C09: Balang–araw

2225 Words
Chapter 09 Ariana Samantha KANINA pa ako gising pero hindi ako bumangon. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal nakatitig sa kisame. Mabigat ang katawan ko, masakit ang ulo ko, at parang hindi ako nakatulog nang maayos kahit ilang oras na rin ang lumipas mula nang makauwi ako.Tahimik ang buong bahay, walang yabag ng mga kasambahay sa hallway, walang tunog ng shower mula sa kabilang silid, at lalong walang Raiko na gaya ng dati ay hindi ko naman inaasahang makikita sa tabi ko. Hindi ko nga alam kung paano ako nakauwi kagabi. Ang huling malinaw na naaalala ko ay ang mga salitang narinig ko sa pagitan nina Raiko at Stephanie. Ang yakap nila, ang pagmamakaawa ng asawa ko na huwag umalis ang babaeng mahal niya, at ang pagtatapat nitong hindi niya ako minahal kailanman. Pagkatapos noon, dahan-dahan akong umatras mula sa hallway. Hindi ko na namalayang nakalabas na pala ako ng mansion. Naaalala ko na lang na nasa gilid na ako ng kalsada, nakataas ang isang kamay para magpara ng taxi. Sumakay ako at ibinigay ang address ng bahay namin, saka tahimik na umiyak habang nakatingin sa bintana. Hindi ko na rin matandaan kung paano ako nakapasok sa bahay at nakarating sa kuwarto. Ang alam ko lang, nang mahiga ako, hindi ko na napigilang ilabas ang lahat ng sakit na pinipilit kong lunukin. Ang mas masakit, walang tumawag sa akin. Walang Raiko na nagtanong kung nasaan na ako o kung bakit ako nawala sa dinner. Kahit isang mensahe, wala. Imposibleng hindi niya napansin ang pagkawala ko. Pero ni isa sa mga taong naroon ay hindi rin nag-abala na hanapin ako. Marahil naging abala silang lahat sa pag-aasikaso kay Stephanie, sa pagbati sa kanya at sa pag-uusap tungkol sa pag-alis nito. Marahil hindi man lang nila napansing may isang taong tahimik na umalis habang sila ay abala sa sarili nilang mundo. Napapikit ako at pinahid ang luha sa gilid ng mata ko. Akala ko kaya kong tiisin ang lamig ni Raiko, ang mga salitang binitiwan niya sa akin, at ang paraan ng pagtrato niya na para bang wala akong karapatang masaktan. Pero iba pala kapag narinig mong direkta sa bibig niya na ang babaeng gusto niyang makasama ay hindi ikaw. Hindi pala sapat na asawa ka niya sa papel. Hindi rin pala sapat na dinadala mo ang anak niya. Kung ang puso niya ay nakalaan na sa iba, wala kang magagawa kundi tanggapin iyon, kahit araw-araw kang masaktan. Dahan-dahan kong inilagay ang palad ko sa tiyan ko. Limang buwan na ang baby namin, at sa kabila ng lahat ng nangyari, siya pa rin ang dahilan kung bakit sinusubukan kong bumangon araw-araw. Hinaplos ko ang tiyan ko habang tuloy-tuloy ang pagpatak ng mga luha ko sa unan. “Baby, I'm sorry,” bulong ko, pilit na ngumiti kahit nanginginig ang labi ko. “Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa atin, pero promise, hindi kita pababayaan. Kahit ano pa ang sabihin ng Daddy mo, ikaw ang anak ko. I will always love you.” Huminga ako nang malalim at marahang pinunasan ang mukha ko. Ayokong lumaking puno ng galit ang anak ko. Ayokong dumating ang araw na kailangan niyang magtanong kung bakit hindi kami mahal ng sarili niyang ama. Gusto kong ibigay sa kanya ang lahat ng kaya ko, kahit kailangan kong magsikap nang mag-isa. Pero hindi ko rin maitatangging may bahagi sa akin na umaasa pa rin. Umaasang baka magbago ang lahat kapag umalis na si Stephanie. Aalis si Stephanie. Limang taon daw siyang mawawala, at kahit hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa loob ng panahong iyon, hindi ko maiwasang isipin na baka kapag wala na siya, mabigyan naman ako ni Raiko ng pagkakataon. Baka sakaling makita niya ako hindi lang bilang babaeng napilitan niyang pakasalan, kundi bilang asawa niya. Baka sakaling mapansin niya rin ang anak namin at matutong mahalin ito. Alam kong hindi ko dapat gawing dahilan ang pag-alis ni Stephanie para umasa, pero sa ngayon, iyon na lang ang maliit na bagay na pinanghahawakan ko. Maybe this time, he'll choose me. Maybe he'll choose our baby, too. Hindi ko alam kung gaano katagal akong nanatiling nakahiga, pero nang maramdaman kong medyo kumalma na ang dibdib ko, pinilit kong bumangon. Pinunasan ko ang mukha ko at inayos ang buhok kong magulo dahil sa pagtulog. Hindi puwedeng manatili ako sa kama buong araw. May klase ako sa university, at kahit masakit ang lahat, ayokong isuko ang pangarap kong makatapos ng abogasya. Kailangan kong magkaroon ng sariling kinabukasan, hindi lang para sa sarili ko kundi para rin sa baby ko. Dumiretso ako sa banyo at naligo. Hinayaan kong dumaloy ang tubig sa mukha ko habang pilit kong inaalis sa isip ang mga nangyari kagabi. Pagkatapos kong magbihis, nagsuklay ako at naglagay ng kaunting pulbos sa mukha para hindi halatang namamaga ang mga mata ko. Hindi man tuluyang nawala ang lungkot, sapat na ang ginawa kong paghahanda para makalabas ako ng kuwarto nang hindi mukhang kagagaling lang sa magdamagang pag-iyak. Huminga ako nang malalim, saka kinuha ang bag ko at lumabas ng kuwarto. PAGBABA ko ng hagdan ay may naririnig akong mga pamilyar na boses, agad kong nakita sina Raiko, Stephanie, at Valentina sa dining area. Magkakatabi sila sa mahabang mesa, at sa kabila ng maagang oras ay parang masigla na ang kanilang umaga. Nakaupo si Raiko sa tabi ni Stephanie habang inilalapit nito ang isang baso ng juice sa babae, saka may sinabi na naging dahilan para bahagyang ngumiti si Stephanie. Simpleng kilos lang iyon, pero sapat na para maramdaman ko ang sakit na pilit kong ibinaon kagabi. Huminto ako sa bungad ng pinto. Hindi ko alam kung dapat ba akong magpatuloy o bumalik na lang sa kuwarto. Pero nang mapansin ako ni Stephanie, agad siyang tumingin sa akin at bahagyang inayos ang pagkakaupo niya. “Good morning, Aria,” bati niya, may bahid ng pag-aalangan sa boses. “I hope you don't mind na nandito ako. I stayed here last night because I drank too much. Raiko was worried about me going home alone, so he asked me to stay in the guest room with Valentina.” Maingat niyang ipinaliwanag ang nangyari, na para bang kailangan niyang tiyaking wala akong maiisip na masama sa pananatili niya sa bahay na ito. Napatingin ako kay Valentina kita ko ang gulat sa mukha niya. Sandali itong natigilan bago tumango. “Y– yes, kasama niya ako kagabi," nataranta niyang sagot pero agad siyang bumawi. "She wasn't in any condition to travel alone, kaya mas mabuting dito na lang siya magpahinga.” Pagkatapos ay bumaling siya kay Raiko na para bang hinihintay kung may idaragdag pa ito. Walang gaanong pagbabago sa mukha ng asawa ko. Ibinaba niya ang hawak na tasa at tumingin sa akin nang saglit bago muling ibaling ang atensiyon kay Stephanie. Para sa kaniya, wala namang kailangang ipaliwanag. Wala ring kailangang ikabahala. Dahan-dahan akong lumapit sa mesa. “Nauna akong umuwi kagabi,” sabi ko habang nakatingin kay Raiko. Pinilit kong panatilihing maayos ang boses ko kahit ang dami kong gustong itanong. “Hindi ka ba nag-alala sa akin? Buntis ako, Raiko. Gabi na rin nang umalis ako sa mansion, mag-isa akong nag-taxi pauwi. Ni hindi mo man lang ako tinawagan para alamin kung nakarating ako nang ligtas.” Sandaling natahimik ang lahat. Huminto si Stephanie sa pag-abot ng tinapay at napatingin sa akin, habang si Valentina naman ay bahagyang nag-iba ang ekspresyon. Si Raiko lang ang nanatiling kalmado. Walang bakas ng pag-aalala o kahit kaunting pagsisisi sa mga mata niya nang sagutin niya ako. “Nakauwi ka naman, di ba?” malamig niyang tanong, saka muling hinawakan ang tasa niya. “Ano ang dapat kong ipag-alala?” Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa buong katawan ko. Napatingin ako sa kaniya, umaasang baka may kasunod pa siyang salita, baka sakaling sabihin niyang hindi niya naisip na mag-isa akong umuwi, o kahit simpleng pag-amin na dapat ay tinawagan niya ako. Pero wala. Para sa kaniya, dahil nakauwi ako nang ligtas, wala nang dapat pag-usapan. “Raiko...” Mahina kong sambit, bahagyang nanginginig ang mga daliri ko sa gilid ng mesa. “Ang sinasabi ko lang naman, buntis ako. Kahit papaano, puwede mo sanang alalahanin kung ligtas ba akong nakarating sa bahay.” “Don't compare yourself to Steph.” Matalim ang naging sagot niya, at ngayon ay tuluyan na siyang humarap sa akin. “She's drunk, at puwede siyang bastusin habang mag-isang umuuwi sa ganoong kalagayan. Hindi ko naman siya puwedeng pabayaan na lang. Ikaw, nakauwi ka nang maayos. What's the problem?” walang emosyon niyang tanong. Napatigil ako. Hindi ko alam kung alin ang mas masakit, ang kawalan niya ng pakialam sa nangyari sa akin kagabi o ang paraan ng pagsasabi niyang wala akong karapatang magtanong dahil hindi naman ako napahamak. Para bang kailangan munang may mangyaring masama sa akin bago maging makatwiran ang pag-aalala niya. Samantalang kay Stephanie, sapat nang malasing ito para maramdaman niyang kailangan niya itong protektahan. “Hindi ko naman kinukumpara ang sarili ko sa kaniya,” sagot ko, pilit na pinipigil ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. “Gusto ko lang sanang malaman kung kahit minsan, naiisip mo rin ba ako. Asawa mo ako, Raiko. Dinadala ko ang anak mo.” Bahagyang kumunot ang noo niya. “And what do you want me to do, Aria? Stay by your side every second? You know I have other responsibilities. Hindi lahat ng bagay kailangang gawing malaking isyu.” Napayuko ako. Hindi ko hinihinging bantayan niya ako bawat segundo. Hindi ko rin inaasahang bigla niyang babaguhin ang pakikitungo niya sa akin dahil lamang buntis ako. Ang gusto ko lang ay maramdaman na mahalaga rin ako sa kaniya kahit kaunti, na hindi ako basta babaeng napangasawa niya dahil wala siyang ibang pagpipilian. Pero kahit ang simpleng pag-aalala ay tila napakalaking bagay na para hingin sa kaniya. “I'm sorry,” mahinang sabi ni Stephanie, halatang hindi komportable sa usapan. “I didn't mean to cause a misunderstanding between you two. I can leave if—” “No.” Agad siyang pinutol ni Raiko, at nagbago ang tono ng boses niya nang bumaling ito sa babae. “You don't have to leave. You did nothing wrong.” Napatingin ako sa kanilang dalawa. Kay Stephanie, malumanay ang boses niya. Sa akin, bawat salita ay parang may kasamang pader na hindi ko kayang lampasan. Hindi ko kailangang hulaan kung sino ang gusto niyang manatili sa tabi niya. Kitang-kita ko iyon sa paraan ng pagtingin niya sa babae, sa pag-aalala niya, at sa bilis ng pagtatanggol niya rito. “Aria, hija.” Napalingon ako kay Manang Flora na kakalabas lang mula sa kusina, may dalang plato ng mainit na pagkain. “Halika, maupo ka na. Kumain ka muna bago pumasok sa university. Baka naman wala ka na namang makain buong umaga.” May pag-aalala sa mukha niya habang inilalapag ang plato sa harap ko. Matagal na niya akong kilala, kaya marahil napansin niya ang pamamaga ng mga mata ko at ang pamumutla ng mukha ko. “Thank you, Manang,” sagot ko, saka marahang hinila ang upuan at umupo. Sinubukan kong kumain kahit parang nakabara sa lalamunan ko ang bawat subo. Naririnig ko pa rin ang usapan nina Raiko at Stephanie sa kabilang bahagi ng mesa. Paminsan-minsan ay nagtatawanan sila nang mahina, at sa bawat tunog ay lalo kong nararamdamang wala akong lugar sa pagitan nila. Nasa iisang mesa kami, iisang bahay ang inuuwian, at iisang apelyido ang dala ko bilang asawa ni Raiko, pero para akong bisitang hindi dapat makialam sa kung anong mayroon sila. Nang matapos ako, agad kong kinuha ang bag ko at tumayo. “Aalis na ako. Baka mahuli ako sa klase.” Hindi man lang nagtanong si Raiko kung paano ako papasok o kung may susundo ba sa akin mamaya. Abala siya sa pakikinig kay Stephanie na may ikinukuwento tungkol sa international modeling contract nito. Nang banggitin ni Stephanie na kailangan na niyang umalis soonest, bahagyang tumigas ang panga ni Raiko, at nakita kong ibinaba niya ang kubyertos na hawak niya. “May panahon pa bago ka umalis,” sabi niya sa babae. “We can still talk about it.” Tumango si Stephanie, at muling bumalik ang atensiyon ni Raiko sa kaniya. Tahimik akong naglakad palayo sa dining area. Isang kamay ko ang kusang napunta sa tiyan ko habang ang isa naman ay mahigpit na nakahawak sa strap ng bag. Hindi ko gustong umiyak sa harap nila, lalo na at alam kong wala namang magbabago kahit makita pa ni Raiko ang mga luhang pinipilit kong pigilan. Pagdating ko sa may pintuan, sandali akong huminto at napatingin sa labas. Kailangan kong pumasok sa klase, magpatuloy sa pag-aaral, at tuparin ang pangarap kong maging abogado. Hindi ko puwedeng hayaang ang bawat malamig na salita ni Raiko ang maging dahilan para sumuko ako. May anak akong kailangang alagaan, at kahit hindi ko pa alam kung anong klaseng ama ang magiging asawa ko, sisiguraduhin kong hindi mararamdaman ng anak ko na hindi siya mahalaga. Kaya pinunasan ko ang gilid ng mata ko, huminga nang malalim, at lumabas ng bahay nang hindi na lumilingon. Hindi ko alam kung kailan ako titigil sa pag-asang balang-araw ay pipiliin din kami ni Raiko. Pero sa umagang ito, kailangan kong matutong dalhin ang sakit nang hindi hinahayaang sirain nito ang araw ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD