HINDI ako matutulog sa kuwarto na kasama si Levi. Hindi pa rin naalis ang inis ko sa kanya kaya hindi ako magiging komportable kung magkasama kami buong magdamag. Wala na kong pakialam sa 'compromise' namin. Saka hindi na ko tatanggap ng panibagong sermon mula sa isang manika.
Malaki naman ang mansiyon at maraming ibang kuwarto kaya naghahanap ako ng guest room na malayo sa kuwarto ni Levi. Hindi ako nagpaalam sa kanya nang layasan ko siya sa Playroom kanina. Bahala siyang maghanap sa'kin. Pero hindi pa rin ako babalik sa silid niya kahit makita pa niya ko.
Well, sigurado naman akong may ideya siya kung saan ako nagpalipas ng buong maghapon. Sa ingay ng paggalaw ko sa kusina, kahit siguro nasa basement niya ay narinig niya ang mga pagdadabog ko habang nagluluto ako ng dinner.
Puno ng grocery ang kusina kaya dinaan ko na lang sa kain ang inis ko. Nagluto ako ng adobo dahil iyon lang naman ang alam kong madaling lutuin. Saka puwede ko pang initin 'yon kinabukasan para may almusal ako.Pagkatapos kong maghapunan, naghugas ako ng mga plato at ng mga pinaglutuan ko.
Then, I went to Levi's room where my things were kept. Hindi pa siguro siya tapos maglaro ng online game niya kaya hindi pa siya bumabalik sa kuwarto niya. Sinamantala ko ang pagkakataon para makapag-shower ako. Nang nakapagbihis na ko ng pantulog– terno ng pajama na may disenyong cute na mga owl– ay saka ako umalis para maghanap ng ibang silid na tutulugan.
Naghanap ako ng guest room na pinakamalayo sa kuwarto ni Levi. Hindi ko nagustuhan 'yong hitsura ng mga Japanese dolls sa unang kuwartong binuksan ko, kaya umalis din agad ako. Pakiramdam ko, mas nakakatakot pa sila kaysa sa buhay na manika. 'Yong pangalawang pinto naman na nabuksan, masyadong sensuwal ang mga painting na nakasabit sa dingding. Puro mga pares na nagtatalik. Hindi ako sanay na nakakakita ng mga gano'ng bagay kaya umalis din agad ako. Storage room naman ng mga lumang kasangkapan ang huling kuwarto sa palapag na 'yon.
Bumaba naman ako sa first floor kung saan may nakita akong dalawang kuwarto. 'Yong una kong nabuksan, puno ng mga sirang manika kaya mabilis ko 'yong sinara. Medyo napalakas pa yata ang pagkakasara ko ng pinto dahil sa gulat ko. Mas creepy pa ang mga 'yon kaysa kay Levi.
Kaya heto, nag-aalangan na ko sa huling pinto na bubuksan ko. Kung hindi pa rin ako makukuntento rito, sa sala na lang ako matutulog. Malaki naman ang sofa.
Here goes nothing.
Paintings ang sumalubong sa'kin pagpasok ko sa kuwarto at pagbukas ko ng mga ilaw. Pero sa pagkakataong 'yon, hindi na sensuwal o nakakatakot na mga manika ang nakapinta sa mga 'yon. Sa palagay ko, 'studio' 'yon.
Night sky. Galaxies. Stars. Nebula. The paintings may differ in medium used to create them, but they all have the same theme– the universe.
Namangha ako sa mga nakikita ko. Kasing ganda sila ng nakapintang universe sa kuwarto ni Levi. Gustung-gusto ko talaga ang pagsabog ng liwanag sa kadiliman. Iba-iba ang sukat ng canvas na ginamit, gaya ng kung paanong sa iba't ibang medium din gawa ang mga 'yon. May mga nakasabit sa dingding, meron din namang maingat na nakalapag sa sahig habang nakahiga sa pader.
Okay, nakapag-decide na ko. Dito na ko matutulog.
Lumabas ako ng studio para kumuha ng mga unan at kumot sa ibang kuwarto. Pero naalala kong kailangan ko ang phone ko na naiwan ko sa silid ni Levi. Nag-aalangan lang ako dahil alas-otso na ng gabi. Puwedeng nakabalik na siya ro'n para magpahinga. Ewan ko rin kung bakit kailangan pa niyang gawin 'yon eh mukha namang hindi siya nakakaramdam ng pagod.
Anyway, lumabas ako ng bahay para silipin kung bukas na ang ilaw sa kuwarto niya. Kung nando'n na siya, titiisin ko na lang ang isang gabi na hindi kinakalikot ang phone ko.
Nakarating ako sa parte ng bakuran kung saan may mataas na puno dahilsa banda do'n nakapuwesto ang bintana ng kuwarto ni Levi. Madilim pa ro'n kaya puwedeng hindi pa bumabalik ang binata. Pero naisip ko na baka hindi naman siya nagbubukas ng ilaw sa silid niya.
Bahala na nga. Hindi ko na lang siya papansinin kapag nagkita kami sa kuwarto niya. Mas lalong hindi ako sasagot kapag tinanong niya kung saan ako matutulog.
Magmamartsa na sana ko pabalik sa mansiyon nang tumama ang paa ko sa kung ano. Hindi naman ako nasaktan pero lumikha ng ingay ang nabunggo ko– mga bote ng gasolina sa tabi ng isang malaking trash can na mukhang ginagamit sa pagsusunog o pagsisiga.
"Bakit may gasolina dito sa labas?" nagtatakang bulong ko sa sarili ko. "Kailangan bang sindihan ang mga kalat sa trash can?"
Housekeeper pa rin ako ng mansiyon na 'yon kaya kailangan kong gawin ang trabaho ko. Baka kailangan ng sunugin ang mga kalat sa trash can. Sinilip ko kung ano ang nasa loob ng basurahan. Kumunot ang noo ko nang may makita akong picture. Kinuha ko 'yon.
Nagulat ako nang makita kong lumang picture 'yon nina Beatrice at Levi. Sa litrato, tao pa ang binata at medyo totoy pa, parang nasa high school pa lang. Napangiti ako. Ang cute nilang mag-ina. Naaninag ko na may nakasulat sa likuran ng larawan. Na-curious ako kaya kahit alam kong mali, binaligtad ko pa rin 'yon para mabasa ko ang nakasulat.
Unti-unting nawala ang ngiti ko sa nabasa ko.
"I'm so sorry if I have to do this, Levi. It's been twenty long years and I know we are both very tired of all of this. You should rest, sweetie. I know this is what you want, too. I love you, son."
Lalong kumunot ang noo ko sa pagtataka. Si Beatrice ang nagsulat no'n, malamang. Pero bakit gano'n ang pagpapaalam niya kay Levi? Gaya 'yon no'ng araw na umalis siya. Naging napaka-emosyonal niya. Parang hindi na siya babalik...
Hindi na siya babalik?
Binasa ko uli ng paulit-ulit ang sulat sa likod ng litrato. Kasabay niyon ay paulit-ulit ding naglaro sa isipan ko ang mga sinabi ni Beatrice kay Levi bago niya iwan ang anak niya.
"Please take care of yourself, Levi. I will always pray for your happiness. I love you, son. I'm sorry if I have to leave you again."
Pagkatapos, gumuhit sa isipan ko ang kakaibang sakit at lungkot na nakita ko kay Levi habang nagpapaalam siya sa mommy niya.
Alam ni Levi na hindi na siya babalikan ni Beatrice.
"I'm so sorry if I have to do this, Levi."
Iyon ang parte ng sulat na hindi pumapalyang magparamdam sa'kin ng matinding panlalamig. Hindi ko magawang tingnan ang mga bote ng gasolina sa paanan ko. Sana lang nagiging imaginative na naman ako, pero hindi ko maalis ang pakiramdam na konektado ang linyang 'yon sa bagay na maaaring sumunog sa buong mansiyon kung saan nakakakulong lang naman si Levi.
Hindi ko makakalimutan na amoy-gasolina ang bahay no'ng unang gabing pumasok ako ro'n.
Dinaan ko sa mahinang pagtawa ang nararamdaman kong kaba. "Impossible. He is her son. Hindi niya magagawang sunugin ang sarili niyang anak para lang makatakas siya sa responsibilidad. Manika man o hindi, dugo't laman pa rin niya si Levi."
But it made sense. It didn't even sound ridiculous. It was possible, I knew it in my heart.
Nag-flash sa isipan ko ang imahen ng mukha ni Beatrice na napansin ko sa kanya no'ng unang gabi kaming nagkita– puno ng matinding kapaguran.
Shit. s**t. s**t.
Naputol ang pagmumuni-muni ko nang bumukas ang ilaw sa kuwarto ni Levi.
Kailangan ko nang bumalik sa mansiyon. Nilamukos ko ang picture na hawak ko na para bang natatakot akong mabasa 'yon ni Levi. Tinago ko 'yon sa front pouch ng suot kong pajama top saka ako bumalik sa loob ng malaking bahay.
Wala man sa plano ko, binalikan ko pa rin ang kuwarto ni Levi. Hindi na ko kumatok. Hindi ko naman siya magugulat dahil sa bigat ng mga yabag ko, siguradong alam na niyang pabalik na ko.
Naabutan ko si Levi na nakaupo sa windowsill habang nakahalukipkip at nakasandal sa salaming bintana. Magpapahinga na lang ang mokong, ang porma pa rin. Nakasuot siya ng manipis na puting long-sleeved shirt at gray na cotton pants.
Habang nakatingin ako kay Levi, wala akong ibang naiisip kundi ang hinihinala kong masamang balak sa kanya ni Beatrice.
Ikiniling ni Levi sa kanan ang ulo niya habang nakatingin sa'kin. "Why are you crying, Sunny?" Blangko ang mukha niya, pero puno naman ng pag-aalala ang boses. "Are you still upset at me?"
Awtomatikong umangat ang mga kamay ko sa mga pisngi ko. Nagulat pa ko nang mabasa ang mga daliri ko. Ah, pumatak pala ang mga luha ko nang hindi ko namamalayan.
Mabilis na tumayo si Levi mula sa kinauupuan niya. "Sa ibang kuwarto na lang ako magpapahinga."
Mabilis naman akong umiling. "Hindi na kailangan." Dumeretso ako sa kama nang hindi tumitingin sa kanya. Humiga ako at nagtalukbong ng comforter. "Magpahinga ka na rin."
Hindi ako makapaniwala sa nangyayari sa'kin. Iniiyakan ko ang isang... manika.
Pero sino ba ang niloloko?
Kahit ilang beses kong tawaging 'manika' si Levi, alam kong matagal na kong huminto sa pagtrato sa kanya bilang gano'n. Para sa'kin, tao siya. Kaya 'yong binalak gawin sa kanya ni Beatrice na sarili pa man din niyang ina, mali 'yon. Maling-mali.
"Sunny?" parang nag-aalangan na tawag sa'kin ni Levi.
"Bakit?" tanong ko naman sa basag na boses.
"May nakita ka ba habang nasa labas ka kanina?"
Natigilan ako sa paghikbi. Base pa lang sa boses ni Levi, alam kong alam na niya kung ano ang nakita ko sa labas. Kung bakit nagkakaganito ako ngayon.
Bumangon ako. Nahulog ang comforter hanggang sa baywang ko. Nang lingunin ko si Levi, nakita kong nakatayo pa rin siya malapit sa windowsill, ilang hakbang din ang layo mula sa'kin. Mukhang hindi siya umalis sa kinatatayuan niya simula nang mahiga ako sa kama.
Pinunasan ko ang mga luha ko. Hindi ko pa naman alam ang katotohanan. Baka nagiging malikot lang ang imahinasyon ko. Sana talaga, mali ako. "Kailan eksaktong babalik si Ma'am Beatrice?"
"Pagkatapos ng tatlong linggo," sagot ni Levi sa blangkong boses.
Tiningnan ko lang siya. Blangko ang mukha niya kaya hindi ko alam kung nagsasabi siya ng totoo o hindi. Kinuha ko ang phone ko sa bag ko na nakapatong sa ulunan ng kama. Tinawagan ko 'yong number na iniwan sa'kin ni Beatrice. Tawagan ko raw siya kung may problema.
But the operator told me the number I dialled was not yet in service.
Peke ang number na ibinigay sa'kin ni Beatrice.
"Come here, Levi," utos ko sa kanya. Nginuso ko ang stool sa tabi ng kama. "Umupo ka rito."
Sa mabagal na paglalakad ni Levi, alam kong nag-aalangan siya. Gayunman, umupo pa rin siya sa stool. Tumingin siya ng deretso sa'kin. "What is it?"
Nilahad ko ang kamay ko sa kanya. "Give me your phone."
Hindi kumilos si Levi.
"Levi. Ibigay mo sa'kin ang phone mo."
Tumango si Levi. Dinukot niya ang phone niya sa bulsa ng cotton pants niya, saka niya 'yon inabot sa'kin. "Puwede ko bang malaman kung anong balak mong gawin sa phone ko?"
Hindi ako sumagot. Sa halip, nag-browse lang ako sa contacts niya. Well, tatlo lang naman ang nasa listahan. Ang number ni Mang Tonio, ang number ni Beatrice... at ang number ko. Kunot-noong nag-angat ako ng tingin sa kanya. Itatanong ko sana kung saan niya nakuha ang numero ko, pero naalala kong naiwan ko sa kanya ang phone ko. Baka do'n niya nakuha ang contacts ko. Iniba ko na lang ang tanong. "Bakit naka-save ang number ko sa phone mo?"
"For emergency purposes? Like, if I accidentally lock myself up in the Playroom?"
Ipinaikot ko ang mga mata ko sa lame excuse ni Levi. Kinalikot ko na uli ang phone niya. Tinawagan ko ang number ni Beatrice na nasa contacts niya. Pero hindi na 'yon nag-ri-ring.
"Sunny, what are you–"
"Hindi ka na babalikan ng mommy mo," deklara ko sa basag na boses. "At alam mo 'yon, Levi."
Hindi sumagot si Levi.
Namuo na naman ang mga luha ko sa sumunod kong tanong sa kanya. "No'ng unang gabi na pumasok ako sa bahay niyo, 'yon din ang gabi na sinubukan niyang sunugin ang mansiyon kasama ka. Alam ko kasi natatandaan ko na amoy-gasolina ang sala niyo no'n."
Nanatiling tahimik si Levi.
"Please, Levi," pagmamakaawa ko sa kanya. "Sabihin mo sa'kin kung ano ang nangyayari."
Matagal bago muling nagsalita si Levi. "Tama ka, Sunny. Hindi na nga babalik si Mommy."
Napalunok ako at napahigpit ang pagkakahawak ko sa comforter. "Tama rin ba ko na tinangka niyang sunugin ang bahay na 'to kasama ka?"
Dahan-dahang tumango si Levi. Nang nagsalita siya, halatang napipilitan lang siyang sagutin siya ng matapat. "Tama ka uli, Sunny. No'ng unang gabing nagpunta ka sa mansiyon, 'yon ang gabing susunugin sana ni Mommy ang bahay."
Nakagat ko ang ibabang labi ko. Pigil na pigil ako sa muling pag-iyak.
"Nang dalhin na sa sementeryo ang kabaong ni Tatay Tonio, nagpaiwan siya sandali sa mansiyon para buhusan ng gasolina ang sala," pagkukuwento ni Levi. Kahit blangko ang mga mata niya, alam kong naglalakbay na siya sa nakaraan. Parang ang sarili niya ang kausap niya at hindi ako. "Ang balak sana niya pagkatapos ng libing ay ang umuwi para sindihan ng apoy ang bahay. Pero hindi siya tumuloy sa pagbalik nang nakita niya ang grupo niyo. Nang natulog ka sa kuwarto ko, tinawagan ko siya at sinabi kong sa ibang lugar na lang siya magpalipas ng gabi. That was me telling my mother to not do it that night."
Nasasaktan ako para kay Levi, pero alam kong walang-wala 'yon sa nararamdaman niya ngayon. Kung puwede ko lang kunin ang kalahati ng sakit na nararamdaman niya, ginawa ko na. Alam ko kung gaano kahirap magdusa ng nag-iisa kaya ayokong maranasan 'yon ng iba. "Hindi tama 'yon. Paano naisipang gawin sa'yo 'yon ng sarili mong mommy?"
"Naiintindihan ko si Mommy," marahang sabi ni Levi. 'Yong tonong ginamit niya sa'kin, para na naman siyang nakikipag-usap sa isang bata. "Sinubukan niyang gawin 'yon dahil ang akala niya, 'yon ang mas makakabuti para sa'kin. At sa tingin ko, hindi naman gano'n kasama ang desisyon niya. The past twenty years of my life were the worst anyway. I'm hopeless case, Sunny."
"You are still his son," giit ko naman. "Kung meron mang isang tao na hindi ka dapat susukuan, ang mommy mo 'yon."
"Sunny... si Mommy, sinisisi niya ang sarili niya kung bakit ako naging ganito. 'Yon ang dahilan kung bakit para sa kanya, siya rin ang dapat tumapos nito."
Kumunot ang noo ko sa pagtataka. "Hindi ko maintindihan."
Matagal bago muling nagsalita si Levi. "No'ng normal na tao pa ko, na-diagnose na meron akong brain tumor. Huli na nang matuklasan namin 'yon. Nasa huling stage na 'yon. I was just eighteen then. Dahil do'n, mabilis nagbago ang buhay ko. Bigla-bigla, hindi na ko makapaglaro ng basketball dahil sa madalas na p*******t ng ulo ko. Kaya nga madalas na kong hindi nakaka-attend sa mga practice namin. Parati akong nasa ospital. Pero hindi ko masabi 'yon sa mga kaibigan ko dahil ayokong pag-alalahanin sila."
Nabigla ako. Iba ang version na 'yon sa version na narinig ko mula kay Napoleon. Kung gano'n, wala palang may alam na may malubhang sakit si Levi. Akala ng mga kasamahan niya, lumaki ang ulo niya kaya hindi na siya um-a-attend ng practice sessions ng team nila.
"Tinaningan na ko ng mga doktor ko no'n.Tatlong buwan na lang ang itatagal ko. Ramdam ko rin naman 'yon sa sarili ko. Kaya kahit mahirap para sa'kin, pinilit kong bumalik sa basketball team kung saan ako member noon. Balak ko sanang ibigay ang championship sa mga kasamahan ko bago ako mawala," pagpapatuloy ni Levi sa pagkukuwento. "Pero ilang araw bago ang final game, bumagsak ang katawan ko. Sinabihan si Mommy ng mga doktor na ihanda na ang sarili niya dahil walang kasiguraduhan kung magiging matagumpay ang surgery ko. Hindi nga naging maayos 'yon dahil na-coma ako pagkatapos ng operasyon ko. My mother was devastated. Dala ng desperasyon para mailigtas ang nag-iisa niyang anak, nagawa niya ang tinuturing niyang pinakamalaking pagkakamali ng buhay niya."
"Ano naman 'yon?" nagtatakang tanong ko.
"Tinanggap niya ang tulong ni Louissa," sagot ni Levi na may halong iritasyon. Pero alam kong hindi sa'kin nakadirekta 'yon.
Nakagat ko ang ibabang labi ko. Posible kayang si Louissa ang nabanggit ni Napoleon na obsessed ex-girlfriend ni Levi?
"She was my ex-girlfriend. She came from a family who practices black magic," pagpapatuloy ni Levi na kumumpirma sa hinala ko. "No'ng umpisa pa lang, natakot na ko sa sobrang pagka-attach niya sa'kin kaya hiniwalayan ko siya. Pero hindi pa rin siya tumigil sa pagsunod-sunod sa'kin at pagbabanta na makukuha rin niya ko balang-araw. Nagkaro'n siya nang pagkakataong magawa 'yon. Habang nasa coma ako, ang sabi ni Mommy sa'kin noon, parati raw akong dinadalaw ni Louissa. She was convincing my mother to let her 'heal' me using black magic."
Kumunot ang noo ko. "So... Louissa is some kind of a witch?"
"She was," sagot ni Levi. "Nakumbinsi niya si Mommy na ilabas ako ng ospital para magawa niya ang mahika na gigising daw sa'kin at mag-aalis ng cancer sa utak ko. Nagtagumpay naman siya. Nagising nga ako mula sa pagiging comatose."
"Pero manika ka na nang magising ka," halos pabulong na dugtong ko sa kuwento ni Levi.
Tumango si Levi. "No'ng una pa lang, wala na talagang balak si Louissa na tulungan akong gumaling. Gusto lang niya kong gantihan. Ang tingin niya sa'kin, walang puso. Para raw akong manika na maganda lang titigan, pero wala namang kakayahang magmahal. So she turned me into a doll."
Napasinghap ako. "That was..." Hindi ko alam kung bakit, pero bumangon ang galit sa dibdib ko. "Saan nakatira ang b***h witch na 'yon? Schoolmates kayo so dito lang din siya sa Bulacan nakatira, 'no? Saang bayan? Ano'ng barangay?"
Nanatiling nakatitig si Levi sa kanya pero bahagyang umangat ang sulok ng mga labi niya. Pero mabilis din 'yong nawala. "Louissa is dead, Sunny."
Okay, nabigla ako ro'n. "Ano'ng nangyari sa kanya?"
"Buhay niya ang naging kapalit para maging epektibo ang itim na mahika na ginamit niya sa'kin. She died the moment I turned into a doll." Napansin ko na ikinuyom ni Levi ang mga kamay niya na nakapatong sa mga kamay niya. "Nang nagising ako at nalaman kong naging manika na ko dahil sa kagagawan ni Louissa, gusto ko siyang patayin. Pero wala na siya. Siniguro niyang magiging malakas ang sumpa niya sa'kin kaya isinakripisyo niya ang buhay niya. Kaya nga wala nang nakatulong sa'kin na kahit na sinong gumagamit din ng itim na mahika o salamangka. Gaya nga ng sinabi ko kanina, wala na kong pag-asa."
Dumoble 'yong sakit na naramdaman ko para kay Levi. Ang lupit ng nangyari sa kanya. 'Yong tahimik na pagpatak ng mga luha ko, naging malakas na iyak. Ako na ang umiyak para sa kanya dahil alam kong wala na siyang kakayahang gawin 'yon ngayon.
MUGTO at mahapdi ang mga mata ko habang nakahiga ako sa kama at nakatitig sa munting universe na nakapinta sa kisame. Sigurado akong constellation ang nakikita kong hilera ng mga bituin sa isang parte, pero hindi ako magaling sa kisame kaya hindi ko alam kung anong tawag do'n. Well, wala rin naman talaga akong pakialam. Nasa ibang bagay ang isipan ko.
"Levi?"
"Yes, Sunny?" sagot naman ni Levi. Hindi ko siya nakikita dahil bukod sa nakatingala ako sa kisame, sa sahig din siya nakahiga. Naglatag siya ng foam do'n kanina.
"Kailan mo nalaman ang balak ng mommy mong gawin?"
"No'ng pag-uwi niya para asikasuhin ang burol ni Tatay Tonio, kakaiba na ang kinikilos niya. Masyado siyang mabait at maasikaso sa'kin. Panay din ang hingi niya ng tawad. 'Yong mga pagpapaalam niya sa'kin, alam kong panghabambuhay na."
"Bakit sa gano'ng paraan ka niya naisip... dispatsahin?"
"Ang pagsunog lang ang paraan para mawala ako," sagot ni Levi. Bumangon siya kaya napatingin ako sa kanya. "Bumabalik sa dati ang mga nababaling parte ng katawan ko, pero hindi ang sunog." Nirolyo niya ang sleeve ng damit niya hanggang sa makita ko ang marka ng sunog sa braso niya. "Hindi gumaling ang mga 'to, kaya posibleng tuluyan na kong mawala kapag tinupok ako ng apoy."
Patagilid akong humiga para mas makita ko ang pinsala ni Levi. Napangiwi ako nang makitang itim ang kulay ng malaking bahagi ng braso niya. Parang plastik na nasunog. 'Yon siguro ang dahilan kung bakit lagi siyang naka-long sleeves. "Saan mo naman nakuha ang ganyang injury?"
"I tried to set myself on fire nine years ago."
Mabilis na umangat ang tingin ko sa mukha ni Levi. "Sinubukan mong... magpakamatay?"
Tumango si Levi. "Sa bawat tao na dumadating sa mansiyon para tulungan ako, binibigyan ako ng dahilan para umasa. Pero nadudurog 'yon sa bawat pagsara ng pinto pagkatapos nilang kumaripas ng takbo palayo sa'kin. Sa tuwing may sumusuko sa'kin, may bahagi ng pagkatao ko ang unti-unting namamatay. Sa loob ng sampung taon, naging matibay ang paniniwala namin ni Mommy na may makikita kaming makakatulong sa'kin. Pero 'yong huling albularyo na hiningan niya ng tulong, muntik na kong mapatay." Binaba niya ang sleeve ng damit niya para takpan ang mga sunog sa katawan niya. "May ginamit siya para makaramdam ako ng sakit. Akala ko, mamamatay na talaga ako. Pero sa totoo lang, no'ng mga sandaling 'yon, hiniling ko na sana magtagumpay siya. Physical scars heal. But those unseen battle scars don't." Tinuro niya gamit ang isang mahaba at porselanang daliri ang sentido niya, pagkatapos ay ang dibdib niya. "'Yong mga sugat dito, hindi na mawawala kahit kailan." Hindi ko na siya nakita nang muli siyang humiga sa kama. "No'ng namatay na 'yong pag-asa sa'kin, pakiramdam ko nawala na rin ng tuluyan ang pagkatao ko. Alam kong malapit na kong masiraan ng ulo. Kaya sinubukan kong magpakamatay. Nang makita ko ang malaking siga na ginawa ni Tatay Tonio, itinapat ko ang braso ko sa apoy para subukin kung matutunaw ako. Kaya sinindihan ko na rin ng apoy ang ibang parte ng katawan ko. I felt eerily calm while watching my ceramic arms get melted."
Humiga uli ako na nakalapat ang likod sa kama habang nakatakip ang mga kamay ko sa bibig ko. Pinipigilan ko ang pagkawala ng mga hikbi ko. Damang-dama ko ang matinding sakit at lungkot sa boses ni Levi habang nagkukuwento siya.
"Niligtas ako ni Tatay Tonio kaya hindi natuloy ang tangka kong pagsunog sa sarili ko," pagpapatuloy ni Levi. "When my mom found out I tried to kill myself, she broke down. Ng mga sandaling 'yon, na-realize ko na maging siya, 'yong nag-iisang tao na pinagkukunan ko ng lakas, ay sumuko na rin sa'kin. Nakita ko kung gaano na siya kapagod. Alam ko, gaya ko, nawalan na rin siya ng pag-asa."
Pumikit ako ng mariin habang walang humpay sa pagtulo ang mga luha ko.
"Kaya nagdesisyon akong pabalikin siyang Australia para magsimula ng panibagong buhay," pagpapatuloy ni Levi sa mas magaang ng boses. "My mom was young. She was only sixteen when she had me. Gano'n siya kabata no'n, samantalang mas matanda ng sampung taon sa kanya ang daddy ko. Si Mommy, Australian siya. Si Daddy naman, half Filipino-half Aussie. It was whirlwird romance for them. Tinanan ni Daddy si Mommy at dito nila sa Pilipinas binuo ang pamilya namin. Sadly, my father passed away when I was only ten. Simula no'n, si Mommy na ang nagpatuloy at nagpalago ng business ni Daddy, which is a furniture company. Sa tingin ko, do'n pa lang, nahirapan na siya. Mas lalo na siguro 'yong nadagdagan no'ng nagkasakit ako, at naging manika. Hindi nakakapagtakang nag-break down siya.
"Alam kong gustung-gusto na ni Mommy na makalayo sa'kin at ipagpatuloy niya ang sarili niyang buhay. No'ng bumalik siya sa Australia, dalawang buong taon niya kong hindi dinalaw o tinawagan man lang. Pero ni minsan, hindi ako nagtampo sa kanya. Kailangan niyang lumayo sa'kin. Alam kong pagod na siya. Ibinigay ko sa kanya ang pahinga na matagal na niyang gusto."
'Yong mga luha ko ng mga sandaling 'yon, hindi na para kay Levi. Umiiyak ako dahil naiinis ako sa sarili ko. Nakikita ko ang sarili ko sa mommy ni Levi kaya ngayon, nababawasan na ang galit ko kay Beatrice. Unti-unti ko nang naiintindihan ang ginang.
"Nagulat ako nang biglang umuwi si Mommy." Bumalik na ang lungkot sa boses ni Levi sa pagkakataong 'yon. "Akala ko, inabandona na niya ko. Pero nang sabihin niyang kasal na siya sa isang businessman na may tatlong anak at nakita ko kung gaano siya kasaya, gano'n na rin ang naramdaman ko. When my mother found her new source of happiness, I knew I had already lost her. At first, I felt bitter. Angry. Betrayed. Left behind.
"Pero nang ngumiti si Mommy sa'kin... 'yong ngiti na totoo at puno ng kasiyahan, nawala din agad lahat ng negatibong damdamin ko. I knew I couldn't take that smile away from her. I didn't want to ruin her happiness, so I let her go. Tinanggap ko na na hindi na siya ang mommy ko. Na may mga anak nang mas nangangailangan ng pagkalinga niya. 'Yong mga anak na normal at maipagmamalaki niya sa lahat ng tao. 'Yong mga anak mayayakap at maalagaan niya nang hindi itinatago sa mundo. She deserves that life. She's a good woman. She's the kind of mother every kid wishes for."
"Hindi ko gugustuhin ang isang ina na kayang sunugin ang sarili niyang anak para lang magkaro'n ng normal na buhay," giit ko pa rin sa basag na boses. Gusto kong iganti si Levi kahit pa sa sarili niyang ina na alam kong hindi niya magagawang kamuhian kahit kailan.
"Sunny," saway naman sa'kin ni Levi sa pasensiyosong boses. "Hindi 'yon gagawin ni Mommy para lang makatakas sa'kin. Naisip niyang gawin 'yon dahil alam niyang pagod na rin ako sa ganitong klase ng buhay. Iniisip niya na siya ang may kasalanan kung bakit ako naging ganito. Kaya mas gusto niyang siya na ang tumapos sa paghihirap ko."
Excuse lang 'yon ni Beatrice. Jina-justify lang ng ginang ang masama niyang plano para hindi siya magmukhang masama sa sarili niya, o sa mata ng iba.
Alam ko kasi no'ng pinaalis ako ng mga magulang ko sa bahay namin para magbakasyon muna rito sa probinsiya, sinabi ko sa sarili ko na ginawa nila 'yon para parusahan ako sa mga nagawa kong pagkakamali. Na pumayag ako sa kagustuhan nila dahil kailangan ko ring mag-reflect.
Pero alam ko sa sarili ko na excuse lang ang lahat ng 'yon.
Umalis ako sa'min kasi gusto ko silang takasan. Gusto kong takasan sina Mama at Papa. Sina Rainy at Cloudy. Pakiramdam ko kasi, kailangan kong pasanin ang buong pamilya namin kapag kasama ko sila. Kaya ginusto ko silang takbuhan.
Gaya ng kung paanong gustong takasan ni Beatrice ang responsibilidad niya kay Levi.
Hindi ko naisip noon kung ano ang mararamdaman ng mga magulang at mga kapatid ko dahil puro sarili ko lang ang iniisip ko. Pero ngayong nakikita ko si Levi at kung gaano siya kamiserable dahil sa pagiging makasarili ng ina niya, na-guilty ako. Sigurado akong gano'n din ang mararamdaman ng pamilya ko sa oras na malaman nilang gusto ko silang takasan. Abandonahin.
"Levi?"
"Hmm?"
"Napatawad mo na ba ang mommy mo?"
"Matagal na."
"Paano mo nagawa 'yon?"
"I love my mom. Her happiness is my everything."
Natahimik ako. Napakasimple at napakatapat ng sagot ni Levi. Pero ang laki ng impact niyon sa buhay ko. Dahil sa kanya, naalala ko bigla kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng salitang 'pamilya.' Napaka-ironic na sa isang 'manika' ko pa matututunan ang napakahalagang aral na 'yon ng buhay.
PAGKATAPOS ng 'summer job' ko, uuwi ako sa pamilya ko ng may one point five million. Saka ko na iisipin kung paano ko ipapaliwanag na gano'n kalaki ang suweldo ko bilang housekeeper. Sa ngayon, kailangan kong planuhing mabuti kung paano namin gagamitin ang malaking halaga ng pera na 'yon.
Siyempre, si Mama ang mas magaling sa ganitong bagay. Pero gusto ko ring magbigay ng mga suggestion para mas ma-break down namin ng mabuti kung alin ang dapat naming i-prioritize. Mukha lang malaki ang isa't kalahating milyon. Pero sa panahon ngayon na napakahal na ng mga bilihin at napakataas ng college tuition fee, mabilis lang mawawala ang gano'ng halaga ng pera kung hindi iingatan.
Kaya heto ako ngayon sa harap ng laptop ko. Naghahanap ako ng magagaling pero affordable na college para kina Rainy at Cloudy na nag-e-excel din sa mga course na gusto nilang i-take. Alam kong may isa pang taon pa bago sila magtapos ng high school, pero gusto ko sanang 'yong malaking bahagi ng makukuha kong pera, itabi para sa pag-ko-kolehiyo nila sa magandang unibersidad.
Mas okay din kung magtatayo kami ng maliit na negosyo na alam kong mapapalago namin, hindi gaya ng mini grocery store na wala namang may alam sa'ming magpatakbo ng maayos. Naisip ko na tutal ay mahilig at magaling namang magluto si Papa ng kung anu-anong putahe, baka mas gaganahan siyang magbago ng career kung 'yon ang gagawin naming negosyo– kainan. Puwede namang magsimula muna kami sa maliit, gaya ng canteen. Kung susuwertihin, baka maging restaurant 'yong balang-araw.
Wala naman na kong masyadong kailangan dahil scholar ako sa university. Sa pasukan naman, third year college na ko. Paghahandaan ko na ang OJT. Kaunting gapang na lang, makaka-graduate na ko. Hindi ko pa alam kung ano ang magiging career ko, pero mag-fo-focus muna ko sa pag-aaral.
Nang manakit ang mga daliri ko sa pag-ta-type, nagpahinga muna ako. Sumandal ako sa kinauupuan ko habang nagkakape. Gumaang ang pakiramdam ko habang nakatingin ako sa family picture namin na screen saver na gamit ko.
Hindi ko mapigilang mapangiti. Ang gaang pala sa pakiramdam tanggapin na may mga bagay na ikaw lang ang makakagawa. You either suck it up, or you find ways to enjoy the 'responsibility.'
Aaminin ko na no'ng una, pabigat ang naging tingin ko sa pamilya ko. Ang dami kong excuse gaya ng masyado pa kong bata para saluhin ang responsibilidad sa bahay. Pero ang totoo niyan, natatakot lang ako mabigo kasi marami silang nakaasa sa'kin. Na-pressure ako, kaya tumakbo ako.
Hindi na ko tatakas sa pagkakataong 'to.
A certain someone reminded me how much I loved my family. They were my everything. Their happiness mattered more than my own.
Naputol lang ang pagmumuni-muni ko nang makarinig ako ng doorbell.
Tumayo ako naglakad palabas ng kusina para buksan ang pinto habang iniisip kung sino ang dumating na bisita. Well, medyo madali lang namang hulaan 'yon. Pupusta ako na si Vince ang dumalaw sa'kin para kumustahin ako. Worrywart kasi ang isang 'yon.
Hindi naman ako nag-aalala kung ang pinsan ko nga ang dumating. Puwede ko siyang imbitahan sa loob dahil nasa Playroom lang naman si Levi ng ganitong oras. Paggising ko nga kanina, wala na siya sa kuwarto. Sa tingin ko, bumabalik lang siya sa silid niya kapag magpapahinga na siya.
Napangiti ako nang si Vince nga ang sumalubong sa'kin pagbukas ko ng pinto. "Hey, cousin. Good morning," masigla kong bati sa kanya dahil masaya talaga akong makita siya. Pero napalitan din ng kaba ang positive vibes ko nang makita kong seryoso ang pinsan ko at mukhang kinakabahan pa. Malikot ang mata niya habang sinisilip ang loob ng mansiyon sa likuran ko. "Vince, are you okay?"
Dumako ang tingin niya sa'kin. May takot sa mga mata niya. "Sunny, pack your things. Aalis ka na sa bahay na 'to. Ngayon na."
Kumunot ang noo ko. Mas kabado na ko ngayon. "Bakit?"
"May buhay na manika sa bahay na 'yan!"