SERYOSONG pinagmasdan ni Dianna ang crossword na kanyang malapit nang mabuo. May isang tila bugtong kasi roon ang hindi niya masagot. May ilang minuto rin siya sa ganoong posisyon ngunit hindi talaga niya mahagilap ang sagot sa bugtong na iyon. “Mahilig ka pala sa ganyan?” Bigla siyang napasinghap kasabay paglapat ng kanyang kamay sa dibdib. Nanigas din ang kanyang katawan sa pamilyar na tinig na iyon. Nang hindi siya nakatinag ay kusang umupo si Alexander sa sofa na nakatapat ng mesang kanyang pinagtutungtungan ng crossword paper. Naroon kasi siya sa sala at nakasalampak sa carpet. Nang makahuma ay marahan siyang napabaling sa binata. Kagaya ng huli silang magkausap ay maganda ang mood nito. “Alam kong bahay mo ʼto, ha. Kaya lang kasi kapag palagi kang bigla na lang susulpot sa likura

