NINE

2982 Words
“Akala ko ba ay hindi mo kilala ang mga clan na tinutukoy ko?”      Ito ang kanina pang tinatanong ni Luna simula pa noong makabalik kami pagkatapos pagsilbihan ang mga grupong iyon, pero hindi ko naman siya pinapansin dahil pare-pareho kaming may mga trabaho. Hindi naman pwedeng unahin namin ang pagchichismisan kaysa rito, hindi ba? Kakatapos lang ng duty namin para ngayong umaga at ngayon nga ay hindi na siya nakapagpigil na tanungin akong muli.     “Bakit mukhang close na close rin kayo ni Andrew?” Naningkit ang kaniyang mata habang tinitingnan ako. Bakit ba ang dami ring tanong ng babaeng ito?     “Sinong Andrew? Ah, si Kulas ba? Hindi ko kilala ‘yon!” simpleng sagot ko at sumubong muli sa kinakain. Ginugutom ako at puro tanong naman itong si Luna.     Nandito kaming dalawa sa isang sulok at kumakain ng pananghalian. Si nanay Siling din pala ang nagpo-provide ng pagkain sa mga staff niya. Siguradong makakatipid ako nito. Libreng pagkain, tapos sumasahod pa ako.     Sinimangutan niya ako. “Anong Kulas? Andrew Gomez ang pangalan noong lalaking iyon. Ang layo naman ng Kulas sa mismong pangalan niya!” wika niya.     “O, ‘di ba? Hindi ko kilala. Kulas nga ang tawag ko! Kumain ka na nga lang dahil pareho pa tayong may klase mamaya,” sabi ko sa kaniya.     Kanina pa kasing hindi niya nagagalaw ang pagkain niya. Inuuna pa niya ang pagdaldal sa akin. Paano siya mabubusog nito? Wala naman akong pakialam kung magutom man siya pero ako kasi ang inaabala nitong si Luna. Paubos na itong kinakain ko at siya ay puno pa ang plato.     “Si Andrew ang bunso sa tatlong magkakapatid na Gomez. Ate niya iyong dalawang kasama niyang babae sa mesa. Si Angelique Gomez ang panganay sa magkakapatid, siya iyong maikli ang buhok. Si Andrea naman iyong blonde na babae at ang Student Council’s Secretary. Ang mga Gomez ang ikatlo sa pinakamakapangyarihang clan sa Pilipinas at ikalima sa buong mundo.”     Mukhang hindi naman sila mahilig sa pangalan na nagsisimula sa letrang A, hindi ba?     Nagsimula siyang magsalita kahit na hindi naman ako nagtatanong. Tiningnan ko ang oras at nakitang marami pa ang natitira bago magsimula ang klase. Tutal naman ay malapit na akong matapos sa pagkain, nagpasya na lang akong makinig sa kung ano pa ang sasabihin niya.     “Hindi ko alam kung bakit mo tinatawag na Kulas si Andrew, at hindi ko rin alam kung bakit pumapayag siya na tawaging ganoon?” saad pa niya. Nagkibit-balikat ako. Totoo naman na mas bagay sa kaniya ang pangalang Kulas. Mukha kasi siyang laging hulas. Okay waley!      “Sa tatlong Gomez, si Andrew ang laging laman ng basag-ulo. Mukha lang siyang palabiro pero siya ang susunod na taga-pagmana ng Gomez clan. Alam kong hindi rin siya mukhang officer ng Student Council, pero siya ang Peace Officer sa buong university.” Pagpapatuloy niya.     Totoo ba? May role naman pala rito ang Kulas na iyon at Peace officer pa talaga? Hindi nga tumitigil ang bibig ng lalaking iyon. Parang laging nakalunok ng mikropono sa sobrang lakas ng boses niya.     “May tanong ka pa ba tungkol sa kanila? Any violent reactions?” Napatawa si Luna.     “Wala naman. Wala naman kasi akong pakialam sa kanila,” sagot ko.     Isinubo ko na rin iyong huling kutsara ng kinakain ko. Iinom na sana ako ng tubig nang bigla niyang tinampal ang kamay ko. Aba't, anong karapatan niya? Feeling close rin itong si Luna!     “Ano ka ba? Baka may makarinig sa ‘yo. Ang bibig mo talaga walang patawad,” bulong niya.     Sinenyasan pa niya ako na ‘wag maingay. Luminga pa siya sa paligid ngunit alam ko namang walang nakikinig sa amin bukod sa ilang staff ni nanay Siling na sumusulyap sa gawi namin. Masiyado siyang nerbiyosa! At ano naman kung mayroong makarinig sa amin. Totoo naman na wala akong pakialam. Kailangan ba lahat ng tao ay pakialaman sila? Mas maayos nga iyong walang pakialaman sa buhay ng bawat isa. My gosh! These people.     “Let’s move on. Ang sunod sa Gomez ay ang mga Salvador. Iyong limang grupo na mayroong dalawang babae. At napansin ko rin na parang kilala ka ni Kristopher,” sagot niya.     Napakunot naman ang noo ko. “Sino naman ang Kristopher na iyon? Ang dami mong napapansin, Luna. Dati ka bang detective?” Sumimangot ako.     “Si Kristopher ‘yong unang bumati sa ‘yo noong naglalagay ka ng plato,” sagot niya.     Napaisip ako. Inalala ko ang nangyari kanina at parang may umilaw na bumbilya noong maisip ko na kung sino iyon. Walang iba kung hindi ang damuhong naghagis sa akin ng dart pin.     “Hindi ko siya kilala. Nagkataon lang na nagkasalubong kami ng landas na sana ay hindi na lang," simpleng sagot ko.     Bakit ba mga malalaking tao ang mga halos nasasayangan ko ng ilang minuto ng buhay ko? Sa halip na magkakaroon ako ng payapang buhay rito sa university, ay mukhang malabo iyon. Puro may sinasabi sa buhay ang mga damuho. Mukha naman siyang naguguluhan pero nagpatuloy pa rin sa pagsasalita.     “So ayun na nga, si Kristopher Salvador iyong lalaking kalbo na feeling kilala ka. Ang haba ng hair mo ha!” Napatawa siya ng bahagya. Napailing na lang naman ako. “Si Kenny, iyong babaeng may braces at si Kristopher ang magkapatid. Magkapatid din si Pinky, iyong babaeng may literal na pink na buhok at si Kentosh na lalaking kulot. At ang huli naman ay si Justine, iyong lalaking maputi at chinito na siyang Vice President ng Student Council at ang pinakamatanda sa buong Salvador,” paliwanag niya.     Bilib na rin ako sa sipag niya sa pagkukwento. Sa mga ganitong bagay ay hindi ako maaasahan. Makinig nga lang ay tinatamad ako, magsalita pa kaya? Pero nakakapagtakang nakikita ko ang sariling nakikinig sa lahat ng mga sinasabi niya. Mabuti na rin siguro itong may alam ako habang pumapasok dito. Hindi naman habang buhay na magiging clueless ako.     “Salvador naman ang pangalawa sa pinakamakapangyarihang pamilya sa bansa at ang pang-apat sa buong mundo,” saad pa niya.     Napatango naman ako. Puro anak-mayaman naman pala halos lahat ang nakatira rito. Ako lang yata iyong isang kahig, isang tuka ang pamumuhay sa lugar na ito. Kaya naman pala noong unang araw ko ay mga naka-sports car ang mga mokong. Hahanapin ko pa nga pala iyong kulay pulang sasakyan na muntik nang makabundol sa akin kanina. Napapangisi ako sa maaari kong gawin doon kung sakaling magkita na kami.     “Hoy, ang creepy mo! Ngumingisi kang mag-isa r’yan!” saad niya.     Umiling ako. “Wala. May naisip lang akong nakakatuwang bagay.”     “Ang weird mo talaga, ano?” aniya. Tumawa na lang ako.     Kinuha niya ang isang bote ng tubig at uminom doon. Humugot muna siya ng malalim na hininga bago muling nagsalita.     “Ang huling clan naman ay ang mga Madrigal. Ang pamilya nila ang nangunguna sa lahat ng aspeto sa buong Pilipinas at ang pumapangalawa sa buong mundo. Masasabing kumpara sa naunang dalawang clan na nabanggit ko, ang Madrigal talaga ang doble ang kapangyarihang natatamo sa lahat.” Wow. Mga apelyido pa lang nila ay talagang mga bigatin na.     “Katulad ng sa mga Gomez, magkakapatid din ang mga Madrigal. Yzabelle and Yvandelle were twins and they are the youngest. Sumunod si Alexander na sa tingin ko ay kilala mo na dahil siya iyong nagsalita sa bulwagan.” Tumango ako. Oo, natatandaan ko pa naman. “Si Ashton ang sumunod sa kaniya na isa ring Student Council. Siya iyong mukhang badboy na may ahit sa gilid ng buhok.”     Tumatango lang ako kahit na hindi ko naman masyadong naaalala ang mga itsura nilang lahat. Hindi ko naman sila tiningnan ng matagal. Abala ako sa pagsisilbi sa kanila at wala akong oras para ro’n. Pero siyempre nagsisinungaling ako sa parteng hindi ko sila tiningnan lahat.       “Ang huli at ang Presidente ng Student Council ay si Grey Lorcan Madrigal.”     Kitang-kita ko ang pagniningning ng kaniyang mata at hindi ko alam kung paanong pagpipigil ang ginawa ko para hindi siya pitikin sa noo. Ngunit sa mga oras na ito ay mas gusto ko yatang kastiguhin ang sarili noong biglang pumasok sa isip ko ang perpektong mukha ng lalaking iyon. Anong karapatan niyang sumingit na lang bigla sa utak ko?     “Sa kanilang lahat, pangalan pa lang ni Grey ay manginginig ka na. Titigan ka pa lang ng lalaking iyon ay manginginig na ang garter ng underwear mo. Hay, ang gwapo niya talaga!” kinikilig na saad niya.   Ipinagsiklop pa niya ang dalawang kamay ay pumikit ng mariin. Napabungisngis siya at ramdam ko ang kilig hanggang sa dulo ng buhok niya sa kili-kili. Kanina pa ako nakikinig sa kaniya pero ngayon pa lang ako nakaramdam ng inis. Gusto kong tusukin ang mga mata niyang ngayon ay nagde-daydream na. Malakas kong inihampas ang aking kamay sa mesa na siyang dahilan ng pagkakalampagan ng mga kubyertos doon. Napatingin din sa gawi namin ang ibang staff na ngayon ay tapos na ring kumain.     Sinamaan ko siya ng tingin. “Siguro bukas mo na lang kaya ituloy ang pagkukwento, ano? Tapusin mo muna ang kilig mo r’yan.”     Nagsimula na akong magligpit ng aking pinagkainan dahil baka hindi ako makapagtimpi ay itusok ko sa ngala-ngala niya ang tinidor na ginamit ko kanina. Ano ba naman, Alice? Kailan ka pa naging brutal?!     “Ito naman, masiyadong nagmamadali. Hindi ba pwedeng makaramdam man lang ng kilig?” Hinampas niya ako sa braso kaya mas lalo ko siyang sinamaan ng tingin.     “Ang hot mo!”     “Matagal ko nang alam ‘yan,” sagot ko at inirapan siya.     Napatawa siya. “Oo na. Totoo naman iyon. Magpapatuloy na nga ako habang sinisipag akong magkwento. Kahit hindi mo kasi sabihin ay alam kong wala kang alam.”     Ngangali-ngali akong sapakin siya sa mga oras na ito. Siya itong nagsimulang magkwento kahit hindi naman ako nagtatanong tapos dadalihan niya ako ng ganoon. Ang sarap bunutan ng buhok sa ilong ang babaeng ito. Tinapos pa talaga niya ang tawa niya bago nagpatuloy. Ngayon pa niya ako binitin kung saan tungkol na sa lalaking iyon ang sasabihin niya.     “Kahit hindi mo sabihin ay alam kong nagugwapuhan ka rin kay Grey.” Kumindat siya sa akin. Pilit ko namang pinagseryoso ang mukha ko at tinaasan siya ng kilay. Wala kang makukuhang sagot sa akin Luna. Hindi ko rin sasabihin sa iyo na kumakabog ng malakas ang dibdib ko sa mga oras na ito.     “Gwapo na ba iyon para sa ‘yo?” tamad kong tanong. Nanlaki naman ang mata niya at hahampasin niya sana akong muli nang naunahan ko siya. “Nakakarami ka na!”     “Ay sorry naman. Natutuwa kasi akong hampasin ang braso mo. Ang bilis mamula!” Tuwang-tuwa siya at nakalampas nga ang palad niyang ngayon ay lumapat na naman sa braso ko. Kitang-kita ko ang pagbakat ng kamay niya roon. Baliw ba siya!? Wala ba akong makikilalang matino man lang sa university na ito? Lord naman.     Napabuntong-hininga na lang ako at napailing. Sana naman sa mga susunod na araw ay may maayos na akong makakausap. Kahit isa lang!     “He is the first born among all the Madrigal siblings. Sa edad na dalawampu’t-apat ay siya na ang humahawak sa lahat ng nasasakupan ng mga Madrigal. Siya ang panganay at siya rin ang pinakamasungit sa lahat. Hindi ko pa nakikitang ngumiti o tumawa ang isang iyon. Siguro dahil na rin sa responsibilidad na nakaatang sa balikat niya. Siya rin kasi ang kasalukuyang Emperor ng Underground World.” Marahas siyang bumuntong-hininga.     Noong una pa lang na nakita ko siya ay alam ko na agad iyon. He has this hard facial features. Mukhang ang hirap niyang pakisamahan dahil parang laging may galit sa mundo. Nakakunot ang mga perpekto at makapal niyang kilay. Nakakalunod din ang mga asul niyang mata na pakiramdam mo ay hindi mo na kayang umahon kapag nakulong ka roon. Ang dami ko nang nakasalamuhang tao, mga lalaking masasabi mong gwapo talaga pero siya lang ang tanging hindi maalis sa isip ko. Para siyang si Adonis na nagkatawang-tao para lang mambihag ng puso ng mga babaeng mortal.     Mabilis kong ipinilig ang ulo. Hindi maaari, Alice. Matakot ka r’yan sa nararamdaman mo. Masiyado pang maaga at habang maaga pa lang ay dapat pigilan na ang kung anumang maaaring umusbong diyan sa puso mong matagal nang hindi nakakaramdam ng salitang dapat ay hindi pangalanan. At malabong makamit mo ang lalaking iyon. Masiyadong mataas. Mahirap abutin.     Hindi ko alam kung paanong pangaral ang ibibigay ko sa sarili ko.     “Natahimik ka?” saad niya.     “Bawal ba tumahimik, Luna?” Humalukipkip ako.     Sa mga oras na ito ay walang kahit na anong mababakas na ekspresyon sa mukha ko. Magaling naman ako sa pagtatago ng nararamdaman. Walang sinuman ang makakabasa sa kung anumang tumatakbo sa isip ko. Kung pwede lang ay patigilin ko ang t***k ng puso ko. Masiyado pang maaga para rito.     Umiling naman siya agad. “Ang seryoso mo naman, Alice. Nakakatakot ka!” Kabado siyang tumawa.     “Ikaw kasi, ang dami mong napapansin.” Ngumiti na lang ako para mabawasan ang kaba niya.     “Oo nga pala, bakit may mga clan dito sa university?” tanong ko.     Ito ang matagal ko nang gustong malaman. Ngayon ko lang nalaman na may mga ganito pala. Sa natatandaan kong school ay wala naman. Puro payabangan lang naman ang mayroon doon, pero wala rin namang mga binatbat kapag pinakitaan mo kung anong mayroon ka.     “Aware ka naman siguro na hindi pangkaraniwang school ang pinasukan mo?” aniya. “This is an assassin institute. Pinapatakbo ito ng tatlong clan na nabanggit ko. Iba’t-ibang grupo ng estudyante ang makikita mo rito. Kaya dapat ay hindi ka na magtataka kung sakaling may bigla na lang magbugbugan sa harapan mo. Those students were sent by their families to prepare them from their future responsibilities. Ang mga estudyante ring iyon ang bumubuo sa maliliit ng grupo noong tatlong malalaking clans. Mayroon ding ilan na grupo na hindi kabilang sa kahit na anong clan, kumbaga sila lang iyong grupo na nagsisimula ng maliliit na gulo,” mahabang paliwanag niya.     “Ikaw, saang grupo ka nabibilang?” tanong ko.     Mabilis siyang umiling. “Wala. Isa lang naman akong iskolar. Kaya lang naman ako nagpilit pumasok dito ay dahil dito lang ako pumasa sa scholarship program.” Napatawa siya. “Sanay naman na ako, pero minsan nga ay natatakot pa rin ako kapag biglang may nag-aaway sa harapan ko. Ikaw? Saan ka kasama?”     “Katulad din noong sa ‘yo,” sagot ko. Totoo naman na iskolar lang ako. “Hindi ba kayo nadadamay sa tuwing may nag-aaway? Bakit ayaw ninyong umalis dito?”     “So far, wala pa namang nangyayari sa aming masama.” Humalakhak siyang muli. “Iyon din naman ang kabutihan na mayroong clans na naghahawak sa university. Walang sinuman ang pwedeng gumalaw sa mga iskolar kaya hindi mo kailangang matakot. At saka kahit saan pwede kayong mag-away, ‘wag lang dito sa canteen.”     “Bakit naman?”     “Kabilin-bilinan ng mga Madrigal na ito lang ang lugar na hindi pwede manggulo ang kahit na sino. Kaya nga kampante rin si nanay Siling na kahit magulo ang paligid ng university, tuloy pa rin ang trabaho rito,” sagot niya.     Kaya pala noong biglang dumating iyong tatlong grupo ay biglang tumahimik ang paligid. Ramdam ko ang takot sa mga estudyante noong nandito nga sila. Those clans exude power and authority, no doubt at that. Biglang nag-iba ang atmospera sa canteen at akala mo ay nalunok na ng bawat isa ang kanilang mga dila, pero hindi ko alam kung bakit kahit anong kapa ko sa sarili ay wala akong maramdamang takot para sa kanila. Matagal ko na yatang nakalimutan iyon.     “Fourth year ka na, ‘di ba? Anong section ka pala?” maya-maya ay muling tanong niya.    “Bronze.”     Nanlaki ang mata niya. “Bronze?!” Halos mapasigaw siya kaya naman nakuha niyang muli ang atensyon ng iba. “Puro lalaki ang nandoon. Bakit ka napunta sa section na ‘yon?”     Nagkibit-balikat ako. “Malay ko.”     “Anong trip ng dean at doon ka nilagay? Scholar ka pero nasa patapon kang section?” saad niya. "Fourth year din ako. Silver section."     “Hindi ko rin alam. Paano mo naman nasabing patapon?” Grabe naman sa patapon. Ano tingin nila sa mga estudyante ro’n, basura?     “Sila kasi ‘yong laging mga bagsak sa exams. Alam mo ba na bawal din sila rito sa canteen?” saad niya.     “What? Bakit naman bawal sila rito? Grabeng discrimination iyon!” sagot ko.     Paano pala ako? E ‘di bawal din ako rito? Bronze section ako. "So bawal na ako rito?" tanong ko.     “Ay sorry, Alice. Iyon ang hindi ko alam kung ano ang naging issue nila,” saad niya na napapailing. "Pwede ka naman siguro. O kaya ay 'wag na lang natin ipagsasabi na taga-Bronze ka." "Ano ba kasi ang kasalanan nila at mukhang madadamay pa ako?" Kailangan ko ng trabaho at pare-pareho silang malilintikan sa akin kapag nawalan ako ng trabaho.      "Kilala mo ba si Neil Aragon?" tanong niya. Sino naman iyon? Hindi ako umimik dahil hindi ko kilala kung sino ang tinutukoy niya. "Iyong lalaking may pulang buhok. Siya ang namumuno sa Bronze section." Si Hanamichi Sakuragi pala ang sinasabi niya. Malay ko ba na Neil ang pangalan ng hambog na lalaking iyon. "Sa kaniya mo pwedeng itanong kung ano ang nangyari. Iyon na nga lang ay kung sasagutin ka niya. Matitigas ang ulo ng mga taga-Bronze. Hindi ko nga rin maisip na tinanggap ka ng mga iyon sa section nila." Dagdag pa niya. Bumuntong-hininga ako. Malalaman ko rin kung ano ang nangyari. At anong mababa sila sa exams? Malilintikan sa akin ang mga damuhong iyon. Ang bastos ng bibig nila tapos wala palang mga laman ang utak nilang mga leche sila.            
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD