Chapter 7

1569 Words
ILANG ulit na pumikit at dumilat si Maristela dahil hindi siya makapaniwala sa tanawing nasa kaniyang harapan. Totoo nga ba ang nakikita niya o laman pa rin iyon ng kaniyang mga panaginip? Umangat ang kanang kamay niya habang walang kaalis-alis ang pagkakatingin sa parating na kabayo. Pagkuwa’y napaaray siya sa isip nang kurutin niya ang kaliwang braso. Kung gayon ay wala siya sa loob ng panaginip! Totoong nangyayari ang lahat! Muli niyang kinurot ang braso upang matiyak na hindi siya nagkakamali at tulad kanina ay naramdaman niya pa rin ang sakit ng munting kurot niyang iyon. Napanganga siya sa pagkamangha, habang ang papalapit ang kabayo sakay ang mahiwagang lalaking nasa larawan. At ang isiping tinatahak nito ang eksaktong lugar na kinatatayuan niya ay halos magpanginig sa kaniyang buong katawan. Tinatagan ni Maristela ang sarili dahil may pakiramdam siyang ano mang sandali ay papanawan siya ng ulirat. Namalayan na lamang niyang nakalapit na ito at nakangiti sa kanya. Siya naman ay nakatingala lang sa lalaki. Kung wawariin, sa tantya niya ay nasa anim na talampakan ang taas nito bagaman sakay ng kabayo. Hindi niya alam kung ilang sandali siyang naroon lang at titig na titig sa lalaki. Inilahad nito ang kanang kamay sa kanya na tila inaanyayahan siyang sumakay sa kabayo, habang siya naman ay hindi malaman ang gagawin. Sa kalabaw nga ay hindi siya marunong sumakay gayong kay lapad na ng likod ni Thunder na alaga ng ama, sa kabayo pa kaya? Pero hindi naging sagabal iyon. Walang pag-aalinlangang iniabot niya ang kamay nito at nagpaagapay sa pagsakay sa matikas na kabayo. Paglapat ng pang-upo ay hindi na siya kinailangang sabihan nito na kumapit dahil awtomatikong pumulupot ang kanyang mga braso sa katawan nito. Ramdam niya ang matigas na kalamnan na nakalagay sa mga tamang bahagi ng katawan ng lalaki. Hinigpitan niya ang yapos dito at inihilig sa malapad nitong likod ang kaniyang mukha, habang ang kaniyang mga mata ay nakapikit dahil sa bilis ng takbo ng kabayo. Nagulat pa si Maristela nang ilang sandali ay huminto na sa pagtakbo ang hayop. Namangha siya sa paligid at nanghilakbot nang mapagmasdan ang lugar na kinaroroonan. “Paanong…nasaan tayo?” tanong niya rito habang ang mga mata ay hindi maiwasang maglumikot. “Narito tayo sa mundo ko, Estela.” Hindi siya nanibago sa paraan ng pagsasalita ng kaharap na lalaki. Kung Maris ang tawag sa kanya ng lahat, hindi si Nathaniel dahil Estela talaga siya para rito. Iyon ang natatandaan niyang tawag nito sa kanya sa kanyang mga panaginip. Parang ang lahat sa kanya ay hindi bago, parang ang lahat ay tama. Tila ang bawat sabihin nito ay aayunan niya. “Napakaganda ng lugar na ito, S-Signore,” anang dalaga habang nagniningning ang mga matang nakatingala sa maamo nitong mukha. Signore ang itinawag niya rito sapagkat sa tingin niya ay wala namang ibang pwedeng itawag rito bukod doon. Yumuko sa kanya ang lalaki. Sa taas nitong anim na talampakan mahigit sa tingin niya, halos ay nakatingala na talaga siya rito. Ang mga mata nitong tila may sariling isip kung mangusap ay nakatunghay sa kanya. Hindi magagawang ipaliwanag ng sino man ang masayang damdaming nakapaloob sa puso niya sa mga sandaling iyon. Aminado siya, magagawa niyang ipagpalit ang lahat ng materyal na bagay sa mundo, para lamang makita ang mga mata at ngiting iyon ni Nathaniel. Gumapang ang isang kakaibang damdamin sa buong sistema ni Maristela. Wala na siyang mahihiling pa. Ang bawat titig nito ay tila may kung anong mahikang nagpapaningas sa kanyang pandama. Napaisip tuloy siya kung paano ba itong magalit. Nakukuha kayang magalit ng mga matang iyon? “Ano ang sabi mo?” Bahagya siyang nagitla sa tanong nito at nang ilapit nito ang mukha sa kanya ay tila may pakiramdam siyang lulubog siya sa kinatatayuan. “Ang sabi ko ay maganda ang lugar na ito...” “At ano ang itinawag mo sa akin?” Mapanghamon ang tingin ng lalaki at maging ang paraan ng pagkakangiti nito ay hindi niya alam kung kaswal ba o may bahid ng panunukso. “Signo--” Bumaba ang mukha nito sa kanya, hindi pa man niya natatapos ang sinasabi. Namalayan na lamang niyang ang kanyang mga labi ay sakop nito, na tila ba angkop talaga iyon para rito. May naramdaman siyang kapayapaan ng kalooban habang magkahinang ang labi nila ng estranghero. Estranghero? Kung gayon ay bakit nasa ganito silang tagpo ng mga sandaling iyon, kung estranghero nga pala ito sa kaniya? “Matagal na kitang hinihintay, Estela,” ang masuyong sabi ng lalaki matapos ang ilang sandaling pagsasalo nila sa isang matamis na halik. Sa muling pag-angat niya ng tingin sa lalaki ay may tila kumislap sa kanyang isipan. Tama! Ang mga matang iyon ay tila inililok na kamukha ng sa paboritong artista ni Karina na si Jude Law. Sabi nga nito, sa local version ay si Albert Martinez daw ang kahawig ng sikat na Holywood actor. At ngayon ay tila lumabas mula sa isang magasin ang lalaking kamukhang–kamukha nito! Napahawak siya sa dibdib dahil hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Siya? Hinihintay raw nito? “B–bakit? May atraso ba ako sa iyo?” Kinabahan siyang hindi mawari dahil baka i***********l pala nito ang pagpasok sa villa at nalabag niya ang bagay na iyon. Nakahinga siya nang maluwag nang tumawa ito nang malakas. “Wala…wala, Signorina. Naaaliw lang ako sa’yo.” “Signorina?” wala sa loob niyang tanong. Iyon marahil ang katumbas ng senorita sa wikang Espanyol. Masarap sa pandinig, lalo’t buhat iyon kay Nathaniel. “Wala ka ba talaga naaalala sa iyong mga nakikita, Estela?” Muli siyang luminga sa paligid at saka muling ibinalik ang tingin sa lalaki. Marahan siyang napailing. “Natitiyak kong ngayon lamang tayo nagkita, Signore, kaya hindi ko lubos na maintindihan ang mga sinasabi mo. Ang lugar na ito, paano tayo nakarating rito? Saang bahagi ito ng Bulacan at--” “Huwag mong guluhin ang sarili mo, Estela. Sa takdang araw ay masasagot lahat ang iyong mga katanungan. Ang mahalaga ay nagkita na tayo.” Inabot nito ang kaniyang kanang kamay at dinala sa mga labi nito upang hagkan. Napasinghap siya ng maramdaman ang mainit na hininga nito sa kaniyang balat. “Halika sa gawi doon, matutuwa ka sa lihim na yungib ng Villa Helena,” masigla nitong sabi. Namalayan na lang ni Maristela na magkadaop ang mga kamay nila ni Nathaniel. Tila siya nakalutang sa alapaap at kay bilis ng mga pangyayari. Hindi siya makapaniwalang ang lalaking laman ng kanyang gabi–gabing panaginip ay heto at kasama niya, katabi…at higit sa lahat ay may kung anong tila taling nag–uugnay sa kanilang dalawa na hindi niya kayang ipaliwanag. Lakad-takbo ang ginawa nila patungo sa sinasabi nitong lugar. Nahagip pa niya ng tingin ang puting kabayong iniwan nito sa lilim ng isang mayabong na puno. Nang sa wakas at marating ang lugar ay napatanga siya sa pagkamangha. Isa iyong batis na may napakalinaw na tubig. Matitingkad ang mga halamang nasa paligid at ang mga paruparo, tutubi at ibon ay masayang nagliliparan sa paligid, habang ang mga luntiang dahon ay isinasayaw ng mabining hangin. Ang mga isda sa batis ay masiglang naglalanguyan na tila nagsisipaglaro. “Cosa si può dire, il mio Amore?” Inalalayan siya nito sa pagtapak sa mga malalaking batong nasa batis. Naabot ng tingin niya ang dulong bahagi ng batis at nagtatapos iyon sa isang tila yungib na sa mga pelikula lamang niya nakikita. Hindi niya alam na mayroon palang ganoong lugar sa Ilaya. “Cara?” Nagpalinga–linga siya sa paligid. “Maristela ang pangalan ko at Estela ang tawag mo sa akin. Sino si Cara?” Napahalakhak ang lalaki sa sinabi niya na tila ba aliw na aliw. “Cara ang tawag sa isang binibibing itinatangi...katumbas ng amore.” Wala sa loob siyang napatango. “Ano ang masasabi mo sa paligid? Maganda, hindi ba?” Napakislot siya nang maramdaman ang mga bisig nito na pumulupot sa baywang niya. Kung wariin ay tila kaya siya nitong sakupin nang buo ano mang sandali. Masarap sa pandinig ang boses ni Nathaniel at masarap pakinggan ang mga sinasabi nito. Daig pa niya ang inihehele habang nagsasalita ang lalaki, pero pinilit niyang hatakin pabalik ang ulirat at tumingin nang seryoso rito. “Sandali, Signore. I’m sorry, pero hindi yata tayo nagkakaintindihan. Sino ka bang talaga? Bakit marami kang sinasabing hindi ko maintindihan? Naguguluhan na ako.” Ngumiti lamang ito at matapos ay muli na namang hinawakan ang baba niya upang hagkan. Muli ay ang mapagparaya niyang pagtugon. “Ano ba ang mas mahalaga, Amore? Ang pagtatagpo ng ating landas o ang kung ano mang bumabagabag sa isipan mo?” “Pero pwede namang pareho, hindi ba? Hindi tayo magkakilala at maaring naipagkakamali mo lamang akong ibang babae. Baka hindi ako ang Estelang tinutukoy mo--” Naramdaman niya ang paghapit nito sa beywang niya at muli ay natagpuan niyang nasa ilalim na naman siya ng mahika ng halik at yakap nito. “Posibleng magkamali ang lahat, Amore, at matutukoy mo iyon…pero hindi ang nagbibigkis na damdamin natin sa isa’t–isa.” Wala na siyang nasabi pa at buong pusong yumapos dito. Kung ano man ang kanyang mga katanungan, makapaghihintay ang mga iyon. Pero hindi si Nathaniel dahil sa likod ng isip ay naroon ang kaba niyang ano mang sandali ay mawawala na naman ang lalaki sa kanyang paningin…tulad din ng laging nangyayari sa kanyang mga nakalipas na panaginip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD