puwersa ng mga nilalang na hindi taga rito. Gusto nilang guluhin ang balanse at sirain ang mundong ito. Hindi pa malinaw kung anong misyon ang nais ipagawa ni Lareikan sa batang cherubim. Basta't ang alam ko lang ay mapaparusahan ang lahat ng mga nilalang na hahadlang dito."
"Hindi ko alam na may ganoong misyon!"
"Alam mo na ngayon, ko-kontra ka pa ba? H'wag kang mag-alala, mananatili ka lang sa Kaisan sa loob ng limang araw. Kailangan lang nating ipakita kay Lareikan na sumusunod tayo sa kanya."
Napabuntong hininga na lang si Hampi. Ano pa nga bang magagawa niya? "Masusunod kapitan."
Parang usok na naglaho si Hampi. Naiirita namang hinawi ni Zin ang buhok niya sabay tingin kung saan naroon ang batang cherubim.
Sinadya nila itong gawing tao dahil alam ng mga nakatataas na ilang kapangyarihan ng grupo ang tumatalab sa mga tao. Isa pa, tao lang ang nagkakaroon ng mga emosyon at pitong kasalanan. Dito malalaman kung nararapat ba siyang umakyat sa mas mataas na posisyon o... ...
Ayaw niya nang isipin ang mangyayari sa mga kandidatang mabibigo sa misyon na ito.
Hindi aksidente ang nangyari subalit kailangang palabasing aksidente para hindi magduda ang batang cherubim.
Isang napaka-inosenteng nilalang pero ipinadala rito para malaman niya ang pait ng buhay sa mundo.
Kumuyom ang kamao ni Zin nang may maalala. Hindi siya sigurado sa gustong gawin ni Lareikan.
Ah... pero sa tingin niya ay sinusubok ng Seraphim na 'yon ang pasensiya niya.
Sana lang ay maayos na malampasan ni Maimin ang lahat. Dahil kung hindi at may mangayari ritong masama ay siya mismo ang pupunta sa mundo ng mga Celestial para bigwasan ang nakakayamot na mukha ng Seraphim na 'yon.
"Oooy!"
Narinig ni Zin ang tinig ni Maimin di kalayuan. Nakita niyang papalapit na ito sa kanya. Ngumiti siya at mabilis na itinago ang pag-aalala sa mukha.
"Ayos na ba ang lahat?" nag-aalangang tanong nito.
"Ayos na, wala ka nang dapat pang ipag-alala." Nakangiting ginulo niya ang buhok ng batang hawak ni Maimin. "Ikaw ang nagsagip sa buhay niya kaya naman kailangan mo itong protektahan hanggang sa huli."