Athalia'sPOV
Nang makapasok ako sa CR, humarap ako sa salamin at tiningnan ang aking repleksyon. Nakikita ko ang isang babae na kababakasan ng kasiyahan sa mukha dahil makakasama na niya ang kaniyang matalik na kaibigan, at takot sa pwedeng mangyari. Ano ba ang naisip ni Luke at kinuha niya akong sekretarya niya?
Nag-iisip ba siya? Bumuntong-hininga ako. Sabagay, walang masama sa ginawa niya. Pero ginulat niya ako. Hindi man lang siya nagsabi sa akin na may balak siyang ganito para hindi ako nagulat.
Ngayon, walang dahilan para iwasan ko pa siya. Dahil kahit iwasan ko siya, siya ang kusang lumalapit sa akin. Ano bang ginagawa mo sa akin Luke? Ipinikit ko ang aking mga mata at pinakalma ang sarili. Binuksan ko ang faucet at naghugas ng kamay.
Muli, bumuntong-hininga ako bago nagpasyang lumabas ng comfort room. Nang makalabas ako, nakita kong seryusong nag-uusap sina Luke at Mr. Lereño habang may papel na nasa harapan nila. Iyon na ba ang kontrata?
Naglakad ako palapit sa kanila. Lumingon sa direksyon ko si Luke at hindi nakatakas sa aking paningin ang paghagod niya sa aking kabuuan. Bigla akong naasiwa kaya nag-iwas ako ng tingin. Nang makalapit ako sa mesa, umupo ako sa aking upuan. Lumingon sa akin si Sir Lereño at kinuha ang papel na nasa harap ni Luke saka ibinigay iyon sa akin.
"Pirmahan mo Ms.Ramos." Itinuro niya ang aking pangalan kung saan ako pipirma. "Nakasaad diyan na ikaw ang magdedesisyon hanggang kailan mo gusto magtrabaho bilang sekretarya ni Mr. Sebastian. Ibig sabihin, may karapatan ka kung hanggang kailan mo gusto magtrabaho sa kaniya. Dalawang araw sa isang linggo ang trabaho mo sa kaniya," aniya.
Tumango ako bilang pagsang-ayon. Kinuha ko ang ballpen na nasa tabi ng laptop at pinirmahan iyon. Matapos pirmahan, ibinigay ko iyon kay Mr. Lereño.
"Okay. So, na-settle na natin. Kaya aasahan ko na magiging maayos ang lahat. Hopefully, maging matagumpay nawa ang ating pagiging magkasosyo, Mr. Sebastian," ani Mr. Lereño kay Luke.
"Of course," tugon ni Luke habang nakatingin sa akin. Nagbaba ako ng tingin dahil hindi ko kayang salubungin ang kaniyang titig.
"Okay. I have to go. Makikipagkita ngayon sa akin si Mr. De Guzman para pag-usapan ang mahahalagang bagay patungkol sa pagpapalawak ng aming negosyo. Mauna na ako," ani Mr. Lereño at tumayo na.
Si Mr. De Guzman ay isa sa pinagkakatiwalaan niyang kasosyo sa Heirwone Enterprise. Ngayon naman kasosyo niya na rin si Luke. Hindi basta-basta nagtitiwala si Mr. Lereño sa ibang tao. Hindi ko alam kung paano napapayag ni Luke si Mr. Lereño para maging kasosyo niya ito. Marahil, inerekomemda siya ni Ate Melissa kay Mr. Lereño.
"Aalis na rin po ako, sir," ani ko at kinuha ang laptop. Inilagay iyon sa laptop bag. Akmang tatayo ako ng magsalita si Luke.
"Mag-uusap pa tayo, Athalia." Binalingan niya si Mr. Lereño. "Ako na po ang bahala sa kaniya. May pag-uusapan lang kami," aniya.
Tumango si Mr. Lereño at naglakad palabas ng VIP Room. Samantala, naupo akong sa upuan. Tiningnan ko si Luke na nahuli kong nakatitig sa akin.
"Iniiwasan mo ba ako Athalia?" tanong niya sa akin.
Nakita ko ang pagkislap ng sakit sa kaniyang mga mata. Hindi lang naman siya ang nasasaktan. Ako rin. Gustong-gusto ko siyang makasama pero hindi pwede.
"Oo, dahil iyon ang kailangan. Luke, may girlfriend ka. Ano nalang mararamdaman ni Mickhaela kapag nakita niyang magkasama tayo? Hangga't maaari ayaw kong ako ang maging dahilan ng pagtatalo niyo," ani ko sa kaniya. Tumiim ang bagang niya.
"Alam niyang magkaibigan tayo at tiyak na maiintindihan niya. Mas una kitang nakilala kaysa sa kaniya kaya wala siyang karapatan na magselos sa iyo. Mas lalo ang paghiwalin tayo. Kaytagal nating hindi nagkita, Athalia. Hindi ko hahayaan na may humadlang sa pagkakaibigan natin," aniya na matiim na nakatitig sa akin.
Sinalubong ko ang kaniyang titig. Yun nga ang masakit Luke, na magkaibigan lang tayo. Iyon ang gusto kong sabihin sa kaniya. Pero, wala ring mangyayari dahil tiyak na wala siyang nararamdaman para sa akin. Mapait akong napangiti sa isiping iyon. Hanggang dito lang talaga siguro kami. Hanggang magkaibigan lang ang magiging papel ko sa kaniyang buhay.
"Okay. Sabihin mo sa kaniya. Dahil ayaw kong magkaroon ng kaaway. Oo, mahirap lang kami Luke. Pero hindi ko hahayaan na may masabi siyang hindi maganda sa akin kapag naging sekretarya mo na ako dahil kahit sino pa siya hindi ko siya uurungan. Pinalaki ako na may dignidad na kahit mahirap kami, hinding-hindi ako magpapaapi," ani ko na matalim na nakatitig sa kaniya. Tumaas nag sulok ng kaniyang labi.
"Palaban ka pa rin hanggang ngayon, Athalia. Kaya nga sa paglipas ng panahon mas lalo—" Naputol ang iba pa niyang sasabihin ng tumunog ang ring tone ng cellphone ko. Kinuha ko iyon sa aking shoulder bag na nasa mesa. Si Charles ang tumatawag.
"Si Charles ang tumatawag. Saglit at sasagutin ko," ani ko at bago ko pa masagot ang tawag nakita ko ang pagdidilim ng kaniyang mukha. Galit ba siya? Hindi ko na lang siya pinansin at inilagay sa taenga ang cellphone.
"Hello Charles. Good afternoon!" masiglang bati ko sa nasa kabilang linya.
"Good afternoon din, Ath. Nandito ako ngayon sa building na pinagtratrabahuhan mo. Susunduin ka. Tinanong ko sa receptionist kung out mo na, ang sabi niya umalis ka daw kasama si Mr. Lereño. Asaan ka para masundo kita?" aniya. Sh*t! Bakit hindi ko naalala na susunduin niya ako ngayon? Bumuntong-hininga ako.
"I'm sorry Charles, biglaan kasi itong meeting ko sa Boss ko. Hindi ko naalala na susunduin mo pala ako ngayon. Naabala pa kita," ani ko at tiningnan si Luke na nagtatagis ang bagang.
"Ako ang maghahatid sayo. Kaya sabihin mo sa kaniya na umuwi na," aniya sa mahina pero matigas na boses.
Bigla akong kinilabutan sa boses na ginamit niya. Napalunok ako nang makitang matalim ang tingin niya sa akin. Sa hindi malamang kadahilanan napatango ako. Sumilay ang matamis na ngiti sa kaniyang labi.
"Okay. Asan ka ba ngayon at susunduin kita?" tanong niya ulit. Umiling ako na para bang nasa harapan ang kausap ko.
"Uhm. Charles sa susunod na lang. Kasama ko si Luke," ani ko. Ilang segundong natihimik si Charles na nasa kabilang linya.
"Charles?" tanong ko sa kaniya. Tumikhim siya.
"Okay Ath, take care. May next time pa naman," aniya at pinatay ang tawag.
Ramdam ko sa boses ni Charles na nagseselos siya kay Luke. Sino nga ba ang hindi? We are friends after all. Bumaling ako kay Luke na nakatitig pa rin sa akin.
"What?" tanong ko sa kaniya. Umiling siya.
"Nothing. So let's go? Sa lunes ka na magsisimula sa pagiging sekretarya ko, Athalia. So better prepare," aniya at ngumiti. Parang may iba sa ngiti niya. May binabalak ba siya?
LUMABAS kami ni Luke ng restaurant at tinungo ang parking area kung saan naroon ang black Sedan niya. Hindi ko maiwasang humanga sa ganda ng sasakyan. Pinagbuksan niya ako ng pinto ng passenger's seat. Nang makapasok ako, inilagay ko ang seatbelt. Nang makapasok si Luke sa driver's seat at mailagay ang seatbelt, agad niyang pinausad ang sasakyan palabas ng parking lot.
"Kamusta na pala si Tito Adan?" tanong ko nang maalala ang ama ni Luke.
Naging mabait siya sa akin noong nandito siya sa Pilipinas. Kamusta na kaya siya? Sinulyapan ko si Luke. Bahagya siyang natigilan.
"Ayos lang naman siya." Tumingin siya sa'kin. Nakita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Malungkot ba siya dahil hindi niya kasama si Tito Adan ngayon? Ibinalik niyang muli ang tingin sa daan. "Ikaw? Kamusta kayo ni Charles?" tanong niya sa akin.
"Ahm. Ayos lang naman. Mabait siya at maalalahanin," ani ko at tiningnan siya. Nakita ko ang pagtatagis ng bagang niya.
"Basta huwag ka lang niya sasaktan. Ako ang makakalaban niya Athalia," aniya at tumingin sa'kin na may matalim na mata. Tumango ako.
"Hindi niya ako sasaktan. Sinisiguro ko yan. Mabait na tao si Charles. Ramdam ko ang sinseridad sa panliligaw sa akin. Kaya huwag kang mag-alala. Kung sasaktan niya ako hindi ako mangingimi na makipaghiwalay sa kaniya kapag naging kasintahan ko na siya," ani ko.
Hindi na nagkomento pa si Luke sa sinabi ko kaya tumingin ako sa labas ng bintana para pagmasdan ang mga bahay na nadadaanan namin. Mukhang malapit na kami sa bayan. Lagpas kasi ng bayan ang restaurant. Hanggang sa makarating namin ang bahay. Tiningnan ko ang relong-pambisig.
Alas-sais na ng gabi. Lumabas ako ng Sedan at hindi na hinintay si Luke na pagbuksan ako. Tumingala ako sa langit, makulimlim ang kalangitan. Mukhang uulan. Biglang bumukas ang pintuan ng bahay at lumabas roon si inay na may bitbit na plastic bag, na marahil ang laman ay basura. Lumabas na rin ng Sedan si Luke.
"Athalia? Luke?" ani inay at naglakad palabas ng gate.
Inilagay sa gilid ang plastic bag. Kinukuha iyon ng garbage truck kapag madaling araw. Umiikot iyon sa barangay.
"Tita Carmen!" ani Luke at nilapitan si inay at nagmano. Lumapit na rin ako at nagmano kay inay.
"Magandang gabi inay," magalang kong bati. Tinanguan niya ako.
"Pasok ka Luke. Dito ka na maghapunan. Magluluto ako ng afritada. Tiyak na namiss mo na iyon," ani inay. Bago pa makasagot si Luke, inunahan ko na siya.
"Nay, mukhang uulan. Baka ma-stranded si Luke. Mahirap pa man din bumiyahe na umuulan, madulas ang daan." ani ko. Tiningnan ako ni Luke subalit ibinalik muli iyon kay inay.
"Okay lang po, tita. Gusto ko pong matikman ang luto niyo," ani Luke na may malapad na ngiti sa mga labi.
Bumuntong-hininga ako. Mukhang wala na ako magagawa. Malapad na napangiti si inay at nauna ng pumasok sa loob ng bahay. Samantalang ako naman ang nag-lock ng gate. Biglang nagtaasan ang balahibo ko ng may matitipunong braso ang yumakap sa beywang ko. Nakaramdam ako ng kiliti ng tumama ang hininga niya sa aking taenga.
"I miss you, best," ani Luke na naging dahilan para manghina ang mga tuhod ko.
Kumapit ako ng mahigpit sa rehas ng gate para doon kumuha ng lakas dahil pakiramdam ko mawawalan ako ng malay. Humarap ako kay Luke at nagsisi ako sa ginawa ko dahil mas lalong naglapit ang aming katawan. Kahibla nalang ang layo ng aming mga mukha. Mabilis rin ang pagtibok ng aking puso. Pakiramdam ko ang init ng katawan ko dahil sa pagkakadikit ng aming katawan.
"Say that you miss me too, Athalia. Please say it," aniya sa nagmamakaawang boses. Lumunok muna ako para mawala ang bara sa aking lalamunan.
"I miss you too, Luke," ani ko pero huli na para bawiin ko pa ang sinabi ko. Tumaas ang sulok ng kaniyang labi habang nakatitig sa akin. Nang humiwalay siya sa pagkakadikit ng aming katawan. Doon lang ako nakahinga ng maluwang.
"Tara na sa loob, medyo malamig na ang simoy ng hangin. Mukhang uulan na," aniya.
Tango lang ang isinagot ko dahil walang lumabas na salita sa mga bibig ko. Pinagsiklop niya ang aming mga kamay. Tumingin ako sa magkasiklop naming mga kamay. Pilit ko iyon hinihila, subalit mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko.
"Kahit ngayon lang Athalia, mahawakan ko ang kamay mo. Pagdating natin sa loob bibitawan ko na," aniya at humarap sakin.
Nangungusap ang kaniyang mga mata. Naghihintay ng positibong tugon. Bumuntong-hininga ako. Wala namang masama kung magkahawak ang kamay namin. Besides, we're friend. 'Yun ang masakit na katotohanan, we're just friends. Tumango ako at ngumiti.
"Sure. Besides, we are friends," anito.
Nakita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Nalulungkot rin ba siya dahil magkaibigan lang kami? Pero, pagdaka'y nawala din iyon at napalitan ng ngiti. Baka namalik-mata lang ako. Hinila niya ako patungo sa loob ng bahay habang magkahawak ang aming mga kamay.
Masaya ako dahil magkasama kami ngayon. Walang dahilan para itanggi ko iyon. Pero hanggang kailan? May kasintahan siya at magiging kasintahan ko si Charles kapag sinagot ko na siya. Bahala na. Sa ngayon, hindi ko muna iisipin iyon. Susulitin ko na ang mga araw na magkasama kami dahil darating ang panahon na maghihiwalay na ang aming mga landas. Because we're not meant to be. Masakit man, pero kailangang tanggapin.