TULALA si Vanessa nang umuwi siya sa apartment. Pagkapasok niya ay nanatili pa rin siya sa may bungad ng pintuan. Hindi pa rin siya makapaniwala na hindi na siya talaga mahal ni Russel. Totoo nga na marami ang namamatay sa maling akala. “Vanessa? Anong ginagawa mo diyan? Sa’n ka ba galing? Bakit ngayon ka lang—“ Biglang natigilan si Gemma nang makita nito ang kamay niya. “Ano ba `yan?! Dumudugo ang daliri mo!” Hinila siya ni Gemma papasok at sinaraduhan nito ang pintuan. Hindi pa rin niya ito kinakausap dahil okupado pa ni Russel ang buong sistema niya. Dinala siya ni Gemma sa may lababo at binuksan ang gripo. Isinahod nito sa tubig ang dumudugo niyang kamay. Wala na sa ayos ang band aid na nakalagay sa paso niya sa daliri. Dumudugo ang daliri niya dahil napasadsad ang paso niya sa semen

