CHAPTER FOUR

1796 Words
KAHIT hating-gabi na kami nagsasara, inaabot pa rin ako ng alas dos sa comedy bar. Pagkatapos kasi ng trabaho namin, tulong-tulong kami sa paglilinis ng bar. Naroon na ang pag-aalis namin ng bote ng mga alak, pinupunasan ang mga table, at pina-mop ang stage at sahig. Ngayong gabi pa naman, pina-diretso kami sa maliit na opisina ng may-ari ng Elias, si Madam Irene, para ibigay ang talent fee namin sa loob ng labing limang araw. Kinsenas at katapusan kasi ang paraan ng pagpapasahod sa amin ni Madam Irene. Tahimik lang akong nakapila habang ang mga kasama ko ay hindi magkandaugaga. Kanya-kanya sila ng kwento kung ano ang gagawin nila sa sweldong makukuha nila ngayon. Lalo na ‘yong mga kasamahan kong vaklush. “May pandagdag tuition na rin ‘yong jowabels ko, mga mare!” tuwang-tuwa na saad ni Madie sa mga kasama niya. Nasa likuran ko lang sila kaya rinig na rinig ko ang pagpapalitan nila ng usapan. “Maibibili ko naman ng rubber shoes ‘yong akin, mamshie!” paimpit na tili naman ni Arnelio o mas kilala sa pangalan na Neli. Hindi ko na lang naiwasan na mapangiti habang naririnig ang usapan ng mga tao sa likod ko. They seemed happy and excited despite the fact they were only being used by their boyfriends. Actually, minsan ko nang tinanong si Madie tungkol sa ganyang bagay—though it is not my business to deal with theirs, but there was a day I saw Madie’s boyfriend with someone else; a girl. My friend’s answer was way too heartbreaking for me. Sabi niya, mahirap maghanap ng tunay magmamahal sa katulad niya. And he was too in love with his boyfriend. Kaya kahit gano’n, ayos na lang daw kay Madie ang gano’n. Basta ang mahalaga para sa kanya, kapag magkasama sila ng boyfriend niya, ang atensyon ng lalaki ay talagang nakatuon sa kaibigan ko. “Para sa singer ng Elias, Barbs.” Inabot ni Madam Irene ang puting sobre na naglalaman ng pera. Tinanggap ko iyon at nagpasalamat. Pinasok ko ang sobre sa bitbit kong tote bag, saka na hinarap sina Madie. “Mamsh, uwi na ako, ha? Maaga pa ako mamaya, e. Alam mo na, araw ng labada,” paalam ko sa kanya. May mga gabi kasi na sinasabayan ako sa pag-uwi ni Madie kahit na sa ibang compound pa siya nakatira. “‘Teh, sirius ka?” may bahid na pag-aalala ang tono ng boses niya. “Baka mapag-tripan ka na naman sa daan pag-uwi mo.” “Edi pipitikin ko mga bayag o ‘di kaya’y tinggil nila,” pabirong sagot ko naman. Binigyan nila ako ng nandidiri at nasasaktan na tingin dahil sa sinabi ko. Si Neli, napahawak pa sa maselang parte nito. “Ang sakit, ‘teh!” bulalas nito. Napahalakhak naman ako. “O siya! Mauuna na talaga ako.” “Norway, Barbs! Sabay na tayo!” pagpupumilit ni Madie. Bago pa ako makatanggi, tumingin siya kay Madam Irene. “Madam! Pwede ba akong makisingit?” “Mukha ka naman singit, ‘teh!” ariba ng nasa likod niya, si Santino o mas kilala sa binabae nitong pangalan na Sharmaine. “O, talaga ba, Sharmaine?” Saglit na sinulyapan ni Madie ang nagsalita bago nilipat ang tingin kay Madam Irene na inaabot na ang talent fee. Tinanggap niya iyon. “Maraming salamat, Madam! Ingat sa pag-uwi, mga baks!” Matapos kong magpaalam muli sa mga kasama ko at sa may-ari ng Elias, lumabas na kami ni Madie. Bumungad sa amin ang madilim na kalangitan na nabubudburan ng maningning na mga bituin. Mabuti na lang at dala kong pamalit ay sweatshirt. Hindi lang naman kasi madilim na langit at tahimik na kalye ang nabungaran namin ni Madie, e, pati ang malamig na simoy ng hangin. “Kapag ginagabi tayo ng ganito, Barbs, ‘wag kang mahiya. Sasabayan naman kita sa pag-uwi mo, e.” “E, paanong hindi ako mahihiya? Alam ko kasing ihahatid mo ako hanggang sa kanto namin. Alam mo namang magkaibang eskinita inuuwian natin dalawa.” Narinig ko ang palatak niya bago nangatwiran ulit. “Barbs, kahit ganito ako, lalaki pa rin ako, ‘no? Hindi maaatim ng aking conscience kung may mangyari na namang masama sa’yo,” aniya. “Alam mo,” panimula ko habang may maliit na ngiting sumilay sa labi ko. “Kung wala kang boyfriend, aakalain kong gusto mo ako.” Pinulupot ko ang braso ko sa braso niya. Tiningnan niya ako ng masama, pero hindi tinanggal ang pagkapulupot ng braso ko. “Kaderder ka, Barbs.” Hanggang sa papalapit na kami sa bungad ng kanto namin, hindi ko tinanggal ang pagkakalawit ng braso ko sa kanya. Huminto kami sa tapat ng isang waiting shed para magpaalam sa isa’t-isa. Ang ilaw sa mga poste—kahit na ilan sa mga iyon ay napupundi na—ang isa sa mga naging liwanag ko habang nilalakad ko ang tahimik na kalye pauwi sa amin. May ilan pa akong aso na nadaanan at dalawa sa mga iyon ay sinundan pa ako at inamoy-amoy ang binti ko. Kung dayo lang ako, siguradong kanina pa ako nagtatakbo at nagsisigaw sa tahimik na kalye na ito dahil hinahabol na ako. Pagdating ko ng bahay, tumambad sa akin ang sala kung saan natutulog ang mga kapatid ko. Up and down man ang bahay, pero may tatlong maliliit na kwarto lang ito. Ako ang gumagamit sa isa, ‘yong pangalawa naman ay para sa kapatid kong lalaki, at ang isa ay kwarto nina Mama at Papa. Pito kaming magkakapatid. Pangatlo ako sa magkakapatid at nag-iisang babae. ‘Yong panganay na lalaki na si Kuya Marco, may asawa at dalawang anak na. Dahil do’n, inako namin ni Kuya Bodhi, ang pangalawang panganay, ang responsibilidad na tumulong sa mga gastusin sa bahay. Hindi naman kami pwedeng makihati sa kinikita ni Kuya Marco lalo na’t may pamilya itong kailangan tustusan. Sa pagpasok ko ng bahay, saka ko naramdaman ang pagod at antok na natamo ko sa pagtatrabaho buong araw. Dahan-dahan akong naglakad patungo sa kwarto ko. Binuksan ko ang ilaw at hapo ang katawan na umupo sa higaan ko. Napapatungan lang ito ng manipis at sira ng bed foam. Hinubad ko lang ang suot kong sapatos at ang iniatsa sa kung saan ang nakasukbit kong bag saka ako humiga sa higaan ko. Alas dos y media na rin. Kailangan ko ng tulog dahil alam kong mamaya, sasabak kami nina Oli sa labahin. DAIG KO pa ang pinag-bagsakan ng nuclear bomb sa gulat nang marinig ko ang maingay na iyak ng takure. Para akong naka-glue sa higaan habang dilat na dilat ang mga mata kong nakatitig sa kisame ng aking kwarto. Kung ano ang pwesto ko nang makatulog ako kanina, iyon pa rin ang posisyon ko paggising. Para akong star na pinako sa krus. Ano ba ‘yan? Kakapikit lang ng mga mata ko kanina, e. Kakauwi ko lang galing trabaho. Inangat ko ang kanang braso ko para punasan ang laway na tumulo mula sa bibig ko. Nang tumingin ako sa labas sa pamamagitan ng open na open na bintana, napamura ako at mabilis na bumangon nang mapagtanto kong tirik na tirik na ang araw. “Shota! Bakit hindi ako ginising?! ‘Yong mga labahin!” Bumaba ako ng higaan at naghila ng random na susuotin sa durabox. Dumiretso ako ng banyo para magpalit ng damit. Isang dilaw na T-shirt at pedal shorts ang naging pamalit ko sa suot ko kagabi. Mabilisan na rin ang naging paghilamos ko. Kaagad kong nilapitan ang nakasalang na takure. Maingay pa rin ito at umaapaw na tubig dahil sa sobrang init. Pinatay ko ang gasul saka ko nilagay sa thermos ang bagong kulo na tubig. Kumuha lang ako ng pandesal bilang almusal ko at maligamgam na tubig ang naging pampainit ko sa tiyan. Lumabas ako saka dumiretso sa gilid ng bahay. Maliit na bakuran lang ito at dito kami madalas maglaba nina Mama. Nasa bungad pa lang ako, pero rinig ko na ang tunog ng hagod ng eskoba sa tabla. “Ayan na pala reyna ng labahan!” bati ni Oli sa akin. Dalawang batya ang nakabalandra. Sa isang batya, pinagtutulungan nina Mama, Kuya Bodhi, at Poly ang labahang puti habang sina Oli, Jack, at Benson sa de kulay na damit. “Hoy!” Tinuro ko ang mga nakakabata kong kapatid, sina Oli. “Hindi ba, sinabi ko sa inyong ‘wag kayong maglalaba? Kaya naming matatanda iyan!” “‘Yaan mo na, Ate,” usal ni Jack, panglima sa amin. “‘Di mo ba gusto ‘to? Natututo kami sa gawaing bahay.” “Oo nga, Ate Barbara. Saka ang saya kaya maglaba. ‘Di ba, Bens?” Nakangiti na nilingon pa ni Oli ang pangalawang bunso na si Benson. Hindi ako nakapagsalita sa mga katwiran nila. Lumapit ako kina Mama at nakisiksik ng upo. “Mia, pwede bang ikaw na mamalengke mamaya?” tanong ni Mama sa akin habang kinukusot namin ang mga puting damit. “Ititinda ba mamaya, ‘Ma?” Tumango si Mama. “Pati sana iuulam ng mga kapatid mo ngayong araw.” “Sige po.” Nang matapos ang labahan, tulad nga ng pakiusap ni Mama, ako ang namili sa palengke. Marami-rami rin ang bibilhin ko kaya dinala ko ang tote bag ko. Kaya naman lakarin ang merkado kahit na bente minutos ang consume ng oras sa paglalakad. Kaysa naman gumastos pa ako sa trenta pesos na pamasahe, mas maiging lakarin ko na. Nakarating ako ng palengke na pawisan. Daig ko pa ang nakipaghabulan sa mga aso sa sobrang tagaktak ng pawis ko. Shota. Pwede nang inumin. Charot, ang baboy. Nang mabili ko na ang mga rekado para sa ititinda namin ngayong araw at uulamin ng mga kapatid ko, inayos ko ang lahat ng iyon sa bitbit kong tote bag saka na ako sumabak muli sa paglalakad pauwi. Palabas na ako ng palengke nang may lalaki ang dumaan sa harap ko at iabot sa akin ang isang kapiraso ng papel. Ayaw ko sanang tanggapin iyon, pero kusa na lang gumalaw ang kamay ko para kunin iyon. Noong una, hindi ko binasa kung ano ang nakasulat. Pero nang nasa kanto na ako, saka ko pinagtuunan ng pansin ang hawak kong papel. Isang pamphlet. JOB FAIR! Good Orions Factory needs 500 production workers! Classifications: 18 above of age Must 5’0 height or above At least highschool graduate The Job Fair will be held in Buena Astra Municipal, Saturday at 8:00 am to 5:00 pm. See you there, kabayan! Napahinto ako sa paglalakad. Sa maraming naka-input sa pamphlet, sa huling requirement lang talaga natuon ang mga mata ko. Para akong maiiyak sa tuwa. Hinihingal sa excitement dahil sa nabasa. Nabigyang pansin na rin ang mga katulad kong highschool graduate! Kikita na ako ng malaki-laki nito!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD