Chapter 13
Sa utos ni Leester ay nauna ng pumunta ng Santa Elena si Vin kasama ang ilang mga tauhan para magmanman sa warehouse ng mga Fernil. Kailangan nilang masiguro na maayos ang magiging transaksiyon mamayang hatinggabi.
"Dude," wika ni Tooffer kay Leester. "Hinay-hinay lang sa pag-inom ng alak. Alalahanin mong may lakad tayo mamaya." Sinenyasan nito ang isang tauhan na iligpit na ang bote ng alak.
"Kaya ko ang sarili ko." Tinungga ni Leester ang laman ng baso. Sinulyapan nito ang mga tauhan na abala sa paglalaro ng baraha saka tumingin sa gawi ng nakababatang kapatid. "Kyle, iwanan mo muna rito sa warehouse ang katangahan mo. Ayoko ng may pasanin sa mga ganitong lakaran. Kung wala kang maitutulong, mas mabuti pang huwag ka ng sumama."
"Kuya naman," bulong ni Kyle.
"Kakailanganin natin si Kyle, Dude," sabat ni Tooffer. "Alalahanin mong hindi pa lubusang bumabalik ang mga alaala mo."
"I can handle myself, Tooffer." Tuluyan na niyang sinaid ang laman ng hawak na baso at inilapag iyon sa mesa.
"O, pinabibigay ni Isabella."
Ngumisi si Leester at kinuha ang balisong na sa kamay ni Tooffer. "Ang tagal kong hinanap 'to." Pinasadahan niya ng tingin ang magkabilang talim niyon. Kumikinang pa iyon sa tuwing matatamaan ng liwanag.
"Si Isabella ang gumamit niyan no'ng wala ka." Ngumisi si Tooffer. "Marami na sigurong nasentensiyahan si Isabella gamit ang balisong na 'yan. Sa'n mo ba nabili 'yan, Dude? Kakaiba 'yan sa lahat ng balisong na pag-aari mo."
Napahawak sa ulo si Leester habang nakatingin sa hawak na patalim. "Bigay lang ito sa akin. 'Yon lang ang naaalala ko."
Nagkatinginan sina Tooffer at Kyle. Ngayon nila napagtanto na hindi pa talaga nila pwedeng hayaang mag-isa ang huli sa mga lakaran.
Nang tumunog ang cellphone ni Leester ay kaagad niya iyong sinagot. Rumehistro kasi sa screen ang pangalan ni Isabella. Ilang oras pa lang siyang nakaalis sa mansiyon ay nami-miss na agad niya ang dalaga.
"Babe, where are you?" tanong ni Isabella. Naririnig niya sa background ang ingay ng kambal kaya napangiti siya.
"Daddy, I miss you."
"I miss you, Dad. I love you."
Tinig iyon ng mga anak nila ni Isabella. Lalong lumuwang ang pagkakangiti niya. Gumagaan ang kaniyang pakiramdam sa tuwing maririnig niya ang boses ng mag-iina niya.
"Babe?" muling saad ni Isabella sa kabilang linya nang hindi siya umimik.
"I miss you," tanging naisagot niya.
Napangisi sina Kyle at Tooffer habang nakatingin sa kaniya. Nag-apir pa ang dalawa dahil hindi nila akalain na maririnig sa bibig ni Leester ang mga salitang hindi nila narinig no'ng si Aurora pa ang kasintahan nito. Lumabas ang pagiging sweet nito nang makilala si Isabella at hindi nahihiyang ipangalandakan ang tunay na nararamdaman sa dalaga.
"I love you. Huwag n'yo na akong hintayin ng mga bata. Gagabihin ako ng uwi. Don't worry kasama ko sina Tooffer at Kyle."
"Babe, may lakad kayo?" Hindi mapigilang itanong ng dalaga.
"Ah, wala. Dito lang kami sa warehouse."
"Totoo? Pakausap nga kay Tooffer."
Bago ibigay ang phone ay senenyasan muna ni Leester si Tooffer na huwag sasabihin kay Isabella ang lakad nila. "Kausapin ka raw si Isabella." Pinakitaan pa niya ng kamao kaya tumawa si Kyle.
"Isabella."
"Saan ang lakad n'yo ni Raine?"
"Wala naman. Dito lang kami sa warehouse. Abala sa pagsusugal ang asawa mo kaya mukhang gagabihin ito ng uwi. Malakihan na ang taya, e."
"Maniniwala na ba ako sa sinasabi mo, Tooffer? O kakabahan na ako sa pagsisinungaling mo?"
"Isabella naman." Ni-loudspeaker nito ang phone at inilapag sa mesa. "Kailan ba ako nagsinungaling sa 'yo? At saka kilala mo naman si Leester."
"Oo kilalang-kilala ko 'yan. Noon pa marami na 'yang inililihim sa akin. Kaya alam ko kung kailan siya nagsasabi ng totoo."
"Isabella-"
"Whatever, Tooffer. Basta huwag ninyong pababayaan si Raine. Sabihan mo si Kyle na iwanan ang katangahan niya sa warehouse."
Napakamot na lang sa ulo si Kyle nang marinig ang sinabi ni Isabella. Si Leester naman ay hindi makaimik at kunot na kunot ang noo dahil hindi niya akalain na malakas ang intuition ng dalaga.
"Rose naman," protesta ni Kyle. "Hindi naman ako gan'on."
"Whatever, Kyle," agad na sagot ng dalaga. "Alagaan mo ang kapatid mo o babalatan kita ng buhay."
Humalakhak sina Tooffer at Kyle matapos ang tawag na iyon pero bigla ring tumigil nang mapansing nakakuyom ang kamao ni Leester. Mabilis na umiwas si Tooffer, tumayo ito at nilapitan ang mga tauhang kanina pa abala sa pagsusugal. Akmang tatayo na rin sana si Kyle para lumabas nang pigilan ito ni Leester.
"Sit down, Kyle. Wala akong sinabing umalis ka."
"Kuya...?"
"I said, sit down!" sigaw ni Leester at inutusang magsilapit ang lahat ng mga tauhang naroon. Inilabas niya ang kopya ng blueprint na ibinigay kanina ni Vin. "Pag-aralan mo ang blueprint na ito, Kyle. Inhinyero ka, siguro naman alam mo na 'yan."
"Oo naman, kuya." Kinuha nito ang papel na hawak ng kapatid.
"Good. Magsama ka ng mga tauhan at bantayan ang paligid ng warehouse na 'yan. Ayokong mabulilyaso ang lakad na 'to, Kyle." Tumayo na si Leester.
"Teka, kuya. Akala ko ba tayong tatlo ni Tooffer ang makikipagtransaksiyon sa mga Fernil?"
"Mauna na kayo. Tatawagan na lang kita 'pag naroon na kami," sagot ni Leester at dumiretso na sa maliit na opisinang naroon sa warehouse. Kaagad niyang kinuha ang larawan ng mag-asawang Fernil pati na ni Kenneth Braganza. Masusi niyang pinakatitigan ang mga mukha ng tatlong iyon lalo na ang huli pero wala talaga siyang maalala na nagkita o nagkakilala na sila noon.
"Dude." Sumungaw ang ulo ni Tooffer sa pintuan. "Dumating si Tito Javier."
Kunot- noong napalingon si Leester at senenyasang pumasok ito. "Bakit daw?"
Hindi na iyon nasagot ni Tooffer dahil pumasok na ang matandang Monteero para kausapin ang panganay na anak.
"Papa? Akala ko ba nagkaintindihan na tayo na kami na lang ang makikipagtransaksiyon sa mga Fernil?"
"Sigurado ka ba, anak? Alalahanin mong ilang araw na lang ay darating na sina Al at Emilia. Gusto kong paghandaan mo ang pagdating nila."
"Papa..."
"Hindi natin alam kung ano ang kahihinatnan ng transaksiyong ito. Ako man ay walang tiwala sa Fernil na iyon kaya mas gusto kong sumama."
"Leave it to me, papa. Kasama ko naman si Kyle at Tooffer. Isa pa, naroon na si Vin. Pinapatingnan ko kung ano ang sitwasyon sa lugar na iyon."
Bumuntong-hininga si Javier at tinapik ang balikat ng anak. "Mag-iingat kayo, anak. Ayokong may masasaktan sa inyo." Nilingon nito ang anak-anakan. "Tooffer, ingat kayo ni Kyle. Alam n'yo naman ang sitwasyon ngayon ni Leester."
""Papa," napapailing na saad ni Leester. "I can handle myself kaya huwag kayong mag-alala." Tumayo na ang binata at kumuha na naman ng alak.
"Dude, paalis tayo. Baka naman pwedeng tigilan mo na muna 'yan?" tukoy ni Toofffer sa hawak ni Leester.
Ngumisi lang siya. "It keeps me calm." Sinaid na niya ang basong may lamang alak at tinitigan na naman ang litrato. "Pamilyar talaga sa akin ang mukha ng doktor na ito. Parang matagal ko na siyang nakasama. Damn! Hindi ko maintindihan. 'Yong mata niya at ilong..."
"Baka nagkita na talaga kayo noon," wika ni Tooffer. "Hindi mo lang maalala."
"Sabi ni Elinita, tatlong buwan pa lang ang doktor na 'yan dito sa bansa, anak."
"Nagkausap kayo ni Elinita, Papa?"
"Sa annual party, anak. No'ng ipinakilala niya sa akin 'yang si Kenneth Braganza. Nagtataka nga ako dahil ipinakilala rin niya si Kenneth kay Luz Fernil. Ang sabi ni Vin si Luz ang nagpalaki kay Kenneth. Bakit kailangan pang ipakilala sila sa isa't isa kung magkakilala naman talaga sila?"
"'Yon din ang iniisip ko, Papa."
"Hindi kaya palpak ang imbestigasyon ni Vin, anak? Ano sa palagay mo, Tooffer."
"Tito, si Vin-"
"May tiwala ako kay Vin, Papa. Nungkang pumalpak ang taong 'yun."
Natigil ang pag-uusap ng tatlo nang tumunog ang cellphone ni Leester. Mabilis iyong sinagot ng huli nang rumehistro ang pangalan ni Vin sa screen.
"O, Vin? Anong balita diyan?"
"Boss, ayos naman. Dumating na ho ang iba pang tauhang pinadala ninyo. Nakakalat na ho sila sa labas ng warehouse. Pero may dumating na bisita ang mga Fernil, boss."
"Hayaan mo na ang kung sino mang bisita ng mga Fernil. Ang importante maayos ang magiging transaksiyon mamaya."
"Pero, boss-"
"Damn! Ano ba, Vin? May pagka-tsismoso ka na yata ngayon?" inis na sigaw ni Leester.
"Boss Leester, pasensiya na ho, pero ang tinutukoy kong bisita ng mga Fernil ay si Ma'am Isabella."
"Ano?" muling sigaw ni Leester. "Damn! Anong ginagawa ni Isabella diyan?"
Biglang tumayo si Leester at isinuot ang jacket na nakapatong sa pasimano ng sopa. Mabilis din niyang isinuksok sa kaliwang tagiliran ang kalibre kwarenta y singko na baril at halos takbuhin ang nakaparadang kotse sa labas.