11

2674 Words
Sa Family Room, nakapwesto na ang hari, reyna sa sofa. Sina Jessie, Ricky at Jude naman ay nasa lapag nang dumating si Niño. "Nagsisimula na po ba?" tanong ni Niño na umupo sa tabi ni Jude. "Sakto ka lang, Budz. Magsisimula pa lang." ani Jude. Palihim na inabot ni Niño kay Jude ang mini player nya. Sumenyas si Niño na ilagay sa kanang tainga nya palihim ang bluetooth headset nya. Tumango si Jude. Ginawa ito ni Jude bago pinindot ang play button. Narinig ni Jude sa headset ang boses ni Jaja na umaawit. Napakalma ng awit ang kalooban ni Jude habang nanonood sila ng pelikula. Natapos ang pinapanood nila na nag-enjoy ang lahat. Nagkwentuhan matapos ang panonood. Tumunog ang hudyat ng alas diyes. "Oras na para matulog, Jaja," anang reyna. "Maaga pa, Ma!" protesta ni Jessie. "Tapusin mo lahat ang gawain mo sa tutor mo bukas. May lakad tayo sa isang araw, Jessie. Pupunta tayo sa Lime. Bibisitahin natin ang tiyahin nyo," anang hari. "Sa Lime?" usisa ni Niño sa ama. "Totoo po 'yan?" tanong ni Ricky. "May dadaluhan akong event sa hilaga. Malapit lang sa Lime District kaya naisipan ko na bumisita na rin tayo sa lolo nyo at mga tiyahin nyo roon. Baka doon na rin muna kayo titigil para makasama nyo ulit sya," anang hari. "Yehey!" ani Jessie. "Kaya nga matulog ka na nang maaga. Dahil kapag tinanghali ka at hindi mo natapos lahat school work mo, maiiwan ka rito," anang reyna. "Sige po. Good night," nagmamadaling wika ni Jessie na hinalikan isa-isa ang mga kapatid at magulang. "Good night," anang lahat. "Mauuna na rin akong pumasok sa kwarto. I enjoyed the evening. Thank you boys," anang reyna na tumayo. "Makikipagbonding muna ako sa mga boys," anang hari. "Sige. Goodnight boys," anang reyna. "Good night, Ma," anang tatlo. Isa-isang lumapit ang tatlo sa ina at humalik sa pisngi nito. Lumabas din ang reyna na masaya. "Laro tayo?" tanong ng hari. "Sige po," ani Ricky na sinet-up ang game console para sa laro. Nagkampihan ang apat at naglaro. Sa kalagitnaan ng laro napansin ni Niño na kakaiba na ang kilos ni Jude at wala nang focus. Naglalaro noon ang hari at si Ricky. Kinausap nya sa isip si Jude pero hindi ito tumutugon. Kaagad namang lumapit si Jude sa ama nya at sinakal ito mula sa likod. "Nathan," ani Ricky na kaagad inawat si Jude pero hindi nya ito mahawakan. Sinubukan ni Niño na pigilan si Jude. Hinawakan ng hari sa leeg at ulo si Jude binuhat at pinagulong paharap. Nakawala ito kay Jude. Sinaklangan ng hari si Jude sa dibdib hawak ang dalawang kamay nito. Nagpumiglas si Jude at tinangkang baliktarin ang posisyon nila ng hari pero nadepensahan ng hari ang lahat ng pagtatangka ni Jude. "Alexi!" tawag ni Niño. Lumitaw si Alexi at nakita ang sitwasyon. Kaagad naman nang hari na pinindot ang pressure point ni Jude sa ulo at nawalan ito ng malay. "Papa! Ayos ka lang?" tanong ni Ricky Tumango ang hari. Kaagad namang lumabas si Alexi saglit at tinawag ang isang security. Pumasok si Drew na kaagad sinuri si Nathan. "Anong nangyari kay Nathan?" tanong ng Drew kay Alexi. "Maayos na po sya. Nawalan lang ng malay, Kamahalan," ani Drew sa hari. "Epekto ng Blood Moon," anang hari. "Blood Moon?" tanong ni Drew. "Blood Moon, ang tawag sa panahon kapag lumalabas nang sabay ang dalawang buwan ng LeValle," paliwanag ni Ricky. "Mabuti pa ay magpahinga na tayo. Maaga pa tayo bukas," anang hari. "Ihatid ko na kayo sa kwarto nyo, Kamahalan," wika ni Alexi. "Maayos lang ako, Alexi. Kaya ko namang bumalik sa kwarto. Mauna na ako, boys. Pakitulungan na lang sina Ethan dito, Alexi," anang hari. "Good night, Pa," anang dalawa. "Magandang gabi," anang hari na hinawakan muna muli si Jude bago lumabas. Inasikaso nina Alexi at Drew si Jude na inilipat nila sa sofa. "Bakit Blood Moon? Bakit nagkaganito si Jude?" tanong ni Drew. "Fido!" tawag ni Niño. Lumabas si Fido sa human form nya. "Si Fido o si Fin lang ang makakasagot ng tanong mo, Bro," ani Ricky na tumingin kay Fido. "Blood Moon po ang panahon ng sumpa sa Master na hahawak kay Fin. Minsan na po syang nakontrol ng Master ng Greemlandia," ani Alexi. "Paano nangyari?" tanong ni Niño. "Noong unang panahon, noong panahong ang mga Guardians po ay ipinagkatiwala ng Phoenix God sa mga pinuno ng kaharian ang mga Guardians - sina Yuri, Beacon, Fin, Fido, Yuna at Ruy. Sa pagnanais ng unang hari na mapanatili ang kapayapaan, ipinagkatiwala ng inyong ninuno sina Ruy at Fin sa kanyang kapatid at sa mga pinagkakatiwalaan nyang mga tauhan sina Beacon, Fido at Yuna. Naging mapayapa ang buong kaharian at napamahal ang mga tao sa kanilang hari," kwento ni Ricky. "Ang pagmamahal na ito din ang naging dahilan ng inggit. Naghangad ang kapatid ng hari ng mas malakas na kapangyarihan sa pag-aakalang ito ang dahilan ng paggalang ng mga tao sa kanilang pinuno. Ang kapatid nang hari ay nagtangkang magrebelde sa LeValle kaya nakipagkasundo sya sa hari ng kasamaan para mapatalsik ang hari ng LeValle. Ginamit nya sina Ruy at Fin laban sa LeValle ngunit nabigo sila. Nabawi nang hari ang Guardian na si Fin ngunit hindi na nya nakuha si Ruy. Tumakas ito palayo ng LeValle kasama ng kanyang tauhan at doon nagsimula ang isang bagong kaharian. Dahil naging Master din ni Fin ang unang hari ng Greemlandia ay pilit nya itong tinawag at ginamit para mag-espiya sa LeValle," dugtong ni Fido. "Nagalit ang Phoenix God nang masaksihan ang paghihirap at pilit na paglaban ni Fin sa tawag ng kanyang Master. Pinakawalan ng Phoenix God si Fin sa kontrol ng sakim na kapatid ng hari. Binigyan nya ng kalayaang pumili ng Master ang mga Guardians. Natatag ang Greemlandia dahil sinumpa ng Phoenix God ang mga taong nagtaksil sa LeValle. Sinumpa rin na hindi sila makakatapak sa Templo ng Phoenix habang nabubuhay ang mga Master na nangangalaga dito. Para makaganti sa Phoenix God, sinumpa nang unang hari ng Greemlandia ang mga magiging Master ni Fin - na tuwing sasapit ang Blood Moon, ang panahon na nabigo silang patalsikin ang hari at pinatapon sila palabas ng kaharian, na kokontrolin nya ito para gamitin laban sa kasalukuyang hari ng LeValle," paliwanag ni Ricky. "Narinig ko na ang tungkol doon pero ngayon ko lang nakita ng personal," wika ni Niño. "Nangyayari lang po iyon kapag umabot na sa tamang gulang ang kumokontrol kay Fin," paliwanag ni Alexi. May solusyon ba para mapigilan ito?" tanong ni Niño sa mga kasama sa kwarto. Tumango si Alexi. "Ang tubig sa Phoenix Well. Kailangan nyang makainom ng tubig sa Banal na Bukal habang panahon ng Blood Moon. Ibig sabihin sa loob ng tatlong araw kailangan nyang tuluy-tuloy na makainom ng tubig mula sa bukal," sagot ni Alexi. "Kukuha ako ng tubig," wika ni Ricky. "Huwag na kayong mag-abala. May dala pong tubig si Heneral Emir mula sa bukal. Nagtungo po sya ngayon sa Templo ng Phoenix para bumisita sa Master ng Templo. Magpapadala na lang ako ng mensahe sa mga tauhan natin sa hilaga para makapagpadala pa ng tubig para sa Kamahalan," tugon ni Alexi. "Pakipaalam kay Heneral Emir na kailangan ng Prinsipe Nathan ang tubig mula sa bukal ng Phoenix," utos ni Alexi sa isang bantay. Kaagad naman iyong sumumod. Lumitaw si Fin sa human form. Lumuhod sya sa harap nina Niño at Ricky. "Humihingi ako ng tawad, mga Kamahalan sa paghihirap na dinulot ko kay Master Nathan," wika ni Fin na nakayuko. "Wala kang kasalanan. Walang may kagustuhan na mangyari ito maliban sa hari ng Greemlandia. Wala ka dapat ihingi ng tawad," tugon ni Ricky. Makaraan ang ilang saglit at bumalik ang bantay na may dalang isang water bottle. Kumilos si Nathan at huminga ng malalim. "Nagigising na sya," ani Alexi. Nagmulat si Jude nang mata bago dahan-dahang umupo. "Inumin mo muna ito, Kamahalan," wika ni Alexi na inabot ang baso na may lamang na tubig mula sa lalagyan na dinala ng kawal. Lumagok si Jude na napatigil sa pag-inom. "Ang pait!" reklamo ni Jude na pinahid ang bibig nya. "Patikim nga," ani Niño na tinikman ang tubig sa baso ni Jude. "Hindi naman. Manamis-namis nga ang lasa," wika ni Niño. "Kailangan mong ubusin 'yan, Jude. Makakatulong iyan sa iyo," wika ni Ricky. Lumagok muli si Jude nang tubig sa baso. Nakakalahati na sya nang tumigil syang muli. "Ano po ito? Sobrang pait po talaga!" angal ni Jude na pilit nilunok. "Tubig iyan mula sa Phoenix Well. Makakatulong sa inyo 'yan para hindi na maulit ang nangyari. Kaya kailangan mong maubos 'yan, Kamahalan. Magbabago ang lasa nyan sa kalaunan, Prinsipe," sagot ni Alexi "Ano pong nangyari?" tanong ni Jude na humawak sa noo nya. "May naaalala ka ba?" tanong ni Drew. Umiling lang ito kaya pinakita ni Niño sa isip ni Jude ang nangyari. "Pasensya na po. Hindi ko talaga maalala. Pasensya na po kung nasaktan ko si Papa," wika ni Jude. "Mas maganda siguro na kay Papa ka humingi ng pasensya," payo ni Ricky. "Opo. Gagawin ko po bukas," sang-ayon ni Jude. "Mabuti pa ay ubusin mo na 'yan, Budz para makapahinga ka na," ani Niño. Pinilit ubusin ni Jude ang tubig. "Magaling. Kakailanganin mong uminom nito makaraan ang apat na oras sa loob ng tatlong araw. Hindi naman magiging mahirap sa'yo ito dahil malakas ka uminom ng tubig," ani Alexi. "Sige na. Lumipat na tayo sa kwarto mo," wika ni Niño. "Mas makabubuting may kasama ka ngayong gabi para magmonitor sa'yo," ani Alexi. "Ako na pong bahala sa kanya. Doon muna ako sa kwarto nya matutulog," wika ni Niño. "Kaya ko naman," protesta ni Jude habang inihatid sila nina Ricky at Alexi. "Mabuti na ang sigurado. Baka kung ano pang mangyari sa iyo," ani Ricky. "Ok po," suko ni Jude. Pagdating sa kwarto ni Jude ay kaagad pumasok si Jude sa kwarto. "Kung may problema. Dalawang ring o papuntahin mo sa kwarto ko isang security," bilin ni Ricky. "Opo," ani Niño na sinara ang pinto ng kwarto. "Ihatid na kita sa kwarto mo. Alam kong may nais kang malaman," wika ni Alexi kay Ricky "Bakit ayaw pong gumana ang kapangyarihan ko kay Jude? Hindi ko rin sya mahawakan kanina," tanong ni Ricky habang naglalakad sila. "Dahil sa kabaliktaran ng kapangyarihan ni Yuri ang buwan ng Blood Moon kaya hindi ito tumatalab. Ang buwan ang nagti-trigger ng nangyayari kay Jude kaya wala kang magagawa. Kontrolado mo ang elemento ng apoy at mga elemento na may kinalaman dito ang lupa. Ang buwan ay bahagi ng kapangyarihan ng liwanag pero nababahiran ng kasamaan dahil elemento ito ng dilim. Tanging kapangyarihan lang ng Phoenix God sa pamamagitan ng Phoenix well ang makakatulong sa kanya ngayon," paliwanag ni Alexi. "Salamat po sa tulong," ani Ricky nang makarating sa pinto ng kwarto. "Nie kelania (Walang anuman)," wika Alexi na nakangiti. "Kayo po ba ang escort bukas namin patungo sa hilaga?" tanong ni Ricky. "Opo. Nagbilin po si Heneral Emir na samahan kayo. Kasama po si General Emir sa sasalubong sa inyong ama bukas sa kasiyahan. Ako po ang bahala sa security ng Royal Family. Minimal lang po ang security sa inyo dahil pinasama ng Heneral Ren sina Drew at Mike," sagot ni Alexi. "Maraming salamat po," ani Ricky. "Alam ko namang kampante ka kapag kasama ang magpinsan kaya nang banggitin ni Heneral Ren ang dalawa ay hindi ako maaaring tumanggi. Sige na po, magpahinga na kayo. Imo-monitor ko lang ang kambal," wika ni Alexi. Pumasok si Ricky sa kwarto nya at nagpahinga. Nagising si Ricky nang madaling araw dahil sa isang babala sa panaginip. May narinig din syang kaluskos sa labas ng pinto ng kwarto nys. Lumabas sya sa kwarto nya at nakita ang isang security na nakaantabay sa labas ng pinto ng kwarto nya. Nag-uukit ito nang mapansin sya. "Kamahalan, gising pa kayo?" tanong ng security. "Nagising lang po," ani Ricky. "Pasensya na po kayo kung nagambala ko pagtulog nyo. Ito po ginagawa ko para hindi po ako antukin," anang security. "Hindi naman po. Sisilipin ko lang po si Jude sa kwarto nya," wika ni Ricky. "Samahan ko po kayo?" tanong ng security. "Hindi na po. Ituloy nyo na lang ang ginagawa nyo riyan. Sandali lang naman po ako," tanggi ni Ricky. "Sige po. Mag-ingat kayo," anang security. Pumunta si Ricky sa kwarto ni Jude. Isang security ang nakabantay sa labas ng kwarto. "Kamahalan!" anang security na yumukod. "Kamusta ang dalawa?" tanong ni Ricky. "Nagpapahinga pa po ang kambal. Sumilip na po kanina ang inyong ama," anang security. "Silipin ko lang sila," paalam ni Ricky. Dahan-dahang binuksan ng security ang pinto ng kwarto ni Jude. Pumasok si Ricky. Nakita nyang natutulog sa kama si Jude habang si Niño ay nagbabasa sa isang upuan. Tumutugtog noon ang recording ng awit ni Jessie. Naramdaman ni Niño na may pumasok kaya napalingon sya sa pinto. "Kuya!" ani Niño. "Kamusta na si Jude?" tanong ni Ricky. "Dalawang beses ko na syang ginising. Pinainom ko na po sya ng tubig. Binabangungot sya kaya pinatugtog ko ulit ang awit ni Jessie. Ngayon lang sya nahimbing," sagot ni Niño. "Eh bakit hindi ka pa natutulog? Baka ikaw naman ang magkasakit," nag-aalalang wika ni Ricky. "Nakatulog na po ako ng kaunti. Nagising lang po ako ng bangungutin si Jude. Nagpapaantok po ulit lang," tugon ni Niño. "Sige magpahinga ka na. Mukhang mahimbing na ang itutulog ni Jude," wika ni Ricky na hinagod ang buhok ni Niño. Lumabas si Ricky sa kwarto. "Pakitanong nga po sa mga security kung bukas ang opisina ni Papa?" tanong ni Ricky. Rumadyo ang security at kinumpirma kung nasaan ang hari. Nagpasalamat si Ricky. Nagtungo sya sa study room ng ama nya kung saan nakita nyang bukas ang isang study lamp. Kumatok muna si Ricky bago pumasok. Napalingon ang hari sa pinto. "Ikaw pala Ethan! Anong ginagawa mo rito?" tanong ng hari na yumuko muli at nagpatuloy sa pagsusulat. "Hinahanap po kayo. Sumilip daw kayo kanina kay Jude, kaya naisip ko na gising pa kayo," wika ni Ricky. "Ihinahanda ko lang ang aking talumpati para mamaya," anang hari na tinanggal ang salamin nya at tumigil sa pagsusulat. "Kamusta na si Nathan?" tanong ng hari. "Mahimbing na po ang tulog nya," sagot ni Ricky. "Mabuti naman. Pasensya na at naipasa ko sa inyo ang bigat ng responsibilidad ng pagiging Masters ng Guardians," anang hari. "Huwag nyo pong alalahanin. Hindi nyo po kasalanan. Ang Guardians po ang pumipili ng kanyang Master," tugon ni Ricky. Saglit napaisip ang hari bago ngumiti. "Tama ka. Iyan din ang sinabi ng aking ama noon. Malaking tungkulin ang nakaatang sa mga balikat nyo," anang hari. "Kaya namin, Pa. Kaya siguro kami ang napili," sabi ni Ricky. "Naaawa ako sa kalagayan ni Jude ngayon," anang hari. "Kaya nya iyan, Pa. Mas mahirap ang dinanas nya. Hindi namin pababayaan ang isa't- isa. Huwag nyo po kaming alalahanin. Kaya namin ito, Papa," paniniyak ni Ricky. "Malaki na nga ang pinagbago nyo. Ang dating mahiyain na si Niño ngayon ay buo na ang loob. Si Jude naman na padalos-dalos at mainit ang ulo ay natuto nang maghintay at magpasensya. Kahit na ikaw na halos ayaw makihalubilo noon ay natutong makibagay," anang hari na napangiti. "Kinailangan naming matutunan lahat iyon, Pa. Tinuro sa amin iyon ng mga taong nangalaga sa amin para mapangalagaan namin ang sarili namin," sabi ni Ricky. "Nakakatuwang parang nakikipag-usap ako sa isang sundalo. Isa ka na nga palang Colonel sa ating hukbo," anang hari na natatawa. "Handa po kami na ipagtanggol ang LeValle hanggang kamatayan," wika ni Ricky. "Oo nga pala. Napag-usapan na namin ng mama mo ang tungkol sa sinabi mo at napagpasyahan namin na papasukin na sa regular school si Jessie sa susunod na semestre. Pinag-iisipan pa namin kung saang paaralan namin sya papapasukin sa darating na semestre," anang hari. "Matutuwa po si Jessie sa balitang iyan. Salamat papa," ani Ricky na napangiti. "O sya, magpahinga ka na. Maaga tayong aalis mamaya. Matutulog na rin ulit ako," anang hari. "Magandang umaga po," bati ni Ricky. "Magandang umaga din," anang hari. Lumabas ng silid at bumalik sa sarili nyang kwarto si Ricky.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD