Ten Years Ago...
“SAAN ka nanggaling, Sandra? Tinawagan ko pa si Julio dahil gabing-gabi na, wala ka pa. Ang sabi niya, pinauwi mo na raw siya dahil may dadaanan ka pa at uuwi ka na lamang mag-isa. Tell me, where the hell did you go?” Ang nagngangalit na mga mata at dumadagundong na boses ni Alejandro ang sumalubong kay Sandra pagpasok pa lamang niya sa malawak na sala ng kanilang bahay.
Napapitlag siya at sa nanginginig na tinig ay sinubukan niyang sumagot, “S-sa—”
“Saan?!” biglang singhal sa kanya ng asawa. Para bang isang maling galaw niya lang ay bigla na lamang siyang tatamaan dito.
“K-kay Stella. Kababalik lang niya mula sa France. Bigla kaming n-nagkayayaan na m-magkita. Pasensya na kung hindi ko agad nasabi sa iyo.”
Nagulat si Sandra nang bigla na lamang siyang haklitin nito sa kaliwang braso at hatakin palapit dito. Mariin at mapagparusa ang mga daliri nitong halos bumaon na sa kanyang laman.
“Siguraduhin mo lamang na nagsasabi ka ng katotohanan sa akin, Sandra. Dahil oras na malaman ko na iniiputan mo na pala ako sa ulo, katapusan mo na at ng kabit mo,” mariin nitong saad saka walang sabi-sabing ibinalya siya nito sa malamig na sahig na marmol.
Iyon na rin ang signal upang tuluyang isa-isang magsibagsakan ang mga luha ni Sandra.
“Not your tears again, Sandra. Sawang-sawa na ako sa ganyang estilo mo. Tandaan mo ang sinabi ko, Honey.” Pagkasabi niyon ay humakbang na si Alejandro paakyat sa mahabang hagdan kung saan naroon ang kanilang kuwarto.
Nakita niyang nakatayo na pala sa puno ng hagdan ang kanilang nag-iisang anak na si Alexander at tahimik lamang na nakikinig. Bagaman may pag-aalala sa mukha nitoʼy mayroon pa rin kaunting galit sa mga mata nito.
“A-Alex...” mahinang sambit niya sa anak ngunit tila wala itong narinig.
Tumalikod ito at muling bumalik sa sariling kuwarto. Muli siyang napaluha. Maging ang anak niyaʼy galit din sa kanya.
Bago pa niya matanto ay nilapitan na pala siya ni Manang Delia upang maitayo at maiupo sa sofa— ang mayordoma at nag-alaga sa kanya ng maraming taon.
“Saan ka ba nanggaling, bata ka? Nag-alala ako sa iyo,” sabi nito kasabay ang pagtuyo sa kanyang mga luha na kumalat sa makinis niyang pisngi.
“M-manang—,” daing niya sa matanda kasabay ang pagyakap rito. “Iniwan na ako ni Damian Anoʼng gagawin ko, Manang?” Muli na naman siyang lumuha.
Biglang kumalas ang matanda mula sa pagkakayakap niya. “Sshh! Baka marinig ka ni Alejandro. Siguradong malalagot ka kapag nagkataon.”
“Pero, Manang—”
“Makinig ka sa akin, Sandra. Buksan mo ang mga mata mo. Hindi na kayo maaari pang magsama ni Damian. May sarili ka nang pamilya at magkakaroon na rin si Damian ng anak. Nararapat lamang na itigil niyo na kung anumang makasalanang inyong ginagawa. Maawa ka sa sarili mo, Sandra. Hindi natin alam kung ano ang kayang gawin ni Alejandro sa oras na malaman niya na lihim pa pala kayong nagtatagpo ni Damian.”
“Kasalanan ko bang mahal ko pa si Damian, Manang? Alam naman natin pareho na siya ang talagang mahal ko at hindi si Alejandro.”
Muling napasulyap sa itaas si Manang Delia sa kuwartong pinasukan ni Alejandro. Nasa mukha nito ang pag-aalalang baka bumalik ang among lalaki at marinig ang pinag-uusapan nilang dalawa.
“Itigil mo na ang kahibangan mong iyan, Anak. Noon, puwede mo pang ipangalandakan iyan pero iba na ngayon. Alam mong hindi lang basta isang simpleng tao ang napangasawa mo. Maaaring may gawin siyang masama kapag ipinilit mo pa ang gusto mo. Isipin mo na lamang si Alexander, isipin mo ang nag-iisa mong anak. Mas pagtuunan mo siya ng pansin. Hayaan mo na si Damian.”
Nawalan siya nang imik nang banggitin nito si Alexander. Base na rin sa nakita niyang anyo ng anak kaninaʼy siguradong may malaki na rin itong galit sa kanya.
“I HEARD from Alejandro that you went out last night without asking him and not telling him where did you go. Hindi ka pa rin ba tumitigil sa kahibangan mo, Sandra? You have everything because of Alejandro. With him, you can buy all things that you want from those expensive bags, shoes and jewellery—”
“That I donʼt asked, Papa. Alam mo kung ano ang talagang gusto kong mangyari.”
Kumunot ang noo ni Santiago sa tinuran ni Sandra. Talaga pa lang nababaliw na ang kanyang Unica Hija.
“Maganda na ang buhay mo, Sandra. Huwag mo nang sirain pa. Mahal ka ni Alejandro at kitang-kita ko iyon. Sa katunayan nga niyan, sinabi niya sa akin na kahit ang mundo, ibibigay niya para sa ʼyo.”
“But I donʼt love him, Papa. You knew it at all but you still insist that marriage for your interest,” mariin nitong saad.
Napapailing na nilapitan niya ang anak at akmang yayakapin ngunit naging maagap ang dalaga saka umatras.
“Alam mong nasa bingit na ng pagkalugi ang kompanya natin, Anak. I donʼt have any choice and besides, willing si Alejandro na saluhin iyon.”
“Gusto ko nang itigil ito, Papa.”
“A-anoʼng ibig mong sabihin?”
“Tomorrow, I will file a divorce paper. Pagod na akong manatili sa tabi ni Alejandro.” Nasa tinig nito ang kasiguruhan sa sinabi.
“Are you out of your mind, Sandra? Donʼt you dare to ruin everything. Maayos na tayo at ang kompanya,” bahagyang nagtaas ang kanyang tinig sa deklarasyon ng anak.
Malaki ang kanyang pangamba na baka ituloy nga nito ang sinasabi.
“Exactly, Papa. Maayos na tayo at ang kompanya. Puwede na tayong humiwalay kay, Alejandro. Nine years na tayong nakakapit sa kanya. Tingin ko, sapat na iyon para muli tayong makaahon sa ating financial crisis.”
“Hindi maaari ang nais mo.” Sukat sa kanyang sinabiʼy, napatitig sa kanya si Sandra. “Baon pa rin tayo sa utang, Anak.”
“P-paʼnong baon pa? Anoʼng nangyari sa siyam na taon ng pagtitiis ko sa kasalang ito?”
“Nabayaran natin lahat ng utang sa bangko at nang medyo nakakaahon na ang Silvana Enterprises ay saka ako nalulong sa... c-casino,” nakayukong niyang sabi. Ayaw niyang makita ang nang-uusig na mga mata ng anak.
“H-hindi kita maintindihan, Papa? Anoʼng ginawa niyo?” Bahagyang nagtaas ang tinig nito.
“Nakansala ang bahay at ang mga ari-arian natin, Anak. And I wouldnʼt give an assurance that we would make it this time but we have still Alejandro on our side and his company. Kaya nakikiusap ako sa ʼyo— huwag mo nang ituloy ang binabalak mo.”
Ilang sandali itong nanahimik at pagkaraaʼy nakuhang tumingin nang diretso sa kanya.
“Sapat na ang naitulong ko sa inyo sa mga nakalipas na siyam na taon. Gumawa kayo ng problema niyo kaya kayo rin ang umayos nito.”