ANDREA Sumunod sila sa kusina, tumulong naman ako sa paglalagay ng mga pagkain sa dining kung nasaan ang mahabang mesa. Pati ang paglalagay ng mga pagkain sa mga bandihado para naman sa mga tauhan sa labas ng mansyon. Bukod sa dalawang kasama niya, may dumating pang dalawang lalake sa mansyon na napag-alaman kong pawang mga kaibigan din nila. Sobrang naiilang ako sa mga tinginan at pang-aasar nila kay Akrim. Hindi nagsasalita si Akrim, pero madalas niyang batohin ng matalim na tingin ang mga kaibigan kapag may sinabi ang mga ito na hindi niya nagugustuhan. “Andrea, kumusta naman si Gob dito sa mansyon ngayon nandito ka?” napatigil ako sa ginagawa dahil sa tanong na iyon ni Prix. Hindi ko na naman alam kung anong isasagot ko. Napatingin ako kay Akrim, tiningnan lang din niya ako.

