Chapter 3

1123 Words
MULA sa kanyang pagkakayakap ay marahang ibinalik ni Dianna ang hindi gaanong kalakihang picture frame ng yumao niyang ama na si Damian Pablo Montes III. Panatag na ang loob ng dalaga kahit nawala na sa kanila ng ina ang ama. Matagal na rin kasi nitong tinitiis ang sakit na canser sa baga. Halos isang taon din itong nakipaglaban sa sakit na halos ikasaid na nang kabuhayan nilang palaisdaan. Sa probinsya ng Quezon siya nagkaisip at lumaki. Ang sabi sa kanya ng ina, nasa tiyan pa lamang daw siya ay naisipan na raw ng magulang niya na doon tumira sa lugar na iyon dahil sa nakakita ng oportunidad ang kanyang ama roon. Iyon na nga ay ang magkaroon ng negosyo sa pangingisda. Bata pa lamang ay nakahiligan na niya ang pag-aalaga ng mga isda na hindi nakapagtatakang namana niya sa yumaong ama, idagdag nang mahilig din siya sa pagtatanim. Kaya naman ang kinuha niyang kurso noong siyaʼy nasa kolehiyo pa ay agrikultura. Naisip din ng dalaga na malaking tulong iyon para mas lalo pa niyang matulungan ang ama sa kanilang kabuhayan. Isa paʼy, nag-iisang anak lamang siya kung kaya ay siya lamang talaga ang dapat tumulong sa kanilang negosyo. Ang kanyang ama ang nagsimbolong modelo niya sa lahat ng bagay. Wala siyang masabi rito noong nabubuhay pa ito. Kaya naman nang mamatay itoʼy talagang ipinagluksa niya iyon. Masyado kasi siyang malapit sa ama mula pa pagkabata hanggang ngayong may isip na siya. Pagkatapos ng halos isang buwan ng pagluluksa ay kahit papaanoʼy natatanggap na rin niyang wala na ang ama. Naisip din niyang hindi siya maaaring panghinaan ng loob dahil sa may ina pa siyang dapat alagaan. Wala rin naman siyang ibang maaasahan dahil wala rin silang kamag-anak sa lugar na iyon dahil pawang mga nag-iisang anak lamang ang kanyang magulang. Ang mga kamag-anak naman ng mga ito ay lahat na sa Maynila nakatira. Wala rin siyang maaaring maging komunikasyon sa mga ito dahil kahit kailan ay hindi naman nababanggit ng kanyang mga magulang sa kanya iyon. Mula naman nang mamatay ang kanyang ama ay hindi na muling nagsalita pa ang kanyang ina. Madalas ay tahimik ito at palaging nakatanaw sa tapat ng kanilang bintana na tila may hinihintay ito. Nang sinubukan naman niya itong ipakonsulta sa mga doktor ay napag-alaman niyang may sakit na schizophrenia ang ina. Nang dahil daw sa pagkamatay ng kanyang ama ay nagkaroon ng trauma ang utak nito na nagdulot ng sakit ngayon sa inang namamayat na rin. Humina rin itong kumain. Palagi rin ang pag-iisip nito sa kanyang ama. Batid ni Dianna iyon kahit hindi ito magsalita dahil madalas niya itong nakikitang umiiyak habang yakap ang litrato ng asawa. Sa mga ganoong pagkakataon ay nakararamdam siya ng awa para sa kanyang ina. Sabi naman ng mga doktor, madadaan pa raw sa gamot ang sakit ng kanyang ina kaya hindi raw dapat siya mag-alala. Ngunit hindi pa rin niya maiwasang mag-alala lalo ngayong hetoʼt nakaupo na naman uli sa tapat ng bintana ang ina. Marahil ay hinihintay nito ang pagdating ng kanyang ama. Ganoon kasi ito sa tuwing paparating na ang asawa mula sa pag-aasikaso ng palaisdaan nila. Nilapitan niya ito saka hinaplos ang buhok ng ina na bahagyang nagkukulay abo na. Pagkaraaʼy, lumuhod siya sa harap nito upang magtama ang kanilang mga mata. “Ma, hinihintay niyo pa rin po ba si Papa?” Marahan itong tumingin sa kanya. Walang emosyon ang mukha nito na tila ba hindi siya naiintindihan. At gaya noong unaʼy wala siyang narinig na sagot mula rito. Muli nitong itinuon ang atensyon sa labas ng bintana. Bumuntong hininga siya saka tumayo upang yakapin ang ina. Kitang-kita niyang mahal na mahal nito ang asawa dahil hindi pa rin matanggap ng kanyang ina na wala na ang kanyang ama. Sinulyapan niya ang suot na relo. Ilang minuto na lang ay dadating na ang abogadong nag-asikaso sa mga huling habilin ng kanyang ama. Wala man silang masyadong malaking ari-arian ay may mga bagay pa rin siyang dapat malaman tungkol sa kanilang negosyo. Hindi rin kasi niya talaga alam kung ilan na lang ang matitira sa kanila ngayong halos lahat na yata ng palaisdaan nilaʼy naisanla na. Pagkatapos niyang mapainom ang ina ng mga nakalaang gamot nito at mapatulog sa kuwarto ay siya namang dating ni Mr. Arellano— ang abogado mula sa bangkong pinagsanlaan nila ng ilang palaisdaan. “Magandang umaga sa iyo, Miss Dianna,” bating bungad nito nang pagbuksan niya ng pinto. “Nariyan na po pala kayo. Maupo muna kayo at ikukuha ko po muna kayo ng maiinom,” nakangiti niyang sabi bago ito tinalikuran. Pagbalik niya ay kaagad siyang umupo sa katapat nitong upuan. Sa totoo lang ay wala na talaga siyang inaasahan na may matitira pa sa kanila. Kumbaga, pormalidad na lamang ang hinihintay niyang sasabihin nito. “Miss Dianna, sisimulan ko—” “Dianna na lang po. Napakapormal niyo naman po,” biro pa niya na ikinatawa ng abogado. “Sige. Dianna, alam mo namang halos lahat ng palaisdaan nʼyo ay naisanla na sa bangko at malapit nang mailit, hindi ba?” panimula nito na sinang-ayunan naman niya. “Maging ang kinatitirikan ng inyong bahay ay nakasanla na rin sa bangko.” “Ano po?” gulat niyang tanong. “Sa pagkakaalam ko poʼy hindi isinanla ni Papa ang lupang kinatatayuan ng bahay namin dahil alam niyang wala na kaming mapupuntahan pa ni Mama kapag ginawa niya iyon— ni, ang balakin iyon ay hindi niya magagawa.” Hindi siya makapapayag na basta na lamang sila paaalisin doon. “Pero iyon ang nakasaad rito sa dokumentong naiwan ng ama mo. Malinaw din ang kanyang pirma rito na nagsasabing sumasang-ayon siya sa kasunduan. Pakinggan mo sana ang iba pang nakasaad pa rito,” pagpapaunawa sa kanya ng abogado. Muli siyang nanahimik at nakinig sa mga susunod pa nitong sasabihin. Bagaman hirap pa rin siyang iproseso sa isip ang nalaman ay pinilit pa rin niyang pakalmahin ang sarili. “Heto ang nakalagay sa napagkasundaan ng bangko at ni Damian noong siyaʼy malakas pa at may tamang pag-iisip,” panimula nito. “Ako si Damian Pablo Montes III ay nagdesisyong isanla ang lahat ng aking pag-aari maging ang lupang kinatitirikan ng aming bahay upang mayroon akong maipangtustos sa aking buwanang gamutan. Ang aking inutang na pera ay mababayaran lamang kung ang anak kong si Dianna Lei Montes ay magtatrabaho nang libre at walang bayad para kay Mr. Alexander Creed sa loob ng isang taon.” “Ano?!” buhat sa kanyang narinig ay napatayo siya mula sa kinauupuan. Hindi rin niya inalintana ang natumbang monoblock na upuan. 'Sino si Alexander Creed?'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD