One month ago…
“Nakikiramay kami at ang bahay-ampunan sa nangyari sa iyong amain, MJ. Kung may kailangan ka pa ay narito lang kami ni Sister Martina para sa iyo,” pakikiramay ni Sister Elvira sa kaniya.
“Tama si Sister Elvira, MJ. Bukas ang mga palad namin sa pagtulong sa iyo upang makamit mo ang hustisya para sa amain mo. Alam ng diyos kung gaano ka niya kamahal at hindi ka niya pababayaan,” wika naman ni Sister Martina sa kaniya.
“Salamat, ho. Huwag niyo akong alalahanin at kaya ko ang sarili ko,” wika niya sa mga ito para hindi na mag-aalala. Ipinakita rin niya ang katapangan niya kahit na naghihinagpis pa rin siya hanggang ngayon.
Ilang minuto pa ang itinagal ng mga ito sa bahay ng kaniyang kinikilalang ama saka umalis na rin. Naayos na rin naman niya ang libing ng ama niya matapos niyang malaman na nagpakamatay ito. Subalit alam niya sa sariling may taong sangkot sa nangyaring ito base na rin sa inisyal na imbestigasyon ng NBI na malapit sa kaniya.
Hindi rin niya isinapubliko ang libing ng kaniyang ama upang maprotektahan na rin sa mga taong gustong makiusyuso sa nangyari. Batay na rin sa mga pulis na nagsagawa rin ng sariling bersyon ng imbestigasyon ay nagpakamatay nga raw ito dahil sa kaliwa’t kanan nitong problema sa negosyo.
Sa mga katulad niyang alam ang kalakarang ito ng mga pulis ay hindi siya naniniwala dahil alam niyang maraming mga kalaban sa negosyo ang taong nagpalaki sa kaniya at binigyan siya ng maayos na buhay. Mula noon ay nangako siya sa kaniyang sarili.
“Handa kong isuong ang buhay ko para sa hustisya ng tatay ko.”