Chapter 1

1615 Words
Chapter 1 Halos tumakbo na ako papasok sa cafe. Pawisan ako kaya naman nang tumama ang lamig ng aircon sa balat ay kaagad itong lumagkit. Nakasimangot si Mayumi nang tumingin ako sa kanya. Kaagad kong lumapit sa table at umupo sa tapat. Halos magkatagpo na ang mga kilay niya. "Late ka na naman," aniya sabay ayos ng bangs niya. Ang ganda talaga. Bagay na bagay sa maliit niyang mukha ang maalon niyang buhok. "Pasensiya ka na. Medyo busy kasi sa school, eh-" "Nursing din naman ako, ah? Ba't on time ako lagi?" "Kasi-" "Ah, kasi nakapasok ka sa university na 'yan?" Umiling ako. "Hindi naman 'yan ang ibig kong sabihin, Mayumi" Inirapan niya ako. "It's Yumi now. 'Yan na ang tawag sa 'kin ng bago kong friends sa college." Nagbuntong-hininga siya. "Lester, step up your game. Ano ba naman 'yan." Ngumiti ako ng konti sabay tango. "Mag-order na tayo." "Fine." Medyo masakit din naman na nabibigo ko lagi si Mayumi... este Yumi na pala. Mula nung mag-kolehiyo ako, konti na lang ang oras ko para sa kanya. Nagkikita pa rin naman kami pero lagi na lang siyang naiilang at wala sa mood. Siguro stressed lang siya. Hindi rin madali ng college. Naga-adjust pa kami. Inihatid ko na siya pagkatapos naming kumain. Sa traysikel ay wala pa rin siyang imik. 'Di bale, next time, bibilhan ko na siya ng bulaklak. Medyo gipit din ako ngayon, eh. Gabi na nang makauwi ako sa barangay namin. Habang naglalakad ay nakita ko ang mga kaibigan kong sina Reggie, Oyo at Tiboy na nakatambay sa tindahan. Galing yata sila sa pagbabasketball. May hawak pang softdrinks. "Oy, Silvester Cruz IV!" tawag ni Reggie. "Punta ka muna rito!" Natawa ako at napailing. Lumapit ako sa kanila at kaagad naman nilang ginulo ang buhok ko. Naalog tuloy 'yung salamin ko. "Kamusta? Hindi ka na namin nakikita, ah?" ani Oyo. "Busy." "Sus, iba na talaga kapag nagtino na sa kolehiyo, 'no?" tukso ni Reggie. "Magtino ka na rin Reggie Boy," si Tiboy sabay tingin sa 'kin. "May bago na namang chicks," sabay turo kay Reggie. Nagkibit-balikat si Reggie. "Gwapo, eh." "Ulol!" ani Oyo at natawa. Gwapo naman talaga si Reggie, eh. Ang hindi ko lang magustuhan ay alam na alam niya 'yun. Kaya papalit-palit na lang ng babae kada buwan o linggo. Inakbayan ako ni Tiboy na amoy-pawis kaya tinulak ko siya palayo. "Ba't 'di ka tumulad kay Lover Boy?" aniya. "Tatlong taon na sila ng bebe chicks niya." "Auto pass. Ang boring kaya. 'Tsaka tigang 'yan 'no." Nagtawanan sila. Napailing na lang ako. "Hindi kasi ako mahilig maglaro ng babae," sabi ko. "Eh, ba't parang malungkot ka?" sabay turo ni Oyo sa 'kin. Nagbuntong-hininga ako at umupo. Pinaikutan naman nila ako. "Si Mayumi kasi... medyo nagsusungit." Nagkatinginan sila. "Ah, baka may period," ani Oyo. "Iyong kapatid ko kasi ganyan kada-buwan. Laging tinotoyo. Ang OA 'no? May lalabas lang naman na dugo sa totong nila, anong masakit nun?" Tumango si Tiboy. "Oo, nga. Kadiri din." Tumango na lang ako kahit walang maintindihan. "Pagtiyagaan mo na lang," ani Tiboy. "Baka may problema o ano." Sumang-ayon ako. Tama siya. Baka nahihirapan siya ngayon. Hindi madali ang nursing. Nakakapagod. Nakakaubos ng pasensiya. Pero sa tuwing nawawalang ng pag-asa, ini-imagine ko na lang ang sarili na nakasuot na ng puting coat at nasa ospital. Ewan ko, pero para akong maiihi sa kasabikan. Mataas at matagal iyong biyahe, pero makakarating ako roon balang-araw. Sabado ay pinakiusapan ako ni Mama na samahan siya sa pupuntahan niya. Wala akong klase kaya naman pinagbigyan ko na rin. Amoy na amoy ko mula sa kwarto ko ang niluluto niy. Kaya nang matapos sa pagligo at pagbihis ay bumaba na ako. Nadatnan ko si Lovely na naka-abang na kay Mama. Kagaya ko ay nakabihis din siya. "Saan ka pupunta?" tanong ko. "May practice kami sa PE." "Siguraduhin mong practice sa PE 'yang pupuntuhan mo, ah. Baka anong practice 'yan." Sumimangot siya. "Ma, si Kuya, oh! Ang bastos-bastos!" "Kumuha na lang kayo ng kutsilyo at magpatayan na. Huwag niyo na akong idamay," ani Mama. Inilabas ni Lovely ang dila niya sa 'kin. Kaya ganoon din ang ginawa ko. Sabay kaming nag-almusal. Bukod sa baunan ni Lovely, nakita ko rin na naghanda si Mama ng maraming lalagyan. "Saan ba tayo pupunta?" tanong ko. "Diyan lang sa malapit," tugon ni Mama. "Iyong kumare ko kasi, magkaka-apo na." "Kailangan ba talaga siyang paghandaan?" "Oo, naman. Alam mo ba nung pinagbuntis kita, nagpa-lechon 'yun." Nagkatinginan kami ni Lovely. Pareho siguro kami ng iniisip. "Ang over naman, Ma," si Lovely. Mahina akong natawa. Kaya naman pala sinama ako ni Mama kasi gagawin akong taga-bitbit. Parang mapuputol na yata ang mga braso ko papunta sa may sakayan ng traysikel. "Sa Safe Haven," sabi ni Mama sa driver. Nahinto ako. Ba't kami pupunta roon? Anong gagawin ni Mama sa nakakakilabot na lugar na 'yun? Tiningnan ako ni Mama na nasa loob na ng traysikel. "Ano pang hinihintay mo diyan?" "Sure ka ba na dun tayo pupunta, Ma?" "Oo, naman. Halika na." Kahit ayaw ay umupo na rin ako. Gusto kong umatras. Biglang pumasok iyong mukha ng babaeng nakausap sa lugar na 'yun. Tumaas ang mga balahibo ko nang maalala iyong ngiti niya. Pati iyong tawa niya na walang buhay. Pagkatapos kong umuwi ng hapong 'yun ay inulan ako ng sermon kasi nakalimutan ko nga iyong tomato paste. Pero hindi ko narinig si Mama nun. Tanging laman ng isip ko ay iyong babaeng baliw. Normal kasi siyang magsalita. Hindi ko talaga nahalata na baliw siya. Ilang linggo ring nagpaikot-ikot iyong babae sa utak ko. May mga gabi nga na hindi ako makatulog. Dumagdag pa iyong boses niyang mala-anghel. Pati na rin iyong mga mata niyang parang walang kaluluwa. Okay na sana, eh. Nakalimutan ko na sana siya. Pero ngayon na naglalakad kami ni Mama sa pamilyar na liblib na eskinita, halos hindi na ulit siya mawala sa utak ko. Ganoon pa rin ang nararamdaman ko nang makita iyong malaking puti na building. Kahit 9 AM pa lang at mataas ang sikat ng araw, may ibang awra pa rin ito. Kumpara nung huli kong pagpunta rito, may mga tao na ito ngayon. Matao sa garden pati na rin sa playground. Napansin ko na iyong mga pasyente ay naka kulay puting t-shirt, puting pajama at puting tsinelas lahat. Konti na lang, iisipin ko na talaga na may sponsorship ng sabon ang lugar na 'to. Pati na rin ang mga nurse. Iba-iba ang mga edad ng mga pasyente. May nakita akong nagse-seesaw na mga bata at mga nagtatanim na mga matatanda sa botanical garden. May mga kaedad ko at mga kaedad rin ni Mama na naglalakad-lakad sa may pathway. Mga baliw ba silang lahat? Ang dami naman. May mga pasyente pa yata sa loob. Kung titingnan mo, parang mga normal lang talaga sila. Hanggang sa may nakita akong bata na nagsasalita sa hangin, at matandang tumatawa na lang bigla. Kusang hinanap ng mga mata ko iyong babae kaso wala akong makita. Mabuti na rin 'yun. Nakakatakot din naman kasi siya. Hindi tuloy ako naging kumportable at may isa rin akong problema: naiihi ako. Ba't sa dinami-rami ng panahon ay ngayon pa talaga? "Dala mo ba 'yung ID na sinabi ko sa 'yo?" tanong ni Mama. Kanina kasi, pinahanda niya iyon sa 'kin. Mukhang kailangan yata rito. Tumango ako sa kanya. "Papasok din ba ako?" tanong ko. "Oo. Ang bigat kaya niyan. 'Tsaka sa canteen naman tayo pupunta. Bawal lumagpas sa mga pasilidad unless may binisita ka." Tumango ako. Iyon din ang sabi nung babaeng nakapulang bestida. Huminto kami sa main entrance at tiningnan kami ng guard. Binigay namin ang mga ID namin. "Iyan ba iyong sabi ni Nurse Imelda?" tanong nung guard. Mataba siya at halos bumigay na ang mga butones ng uniporme. Humagikhik si Mama. "Oo." "Naku, sabi niya na masarap ka raw talagang magluto." Pabebeng tumawa si Mama. "Hindi naman masyado." "Iyong canteen ay nasa gilid. Lumiko lang po kayo pa-kaliwa tapos may malaking pinto." "Uh, excuse me po," sabi ko sa guard. "May public CR po ba rito?" "Oo, hijo. Sa may kanan. Lumiko ka, tapos may puting pinto doon. Pero, hanggang doon ka lang, ha. Bawal nang lumampas." Hinagod ni Mama ang likod ko. "Mabait naman 'tong anak ko." Tiningnan ako ng tuwid nung guard. Medyo natakot ako sa kanya. Inayos ko ang salamin ko at nag-iwas ng tingin. Nang pumasok na ay halos mabulag ako. Wala ka kasing makikitang ibang kulay bukod sa puti. Mula sa mga gamit hanggang sa mga damit. "Pagkatapos mo, dumiretso ka na sa canteen ha?" ani Mama. Kinuha na niya sa 'kin ang mga basket, pero hinawakan ko muna iyong balikat niya. Pinagpapawisan ang mga kamay ko. Nagkunot-noo siya. "O, bakit?" "Samahan mo ako, Ma," pakiusap ko. Inalis niya ang kamay ko. "Ang duwag-duwag mo talaga. Bahala ka diyan. Wala namang multo rito." "Wala ngang multo, pero maraming baliw," sabi ko. "Ewan ko sa 'yo, Lester." Iniwan na talaga ako ni Mama. Naglakad na siya papunta sa kasalungat na daan. Huminga ako ng malalim at naglakad na sa may kanan. Walang katao-tao sa hallway. Kumukurap pa 'yung isang ilaw. Kagaya ng sabi ng guard, lumiko ako at saktong nakakita ng puting pintuan. Dahan-dahan ko itong binuksan at pumasok. Maliit lamang ang banyo pero may malaking salamin sa gilid. Binuksan ko na iyong bowl at ang zipper ko at umihi na. Naghugas na rin ako ng kamay pagkatapos. May sticker sa lababo na may nakalagay na 'always smile and be kind.' Hindi naman pala nakakatakot itong lugar. Masyado lang talaga akong nagpadala sa sinasabi ng ilan. Pero nang buksan ko ang pinto ay napasigaw ako bigla nang makita iyong babae! "Bulaga," aniya at tumawa nang walang buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD