KABANATA 13: PANGALAWANG FLASHBACK

2030 Words
Natapos na rin sa wakas ang paggagamot sa kaniya ni Aaron. Nasa kusina silang lahat at isinalaysay ni Frederick sa kanila ang natuklasan. Sinabi na rin niya ang nabuo niyang plano para malaman kung sino ang mastermind sa likod ng robbery. "Aray ko!" Hindi pa rin siya makaupo nang maayos sa upuan. Naiipit ang sugat niya. Napagdesisyunan niya na tumayo na lang. "Hindi pa rin ako makapaniwalang kasabwat si Mauro," sabi ni Rica at napailing. "Kayo palang dalawa?" Sa halip ay iyon ang tinanong ni Frederick na tumingin kina Rica at Aaron. Pinagbabawal ang magkaroon ng relasyon ang dalawang co-workers sa parehong facilities. Sina Brandon at Kassie ay exempted sa rules dahil hindi naman sila co-workers. Nagtratrabaho si Kassie sa mortuary ng ospital, samantalang si Brandon ay doktor sa medical facilities exclusive for children. "Syempre tinatago namin sa trabaho dahil bawal, pero sa labas wala namang dapat itago e," malanding tugon ni Rica na yumakap sa braso ng lalaki. "Pinikot lang ako nito," pagbibiro ni Aaron. "Anyway 'yong tungkol kina Mauro, Mang Johnny, at Brandon?" pag-iiba ni Keith ng usapan. Katabi nito si Jobert na panay lang ang kain ng sopas. Gutom na gutom ang lalaki. Napapatingin si Keith dito dahil ang ingay nitong lumamon. "Magsumbong na lang tayo sa pulis!" suhestyon ni Rica. "Maaaring makakatakas ang mastermind kapag ginawa natin 'yon. Malaking tao ang binabangga natin at may kapit sa head ng ospital. Gusto ko makakuha ng ebidensya. Gusto ko mahuli sa akto si Brandon," paliwanag ni Frederick. "Si Brandon talaga ang nasa isip mo na nagnanakaw? Nako, buti na lang wala si Nicole dito," nasambit ni Rica sapagkat alam niya ang damdamin ni Nicole kay Brandon. "Kaya nga e." – si Aaron. "Guys, may plano ako pero kailangan ko ng tulong n'yo, saka Keith baka pwede mo namang kausapin ang girlfriend mo?" Bumaling si Frederick sa lalaki. Siya lang ang nakakaalam ng relasyon ni Keith sa anak ni Dr. Pierro. "Si Liesel?" takang-tanong nito. "Magpagawa tayo ng dummy sa kaniya para maniwala talaga sina Mauro, Brandon, at Mang Johnny na patay na ako," plano ni Frederick. "Subukan ko. Teka lang, kausapin ko lang siya," sagot ni Keith na tumayo at kinuha ang phone sa sala para kausapin si Liesel. "Ang plano mo ay magpanggap na patay? Medyo mahirap 'yan. Paano si Kassie?" Naalala ni Rica ang kaibigan. Natahimik silang lahat. Oo nga pala, walang alam si Kassie sa mga nagaganap. Ang malala pa nito, pinagkakatiwalaan ni Kassie ang mga gumagawa ng krimen. "Sabihin din natin kay Kassie para—" "Huwag," putol ni Frederick sa sinasabi ni Rica. "Malapit si Kassie kay Mauro at Brandon. Pinagkakatiwalaan niyang assistant si Mauro at masasaktan siya kapag nalaman niya ang hinala natin tungkol kay Brandon." "Oo nga pala, fiance' nga pala niya si Brandon." Nalungkot ang mga mata ng babae. "Paano ito? Itatago rin natin sa kanya?" tanong naman ni Aaron. "Tingin ko naman hindi 'yon iiyak kapag nawala ako." Nasabi ni Frederick ang nasa isip. "Siguradong magagalit siya sa atin kapag nalaman niya na nagtatago tayo ng sikreto. Baka maramdaman niya na pinagkaisahan natin siya," hinuha ni Rica. "Kapag nangyari iyon, ako na ang sasalo sa lahat ng galit ni Kassie. Rica at Aaron, kayo na ang bahalang tumakip sa amin ni Jobert," bilin niya sa mga ito. Napabuntong-hininga si Rica. "Gagawa na lang kami ng kwento para kay Jobert." "Nakausap ko na si Liesel. Sige raw pero magbabayad daw tayo." Bumalik si Keith sa kusina. "Walang patawad 'yang jowa mo ah!" reklamo ni Aaron. "Pero sigurado ba kayo na si Liesel ang gagawa ng dummy? Malalaman din kasi ni Dr. Pierro ito. Wala namang tinatago si Liesel sa papa niya. Siguradong ikwekwento niya ang ginagawa natin," tila nag-aalalang sabi ni Keith sa grupo. "Si Dr. Pierro hindi nangingialam sa ginagawa ng tao, puwera na lang kung kailangan niyang mangialam," sabi ni Frederick na kinuha ang hood jacket niya na nakasampay sa upuan at muling isinuot iyon. "Oh Fred, lalakad ka ulit?" pansin ni Jobert nang makitang nag-aayos siya. "Pupuntahan ko si Liesel. Ako na ang bahalang magpaliwanag," wika niya na dumiretso sa pinto ng apartment. "Kailangan mo ng kasama, Fred! Hindi ka pa masyadong okay, 'di ba?" paalala naman ni Keith. "Samahan na kita." "Medyo mabuti na ako. Gumagana naman ang gamot." Bago siya lumabas sa pinto ay bumaling siya kina Aaron at Rica. "Kayo na ang bahala kay Kassie." *** Kinabukasan ay natapos ni Liesel ang dummy na para kay Frederick. Kapos sa oras kung gagawa pa siya para kay Jobert kaya si Frederick lang ang nagawan niya. Si Rica na ang bahalang bumuo ng kwento para kay Jobert. Tanghaling tapat nang ipasok nina Rica, Aaron at Keith ang dummy sa loob ng morgue. Kinakabahan man pero nakahanda na silang gawin ang plano. Uutuin nila sina Mauro at Brandon. Ang unang pumasok sa morgue ay si Dr. Lambert. Unang tingin niya sa katawan niyon, alam niya agad na peke. Ganoon siya kagaling sa pagtingin sa katawan ng tao. "Ano namang ibig sabihin nito guys?" nagtatakang tanong ng doktor na tinanggal ang kumot na tumatakip sa mukha ng dummy. "Dok please, huwag n'yo pong sabihin kay Mauro," pagmamakaawa ni Rica. "I don't know. It's better to talk to the police than to handle these things on your own." Hindi sumasang-ayon si Dr. Lambert sa ginagawa ng grupo. "Dok please, lilibre ka namin ng pizza pagkatapos nito!" sabi ni Keith. "Magbabayad na rin ako ng utang sayo dok!" -- si Aaron. Napabuntong-hininga si Dr. Lambert na tumingin sa nagmamakaawang mukha nila. Matagal niyang nakasama ang mga ito sa trabaho at parang anak na ang turing niya sa tatlo. Nagtatalo tuloy ang isip at puso niya. Sa gitna ng pag-uusap nila ay dumating si Mauro. Natahimik silang apat at sabay-sabay na tumingin sa bagong dating. Hindi man lang nagulat ang mukha ni Mauro. Nanatiling nakatitig ito sa dummy. Syempre hindi nito alam na peke iyon. "Si Frederick?" "May bumaril sa kanya kahapon at pinatay siya," sabi lamang ni Rica na sinusuri ang reaksyon ng lalaki. Mabilis din niyang tinaklob ang kumot sa mukha ng dummy. Natatakot siya na baka mabuking pa sila ni Mauro. "Oh my God! Sino ang gagawa nito?" sambit ni Mauro na nag-iinarteng napasapo sa ulo. May sasabihin pa sana si Rica pero may pumasok na naman sa loob ng morgue. Sa pagkakataon na ito, nakaramdam siya ng awa nang makita ang itsura ni Kassie. Mukhang hindi nagsuklay ang babae at mukhang galing sa pag-iyak. Lumapit si Kassie at tinanggal ang nakatakip na kumot sa mukha ng dummy. "F-Fred... Frederick!" Akma itong yayakap doon. Maagap na kumilos si Rica at inilayo si Kassie. Kapag nahawakan ng dalaga ang dummy, malalaman nito na peke iyon. Yari sila. Buking sila. "Kassie! Huwag! Kailangan pa niyang ma-autopsy! Mauro, tulungan mo akong ilabas si Kassie." "Ano? Bakit ako pa?" "Mauro, ilabas mo na si Kassie. Tulungan mo na si Rica," biglang nagsalita ni Dr. Lambert. Napatingin silang lahat sa doktor. Kumislap sa tuwa ang mga mata nina Rica, Keith at Aaron. Naintindihan nila na tinutulungan sila ni Dr. Lambert. Lumabas na sina Mauro, Rica at Kassie. Naiwan ang tatlong lalaki sa morgue. "Ano nang gagawin n'yo sa dummy na 'to?" tanong ni Dr. Lambert kina Aaron at Keith. "Ilagay sa kabaong at iburol po mamaya. Siguraduhin po namin na naroon sina Mauro at Brandon, pero sana naman huwag silang magtanong ng kung ano-ano dahil baka mabuking kami," nag-aalalang sabi ni Aaron. "I'm still not okay with this," amin ng doktor sa dalawa, "Pero nasa panig n'yo ko mga anak." Napangiti sila sa sinabi ng doktor. *** Samantala, inaasahan naman ni Dr. Pierro na darating sa opisina niya si Mauro. Alam niya ang nagaganap sa loob ng mortuary dahil ikinuwento ni Liesel. Wala siyang balak na makisali sa pinaplano nila. Nandoon lang siya para manood sa mga kasapi ng laro. Alam niya na itataboy nila si Mauro para hindi nito mahalata na peke ang katawan ni Frederick. Alam niya na sa kaniya nila itataboy si Mauro. Natatawa na lamang na napailing si Dr. Pierro sa loob ng kaniyang opisina habang naglalagay siya ng signature stamp sa mga medicol legal at dokumento. Ilang minuto pa at may kumatok sa pinto. Pumasok na si Mauro sa loob ng opisina. "May pagagawa raw kayo dok?" tanong agad nito. "Mayroon," sabi lamang niya na tumayo at nagbigay kay Mauro ng mga envelop. "Paki-ayos 'yong mga documents sa table." "Iyon lang?" Nagtatakang tumingin ito sa kaniya pero hindi siya sumagot at lumabas agad sa kwarto. Iniwan niya itong mag-isa. Dumiretso siya sa labas ng mortuary. Gusto lang niyang lumabas at magpahinga nang saglit. Bibili muna siya ng makakain sa drive thru ng fastfood. Dumiretso siya sa parking lot. Binuksan na niya ang kotse at akmang papasok pero may dalawang lalaki na lumapit sa kaniya. Naroon pala sina Jobert at Frederick. Nakatakip ng facemask ang mukha nila, nakasuot ng sun glasses at cap. "Sir!" Si Jobert ang unang bumati. "Anong ginagawa n'yo rito?" tanong ni Pierro na nahulaan kung sino ang nagsalita. "Dok, baka pwede ka namin makausap?" untag ni Frederick. Humihingi ng pabor sa kaniya ang dalawang lalaki tungkol sa pagtatago ng katotohanan. Habang nag-uusap sila ay dumaan sa harap nila ang kotse ni Brandon. Napalingon si Frederick sa kotse at nakita nito sa bintana ang mukha ni Kassie. "Kasama ni Brandon si Kassie?!" Nag-alala si Frederick at biglang pumasok sa loob ng kotse ni Dr. Pierro. "Pahiram muna dok! Isasauli ko mamaya!" Napanganga lang ang doktor at hindi nakapag-react. "Sasama ako!" sabi naman ni Jobert na mabilis na pumasok sa loob ng kotse. Walang nagawa si Dr. Pierro kundi sundan na lang ng tingin ang kotse niyang ninakaw ng dalawa. Sinundan nina Frederick at Jobert ang kotse ni Brandon dahil sa pag-aalala nila kay Kassie. Pero nawala sa paningin nila ang kotse nito kaya bumalik na lang ulit sila sa mortuary. Binilin ni Frederick kay Rica na tawagan si Kassie para malaman nila kung maayos lang ang kalagayan ng dalaga. Kaya nang gabing iyon, tinawagan ni Rica si Kassie. Hindi nga lang nila inaasahan na magtatanong ito tungkol sa burol. Wala silang balak na yayain ang babae sa funeral. Sa loob ng funeral home, nagtatago sina Jobert at Frederick sa likod ng altar. Nakakatawa dahil nandoon si Frederick sa sariling burol niya. Hindi rin niya inaasahan na darating si Kassie. Iyon ang unang beses na nakita niyang naka-suot ng bistida ang dalaga. Nadurog ang puso niya nang makitang umiiyak ito sa harap ng kabaong. Parang gusto niyang magpakita na at sabihin dito ang totoo. Pero hindi pwede dahil masisira lahat ng pinlano nila. Naiirita rin siya dahil hindi umaalis si Brandon sa tabi ni Kassie. Nanatili silang nagtatago hanggang unti-unting nagsi-alisan ang mga tao sa burol. Isang oras din ang dumaan nang makita nila si Brandon na lumabas sa chapel. Hinintay talaga nilang umalis ito. Ngayong gabi, balak nilang sundan ang lalaki. Tinapik ni Jobert si Frederick at sinenyasan na sa likod sila ng altar dumaan. May secret passage roon patungo sa exit door ng funeral home. Sa halip na bumalik sa hospital, nakita nilang pumunta si Brandon sa parking lot at sumakay sa kotse. Nagpara naman sila ng taxi at binilin na sundan ang kotse ni Brandon. Nang gabi na iyon, sinusundan ni Kassie si Dr. Pierro samantalang sina Jobert at Frederick ay sinusundan naman si Brandon. Pagkarating sa bahay ni Brandon, nakita nina Jobert at Frederick na may sasakyan sa tapat ng bahay ng lalaki. Mukhang may naghihintay kay Brandon sa pag-uwi nito. Pinasok muna ng lalaki ang kotse nito sa garahe bago ito lumabas sa gate. Lumabas naman sa loob ng itim na van sina Mang Johnny at Bruce at sinalubong ng mga ito si Brandon. "Bakit n'yo dinala ang van dito? Itapon n'yo ang plate number n'yan. Ibenta n'yo ang sasakyan kung gusto n'yo!" Nagalit pa si Brandon sa dalawang lalaki. May pinag-uusapan silang tatlo pero hindi na narinig nina Frederick at Jobert. Tumingin si Frederick sa plate number ng sasakyan. Iyon ang van na ginamit nila sa pagnanakaw kay Trishia. Kinuha niya ang phone at palihim na kinunan iyon ng litrato. Nakumpirmado na nila na si Brandon nga ang mastermind sa nakawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD