Chapter 3: The Girl From the Orphanage

1385 Words
MAAGA pa lang, gising na si Averie Funtaniel. Banayad ang hangin na pumapasok sa lumang bintana ng dormitoryo ng Saint Felicity Orphanage. Ang sinag ng araw ay malambot na humahaplos sa kanyang mukha, parang ipinapaalala na bagong umaga na naman—ngunit iba ito sa mga nauna. Kahit ilang ulit niya sabihin sa sarili na “kaya ko ‘to,” may kung anong bigat pa rin sa dibdib niya. Ngayon na kasi ang araw ng pag-alis niya. Tapos na siya sa senior high at kailangan na niyang lumuwas papuntang Maynila para mag-aral ng kolehiyo. Tahimik siyang tumayo sa kama at tiniklop nang maayos ang kumot. Nilapag niya sa ibabaw ng kama ang lumang maleta na binigay sa kanya ni Sister Delia. Malungkot ang mukha niya habang nag-sisilid ng kanyang importanteng gamit katulad ng pictures ng kanyang mama Grace, mga mahahalagang dokumento niya at mga damit. Pati ang maliit na stuffed bear na gawa ni Buknoy gamit ang lumang medyas. “Huwag mong kalimutan dahil 'to, Ate Avi,” sabi pa nito kagabi habang umiiyak. Napangiti siya kahit nangingilid ang luha. Kinuha niya rin ang laptop na pinadala sa kanya ni Uncle Thanos na dumating kahapon. Maingat niya itong sinilid sa kanyang maleta. Si Uncle Thanos ang nag- sponsor sa kanya hanggang ngayon. Hindi pa niya ito nakikita pero kahit ganoon, ay nirerespeto niya ito at malaki ang utang na loob niya sa taong ito. Pagbaba niya sa kusina, naamoy agad niya ang amoy ng mainit na tsokolate ni Sister Delia. Nandoon din si Sister Susan, at ilang batang nag-aagawan sa tinapay. Parang ordinaryong umaga lang—pero lahat ay pinipilit maging matatag. “Ate Avi!” sigaw ni Judith, anim na taong gulang, habang tumatakbo papunta sa kanya at niyakap siya nang mahigpit. “Hindi na ba tayo magkikita?” sabi nito habang suminghot at lumuluha na. “Sus, iyakin ka talaga,” sabat ni Tantan, sabay punas rin siya ng luha na hindi niya pinahalata. “Ate Avi, magte-text ka sa amin, ‘di ba?” Napangiti si Averie, sabay yakap sa kanila pareho. “Oo naman, araw-araw kung gusto niyo. Promise ko ‘yan.” Habang nag-aalmusal silang lahat, ramdam niya ang katahimikan. Ang bawat kagat ng pandesal, bawat halakhak ng bata, bawat tingin ng mga madre—lahat may halong pangungulila. Lumapit si Sister Delia sa kanya dala ang sobre. “Ito, anak. Pamasahe mo papuntang Maynila. At itong rosaryo, huwag mong iwawala. Hindi man ito marangya, pero kasama mo kami diyan sa bawat dasal.” Kinuha ni Averie ang sobre at rosaryo, at doon na siya tuluyang napaiyak. “Salamat po, Sister. Kung wala kayo, baka... baka hindi ko alam kung nasaan ako ngayon.” Lumapit si Sister Susan at hinaplos ang buhok niya. “Huwag kang matakot sa labas, Averie. Hindi lahat ng tao masasama. Pero matutong pumili kung sino ang dapat mong pagkatiwalaan, ha?” Paalala nito habang nagtatangis na. Tumango siya, at muling niyakap ang mga batang lumapit sa kanya na halos hindi na bumibitaw. Lahat na sila ay nagyakapan at nag-iyakan na. Mas lalo ang tatlong bata na inalagaan ni Avi noong maliliit pa ito na sila Buknoy, Tantan at ang makulit na si Judith. "Ate Avi," humikbi si Buknoy, "wag mong iwawala si Noynoy (the makeshift stuffed bear) tumingin ka lang diyan maaalala mo kami." Bumuhos ang luha ni Averie sa sinabi sa kanya ni Buknoy. Siya ang pinaka- close ni Avi sa mga batang inalagaan niya. Mabait kasi ito at matalino. "Ikaw na ang kuya ngayon, Buknoy..." habang suminghot at nagpunas ng luha. "Pangako mo kay Ate Avi, aalagaan mo ang mga maliliit mong kapatid. Huh?" Napasinghap siya dahil sa patuloy na pag- agos ng mga luha niya. "Opo, Ate." Sagot ng batang si Buknoy habang sa patuloy na pagluha nito. Natapos ang makapagdamdaming almusal na hindi niya makakalimutan sa tanang buhay niya. Ito kasi ang una't huli na ang bigat ng umaga na 'yon, na naging tahanan niya ng halos buong buhay niya. Paglabas niya ng gate, ramdam niya ang malamig na simoy ng hangin at ang bigat ng maleta sa kamay. Ngunit mas mabigat ang mga yakap na iniwan niya. Lumingon siya sa bahay na tinuring niyang tahanan sa loob ng labing-limang taon. Doon siya unang natutong magmahal, tumawa, umiyak—at mangarap. “Paalam po, Saint Felicity,” mahina niyang sabi, sabay ngiti kahit nanginginig ang labi. “Babalik po ako. Pangako.” At sa likod ng mga ulap, tila naroroon ang mga alaala ng isang batang minsang dumating dito sa edad na dalawang taon, may hawak na lumang laruan at may ngiting kay liwanag—na ngayon, papasok na sa mas malawak na mundo. Dear Uncle Thanos, Ngayon po, umiiyak ako kasi aalis na ako sa bahay ampunan. Pero salamat sa'yo, kasi matutupad na mga pangarap ko na makapag- aral sa Manila. Pangako ko po gagalingan ko at pagbubutihin ko ang pag- aaral ko. Salamat po sa lahat. Love, Avi [Email sent] Nag- bus lang si Averie papuntang Maynila. Kinakabahan man, ito kasi ang unang beses niya na maglalakbay ng malayo na mag-isa. Pero, kailangan niya maging matatag at burahin ang takot sa puso't isipan niya. Ang tunog ng bus ay parang himig ng pagbabago—mahaba, maingay, pero puno ng pangako. Mahigpit ang kapit ni Averie sa kanyang handbag kung nasaan ang wallet, National ID at cellphone nakalagay. Mga madadaling dukutin na importante. Habang naka tanaw sa bintana ang mga lumilipas na taniman, mga bahay, at unti-unting nagiging semento at gusali ang paligid. Pagdating sa terminal, sinalubong agad siya ng alinsangan at ingay ng Maynila. Mabigat ang hangin, halong usok at sigawan ng mga tinderang nag-aalok ng bottled water at mani. “First time mo rito, miss?” tanong ng konduktor habang iniaabot ang sukli niya dahil walang bariya kanina ang konduktor. “Opo,” mahina niyang sagot, sabay ngiti kahit kinakabahan. Lumabas siya ng terminal at huminga nang malalim. “Kaya ko ‘to,” sabi niya sa sarili. Ngunit ilang hakbang pa lang, naramdaman niyang parang may sumusunod sa kanya. Lumingon siya—walang kakaiba. Marahil, imahinasyon lang. Huminto siya sa gilid ng kalsada para tumawag ng taxi. Habang nilalapag niya ang maleta sa may gilid, isang lalaki ang biglang sumingit. “Miss, excuse po—” Hindi na niya natapos dahil hinablot nito ang bag niyang nakasabit sa balikat niya. “Ay! Hoy! Yung bag ko!” sigaw niya, sabay habol, pero mabilis tumakbo ang lalaki sa masikip na eskinita. Hindi niya rin siya makahabol sa lalaki dahil hila-hila niya ang maleta niya. Napaluhod siya sa bangketa, halos maiyak. Lahat ng importanteng papeles niya nandoon— wallet, National ID, at cellphone. Napahawak siya sa dibdib, halos hindi makahinga sa sobrang kaba. “Anong gagawin ko ngayon…” bulong niya. “Miss, okay ka lang?” Isang boses ng lalaki mula sa likod ang nagtanong sa kanya. Lumingon siya rito. Nakaputing polo ito at may dalang backpack. Nakatingin ito sa kanya nang may pag-aalala. “’Yung snatcher, dumanan dito—hinabol ko, pero nawala sa kanto,” sabi nito, hingal na hingal. “May nakuha akong wallet mo, nahulog siguro habang tumatakbo siya.” Inabot iyon sa kanya. Parang gustong umiyak ni Averie sa ginhawa. “Salamat… salamat talaga." Nang mapasakamay ang wallet niya, hinalik-halikan pa niya ito. Nandito kasi ang ilang pictures niya sa bahay- ampunan, National ID at allowance niya, ATM card at kaunting pera para sana pang isang linggo niya. Kaso yung cellphone niya nakuha, bigay pa naman iyon sa kanya ni Uncle Thanos niya. “Walang anuman. Gusto mo hatid na kita sa St. Claire University? Malapit lang yun dito, student ka rin doon tama?” Kumunot ang noo ni Averie sa pagtataka na kung paano nalaman na student siya sa St. Claire University. "Paano mo nalaman na student ako doon?" Natawa ito ng banayad. Nakikitaan ito ng may pagkagandang lalaki. "Ah yung keychain sa maleta mo." Turo niya rito. "SCU 'yan." Ngumiti siya, kahit nanginginig pa rin ang mga kamay. “Salamat ulit. Ako nga pala… Averie Funtaniel.” Ngumiti rin ang lalaki at iniabot ang kamay. “Jace. Jace Velasquez.” At sa unang araw niya sa Maynila, sa gitna ng gulo at ingay, unang beses din siyang nilapitan ng tadhana—sa anyo ng lalaking may ngiting hindi niya malilimutan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD