Kabanata 02

1451 Words
“Halos mabingǐ ako sa malakas na kabôg ng dibdib ko. Ang mga kamay ko ay hindi na maawat sa malakas na panginginig nito, kulang na lang ay mag sugat ang balat ko sa kamay dahil sa paulit-ulit kong pagkurot. Hindi ko na alam kung gaano na katagal akong nakatayo sa harap ng matayog na gusali na nasa aking harapan. Masyadong moderno ang kumpanyang ito at napaka-eleganteng tingnan dahil sa pader nito na gawa sa tinted na salamin. Pabilog ang estilo ng gusali at hindi ko mawari kung ilang palapag meron ang building, dahil talagang napakataas nito. Habang sa tabi ng building ay kasalukuyang ginagawa ang isa pang building na halos kasing taas nito. Sa tingin ko, oras na matapos ang isa pang gusali ay matatawag na itong twin tower. “BLAISE CORPORATION...” Maraming beses ko na itong binasa, pero hindi pa rin nawawala ang labis na paghanga sa aking mga mata. “Ang ganda...” ito ang tanging na sambit ko. Marahil kahit tumanda na ako sa kakakayod ay hindi ko pa rin makakamit ang ganito kalaking kumpanya. Napaka swerte naman ng mga taong namumuhay sa karangyaan. Isang marahas na buntong hininga muna ang aking pinakawalan bago nagsimulang humakbang ang mga paa ko papasok sa entrance ng gusali. Ngunit, pagdating sa bungad ay kaagad akong hinarang ng security. “Ano po ang kailangan nila?” Very friendly ang pagkakabati sa akin ng Guard kaya kahit papaano ay naging panatag ang loob ko. Isang matamis na ngiti ang lumitaw sa mga labi ko bago ako sumagot. “Ahm, Sir, pinapunta po ako dito ni Mr. Evan Walker para sa scholarship na inoffer niya sa akin. Katunayan nga po n’yan, ibinigay niya sa akin ang kanyang calling card.” Nakangiti kong paliwanag. Magsasalita pa lang sana ang Guard ng may biglang tumawag sa kanyang cellphone. “Yes Sir! Right away, Sir.” Mabilis nitong sagot mula sa kausap nito sa kabilang linya. Pagkatapos ng sandaling pakikipag-usap nito ay sumenyas ito sa mga receptionist, kaagad namang lumapit ang isang empleyado na babae sa amin. “Ma’am, pakiguide na lang siya sa opisina ng CEO.” Utos ng Guard sa empleyada. Una kong napansin ay natigilan ang babae at tila hindi makapaniwala na tumingin sa aking mukha, sunod ay sinipat nito ng tingin ang aking kabuuan. Habang ako naman ay nag mukhang bata sa paningin nito dahil inosente ako sa kung ano ang iniisip ng aking mga kaharap. Nang mga sandaling ito ay bigla akong nakaramdam ng hiya para sa sarili ko, dahil suot ko pa ang aking uniporme sa school. Isa itong white polo long sleeve na naka tuck in sa dark blue kong palda na hanggang ibabaw ng tuhod ang tabas. Habang ang aking mga hita ay natatakpan ng makapal na itim na stocking. “F-Follow me, Ma’am.” Nakangiti man ang empleyadong babae, pero ramdam ko na napipilitan lang siya na ihatid ako sa opisina ni Mr. Walker. Nakarating na kami’t lahat sa huling palapag ng gusali ay ni minsan hindi ako kinibo ng babae. Ramdam ko na hindi ako nito gusto, katunayan niyan ay ang pasimple ngunit pailalim nitong tingin sa akin. Ilang minuto lang ay nakatayo na ako sa harap ng opisina ni Mr. Walker. Mula sa isang table ay tumayo ang isang babae na nakasuot ng pencil skirt at plain white na blouse. Ang hinuha ko, ito ang secretary ni Mr. Walker. Masasabi ko na naiiba naman ang babaeng ito kung ikukumpara mo sa babaeng naghatid sa akin. Dahil ang mga ngiti niya ay napaka-friendly dahilan kung bakit mabilis na naglaho ang kabang nararamdaman ko. “Good morning, Ma’am, please follow me.” Malumanay niyang saad kaya naman nakangiti na sumunod ako sa likuran nito. Pagkatapos ng tatlong katok na ginawa nito ay walang ingay na pinihit ang serradura. “Sir, dumating na po si Ms. Colter.” Magalang na sabi ng secretary. Namangha ako dahil kilala niya ako kahit na ito pa lang ang unang pagkakataon na nakadaupang palad ko siya. “Tumuloy na po kayo, Ma’am, sa loob.” Magalang niyang sabi, nailang ako sa klase ng pagtrato nito sa akin kaya nahihiya na tumango ako dito habang nagpapasalamat. Nahigit ko ang aking hininga, dahil muli na namang nanumbalik ang kabâ na nararamdaman ko kanina lang. Pakiramdam ko ay sumasabay ang bawat hakbang ng mga paa ko sa malakas na tibôk ng puso ko. Ang bawat segundo ay sadyang makapigil hininga para sa akin. Hanggang sa tuluyan akong nakapasok sa loob ng opisina, huminto ako sa gitna ng silid. Nakalunok ako ng wala sa oras ng sumalubong sa akin ang seryosong tingin ni Mr. Walker. Heto na naman s’ya, bakit ba ganito kung makatingin sa akin ang lalaking ito? As in hindi talaga ako komportable. Iyon bang pakiramdam na parang hinahalukay ang sikmura ko at tila nakahubad na ako sa kanyang paningin? “G-Good morning po, Mr. Walker.” Nahihiya kong bati, sabay babâ ng tingin sa marmol na sahig. Sa kabila ng matinding kabâ na nararamdaman ko ay hindi ko pa rin maiwasan ang humanga sa magandang opisina nito. Ang lahat ay nangingintab sa kalinisan, bumagay ang marangyang opisina nito sa matikas niyang awra. “Please, sit down.” Seryoso niyang utos sa akin. Kaagad naman akong tumalima at naupo sa bakanteng upuan na nasa harap nito. “How old are you, Ms. Colter?”Panimula niya habang nakasandal sa sandalan ng kanyang swivel chair. Nakapatong ang dalawang siko nito sa armrest habang hawak ng dalawang kamay niya ang magkabilang dulo ng isang itim at mamahaling ballpen. At sa kaliwang kamay ay nakasuot ang isang black leather wrist watch na batid kong hindi biro ang presyo. “N-Nineteen po...” magalang kong sagot, parang gusto kong batukan ang aking sarili, kailan kaya ako makapagsalita ng tuwid sa harap ni Mr. Walker? Nakakahiya talaga. “Hm, I see...” tumatango niyang saad bago dinampot ang isang folder sa kanyang harapan. Tumayo siya, umalis mula sa pwesto nito. Humakbang siya palapit sa akin habang binubuklat ang folder na hawak. Napasinghap ako at napatuwid ng upo ng mula sa aking likuran ay yumuko siya na halos magpantay na ang aming mga mukha. Halos di madaanan ng hangin ang lapit ng mukha niya sa leeg ko. “Sign this contract and everything will be fine...” Batid ko na habang sinasabi niya ito ay nakaharap sa akin ang kanyang mukha. Nahigit ko ang aking hininga ng tumama ang mainit niyang hininga sa aking balat. Pakiramdam ko ay nanayo na yata ang lahat ng balahibo ko sa katawan. “No!” Anya ng isang tumututol na tinig mula sa isipan ko. “S-Sir?” Bigla yata akong nawala sa aking huwisyo, at tanging ito lang ang na sambit ko. Hanggang sa natagpuan ko na lang ang aking sarili na pumipirma sa papel na nasa aking harapan. Ni hindi ko man lang ito binasa, dahil ng mga sandaling ito, pakiramdam ko ay nasa ilalim ako ng isang mahika dahilan kung bakit mabilis akong napapasunod ni Mr. Walker. “Good girl...” makahulugan niyang sabi ng matapos ko ang isang letra ng aking apelyido. Dinampot niya ang folder bago tumayo ng tuwid at umalis sa likuran ko. Bumalik siya sa kanyang upuan sabay pasok ng folder sa loob ng kanyang drawer. “T-Teka, Sir, hindi mo man lang ba ako bibigyan ng kopya nang kontrata?” Naguguluhan kong tanong na wari mo ay ngayon lang nagising mula sa malalim na pagkakatulog. “Every month, you’ll receive thirty thousand pesos from me, so there’s no reason for you to work anymore. All you need to do is focus on your studies. And, of course, when I need you, you’ll come to my place.” Imbes na sagutin ang tanong ni Keiko ay ito ang naging pahayag ni Evan. Lumalim ang gatla sa noo ni Keiko, dahil labis siyang naguluhan sa huling tinuran ng kanyang kausap. Naisip na lang ni Keiko, na baka ang tinutukoy ni Evan ay kailangan niyang magtrabaho sa bahay nito bilang kapalit ng pagsuporta nito sa kanyang pag-aaral. Dahilan kung bakit mabilis na napalis ang lahat ng agam-agam sa isipan ng dalaga. Nang sa tingin niya ay ganap na niyang naunawaan ang lahat kahit walang malinaw na paliwanag mula sa kanyang kausap ay kaagad jiya itong sinagot nang, “Thank you so much, Sir!” Masaya niyang sabi sabay yuko ng kanyang ulo. Ang kasiyahan ay makikita mula sa kanyang mga labi. “Sa wakas! Matatapos ko na rin ang aking pag-aaral..” tila kinikilig na sabi ng isang masayang tinig mula sa kanyang isipan. Habang si Evan ay matamang nakatitig sa mukha ni Keiko, at kung ano ang tumatakbo sa kanyang utak ay tanging siya lang ang nakakaalam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD