“Ang suwerte naman.” “Suwerte ba talaga?” Hindi ko na nilingon kung sino ang mga nagsasalita. Diretso lang ako sa restroom sa may dulo ng hallway. Pagpasok ko, agad kong isinara ang pinto at dumiretso sa isang cubicle. Nanginginig ang mga kamay ko habang inila-lock ko iyon. Doon lang ako nakahinga nang malalim. Naupo ako sa nakatakip na toilet bowl at sumandal sa tangke niyon at napapikit. Bakit ba ganito? Plano ko lang namang itulak siya palayo. Pero mas lalo lang kaming nalalagay sa mga alanganing sitwasyong gaya nito. Dinala ko ang mga daliri ko sa labi ko. Nakakainis ka talaga, Ashton. Hindi ko alam kung mas galit ako sa kaniya o sa sarili ko. Ilang segundo pa lang akong tahimik sa loob nang bumukas ang pinto ng restroom. May pumasok na grupo ng mga babae. Tatlo. O apat siguro.

