CHAPTER 25: SEEKING FOR THE TRUTH
Zeph's POV
"Okay, bye."
Pagkatapos kong ibaba ang telepono ay nakarinig ako ng katok mula sa pinto ng kwarto ko. Paglapit ko r'on ay bumungad sa akin ang pagmumukha ni Zed na nakangisi.
"Sa wakas nakakatok din ako sa kwarto mo!" anunsyo niya.
Napaawang ang labi ko nang makita ko ang ngisi niyang 'yon...nangyari na ito dati...'yung makita ko ang mukha ng taong importante sa akin sa mukha ng iba...
Pero bago pa niya mapansin ang pagtitig ko sa kanya ay umiwas na ako ng tingin, ayokong magbigay pa ng panibagong impormasyon sa kanya na tungkol sa akin. Kasi sigurado ako, kapag napansin niya ang pagtitig ko, kukulitin niya ako kung bakit...hanggang sa marindi ako at masasabi ko na ang rason.
Habang abala pa siya sa pag-celebrate niya sa nangyari ay isinara ko na ang pinto ng kwarto saka nagsimula nang maglakadd. Tulad ng inaasahan ko ay sinundan niya ako sa paglalakad.
"Madam, saan pala ang lakad natin ngayon?"
Tumingin ako sa kanya bago sumagot, "Ako lang. Hindi ka kasama."
"Hindi ako papayag! Kahit ano pa 'yang lakad mo, sama ako."
Napapikit ako ng bahagya. Habang tumatagal ay nagiging ka-ugali na rin niya si—
Itinikom ko ang bibig ko na animo'y pinipigilan ko ang sarili ko na maisip o mabanggit manlang ang bagay na gumugulo sa akin nu'ng isang araw pa. Hindi magandang iyon ang problemahin ko ngayon.
Wala naman akong magagawa kung bubuntot siya sa akin, maiinis lang ako kung sasawayin ko siya kasi siguradong siya pa ang mauuna sa aking sumakay ng kotse.
Kahit may kwarto ako sa mansion ng Pistol's Tribe ay mas gusto ko pa rin talaga ang mag-stay sa hotel na tinutuluyan ko mula nu'ng bagong dating ako rito sa Pulang Bato. Saka wala namang tutol ang boss ng gang na hindi ako namamalagi sa lungga niya.
"Hindi tayo sa mansion pupunta," sabi ko nang mapansin na ang dinadaanan namin ay papunta r'on.
"Ha? Wala ba tayong trabaho ngayon?" aniya.
Sa backseat ako nakaupo kaya hindi ako nagagawang balingan ni Zed ng tingin. At wala rin akong balak na makipagtinginan sa kanya.
Hindi ko siya sinagot, alam na niya ang ibig sabihin kapag gan'on.
Walang magagawa ang boss nila kung ayaw kong magtrabaho, alam naman niya na may galit ako sa grupo nila at nagtitiis lang ako rito para magawa ang gusto ko. Kaya maiintindihan niya kung hindi ako kikilos para sa mga misyong nakahain.
"Madam, baka nakakalimutan mo...ako ang mata na ginagamit ni Boss para bantayan ang kilos mo—"
"Oo nga pala, gaano ka na katagal na miyembro ng Pistol's Tribe?"
Wala akong panahong pakinggan ang mga drama niya at wala rin akong pakialam kung binabantayan niya ang kilos ko. Hangga't hindi ako pinapapatay ng boss nila, malaya akong makakakilos sa loob at labas ng gang. Kaya hindi ko na kailangan ng sermon dahil alam ko na ang tungkol sa bagay na sinasabi ni Zed, paulit-ulit na nga niyang ipinapaalala 'yan. Naririndi na rin ako.
"Bakit mo tinatanong?"
Sandaling bumaling ang tingin ko sa kanya pagkatapos niyang itanong 'yon, bigla kasing nag-iba ang tono ng boses niya. Lumalim ito na para bang ipinapahiwatig na seryoso siya ngayon.
"Bakit ka umaarte na parang hindi mo ako kilala? Bakit pinagkakatiwalaan mo ako na parang totoong mag-partner tayo?"
Ilang segundo ang lumipas, umiral ang katahimikan sa pagitan naming dalawa sa mga sandaling iyon.
Ngayong seryoso ang tono niya, ayoko nang palampasin ang oras na ito para magtanong ng mga seryosong bagay. Noon ko pa napapansin na patay-malisya siya sa nangyayari, pareho sila ng boss niya...hinahayaan akong kumilos ng naaayon sa gusto ko. Ang pinagkaiba lang nila, alam ko ang rason ng lalaking 'yon samantalang siya ay wala akong ideya sa mga plano niya.
Magsasalita na sana ako para ulitin ang tanong ko pero naunahan na niya 'ko, "Mag-partner naman talaga tayo."
Ipinikit ko ang mata ko dahil nakakaramdam na ako ng inis. Hindi ito dahil sa pinilosopo niya ako, dala ito ng pag-iisip ko na nakikita ko sa kanya si...
"At walang rason para hindi kita pagkatiwalaan."
Mabilis na nagpalit ang emosyon ko, kusang gumuhit ang ngisi sa labi ko. "Iniisip mo bang mapapakinabangan mo ako? Balita ko kasi...isa ka sa mga matatagal ng miyembro ng Pistol's Tribe. Huwag mong sabihin na balak mong kumampi sa akin para mapabagsak ang founder n'yo?"
Hindi siya sumagot sa akin, para bang kahit seryoso ang usapan ay maingat pa rin siya sa mga isasagot niya. Lalo akong nagdududa na may iba siyang plano para kay Boss.
Muli akong nagsalita, "Wala akong pakialam sa kung anong plano ang balak mo sa taong 'yon. Huwag ka lang mangingialam sa mga plano ko."
"Bakit ba ang tindi ng galit mo kay Boss?"
"Tanga ka ba talaga o nagta-tanga-tangahan? Kailangan ko ba talagang direktang sabihin sa 'yo na—"
"Hindi siya ang pumatay sa ate Tiffany mo."
Naningkit ang mata ko. Lalo akong nahiwagaan sa kanya dahil sa pagkakabigkas niya sa bagay na 'yon. Tila nangati ang dila ko na pahabain pa ang usapang ito.
"Bakit ko ba pinahihirapan ang sarili ko na kumausap ng patago sa mga miyembro, kasama ko lang naman pala ang taong makakapagbigay sa akin ng mga impormasyong kailangan ko."
Nabaling ang tingin ko sa daan pagkatapos kong magsalita, napansin ko na ibang daan na ang binabagtas namin. Nagmamaneho na lang siya para sa pag-uusap na ito, wala na kaming partikular na pupuntahan...kung saan-saan na kami napadpad.
"Sayang lang ang pagod mo rito, Zeph. Hindi mo rin makakamit ang hustisyang gusto mo."
Nanatili sa labas ng bintana ng kotse ang tingin ko. "Masasayang lang ang lahat kapag hinayaan kong mangyari ang sinabi mo."
"Makitid din pala ang utak mo."
"May paninindigan lang ako, hindi ako gaya mo na nagpapanggap na walang alam para lang manatiling ligtas."
"Hindi mo alam ang nakaraan ko, kaya huwag mo akong husgahan na parang kilala mo na kung sino ako."
"Iyon nga, eh. Hindi ko alam ang tungkol sa 'yo. Habang ikaw ay alam mo ang tungkol sa akin. 'Diba parang ang unfair?"
Sa tuwing nananahimik siya, lalo akong nagdududa sa mga bagay na alam niya tungkol sa gang. Nauubusan na ako ng sasabihin para magsalita siya ng alam niya.
"Kung impormasyon ang kailangan mo, kailangan ko rin iyon...bakit hindi tayo magpalitan?"
Napalunok ako sa naging tanong niya sa akin. Halos hindi ako mapakali sa kinauupuan ko, ito na ba ang pagkakataon na hinihintay ko? May makakatulong na ba sa akin sa paghihiganti ko?
"Dipende 'yan sa kung ano ang sasabihin mo sa akin," sagot ko.
Ayokong madala na naman ako ng isip at emosyon ko na magtitiwala ako agad sa kanya. Sa mga naranasan at inabot ko rito sa lungga ng Pistol's Tribe, mas natuto ako na huwag nang basta magtitiwala sa mga taong nasa paligid ko. Mas bumilis din ang pakiramdam ko, lalo rin akong naging maingat sa mga bagay na sinasabi ko. Sa tingin ko nga ay para na rin akong nasabak sa training dahil sa mga natututunan ko rito.
"Hindi si Boss ang pumatay sa kanya."
Agad akong napahagalpak ng tawa. Masyado yata akong nag-expect sa mga bagay na alam niya. Akala ko pa naman ay may silbi siya, gaya lang pala siya ng mga miyembro na nakakausap ko.
Inayos ko ang sarili ko nang mapansin kong wala siyang imik o reaksyon sa ginawa ko. "Sorry, alam ko na kasi ang tungkol diyan. Nandoon ako sa pinangyarihan kaya alam kong hindi siya ang pumatay. Nakita ko rin at natandaan ang mukha ng mga lalaking iyon. Kaya nga sila ang hinahanap ko, dahil utos man 'yon ni Boss o hindi, sila pa rin ang pumatay sa ate ko."
"Nandoon ka nga, pero nananatili ka pa ring walang alam."
Kumunot ang noo ko. "Anong sabi mo?"
Siya naman ang tumawa sa pagkakataong ito. Sa tawa niyang iyon, para bang ibinulgar na niya ang tunay niyang ugali. Para bang nagduda ako sa ugaling ipinapakita niya sa akin, ang pangungulit niya...ang pang-aasar...ang pagiging madaldal...lahat iyon ay hindi totoo...para bang may ginagaya siyang tao, para bang gusto niyang maalala ko ang taong iyon...
"Naalala mo ba ang mga nangyari nu'ng araw na barilin si Tiffany? Saan ka ba nakapwesto n'on? Nasaan ba si Tiffany n'on? Sino ba ang mga kasama mo noon?"
Sa sunod-sunod niyang tanong ay unti-unting bumalik sa ala-ala ko ang nangyari noon...bata pa ako n'on at wala akong ibang inisip kundi ang makatakas sa pagkontrol sa akin ng pamilya ko. Hanggang sa humantong na nga sa gusto nila akong ikasal sa lalaking hindi ko pa nakikita maski ang dulo ng daliri niya. At dahil ayokong makasal sa kanya, nagplano kami ni ate kasama si Tyron na tatakas ako sa araw ng kasal ko.
Pero bago pa namin maisagawa ang pagtakas, nagkaroon na ng gulo. Nagsimula ang putukan at pagtakbo ng mga taong dadalo sa kasal. Tapos may humila sa akin, doon ko nakilala si Xenon at dala ng mga pangyayari...sinabi kong mahal ko rin siya.
Tapos, may lalaking nagbukas ng pinto na pinagtataguan namin at sinabing nakita na raw nila ako. Nagtaka ako na hindi nila nakita si Xenon sa loob ng kwarto kahit kasama ko siya pero hindi ko iyon nagawang intindihin dahil biglang lumitaw si ate sa harapan namin. Sinabi niya siya ako, para iligtas ako sa mga taong may hawak sa akin. At dahil sa ginawa niya, binaril nila ito...
Nanlaki ang mata ko nang ma-realize ko ang ibig sabihin ni Zed. "Sinong bumaril kay ate?! Anong alam mo?!"
Ang tagal kong naging tanga! Sobrang tanga ko!
Kasama ko ang grupo ng mga lalaking maaring miyembro ng Poison Blade nu'ng araw na 'yon at sa harapan ko binaril si ate. Pero hindi ko nakita kung isa nga ba sa mga kasama ko ang totoong bumaril sa kanya! Bakit ba hindi ko iyon agad naisip?!
Sa paglalagi ko rito, at sa mga misyong napuntahan ko na...alam ko na ang putok ng baril, alam ko na kung gaano ito kalakas at kung paano ito iputok. Nang araw na barilin si ate, ngayon ko lang naisip na hindi ko katabi ang bumaril sa kanya! Ibig sabihin, may ibang tao pa na puwedeng gumawa n'on...pero sino?
Hindi ko magawang iharap sa akin si Zed dahil nagmamaneho siya at nasa highway kami. Madami na akong ginawang katangahan at ayoko nang dagdagan pa iyon. Hindi ko siya puwedeng guluhin ng husto, ayokong maging rason iyon para magkamali siya sa pagmamaneho at maaksidente pa kami.
"Kapalit ng sagot sa tanong mo, dapat may sabihin ka rin sa akin."
"Ano bang gusto mong malaman?!"
"Dipende."
"Ano?! Puwede ba, hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo! Huwag mong hintayin na itulak ako ng demonyo at sabay pa tayong ihatid n'on sa impyerno. Nagpipigil lang ako Zed, kahit kanina pa kita gustong sapakin!"
"Sasagot ako sa tanong mo dipende sa kalidad ng sasabihin mo."
"Ano ngang gusto mo?!" napasigaw na ako dahil sa irita. Bumalik na naman kasi siya sa pag-uugali niyang nang-aasar.
"Gusto ko lang na ikuwento mo sa akin ang dati mong buhay bago ka napadpad dito."
Napalunok ako, ikinalma ko ang sarili ko dahil ayokong basta na lang magsalita at sabihin sa kanya ang gusto niya. Hindi ko pa alam ang plano niya sa akin, idagdag pa nag-aalala na ako sa pagmamaneho niya...hindi ko na alam kung nasaan na kami.
"Kung inutusan kang patahimikin na 'ko, gawin mo na. Hindi mo na kailangan pang maki-usisa sa buhay ko."
Narinig ko ang pagtawa niya bilang sagot sa sinabi ko. Naikuyom ko ang kamao ko dahil nararamdaman ko na ring pinaglalaruan niya lang ako.
"Kung papatayin kita...dapat kanina pa. Isa pa, wala akong intensyong patayin ka kung alam kong malaki ang pakinabang mo lalo kay Boss."
Kumunot ang noo ko. "Saan mo ako balak dalhin?" tanong ko.
"Kahit saan, kung saan mo gusto."
"Hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo. Ang gusto ko—"
"Kakayanin mo kayang tanggapin kapag nalaman mo kung sino ang bumaril sa ate mo? Matutuwa ka kayang malaman na ang taong pumatay sa ate mo...ay kilala mo?"
"Anong sinasabi mo?"
"Dahil mag-partner naman tayo, aaminin ko sa 'yo ang isang bagay..."
Walang tigil ang pagkabog ng dibdib ko. Handa ako sa kung ano mang sasabihin niya, kahit pa sinabi ko sa sarili kong huwag ako basta magtiwala sa sinasabi ng iba sa akin ay umaasa pa rin ako na may alam nga siya sa pumatay kay ate. Dahil makilala ko lang talaga ang taong 'yon at mapatay ko rin siya, puwede na rin akong mamatay...
"Ako ang pumatay sa kanya."
Luha. Agad na may tumulong luha sa mata ko. Hindi ko alam kung bakit ito ang unang naging reaksyon ko. Pero ang sakit, sobrang sakit.
Para akong tanga na iyak nang iyak habang umiiling. "Sinabi kong hindi ako maniniwala agad sa sinasabi ng iba kaya—"
Huminto ang kotse. Mabilis niya 'kong hinarap at hinawakan sa magkabilang braso. "Nakikinig ka ba?! Ako ang pumatay sa ate mo! Nang araw ng kasal mo, nandoon ako! Nang araw na hawak ka ng mga miyembro ng Pistol's Tribe, nasa likod ako! At ako...ang bumaril sa kanya. Bakit hindi mo 'yun maintindihan?!"
"Hindi ako naniniwala sa 'yo! Hindi 'yan totoo!"
Nasisiraan na yata talaga ako ng ulo dahil itinatanggi ko ang bagay na dapat ay ikatuwa kong malaman. Isang magandang pagkakataon na sana ito para tapusin ko siya dahil kaming dalawa lang ang magkasama.
Pero may kung ano sa kalooban kong hindi talaga tinatanggap ang sinabi niya. Isa akong uto-uto at madaming tao na ang nang-uto sa akin. Pero sa pagkakataong ito, hindi niya 'ko naloko...hindi niya 'ko napaniwala. Buo ang pag-iisip ko na nagsisinungaling siya. Para bang sa paraan ng papanalita niya, meron siyang pinagtatakpan. Para bang...gusto niyang paniwalaan ko siya dahil maaring may plano siya pagkatapos niyang sabihin iyon sa akin...
Kaya tama lang na hindi ko siya paniwalaan. Hangga't hindi ko napapatunayan sa sarili kong paraan, hindi ako maniniwala sa kanya. Tapos na akong maging mahina...tapos na ako sa pagiging desperada na kung ano ang dumating sa harapan ko ay agad kong susunggaban.
"Hindi ka naniniwala?" aniya, kaharap ko pa rin siya at nakangisi sa akin.
"Maniniwala lang ako kung si ate mismo ang magsasabi sa akin—"
Hindi ko intensyon na bastusin si ate. At gusto ko talagang sampalin ang sarili ko dahil sinabi ko 'yon. Siguro nadala lang ako ng emosyon na gusto kong patunayan sa kanya na hindi talaga 'ko naniniwala sa kanya.
Pero hindi ko inaasahan na hahalikan niya 'ko para lang patahimikin ako. Hindi ko alam kung ayaw niya rin ba ang sinabi ko o may bagay siyang gustong ipaintindi sa akin gamit ang halik na 'yon.