NANG maihatid si Dianna ni Mr. Arellano sa silid na puno ng mga libro na hula niyaʼy isang study room o office room kasama ang lalaking wala man lang reaksyon ay nakaramdam siya ng nerbiyos. Masyado kasing seryoso ang lalaking ngayon ay nasa kanyang harapan na at gaya niyaʼy nakatingin din sa kanya ito. Tila ba sinusuri nito ang bawat anggulo ng kanyang anyo na labis naman niyang ikinailang.
Prenteng nakaupo ito sa isang upuan na may katapat na mesa. Para siyang nasa guidance office ng school.
“Alam mo naman na siguro kung bakit ka nandito sa bahay ko. Tama ba, Miss Montes?”
At sa unang pagkakataon na marinig niya ang tinig ng lalaki sa kanyang harapan ay halos mapapikit siya sa lalim at halos namamaos na boses nito. Hindi niya sinasadyang mapatingin sa daliri nitong kasalukuyang hinihimas ang labi at ang baba. Doon lamang din niya nagawang pagmasdan si Alex.
Hindi niya sasabihing wala itong dating sa kanya. Sa katunayan nga niyan ay lalong nakadagdag pa sa appeal nito ang pagiging seryo bukod sa nagtataglay din ito ng guwapong mukha na puwedeng ihanay sa listahan ng mga may pinakaguwapong mukha sa Pilipinas. He has a dark gray color of eyes and a perfect curve of lips. And a nose that seems so arrogant. Mayroon itong pangahang mukha na bahagya nang may mga tumutubong buhok. Binagayan ang mga mata nito ng mga malalantik na pilikmata, maging ng mga kilay na makakapal.
Para sa kanya ay kahawig nito ang hinahangaan vocalist na foreigner.
Bandang huli, napansin niyang nakatitig din ito sa kanya. Pilit man niyang gustuhin na makipagtagisan ng tingin ay hindi niya magawa dahil sa nakaka-intimidate nitong mga tingin. Nahuli na ang kanyang pagtango sa tanong nito.
“Signed this,” tukoy nito sa papel na nakalatag sa mesa.
Lumapit siya sa mesa nito at sandaling binasa ang nakalagay sa papel. Pareho ng mga sinabi ni Mr. Arellano ang nakalagay doon kaya nagpasya na siyang pirmahan na iyon upang matapos na.
Pagkatapos na mapirmahan, naroon pa rin ang mga mata nitong nakatunghay kay Dianna ngunit nananatiling walang emosyon.
'Napakaseryoso naman ng taong ʼto.'
Mali siya sa akalang may edad na ito at bata pa pala. Pero kung siya ang tatanungin, para pa rin itong matanda kung umasta. Wala man lang maski na kaunting emosyon. May asawa na kaya ito girlfriend? Pero wala siyang nakitang litrato ng babae o ng bata sa bahay na iyon kaya baka binata pa ito.
'Palagi ba namang seryoso, eh. Malamang baka aayawan din ng babae kapag ganyan.'
“Tapos na,” sabi niya.
“Take the second copy of our agreement. Surely, you would need it.”
Alanganin niyang kinuha ang isang kopya dahil sa nakakailang nitong pagtitig. Hindi man lang siya nilulubayan ng tingin at nakakainis iyon sa parte niya dahil hindi niya mabasa kung ano ang iniisip nito.
“You will start as of today immediately,” paalala nito sa kanya at muli ay tinanguan lamang niya saka lumabas na ng silid na iyon.
Nang sa wakas ay nakalabas na siya ng pinto ay doon lamang siya nakahinga nang maluwag. Pakiramdam niya ay sinasakal siya sa silid kasama ang Alexander na iyon.
Nagpalinga-linga siya upang hanapin na ang ina. Kahit ang mga bagahe nila ay nawawala. Sa sofa lamang niya ito iniwan kanina. Mabilis siyang nagtungo sa main door ng bahay upang hanapin sa labas ang ina ngunit nabigo siya.
“Mama? Nasaan po kayo?” Paunti-unti ay nakakaramdam na siya ng kaba.
Kahit saan ay hindi niya matagpuan ang ina, maging si Mr. Arellano ay hindi rin niya mahagilap. Hanggang sa bigla na lamang pumasok sa pinto ang babaeng kanina lamang ay naghain ng meryenda sa kanilang mag-ina. Mabilis niya itong nilapitan.
“N-nakita mo ba ang mama ko? Hindi puwedeng mahiwalay sa akin. M-may sakit si Mama,” nagpa-panic niyang turan dito.
Tila naman naguguluhan ang babae sa kanya. “Umalis na ang mama mo kasama si Mr. Arellano. Kakahatid ko lang sa kanila sa—”
Hindi na niya pinatapos pa ang iba pang sasabihin ng caretaker. Kaagad siyang tumakbo patungo sa labas ng gate. Umaasa siyang makikita pa ang ina roon ngunit muli siyang nabigo na mahanap ang kanyang ina. Saan ba dinala ng abogado ang mama niya?
Pinigil niya ang nagbabadyang mga luha. Siguradong alam ng Alexander na iyon kung saan dinala ng abogado ang kanyang ina. Bumalik siya sa silid kung saan doon niya huling nakausap ang amo. Naikuyom niya ang palad saka walang paalam na pumasok sa silid nito.
Naabutan niya ang prenteng pagbabasa ng lalaki at hindi man lang ito natinag upang alamin kung sino ang basta na lamang pumasok sa kuwartong iyon. Para bang inaasahan na nitong muli siyang babalik at haharap kay Alexander.
Inalis na niya sa sistema ang igalang ito bilang amo. “Nasaan ang mama ko, Mr. Creed?” tanong niya na may halong pang-aakusa.
Sukat sa tanong niya ay mahinahon nitong isinara ang librong binabasa at naroon na naman ang walang emosyong tingin nito sa kanya.
“I was expecting that you already know what our agreement is. You agree to sign it, arenʼt you?”
Tila naman lumobo ang kanyang ulo sa narinig. Hindi maaaring mapirmahan niya ang ganoong kasunduan. Dinukot niya sa bulsa ang kaninaʼy basta na lamang itinupi at isinuksok sa bulsang papel. Mabilis niyang hinanap ang nakasaad patungkol sa kanyang ina at naroon nga ang kanyang hinahanap.
Nakalagay doon na hindi maaaring tumira sa bahay na iyon ang kanyang ina. Hindi rin niya maaaring mabisita man lang ang kanyang mama. Nagbagsakan ang kanyang mga luha saka matalim na tumingin kay Alexander.
“Hindi kasama sa napagkasunduan natin ang ilayo sa akin si Mama. May sakit siya at kailangan niya ako.”
I thought Mr. Arellano had told you that you canʼt bring your ill mother here. My house isnʼt a mental hospital,” anito na tila nagsasalita sa isang office meeting at isang maliit na bagay lamang para dito ang sitwasyon ng kanyang ina.
Lalong humigpit ang pagkakakuyom niya sa sariling palad. “Hindi baliw ang mama ko. Saan mo siya ipinadala? Ibalik mo siya sa ʼkin.”
“Sa lugar kung saan dapat na naroon ang mama mo.”
'Sa mental?'
“Sinabi nang hindi siya baliw! Hindi niya kailangang manatili roon! Saang mental mo siya pinadala?” Kung ayaw nitong ibalik ang kanyang ina, puwes— siya ang mismong pupunta sa kanyang ina.
“You would thank me sooner na wala rito ang mama mo kapag nalaman mo ang mga ipagagawa ko sa ʼyo. So, you better go to your assigned room and take a short shower and then rest.”
“A-ano?” Halos mag-isang linya ang kanyang mga kilay. “Anoʼng ibig mong sabihin? At paano ako makapagpapahinga kung hindi ko mahanap ang mama ko? Wala ito sa kansunduang alam ko! Niloko ninyo ako!” muling umalpas ang galit sa kanyang dibdib dahil naiipit siya sa sitwasyong mahirap nang makaalis.
Tumayo ito at naglakad patungo sa kanyang direksyon. Tila naman nakaramdam siya ng kaunting kaba na baka saktan siya nito kaya bahagya siyang napaatras. Ngunit mali pala siya dahil nilagpasan lamang siya nito at nagtuluy-tuloy palabas ng library. Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapagtantong aalis na ito.
Mabilis ang mga hakbang na hinabol niya si Alexander. “Sandali! Sabihin mo kung saan ang mama ko. Maawa ka. Gusto ko siyang makita.”
Ngunit naging bingi ito o mas tamang sabihing nagbingi-bingiha ito sa pagmamakaawa niya. At bago pa man ito tuluyang makaalis ay may kung ano itong sinabi sa caretaker ng bahay. Siya naman ay nanghihinang napaluhod na lamang sa sahig.
“Sorry, Ma. Hindi kita nabantayan. Hindi kita dapat hinayaang iwan mag-isa. Ma, patawarin mo ako,” umiiyak niyang sabi sa sarili at mga kamay ay nasa mukha.