Napakabilis lumipas ng panahon kapag ang mundo ay unti-unti nang bumabalik sa dati nitong ikot.
Pagkatapos ng sunod-sunod na mapanganib na engkwentro at ng halos nakamamatay na sagupaan sa tulay kung saan bumagsak si Jinwoo dahil sa kanyang mahinang puso, ang ingay ng mga putok ng baril ay napalitan na ng pamilyar na tunog ng mga keyboard, bagsak ng mga papeles, at ugong ng aircon sa loob ng corporate building.
Gumaling na nang tuluyan ang mga sugat ni Jinwoo—maging ang kanyang kondisyon sa puso ay unti-unti nang naging stable sa tulong ng mga doktor. Ang dating maputla at nanghihinang hacker ay muling nagbalik sa kanyang pamilyar na porma bilang cyber genius ng kumpanya. Ngunit sa kabila ng paggaling na ito, isang mas malalim na sikreto ang nakabaon sa kanyang isipan.
Alam niya ang totoong pagkakakilanlan ng kanilang Head Writer na si Zashin bilang ang assassin sa tore. Pinili niyang burahin ang ebidensya sa network upang protektahan ito, habang pinapanatili ang kanyang maskara bilang isang supladong katrabaho.
Isang malaking hamon ang dumating sa kumpanya nang mag-organisa ng isang engrandeng Company Outing ang kanilang pinakamalaking kliyente sa isang eksklusibong beach resort sa Jeju Island.
Dahil napakahalaga ng kliyenteng ito para sa hinaharap ng korporasyon, isang mahigpit na utos ang ipinatupad: ang lahat ay kailangang umatend, walang pwedeng lumiban.
Ito ang unang pagkakataon na magsasama-sama ang lahat sa isang relaks na okasyon pagkatapos ng madugong gabi sa tulay: ang magkambal na sina Jinoo (ang masayahing boss) at Jinwoo (ang misteryosong hacker), si Trixie mula sa marketing, at si Zashin, na abala sa pag-aayos ng mga script para sa mga aktibidad ng kliyente.
Nakarating ang grupo sa resort bandang alas-diyes ng umaga. Dahil sa likas na masiyahin at positibo ang personalidad nina Jinoo at Zashin, agad silang nagkasundo sa pag-asikaso ng mga kagamitan para sa gaganaping team building ng kliyente.
Si Jinoo, na palaging nakangiti at may magaan na loob kay Zashin, ay matagal nang may itinatagong espesyal na nararamdaman para sa kanyang Head Writer, bagaman hindi niya ito maipahayag nang diretso dahil sa kanilang propesyonal na relasyon.
Ang maayos na agos ng umaga ay biglang nabulabog nang dumating si Nathan, ang matalik na kaibigan ni Jinoo na inimbitahan din ng kanilang malaking kliyente bilang isa sa mga VIP guests. Pogi, mayaman, at kilala sa pagiging charismatic, si Nathan ang uri ng lalaki na madaling makuha ang atensyon ng kahit sinong babae. At sa unang pagkikita pa lang, agad na nahulog ang loob nito kay Zashin.
Dahil sa likas na masayahin nina Jinoo, Zashin, at Nathan, mabilis silang nagsama-sama upang sumali sa mga inihandang parlor games ng kliyente. Naglaro sila ng beach volleyball at water relay, kung saan laging magkakampi ang tatlo.
Dito na nagsimulang magbago ang ihip ng hangin para kay Jinoo. Habang naglalaro, nakikita niya kung paano maging malapit si Nathan kay Zashin. Tuwing makakapuntos sila, agad na nagkakailangan ng high-five, at kung minsan ay may kasama pang pabirong yakap si Nathan sa dalaga.
Ang makitang dahan-dahang pinupunasan ni Nathan ang pawis sa noo ni Zashin gamit ang isang panyo, at ang malalakas na tawa ng babaeng lihim niyang minamahal sa piling ng kanyang sariling matalik na kaibigan, ay nagdala ng isang matindi at mapangwasak na selos sa puso ni Jinoo. Ang pamilyar nitong ngiti ay tuluyan nang napawi, napalitan ng tahimik na pagdurusa habang pinapanood sila mula sa malayo.
Nang matapos ang mga laro sa hapon, sinamantala ni Jinoo ang pagkakataon nang maagang magpahinga si Zashin sa kanyang villa. Nilapitan niya si Nathan na kasalukuyang nagpapalamig sa isang pribadong bar malapit sa pampang.
Naupo si Jinoo sa tabi ng kaibigan, mabigat ang bawat hininga.
"Nathan, kailangan nating mag-usap," seryoso at walang biro ang kanyang tono, isang bagay na bihirang makita sa isang Jinoo.
Ibinaba ni Nathan ang kanyang baso at lumingon.
"Mukhang seryoso 'yan, bro. Ano 'yun?"
Huminga nang malalim si Jinoo, pinalalakas ang loob.
"Tungkol kay Zashin. Alam kong bago mo pa lang siyang nakilala, pero... pakiusap, Nathan, huwag na si Zashin. Huwag siya ang paglaruan mo."
Bahagyang natigilan si Nathan, ngunit agad ding sumilay ang isang seryosong ngiti sa kanyang mga labi.
"Seryoso ka ba, Jinoo? Kilala mo ako, hindi ako nagbibiro pagdating sa mga babaeng talagang nagugustuhan ko.
At sa pagkakataong ito, disidido ako. Si Zashin... siya ang gusto kong maging girlfriend."
"Nathan, una ko siyang nakilala. Mahal ko siya," pag-amin ni Jinoo, ang kanyang boses ay may bahid ng desperasyon at selos.
Tinitigan siya ni Nathan nang diretso sa mata, walang balak umundurong kahit matalik silang magkaibigan.
"Kung ganoon, bakit hindi mo pa siya niligawan noon pa? Jinoo, bro, mahal kita bilang kaibigan, pero pagdating sa pag-ibig, walang kaibi-kaibigan. Walang personalan dito. May the best man win ."
Ang mga salitang iyon ni Nathan ay parang isang hamon na nag-iwan ng matinding lamat sa gabi ni Jinoo.
Sumapit ang gabi, at ang beachside dinner party na inihanda ng kliyente ay nauwi sa isang masinsinang inuman.
Dahil sa tagumpay ng kaganapan at sa labis na kapaguran mula sa mga aktibidad, hindi namalayan ni Zashin na naparami ang kanyang naiinom na alak.
Ang alak ay unt-unting kumuha sa kanyang lakas, hanggang sa tuluyan na itong malasing nang husto, hindi na halos maikilos ang kanyang katawan at napasandal na lang sa lamesa.Agad na nakita ito ng dalawang lalaki.
Si Nathan at si Jinoo ay sabay na tumayo, parehong may iisang layunin: ang buhatin at ihatid ang dalaga sa kanyang kwarto upang makapagpahinga.
"Ako na ang magbubuhat sa kanya, Jinoo. Ako ang katabi niya," mabilis na wika ni Nathan habang hinahawakan ang balikat ni Zashin upang ito ay alalayan.
"Hindi, Nathan. Ako ang boss niya, at ako ang may responsibilidad sa kanya rito. Ako ang maghahatid sa kanya," giit ni Jinoo, hinila ang kabilang braso ni Zashin. Ang selos na naipon sa kanyang dibdib buong araw ay tuluyan nang sumabog sa pamamagitan ng pisikal na pag-aagawan.
"Bro, sinabi ko sa'yo, may the best man win. Hayaan mo akong mag-alaga sa kanya ngayon," sagot ni Nathan, mas humigpit ang hawak sa dalaga.
Nag-umpisa nang magkaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawang matalik na magkaibigan, isang eksena na nagsisimula nang makaagaw ng pansin sa ibang mga empleyado at mga staff ng kliyente. Ngunit bago pa man nila tuluyang mabuhat si Zashin, mabilis na humarang si Trixie sa gitna nilang dalawa.
"Tumigil nga kayong dalawa!" mariing utos ni Trixie sabay tulak sa mga kamay nina Nathan at Jinoo palayo kay Zashin.
"Hindi ko papayagan na kahit sino sa inyong dalawa ang maghatid sa kanya. Babae si Zashin, at lasing siya. Hindi magandang tingnan na lalaki ang magpapasok sa kanya sa kwarto niya!"
Habang nagtatalo sina Trixie, Nathan, at Jinoo, isang malamig at makapangyarihang boses ang narinig mula sa dulo ng lamesa. Si Jinwoo, na kanina pa tahimik na nagmamasid habang hawak ang kanyang laptop, ay dahan-dahang tumayo. Inalis niya ang kanyang salaming itim, at ang kanyang matatalim na mata ay tumusok sa dalawang lalaki.
"Kayong dalawa, tumigil na kayo," saad ni Jinwoo, ang kanyang boses ay tila yelo sa lamig na bumasag sa ingay ng gabi.
"Hindi maganda na kayo ang maghahatid sa kanya sa kwarto.kung talagang gusto niyo siya. Kung tunay ang nararamdaman niyo para kay Zashin, hindi niyo gagawin ang isang bagay na pwedeng maging mantsa sa pangalan niya sa harap ng kumpanya at ng malaking kliyenteng ito."
Natahimik sina Jinoo at Nathan. Ang mga salita ni Jinwoo ay may bigat ng katotohanan na hindi nila maitatanggi. Bilang mga lalaking may pinag-aralan at posisyon, napagtanto nila na ang kanilang pag-aagawan dahil sa selos ay maaari palang makasira sa reputasyon ni Zashin.
Si Jinwoo ay lumingon kay Trixie.
"Trixie, ikaw na ang maghatid sa kanya. Siguraduhin mong ligtas siya sa kwarto niya."
"Sige, ako na ang bahala," tugon ni Trixie, mabilis na inalalayan ang walang malay na si Zashin palayo sa lamesa, iniwan ang tatlong lalaki sa gitna ng matinding katahimikan.
Matapos ang insidente, hindi na nakatiis si Jinoo. Dahil sa labis na bigat ng selos at sa naging sagutan nila ni Nathan, naglakad siya patungo sa madilim at tahimik na bahagi ng dalampasigan upang magpahinga.
Habang nakatayo si Jinoo sa tabing-dagat, pinapanood ang mga alon sa ilalim ng liwanag ng buwan, nakarinig siya ng mga yapak. Akala niya ay si Nathan upang humingi ng paumanhin, ngunit laking gulat niya nang makita ang kanyang kakambal na si Jinwoo na naglalakad palapit sa kanya.
"Salamat sa pagsasalita kanina, Jinwoo," mahinang wika ni Jinoo, hindi tumitingin sa kapatid.
"Masyado lang akong nadala ng selos ko kay Nathan. Hindi ko kayang makita na makuha niya si Zashin."
Hindi sumagot si Jinwoo. Nanatili siyang nakatayo sa tabi ng kanyang kakambal, nakatingin din sa malawak na karagatan. Ang kanyang mukha ay walang emosyon, ngunit sa loob ng kanyang dibdib, ang kanyang mahinang puso ay nagsisimula na namang sumakit. Isang lihim na bagyo ang nagwawala sa kanyang isipan.
Alam ni Jinwoo na si Zashin ay isang assassin. Alam niyang pinoprotektahan niya ito mula sa mga otoridad. At ang mas masakit... napagtanto ni Jinwoo na maging siya ay nahuhulog na rin sa parehong babaeng minamahal ng kanyang kakambal, ngunit kailangan niyang itago ang sarili niyang selos para sa kaligtasan ng lahat.
Bago pa man makapagsalita muli si Jinoo, isang kakaiba at malakas na tunog ng pagbiyak ng kahoy ang narinig mula sa kakahuyan sa likod ng mga villa—kasunod ng biglang pagpatay ng lahat ng ilaw sa buong resort na pinamamahalaan ng kanilang malaking kliyente. Ang buong paligid ay binalot ng kabuuang kadiliman.
Sa gitna ng dilim, isang pulang laser dot ang biglang lumitaw sa dibdib ni Jinwoo—direkta sa tapat ng kanyang mahinang puso, habang isang pamilyar na anino ang mabilis na kumilos sa itaas ng bubong ng pinakamalapit na villa.