Nagising si Franceska dahil sa malakas na tunog ng kanyang alarm clock. Pupungas-pungas siyang inabot ang alarm clock sa side table. In-off niya ito at saka tinatamad na bumangon. Nang biglang tumunog naman ang message alert tone ng kanyang Cellphone. Sino kaya ang nagtext? Sa isip ng dalaga. Inabot niya agad ang Cellphone at tinignan ito. Nakita niya sa screen na ang numerong ginamit kagabi ni Grey ang nakita niya sa screen. Agad na binasa ito.
"Good Morning, have a great day," sabi ng binata sa text message nito.
Hindi niya alam kung bakit pero hindi siya nag-abalang replyan ang binata. Nilapag niyang muli ang kanyang Cellphone at saka kinuha ang tuwalya na nakasabit sa likod ng pinto ng kanyang kwarto.
Pagkatapos niyang maligo ay agad siyang nagsuot ng damit. Hindi na siya nag-uniporme dahil wala naman na silang pasok kung tutuusin, kaya nagsuot na lang siya ng simpleng blouse at jeans. Pagkatapos niyang magbihis ay muling tumunog ang kanyang Cellphone,
kinuha niya ito at si Grey ulit ang nagtext.
"Take care when you go to school,"
Katulad ng ginawa niya kanina ay hindi niya nireplyan ang binata, nilagay niya ang Cellphone sa kanyang bag at saka lumabas ng kwarto at bumaba upang kumain ng almusal.
"Good morning Pa," bati niya sa kanyang ama na nakaupo na sa hapag-kainan.
"Maaga ka yata ngayon anak?" tanong ng ama.
"Opo, Pa, baka kasi matraffic ako,'' sagot niya.
"Kumuha kana ng pagkain mo diyan Franceska," sabi naman ng ina habang hinahain nito ang iba pang hinanda nito para sa almusal.
Agad siyang naglagay ng pagkain sa kanyang plato at saka agad na sinimulang kumain.
"Pa, wala po ba kayong pasok ngayon?" tanong niya sa ama habang nginunguya ang pagkain na nasa bibig.
"Hindi ako papasok ngayon anak dahil medyo masakit ang aking ulo," sagot ng ama.
"Ah, Sige po." at ipinagpatuloy ang pagsubo ng kanyang pagkain.
Pagkatapos niyang kumain ay nagpaalam na siya sa kanyang magulang.
"Pa, Ma, alis na po ako,"
"Sige, mag-ingat ka at umuwi ka agad pagkatapos ng klase," paalala ng kanyang ina.
Paglabas ng kanto ay agad na pumara ng jeep si Franceska, pagkatapos ay mabilis na sumakay.
Mabilis din naman ang naging byahe ng dalaga kaya agad siyang nakarating sa eskwelahan.
"Hi Franceska," bati sa kanya ni Matthew ang kanyang kaklase, sumabay ito sa paglalakad niya.
"Uy, Matt, ikaw pala yan," sabi niya at saka nginitian ang binata.
"Oo, may ka-date ka na ba para sa graduation ball natin?" tanong ni Matthew.
"Wala pa nga eh," sagot niya. Ang graduation ball nila ay magaganap dalawang linggo mula ngayon, at syempre required ang may kapareha sa araw na iyon.
"Ganon ba? Ako din eh, wala pa,"
"Ah, Okay. Pareho pala tayo,"
"Oo, nahihiya kasi ako na yayain ang babaeng gusto ko na siya ang gusto kong ka-date sa graduation ball," wika ni Matthew.
"Bakit naman, sino ba ang babaeng gusto mong ka-date?" tanong niya at tinignan ang binata.
Magsasalita pa sana si Matthew pero naputol na ang anumang sasabihin sana nito dahil saktong nakarating na sila sa kanilang classroom.
"Sige Franceska, mamaya na lang ulit," sabi ng binata at tinungo nito ang upuan nito.
Tinanguan lamang niya ito at agad siyang umupo sa upuan na katabi ng upuan ni Mikaela, ngunit wala pa pala ang kanyang kaibigan.
Natapos ang isang oras sa unang subject nila na wala silang ginagawa, hindi rin dumating si Mikaela.
Bakit kaya hindi pumasok ang bruhang iyon? Sabi niya sa kanyang sarili.
Nang biglang sumulpot si Matthew sa harap niya.
"Franceska, tara sa canteen, mag merienda muna tayo," paanyaya ng binata.
Dahil wala naman silang kasama ay pumayag siya sa alok ng binata.
Habang naglalakad si Franceska kasama si Matthew papuntang canteen ay walang kaalam-alam ang dalaga na may mga matang nakatingin sa kanila.
Samantala, si Grey ay lihim na nakatingin sa dalawang taong magkasamang naglalakad. Nagdilim ang paningin ni Grey nang makita niyang may kasamang lalaki si Franceska.
Hindi niya alam kung bakit hindi man lang siya nireplyan ng dalaga sa mga text messages niya, kaya naisip niyang puntahan ito sa eskwelahan na pinapasukan nito.
Nung una ay hinarang siya ng guwardiya na nakapwesto sa gate ng University, pero sinabi niyang pupuntahan niya lang ang girlfriend niyang nag-aaral sa eskwelahan na iyon, at pinakita ang litrato nila ni Franceska noong pinasyal siya ng dalaga sa Luneta Park. Nag-titinginan pa nga ang mga estudyanteng nakasabay niya sa gate na parang kakaiba siya. Hindi niya alam kung paghanga ba ang tingin ng mga ito o dahil sa pilat sa kanang bahagi ng kanyang mukha, pero hindi na niya pinansin pa iyon.
"I know this girl Sir, she's Miss. Franceska Montereal," wika ng guwardiya.
"Yeah she is, So can you allow me to see her inside the university," tanong niya.
"Sure Sir, no problem," sagot ng guwardiya.
Nagpasalamat si Grey sa guwardiya at mabilis na naglakad papasok sa University.
At sa hindi niya inaasahan ay nakita niya na may kasamang lalaki si Franceska. Nakaramdam agad siya ng galit dahil sa nakita, at hindi niya maintindihan ang kanyang sarili. Pinagmasdan niya ang dalaga na naglalakad kasama ang isang lalaki, hindi niya alam kung saan patungo ang mga ito ngunit hindi na niya inalam pa. Mabilis siyang lumabas sa University na iyon.
Napatigil si Franceska sa paglalakad dahil parang may mga matang nagmamasid sa kanya.
"Uyy, Okay ka lang ba?" tanong ni Matthew.
"Ha? Eh… wala okay lang ako," sagot niya.
"Ganun ba? Sige, tara na," sabi ng binata.
Pagdating nila sa Canteen ay agad silang nakahanap ng mauupuan. Iniwan muna siya ni Matthew sa kanilang mesa at pumunta ito sa counter para bumili ng kanilang pagkain.
Ilang sandali lang naman ito bumili at agad itong nakabalik sa mesa nila. Nilapag ng binata ang Softdrinks at Sandwich na binili nito. Habang kumakain sila ay nagtanong ang binata.
"Franceska, can you be my date para sa graduation ball natin?" lakas loob na tanong ng binata.
"H-ha, Eh… wala ka bang ibang pwedeng yayain?" balik tanong niya sa binata.
"Wala eh, ikaw lang ang naisip kong yayain maging date ko sa araw na iyon at ikaw din yung tinutukoy kong babaeng gusto kong maging ka-date sa graduation ball," nahihiyang sagot nito.
"Ganun ba, bakit ako? Marami naman iba diyan na pwede mong yayain,"
"Ikaw lang naman ang gusto ko, Franceska, at saka sabi mo wala ka pang date sa graduation ball,"
"Oo nga, wala pa pero hindi ko alam kung a-attend ako sa ball," sabi niya sa binata.
"Hindi mo dapat palampasin ang araw na iyon, Franceska, minsan lang mangyari yun sa buhay nating mga magtatapos ng kolehiyo,"
"Sige, pag-iisipan ko ang alok mo na ako ang maging date mo sa graduation ball, pero wag ka munang umasa ah,"
Ngumiti ang binata sa naging sagot niya, at nagpatuloy sa kinakain nito. Marami pa silang pinag-usapan ni Matthew katulad ng mga nangyari sa huling isang taon nila sa kolehiyo. Napag-usapan din nila kung paano siya nakakatulog sa klase nila habang napapanaginipan niya si Cade. Parang biglang namula ang pisngi niya sa pinag-uusapan nila ni Matthew.
"Uy, namumula yata ang pisngi mo," pang-aasar ng binata sa kanya.
Tinignan niya ng masama ang binata na nasa harap niya na pinipigil ang pagtawa.