Chapter 4
PLANO ko sanang umikot sa bakuran at doon dumaan upang hindi makita ni Tatay ang sibilyan kong suot. Para akong magnanakaw na nakaantabay sa bawat galaw. Nakatago ako ngayon sa puno ng balete. Nasa tapat ito ng bahay namin. Mayabong ito at sobrang taas. May malaking butas din sa katawan nito na maaaring pagtaguan.
Dahan dahan akong tumapak sa lupa kung saan maingay ang alingitngit ng mga tuyong dahon. Napangiwi ako. Hindi ba nagwalis si Atoy kanina dito? Tukoy ko sa katiwala ni Tatay. Kasa-kasama niya ito sa bawat lakad.
Napakamot ako sa ulo nang silipin ko si Tatay muli. Hindi pwedeng malaman ni Tatay na umabsent ako sa klase. Sigurado akong kahit kalmado ay sesermunan ako nito. Aambon na naman ng walang katapusang pangangaral.
Akma akong tatakbo ngunit bago ko pa magawa ang plano ay nakita na ako ni Tatay. Nakuha na agad ako nito sa tingin pa lang. Tabingi ang ngiting naglakad na lamang ako palapit rito.
“Mano po, tay.” Inilapat ko sa aking noo ang palad ni Tatay Ranchito at saka hinalikan ito sa pisngi. Nasa beranda ito ng bahay at ginagawa ang nakagawian na. Nagkakape at nagbabasa ng diyaryo habang nakaupo sa duyan duyan nitong bangko.
Tapos na siguro ang pag-aangkat nito ng mga produktong ititinda namin bukas kaya ngayon ay nagpapahinga na.
“Kaawaan ka ng Panginoon," anito sa mababang tinig. “Saan ka nanggaling anak at parang pagod na pagod ka?” tanong nito kapagkuwan na ibinalik ang tingin sa binabasang diyaryo. “Napansin ko'ng hindi ka rin naka-uniporme. Wala ka bang pasok sa unibersidad ninyo?”
Biglang kumati ang aking anit sa ikalawang tanong na iyon at napakamot na lamang sa buhok. “S-Sa ospital po ako galing, tay." Matapat kong tugon.
Nawala na ng tuluyan ang atensyon nito sa pagbabasa at napatutok sa akin. Umukit ang istriktong kulubot na linya nito sa mga mata at noo. Sa edad na singkwenta'y singko, bakas na ang katandaan nito. Makikinita ang resulta matinding pagtatrabaho sa anyo nito ng matagal na panahon. Mag-isa niya akong binuhay mula pa sa edad ko'ng sampu. Maaga itong na-biyudo at hindi na muling nag-asawa pa. Lahat ng oras at panahon ay sa akin niya ibinuhos. Nag-iisa lang akong anak ni Tatay. Kahit maaga akong naulila sa ina, siya ang nagsilbing ilaw at haligi ng tahanan namin.
At bilang unica iha naman ng aking butihing ama, sinisikap ko'ng hindi maging pabigat ng husto. Ngayong nasa kolehiyo na ako, kumakayod ako sa palengke para makatulong kay Tatay. Kahera at tindera ako ng sarili naming pwesto roon. Minsan naman ay drayber at kargador na rin kapag hahalili rito sa mga panahong wala o may sakit ito.
Ibinaba ni Tatay ang diyaryo pati na ang salaming de-grado, sakto lamang upang kumapit iyon sa ilong. “Lumiban ka sa klase kung ganoon.” Tiyak niyang turan.
Kinabahan ako ng kaunti. Sobrang malapit kami sa isat-isa ni Tatay pero naroroon pa rin iyong takot ko kanya sa tuwing sasapian ito ng pagiging istrikto. Kaya nga siguro hanggang ngayon ay walang nagtatangkang manligaw sa akin ay dahil na rin siguro sa bantay saradong pagbakod sa akin nito. Busog na busog ako sa paalala na huwag munang magnonobyo at magtapos muna sa pag-aaral. Gayunman, sagana pa rin ako sa crush at pagtatangi sa iisang lalaki. Iyon ang hindi alam ni Tatay.
Isang tao lang naman ang hinahayaan nitong makalapit sa akin—si Renai lang. Bakit kamo? Dahil respetadong lalaki at buo ang paggalang nito kay Tatay. Sa paraang iyon ay nakuha nga ng husto ni Renai ang buong tiwala ng aking ama. Walang pagdududa kay Tatay kapag kami ni Renai ang magkasama. Ang hindi alam ni Tatay, halos landiin ko na si Renai para maging nobyo ngunit bigo lamang ako sa lalaking gusto.
“K-Kasi tay, dinalaw ko po si Renai sa ospital. Alam mo na, dinalhan ko siya ng paborito niyang pancit bihon," pagsisinungaling ko.
Tawag lang ng pangangailangan kaya paghahabi ng buhangin ang nasabi ko.
“Ginulo mo na naman ang batang 'yon?”
“Grabe ka sa akin, tay.” Humaba ang nguso ko.
“Totoo naman anak. Usap usapan sa palengke ang pagpunta punta mo palagi sa ospital ng mga Eleazar.”
“Minsan lang naman po, tay.”
“Baka naman nagiging masamang impluwensya na sayo ang binatang si Renai at napapabayaan mo na ang pag-aaral mo. Kapag ganyan naman anak, pagbabawalan na kitang makipagkita sa kanya.”
Mabilis akong naalarma. “Tay naman, hindi naman po masamang impluwensya si Renai sa akin.” Napalabi ako. Yari na. Mukhang mas nakasama pa ata ang pagsisunungaling ko.
“Bakit ka ba kasi punta ng punta sa ospital? Abalang tao si Renai. Huwag mo masiyadong istorbohin at baka makasama ka pa sa trabaho niya.”
“Hindi naman siguro, tay.” Naglakad ako papasok ng pintuan pagkatapos ay ipinatong ang bag sa upuan. Nakaramdam ako bigla ng gutom at pagod. “Kumain ka na ba, tay?” Lingon ko dito.
“Hinihintay kita. Alam mo namang malungkot ang mag-isang kumain.” Tumayo na ito ngayon para samahan na akong kumain. Inakbayan ako ni Tatay at sabay na umupo sa hapag habang sinasabi ang ulam para ngayong gabi.
“E 'di kung na-late pala ako sa pag-uwi, magpapalipas ka ng hapunan?” Tinaasan ko si Tatay ng kilay. Kunwa'y may panenermon sa boses ko.
“At bakit ka naman mahuhuli?” Gumanti ng taas kilay si Tatay bago ginulo ang aking buhok.
“W-Wala naman tay. Sinasabi ko lang. Sa susunod kapag nahuli ako o gabihin, si Atoy na lang muna ang yayain niyo para may makasama kayo sa hapunan.” Nilalagyan ko ng kanin ang pingan nito. Relyenong bangus ang ulam. May sawsawan na bagoong na hinaluan ng kamatis at kalamansi. Mapaparami ang kain ko nito.
“Iwasan mo muna ang mag-tagal sa palengke anak, delikado na ang panahon ngayon. Balita ko'y, may naholdap na naman daw sa madilim na daan. Napapadalas na naman ang mga insidente roon. Sabihan mo rin ang kaibigan mo'ng si Fina para maingatan niya ang kanyang sarili. Mahirap na, pareho kayong babae at dalaga pa.” Nag-aalalang paalala nito.
“Sige po, tay. Pero kapag holidays o may pagdiriwang ay baka hindi masunod ang gusto mo. Mabenta ang mga ganoong araw. Sayang ang kikitain.” Ngumunguya akong sinasabi iyon.
“Naku ka talagang bata ka. . . Manang mana ka sa nanay mo pagdating sa pagha hanapbuhay.”
Minsan tuwing sasapit ang peak season o kapag may pagdiriwang sa bayan, na-e-extend ang oras sa palengke. Hanggang alas dose ay marami pa rin ang mamimili kaya hindi maiiwasan na gabihin talaga ako sa pag-uwi. Sinasamantala ko kasi ang panahon dahil minsan lang sa isang taon ang ganoong pagkakataon.
Matapos kong hainan si Tatay ay nagsalin naman ako ng makakain para sa akin. “Nasaan po pala si Atoy? Bakit wala yata ang lalaking 'yon?”
“Kapag ganitong oras anak, hindi ko mahahagilap si Atoy. Pagkatapos magluto ay umaalis na rin ang taong 'yon. Madalas iyong nasa kanto para ligawan iyong anak ni Lupe.” Umiiling na saad nito. Nagsalin ito ng tubig sa baso pagkuwa'y inisang lagok.
“Ilang buwan na po siyang nanliligaw roon, ah. Bakit hindi pa rin niya mapasagot, tay?”
“Paano'y tamad maligo. Sinasabi ko na ngang kahit wala siyang itsura basta malinis kako siya sa katawan, magugustuhan siya ng mga babae. Ayaw makinig, matigas ang ulo. Bahala siyang tumandang binata.” Umiiling na saad ni Tatay. Nagtawanan kami habang kumakain. Pinagkwentuhan namin kung paano ligawan ni Atoy ang anak ni Aling Lupe na si Meche. Ulilang lubos na si Atoy. Pagala-gala ito sa kalye noong binatilyo ito bago kinupkop ni Tatay at inalagaan. Ngayon ay ama na rin kung ituring ni Atoy si Tatay. Siguro dama na ni Atoy ang pag-iisa kaya nagkukumahog ng makasilo ng babae.
Simple lang din buhay namin ni Tatay pero ganun pa man, kontento ako kung anong buhay meron kami. Masaya ako kung paano ako pinalaki ni Tatay. May malaking parte man ng buhay ko na wala ang Nanay ko, pinunan naman iyon ni Tatay. Kitang kita ko ang mga sakrispisyo ng ama ko para mapalaki ako ng maayos at maalwan. Tumatanda na rin ito kaya sariling desisyon ko na ang tumulong naman bilang anak niya sa pamamagitan ng pagtitinda sa palengke.
Pagkatapos maghapunan ay hinugasan ko muna ang mga pinggang pinagkainan bago nilabhan ang unipormeng susuotin ko bukas. Balak ko ng pumasok sa eskwela. Nakokonsensya ako sa pagsisinungaling ko kay Tatay. Huling beses na iyong kanina, hindi na mauulit pa.
Natigil ako sa pagkusot sa kwelyo ng aking uniporme nang sumagi ang mukha ng lalaking sinagip ko sa daan.
Sa isip ko'y inalala ko ang bawat detalye ng mukha nito. Makapigil hininga ang anyo ng lalaki. Kung sa itsura lang, lampas sa average level ang kagwapuhan nito. Ipokrita ako kung kukumbinsihin ko ang sariling, walang epekto sa akin iyon. Nang iligtas ko siya mula sa daan ay hindi ko masiyado napasadahan ang mukha nito pero kanina. . . kanina nang tingnan niya ako habang nagwawala siya ay tagusan at parang akong nawalan ng kaluluwa. May kung ano sa mga mata niya ang nangungusap at nanghahatak. Nagtatalo ang dilim at aliwalas sa mga mata nito. Literal na kinilabutan ako sa mga titig niya. Maging ang kakaibang iniwan niyang ngisi kanina. Hanggang ngayo'y nakatanim pa rin sa isip ko kung gaano iyon ka-misteryo.
Bumalik ako sa pagkusot ng uniporme. Kamusta na kaya ang lalaking iyon? Wala pa rin kaya siyang maalala? Sabagay ay hindi naman biro ang amnesia. Sa soap opera na napapanood ko sa telebisyon, madalas ay buwan o taon bago bumalik ang mga ala-ala ng isang tao. Minsan pa nga'y, hindi na. Paano na ang buhay niya kung hindi bumalik ang memorya niya? Kawawa naman siya.
“Sanya, halika muna sandali at may naghahanap sayo?”
Napukaw ang pag-iisip ko nang tawagin ako ni Tatay mula sa sala. “Sandali tay, papunta na po.” Itinapat ko ang may sabong kamay sa dutsa at naghugas bago lumabas ng kusina. Punas punas ko ang basang kamay sa likuran ng aking saya.
Agad ko'ng napansin ang pamilyar na lalaking nakaupo sa sala. Kausap nito si Tatay. Inisip ko munang mabuti saglit kung sino ito at naalalang ito ang pulis na may hawak ng kaso no'ng lalaking estranghero na iniligtas ko.
“Magandang gabi, Miss.” Maagap na tumayo iyong pulis.
Tumango ako sa kanya. “Magandang gabi rin, inspector. B-Bakit po kayo napapunta rito?”
Nakita ko ang nagtatanong na tingin sa akin ni Tatay. Napalunok ako. Duda ko ay nabisto na niya ang pagsisinungaling ko.
“Nais ko sana na imbitahan ka sa presinto.” Nakangiting imporma ni inspector.
“P-Para saan po?”
“Nahuli na namin ang suspek na may gawa sa lalaking tinulungan mo. Ang kailangan mo lang gawin, kumpirmahin ang itsura nito.”
Ngiwi akong nagkamot nang tuluyan sa ulo at nakayukong sumilip kay Tatay.
Istrikto itong nakatunghay sa akin. “Sanya, may hindi ka ba sinasabi sa akin?”
Kanda-buhol ang dila ko ngayon habang iniisip kung paano ipaliliwanag sa ama ko ang nangyari ng mga nagdaang gabi.