Bahala Binaybay ko ang kahabaan ng school grounds habang may iniindang pighati sa dibdib. Maingay at maraming tao sa field dahil warm-up day na ng Intramurals ngayon. Ito na ang unang araw kaya't nagkalat ang iba't ibang booth at stalls. Sa kabila ng masayang tugtugan at hiyawan na naririnig sa paligid ay nananatiling malumbay ang kalooban 'ko. Pagdating sa classroom, tulad ng inaasahan ay kaunti pa lang ang tao. Malaki kasi ang tyansang wala nang guro ang magklase pa ngayon. Tiyak na papasok na lang ang iba kapag oras na para sa mga pagtatanghal. Pinipigilan ko ang sariling lumandas ang tingin sa bakanteng upuan ni Sky. Tuwing tumatama kasi roon ang mata ko ay naiisip ko lang na siguradong magkasama sila ngayon ni Thea para maghanda sa first major performance ng Wanderlust mamaya.

