Naglakad – lakad si Aliya sa isang abandunadong bahay, dahil may gagabayan siyang isang hayop ngayon.
Bakit ganoon ang mga tao? Narinig niyang tanong sa isipan nito. Nakita niya ang isang patay na katawan ng isang rabbit at doon nakita niya ang kaluluwa nito.
“Halika na.” Inabot niya ang kamay niya para samahan niya ito at iwan ang mundong puno ng kasakiman sa mga hayop na lumalaban din sa buhay kagaya ng tao.
Hindi mo ba ako sasaktan? Hindi mo ba ako gugutumin? Napatanong naman nito na natatakot sa kanya.
“Huwag kang mag – aalala, hindi mo na iyon, mararamdaman, magiging malaya ka at hindi ka magugutom at sasaktan sa lugar na pupuntahan natin.” Paliwanag naman ni Aliya rito.
Ganoon palagi ang sinasabi ng mga tao, sinungaling sila --- sinungaling!
“Pasensya na kung naramdaman mo ang kapangahasan ng mga tao sa mundo, huwag kang mag – aalala, purong katotohanan ang sinasabi ko sa iyo.” Pangungumbinsi niya rito.
“May mga kalaro ka roon.”
Nakumbinsi niya rin ito sa wakas. “May lugar na nababagay sa iyo.” Niyakap niya ito. Inabot niya ang isa niyang kamay sa kawalan at nakaabot siya sa lugar kung saan nandoon ang mga hayop na kanyang inihatid sa paraiso.
“Sige na, magiging masaya ka rito.” Napasabi naman niya sa rabbit.
Tumango na lamang ito at agad tumalon. Napangiti na lamang si Aliya, hindi niya alam kung bakit sobrang gaan ng kanyang pakiramdam kapag nahatid niya ito sa totoong paraiso na walang pagdurusa sa mga kahayopan.
Nasanay na siyang makakita ng mga pangyayaring hindi niya kayang maatim tingnan, pagmalupitan, gamitin sa maling paraan, parusahan, at iba - iba pang ginawa ng mga tao rito.
Papaalis na sana siya nang may maramdaman siyang humila sa kanyang puting manggas, nilingon niya ito. Isang aso na masayang kumakawag ang buntot, tila nasiyahan siyang nakikita, dinilaan pa ang kanyang mukha noon, napatawa na lamang siya sa ginagawa ng aso na iyon. Masaya pa itong kumahol sa kanya.
“Kailangan ko ng umalis, maglaro ka rito hanggang sa gusto mo.” Napasabi na lamang niya rito.
Hindi mo ba ako naalala? Ako ito si Blue. Narinig niyang sabi noon.
“Blue, blue ang pangalan mo?” tanong naman niya rito.
Tumahol naman ito sa kanya.
“P – Pasensya na Blue, pero, wala akong maalala ngayon.”
Tila nalungkot naman ito sa kanyang sinabi. Niyakap niya lamang ang asong nagngangalang Blue.
Hindi niya alam kung bakit sobrang gaan din ng kanyang pakiramdam sa asong kaharap niya ngayon. May mga alaala na namang biglang pumapasok sa isipan niya, ngunit, kagaya pa rin ng una’y may pumipigil na lumabas iyon.
“Blue, kailangan ko ng umalis.” Pagpaalam pa nito sa asong kanyang kaharap.
Babalik ka rito, maglaro tayo.
Tumango naman siya. “Kapag may oras ako, makikipaglaro ako sa inyo.” Napasabi na lamang niya noon.
Nakarating siya kung saan nandoon ang mga taga – bantay na kagaya niya, hinanap niya ang kanyang kasama. Ngunit, hindi niya ito mahanap, kaya naman, tahimik lang siyang nakaupo rito.
Bigla na lamang nagwala ang orasan niya at hinigop siya sa isang lugar na parang nasusunog. Napasinghap siya, ang kagubatan noon ay nasusunog. Nakita pa niya ang isa niyang kasama na napakuyom sa kanyang palad.
Nakita niya ang mga hayop na nag – aalpasan para matakasan ang apoy.
Kay raming nakita niyang mga hayop na nasusunog dahil rito.
“Kasalanan na naman ng tao!” ito lang ang kanyang naulinagang boses na halatang nagagalit. Tantiya niya’y kilala niya ito. Pangalan nito’y si Tiara, ito ang nangangalaga at nagbabantay sa kalikasan.
“Balang araw! Balang araw, maniningil ang kalikasan sa pinagagawa ninyo!” sabi pa nitong parang maiiyak pa sa nakikita nito. Kay raming mga hayop ang nagsipanaw, nawawalan ito ng matatawag na tahanan.
Kinokolekta niya ang mga hayop na pumanaw at sinama niya ito sa paglisan ng kalikasan na naging tahanan ng hayop na naging impyerno sa kanyang paningin.
Iniwan niya si Tiara na naghihinagpis noon, hindi na siya nagsalita pa at umalis na rin siya.
XXX
“Daniel,” tawag niya rito, dahil nasalubong niya ito sa mundo ng tao.
“Isaac.” Sabi naman nito sa kanya.
“Hindi ka pa bumalik?” tanong naman niya rito. “Tapos mo na iyong ihatid ang bata, hindi ba?” tanong naman niya rito.
“Ah, nagliliwaliw lang ako, habang nag – aantay sa oras.” Napasabi naman nito sa kanya.
Napatango na lamang siya, kakaiba ang kilos nito. “May inaalam ka ba?”
Nagulat naman ito sa katanungan niya, napabuntong – hininga ito. “May narinig lang akong isang isipan ng criminal, pero, hindi ko naman nasundan dahil umiilaw ang orasan ko.” Sagot naman nito sa kanya.
“Daniel, sinabi ko na sa iyo noon, huwag na tayong makialam, kung ano mang plano ng nasa taas.” Pagpapaala pa niya sa kanyang kausap.
“Pasensya na.” paghihingi naman nito ng pasensya. Napabuntong – hininga na lamang ito. Biglang umilaw ang orasan nilang dalawa.
Kaya naman, agad silang napunta sa isang liblib na lugar. Nabigla silang dalawa, isang batang babae at isang lalaking may sugat sa tagiliran.
Wala silang magawa noon, ngunit, tingnan ang nangyayari. Napailing na lamang si Isaac kay Daniel.
“Kuya, kuya.” Umiiyak ang batang babae, ngunit, kaluluwa na ito at hindi naririnig ang palahaw ng bata.
Unti – unti na ring nawawala ang pulso ng lalaki. Nakita nito ang batang babae. Napatingin siya sa kanyang dala – dala na papel noon, nakasulat ang pangalan, edad, kasarian, kung ano ang ikinamatay nito at sinong taga – bantay ang maghahatid sa taga – sundo noon.
“Daniel, ikaw ang bahala sa batang babae.” Sabi naman niya sa kanyang kasama.
Napatango na lamang siya . Kinausap pa nito ang bata na mahinahon, biglang dumating ang isang arkanghel.
“Salamat.” Ngumiti ito sa kanila.
Nagbigay – galang siya rito pati na rin ang kanyang kasama ay nagbigay din ng galang.
“Ako na ang bahala, maraming salamat mga taga – bantay.” Sabi pa nito sa kanila.
“Walang anuman po.” Dali – dali silang umalis.
Napabalik na sila sa kanilang lugar, nakita niya at napansin niya si Tiara na galit na galit.
Tahimik ring nakaupo si Aliya noon na napabuntong – hininga na lamang.
“May nangyari sa kalikasan at mga hayop na nakatira roon, kagagawan daw ng mga tao.” Pag – uulat nito sa kanyang kasama.
Napatango na lamang si Isaac.
“Tiara.” Tawag niya rito.
Masama siyang tiningnan nito. Hindi ito sumagot. “Sinabi ko na sa iyo noon, na huwag kang magpa – apekto sa mangyayari sa kalupaan.” Napabuntong – hininga na lamang siya.
Hindi ito sumagot sa kanya. Narinig niya ang pagbuntong – hininga nito.
“Maniningil naman ang kalikasan sa mga taong gahaman.” Napasabi pa nito sa kaniya.
Napailing – iling na lamang siya noon at hahayaan na lamang niya ang galit nito sa mga kalupaan. Isa lang naman silang taga – gabay, at hindi nila hawak ang panahon, pagkakataon, kung ano mang mangyayari sa kalupaan, taga – bantay lang silang naghahatid sa mga ito.
Hindi sila dapat madamay sa mga personalidad na pangyayari, dahil kapag nakialam sila at pinersonal nila iyon, may kaukulang parusang nag – aantay sa kanila, at baka, maging kaluluwa silang nasa kalupaan at naglalakbay sa walang katapusan.
Marami na siyang mga kaluluwang napunta sa kadiliman, naging mapaghiganting kaluluwa, naglalakbay dahil sa dala – dala nitong galit sa puso nito o kaya’y may gusto pang gawin sa mundo ng mga tao.
Pinanood niya ang galaw ng mundo nito, hindi naman talaga matatapos ang nakikita nila.
Napatitig siya kay Aliya, hindi siya dapat masangkot sa babaeng nakikita niya ngayon. Pati si Daniel, hindi dapat madamay.
Napabuntong – hininga na lamang siya.