CHAPTER 01

3422 Words
Lagpas isang oras na akong naghihihintay rito sa park. Malapit nang sumapit ang ika-sampu ng gabi. Lumingalinga ako sa paligid, mag-isa na lang akong nakatambay rito. May kadiliman dito dahil walang sindi ang ilaw ng ilang post, mabuti na lang at marami pa namang dumadaang sasakyan sa kalsada kaya kahit papaano ay hindi ako gaanong namamanglaw. Kanina lang ay pinuntahan ako rito ni Ate Lina. Siya ang nagrekomenda sa akin sa magiging amo ko. Parehas kaming taga Samar, at magkapitbahay pa. Noong isang linggo ay umuwi siya sa amin para sa pista. Naghahanap siya ng isasama sa Maynila dahil naghahanap ng katulong ang isa niyang kakilala. Nagkataon din na naghahanap ako no'n ng mapapasukan. Nakapagkolehiyo ako ngunit pagkatapos ng isang taon ay kinailangan ko ring tumigil dahil sa problemang pinansyal ng mga magulang ko. Nagsimula akong pumasok sa iba't ibang trabaho upang kahit papaano ay makatulong sa aming gastusin. Sinubukan kong pumasok na tindera sa isang malaking grocery store sa amin, pero hindi ko kinaya. Bukod kasi sa allergic ako sa maraming tao, ay hindi ako pwede sa paspasan. Kailangan kasi roon sa tindahan 'yong mabilis kumilos at alerto dahil sa dami ng kustomer araw-araw. Mabilis akong mataranta kaya madalas akong pumalpak, kaya madalas din akong pagalitan ng amo ko. Sunod naman, ipinasok akong yaya ng nanay ko sa isang kakilala niya sa lugar pa rin namin. Dalawang buwan pa lang ang bata at wala pa akong karanasan sa pag-aalaga ng sanggol kaya hindi rin ako tumagal. Sunod namang pinasukan ko ay sa bayan na. Mababait ang mga naging amo ko. Hindi gaanong mahirap ang mga gawaing bahay. Laba, saing at linis lang ng bahay. Hindi ako nagluluto ng ulam dahil isang chef ang tatay ng amo kong babae kaya naman nagkalaman ako ro'n sa kanila. Kaso lang 'di rin nagtagal dahil kinailangan na nilang umalis. Lumipat na sila ng tirahan. Pumunta na sila ng Cebu. Sayang, kasi sa kanila sana ako nagtagal. Kaya ayon, sa bahay na lang ako, tagatulong kay Nanay sa mga gawaing bahay. Ang tatay ko naman bukid at dagat ang opisina. May apat pa akong nakababatang kapatid na nag-aaral, dalawa sa elementary at dalawa sa high school. Kulang na kulang talaga ang kinikita ng tatay ko sa araw-araw na pagkayod. Nakokonsensya akong isipin na wala man lang akong maiabot sa kanila. Wala man lang akong maitulong. Kaya, sinabi ko sa sarili ko na, kapag nakakita ako ng oportunidad, susunggaban ko na kaagad. Kahit malayo, kahit mahirap malayo sa pamilya, kakayanin ko. At heto nga at nasa Maynila na ako. Katakot takot na hirap ang pinagdaanan ko sa biyahe pa lang. Akala ko 'di na 'ko makakarating nang buhay sa Maynila. First time kong makasakay ng bus, at sa unang andar bumaliktad kaagad ang sikmura ko. Wala akong ibang ginawa sa byahe kundi matulog at sumuka. Naging kahiyahiya talaga ako. Halos matulog ako sa paanan ng may upuan, doon ko ipinilit na isiksik ang katawan ko. Gusto kong humiga. Nakakahilo ang umupo! Halos lahat ng mga gamit sa maliit kong shoulder bag ay lumabas at naglakbay sa loob ng bus. Isang beses ko lang 'yong binuksan para kunin ang biniling white flower ni nanay para sa 'kin para amoy amuyin ko, at hindi ko na nga nasarhan. Wala na akong pakialam, basta nahihilo ako at gusto ko lang matulog! Dahil tuwing imumulat ko ang mata ko, naduduwal ako. Nakailang plastik labo din ako at nang isang beses kong itinapon ang isang plastik na may lamang sama ng loob ay na-shoot pa iyon sa bilao na nakapatong sa ulo ng isang tinderong nagtitinda ng mga kakanin. Mabuti na lamang at umaandar ang bus, kaya absuwelto na ako kaagad sa kasalanan ko. Akala ko ay sa bus lang ang kalbaryo ko. 'Yon pala ay mas malala pa ang pagdadaanan ko sa barko. Nakaramdam ako ng matinding pagkaihi habang umaandar 'yon. Nang tumayo ako ay umiikot ang aking paningin. Nang humakbang ako ay nawalan ako ng balanse at nasubsob ako sa kandungan ng isang lalaki. Pahiyang pahiya ako, pero mas nahihilo pa rin ako. Mabuti na lang at naawa sa akin si Ate Lina at sinamahan na akong mag-CR. Balik na naman sa bus. Parang nasa impyerno na ang pakiramdam ko, walang katapusang paghihirap! Isang araw lang iyon ngunit pakiramdam ko ay habang buhay na. Kumain daw ako para magkalaman ang tiyan ko, dahil lalo akong mahihilo kapag gutom ako. Sinusubukan ko namang kumain ng kaunti, pero hindi tinatanggap ng sikmura ko. Pinakamabisa pa rin ang matulog. Nagising ako sa kalabit ni Ate Lina. "Malapit na tayo," sabi niya. Nabuhayan ako ng loob, matatapos na rin ang paghihirap ko. Sinubukan kong umayos ng upo at napatingin sa labas ng bintana. Nagtataasang building at mga naglalakihang billboards. Sa wakas, Maynila na. Napangiti rin ako. Bumaba ako ng bus na nanlilimahid ang itsura, magulo ang buhok, madungis ang mukha, may muta ang mga mata at iisang tainga na lang ang may hikaw. Wala akong pakialam, ang mahalaga nalampasan ko ang isa sa pinakamahihirap na pagsubok na pinagdaanan ko sa buong buhay ko, ang bumiyahe! Dalawang araw rin akong nakitira sa inuupahang maliit na kwarto ni ate Lina. Masyado raw kasing busy ang amo ko sa trabaho at hindi ako mahanapan ng oras para masundo. At sa wakas, dumating na ang araw na 'to. Hindi naman sa excited ako, pero at least matatapos na ang paghihintay ko. Lamang na lamang ang kaba dahil sa pag-aalala ko kung anong klaseng mga tao ang pagsisilbihan at pakikitunguhan ko. Pero, kailangan kong isantabi ang kabang 'yon para sa pamilya ko. Gagawin ko 'to para sa kanila. Maghintay lang daw ako, sabi ni Ate Lina, at on the way na ang susundo sa akin. May tinapos lang daw na gawain sa kanilang shop ang amo ko kaya hindi ako nasundo nang maaga. Siya lang ang may kontak sa magiging amo ko kasi wala akong cellphone. Hinatid niya ako sa park kanina kasi may pasok pa siya. Malapit lang dito 'yong supermarket na pinapasukan niya. Siya ang supervisor ng supermarket kaya madalas late na siya kung umuwi lalo na kapag may overtime. "O, ayan na pala!" biglang sabi niya sabay turo sa isang Mitsubishi L-300. Napaismid ako, ang inaasahan ko, nakakotse ang susundo sa 'kin, hindi pala. Lumabas mula sa likod ang dalawang lalaki. Isang medyo chubby at isang payat. Pero mukha silang adik parehas. Kinabahan ako pagkakita ko sa kanila. Sila 'yong mukhang walang gagawing matino. Tumayo ako at hinawakan ang trolley ko na naglalaman ng mga damit ko habang sukbit ko pa ang aking shoulder bag. Kinuha ng payat at may kaliitang lalaki ang trolley ko at ipinasok sa sasakyan. Sininyasan naman ako ng isang lalaki na pumasok na roon. Tumingin ako kay ate Lina. Parang gusto ko nang umatras. Wala akong tiwala sa mga sasamahan ko. "Mag-ingat ka ro'n," nakangiting sabi niya sa 'kin. Lalo tuloy akong kinabahan sa sinabi niya. Ngayon lang naging nakakatakot 'yong biling 'mag-ingat ka'. Kahit na parang ayaw ko na, humakbang pa rin ako palapit sa sasakyan at sumampa roon. Umupo ako sa kabilang upuan, sa tapat ng dalawang lalaki. Alangan namang tumabi ako sa kanila. Kumaway sa akin si Ate Lina. "Dadalawin kita minsan," sabi niya. Ngumiti ako ng pilit. Isinara na ng payat na lalaki ang pinto ng sasakyan sa likod at sinulyapan ako bago siya bumalik sa kinauupuan niya. Sinulyapan din ako no'ng isa niyang kasama. Nakakatakot talaga ang mga tingin nila. Napadasal ako ng tahimik sa isip. Umaandar na ang sasakyan. Napatingin ako sa driver. Medyo mahaba ang buhok nito. Lampas tainga. Tumingin ako sa rearview mirror, nakasalubong ang mga mata namin kaya mabilis akong nagbaba ng tingin. Siya siguro 'yong amo kong tinatawag na Kuya Ken ni Ate Lina. Tahimik lang kami sa biyahe. Dahil siguro sa takot ko kaya hindi na ako nakaramdam ng pagkahilo. Patuloy ako sa pagdarasal. Kung ano ano na lang ang pumapasok sa utak ko. Mamaya, huminto ang sasakyan sa isang madilim na lugar? Paano kung mga rapist pala itong kumuha sa 'kin? Gusto ko na talagang maiyak. Pero, maya maya ay umandar ito ulit. Hindi ko alam ang dahilan ng sandaling paghinto namin. Halos dalawang oras din kami sa biyahe. Huminto ang sasakyan sa harap ng isang bahay na mukhang luma na. Kalawangin na ang gate. Humupa ang takot sa katawan ko nang makita na halos dikit dikit ang mga bahay roon at maraming tao ang dumadaan. Naunang bumaba ang dalawang lalaki na kasama ko sa likod. Binibit no'ng payat ang trolley ko at ipinasok sa bahay. Tapos sumunod na pumasok 'yong chubby. Bumaba na rin ako. Tapos nakita ko ring bumaba 'yong driver na siya na nga sigurong amo ko. Nakatalikod pa rin siya sa 'kin. Matangkad siya at maganda ang katawan. Sa tingin ko halos six footer din. Sinuklay niya ang kanyang buhok gamit ang mga daliri sa kamay. 'Yon nga lang hindi ko parin makita ang mukha niya. Pumasok na rin siya sa bahay at mukha akong tangang naiwan sa labas na hindi alam ang gagawin. Wala na yata silang balak na balikan ako kaya nagkusa na akong pumasok. Akala ko mansyon ang daratnan ko pero mas maganda pa nga ang bahay namin kahit yari lang sa pawid ang dingding at tabla lang ang sahig. Mukhang abandunado ang bahay na ito, sobrang dumi at makalat! Mukhang hindi tao ang nakatira! Napasigaw ako nang bigla na lang may kumahol na aso sa tabi ko. May aso pala roon- isang kulay itim na maliit na aso na mukhang matanda dahil sa kulubot nito sa mukha. Tumuloy na ako sa loob ng bahay. "Daddy!" Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang isang maliit na batang lalaki na nakangiti at nakatingin sa amo kong lalaki. Patakbo itong bumaba ng hagdan at sinalubong ang Daddy niya. "How are you sleepy head?" tanong ng amo kong 'di ko pa rin sure kung siya nga ang amo ko sa bata. Kinarga niya ang bata. "Why didn't you come home early?" tanong ng bata. "Sinundo ko ang bago mong yaya." Ayon, confirmed! Siya nga ang amo ko. Siya nga si Sir Ken. At sa wakas, humarap din siya sa 'kin. Nganganga sana ako, pero pinigilan ko At baka tumulo ang laway ko. At muntik pang lumuwa ang mata ko nang makita ang mukha niya. Literal na natulala ako. Ang gwapo niya! Mahirap i-explain, basta gwapo! Para siya 'yong bida sa mga napapanuod kong Mexicanovela noong bata pa ako. Mukha siyang artista. "Oy, tinatanong ka ni Kuya Ken!" kalabit sa akin ng payat na lalaki. Para akong nagbalik sa ulirat sa ginawa niya. "Po?" wala sa sariling usisa ko. "Sabi ko, anong pangalan mo? Nakalimutan ko na kasi. Hindi ko na kasi ulit naitanong kay Lina," sabi ni Sir Ken. Mukha pang nagpipigil ito sa pagtawa. Nakakatawa siguro ang itsura ko. "Ah, ako po pala si Lynette, pero tawagin n'yo na lang po akong Inday, kasi 'yon po ang tawag sa 'kin doon sa amin," sagot ko. "A, Inday," tumatangong wika ni Sir Ken. "Ito nga pala ang anak ko, si Terence." Ibinaba niya ang bata. "Say hi to your new Yaya," sabi niya rito. Nag-hi naman sa 'kin ang bata, at nag-hi ako pabalik. Mukha naman siyang mabait, sa isip ko. Mukhang makakasundo ko naman. Ang akin lang, hindi ako na-inform na may bata pala akong aalagaan. Akala ko, magkakatulong lang ako. Pero okay lang, nandito na ako, e. Wala na akong magagawa. Tiningnan ni Sir Ken ang dalawang lalaking kasama ko kanina sa likod ng sasakyan. "Kasama ko ang dalawang 'yan sa shop. Dito din sila nakatira sa akin. 'Wag kang matakot sa kanila, mukhang mga adik lang 'yan pero mababait ang mga 'yan," natatawang sabi niya. "Magpakilala kayo!" utos niya sa dalawa. "Danny!" pakilala ng payat. "Ako naman si Yong," sabi naman ng medyo chubby. "Nice to meet you!" sabay nilang sabi. Ngumiti ako ng kunyari lang. Hindi pa rin nagbabago ang paningin ko sa kanila. Mukhang hindi parin sila mapagkakatiwalaan. "Yong, samahan mo si Inday sa taas. Ituro mo ang kung saan siya pwedeng matulog," sabi ni Sir Ken tapos nagbaling sa 'kin. "Magpahinga ka na muna. Bukas ka na magsimula." "Salamat po, Sir," sabi ko. Nauna nang umakyat si Yong sa taas at sumunod ako. Binuksan niya ang isang kwarto at tumambad sa 'kin ang sobrang kalat at maalikabok na loob niyon. "Linisan mo na lang," sabi niya sa'kin. Malamang, sa isip ko. "Isang buwan na kasi 'tong hindi nalilinisan, mula nang umalis 'yong huling nag-alaga kay Terence." "Bakit po umalis?" nag-aalangang tanong ko. Napangisi ito. "Hindi kinaya ang kulit ng bata." Bigla akong kinabahan at baka maldito ang magiging alaga ko. Hindi na ako nagtanong pa, dahil malalaman ko naman ang mga tanong sa isip ko sa mga susunod na araw. "Kapag gusto mo ng kausap, pwede ako," nakangiting sabi ni Yong. "'Wag kang matakot sa amin ni Danny, totoo 'yong sabi ni Kuya Ken, mababait kami. Kuya na lang tawag mo sa amin, kuya Yong at kuya Danny. Parehas na kaming may mga asawa't anak. Matagal na kaming nagtatrabaho kay Kuya Ken. At saka mabait ang amo natin, kaya relax ka lang," sabi niya pa. "Sige ha, maiwan na kita, magpapahinga na rin ako." Tapos lumabas na siya ng kwarto. Kahit papaano ay gumaan ang loob ko sa kanya. Masyado lang siguro akong naging judgmental sa kanilang dalawa ni Kuya Danny. Napatingin ako sa sahig. Iba't ibang kulay ng clay ang nakadikit doon. Siguradong si Terence ang may gawa. Nagkalat din ang iba pang mga laruan doon pati na mga libro. Ang daming kailangang iligpit. Siguradong mapapasabak ako nito bukas at kailangan ko ng maayos na pahinga para makaipon ng lakas. Nagligpit ako ng kaunti para mabawasan naman ang dumi ng paligid. Wala akong nakitang higaan, kundi isang sofa lang. Pinagpag ko iyon at napaubo ako sa makapal na alikabok na namahay na roon. Napabuntong hininga ako. Pinagkasya ko roon ang sarili ko. Tumagilid ako at saka pumikit. Hindi ko alam kung bakit parang sobrang pagod ng isip at katawan ko, kaya naman mabilis akong naidlip. Para akong pinaso sa kinahihigaan ko, napabalikwas ako at nahulog sa sahig nang biglang bumukas ang pinto ng kwartong kinaroroonan ko. Dinig na dinig ko ang malutong na halakhak ng amo ko. Napatingin ako sa kanya. Mabilis akong tumayo at inayos ang magulo kong buhok. Biglang nawala ang antok ko. "May iuutos po kayo, Sir?" nahihiyang tanong ko. Hindi ko gustong maabutan akong nagpapahinga ng amo ko at baka pangit ang maging first impression niya sa 'kin. Kahit pa siya na ang nagsabi na bukas na 'ko magsimula. Dapat nauunang matulog ang amo sa katulong. "Wala," sagot niya, natatawa pa rin. "Ano bang nangyari sa'yo? Ba't ka nalaglag? Tulog ka na ba no'n?" sunod sunod niyang tanong sa 'kin. "Nagulat lang po ako," sabi ko. "Ah! Pasensya ka na, hindi muna ako kumatok. Nasanay kasi ako na wala nang natutulog dito." "Ok lang po Sir." "Hayaan mo, next time kakatok na 'ko," sabi pa niya. "May kukunin lang ako." Pumasok siya tsaka binuksan ang malaking cabinet doon. May kinuha siya. 'di ko alam kung ano. "Dapat kumain ka muna bago ka matulog." "Salamat po, Sir, pero kumain na po ako kanina bago ninyo ako sunduin," paliwanag ko. Tumango tango siya. "O sige, bababa na 'ko, matulog ka na," nakangiting sabi niya sa'kin at saka isinara ulit ang pinto. Hihiga na sana ako nang bigla ulit bumukas ang pinto. Mabilis kong tinuwid ang pag-upo ko. "Sofa bed 'yan. Pwede mong ilatag para mas komportable kang matulog." At muling isinara ni Sir ang pinto. Hindi ko na inilatag yung hinihigaan ko. Gusto ko nang matulog. At sa awa ng Diyos, nakapagpahinga na rin ako. Kinabukasan, maaga akong nagising. Alas kwatro y medya pa lang. Pupungas pungas akong bumaba at naupo sa may hagdan. Katulad ng inaasahan ko, tahimik pa ang buong bahay. Ako pa lang ang gising. Ano ang gagawin ko? Wala pang instructions na ibinigay sa 'kin si Sir. Sandali. May anak na si Sir. Ibig sabihin, may asawa na siya. Wala namang nabanggit sa akin si Ate Lina. Nagkibit balikat ako, baka nakalimutan niya lang sabihin sa 'kin. Umakyat ako ulit sa kwarto at saka doon na lang nagsimulang maglinis at magligpit. Aantayin ko na lang na magising si Sir o 'di kaya sina kuya Yong. O' 'di kaya yong asawa ni Sir, at baka siya ang magtuturo sa'kin ng mga gagawin ko sa bahay. Alas sais, lumabas uli ako ng kwarto pero tahimik pa rin ang buong bahay. Bumaba ako at nagwalis walis na lang muna. Maya maya ay may narinig akong mga yabag. Pagtingin ko sa hagdan, si Sir pababa. Napatingin ako sa suot niyang boxer shorts. Iyon lang kasi ang suot niya. Naasiwa ako kaya kaagad kong inilayo ang paningin ko. "Good morning!" bati niya sa 'kin. Aba, at hindi talaga suplado ang amo ko. Nauna pa siyang bumati. "Good morning din po, Sir!" tugon ko. Nakita ko siyang pumasok sa CR. Iihi siguro. Pagkalabas niya saka ako nagtanong. "Ano po ang mga gagawin ko Sir?" Kinusot niya ang mata niya at naghikab pa. Inaantok pa yata. "Mamaya may pupunta rito ito, si Donna. Dati siyang katulong dito, pero sa shop na siya ngayon nagtatrabaho. Siya ang magtuturo sa 'yo ng magiging trabaho mo, okay?" sabi niya. "Sa ngayon, may itlog diyan sa ref, tsaka bacon at hotdog. Magluto ka na muna ng almusal. Marunong kang magprito?" seryosong tanong niya. "Syempre po, Sir!" sabi ko. Para prito lang? Natawa si Sir. "Baka lang naman hindi. Yung huli ko kasing katulong hindi marunong. Maglaga lang ang alam." "Ah..." sabi ko. "Sabado ngayon, walang pasok si Terence. Mamaya na natin pag-usapan ang tungkol sa anak ko, okay?" Tumango ako. At saka umakyat na siya. Maya maya ay bumaba ulit at may dala nang tuwalya. Maliligo. 20 minutes lang, lumabas na ito sa banyo at nakatapis na. Kahit anong iwas ko, 'di ko talaga mapigilang mapatingin kay Sir. Kahit naman sino mapapatingin talaga, lalo na sa katulad kong virgin pa ang mga mata. Nagawa ko na ang utos niya. Nakapagluto na ako ng almusal. Ipinagluto ko sila ng sinangag. Sa totoo lang, prito lang talaga ang alam ko. At ang ibang putahe ng ulam, ipinagdadasal kong matutunan habang nandidito ako sa kanila. Kahit hindi ito ang unang beses kong mangatulong ay nangangapa pa rin ako. Pero kung ang pag-usapan ay tungkol sa ibang gawaing bahay gaya ng paglilinis, pamamalantsa at paglalaba ay tiyak na wala silang masasabi sa'kin. Bumaba na ulit si Sir. Nakabihis na ito at lalong gumwapo. T-shirt at maong na pantalon lang ang suot niya pero ang lakas pa rin ng dating. Kailan ko kaya ma-mi-meet ang misis ni Sir? Siguradong maganda rin 'yon kasi pogi si Sir, eh. Umupo siya sa hapagkainan. "Sir, gusto n'yo po ng kape?" "Sige," sabi niya. Tapos nakita ko siyang sumubo ng sinangag. "Mmm... masarap ha," sabi niya. "Mabuti naisip mong magluto nito. Matagal na rin kasi akong 'di nakakakain ng ganito." "Marami po kasing tirang kanin Sir. Sayang naman po kung mapapanis lang." Nginitian niya lang ako. Ipinagtimpla ko siya ng kape. "Sir, ano po ang gusto ninyo sa kape, matapang, mapait, matabang o matamis?" "Iyong timpla mo na lang," sagot niya. Okay. Iyon ang ginawa ko. "Masarap ka ring magtimpla ng kape," sabi niya pagkahigop niya. "Salamat po." Bumukas ang main door at pumasok sina Kuya Yong at Kuya Danny. Bihis na rin ang dalawa. Naupo rin sila at nakisalo kay Sir. "Inday, kape naman, oh!" sabi ni Kuya Danny. "'Wag mong sundin Inday," sabi ni Sir. "Ako lang ang amo mo rito." Napakamot sa makinis na ulo si Kuya Danny. Tinawanan siya ni Kuya Yong. Pagkatapos nilang kumain ay nagpaalam na si Sir. "Ikaw na ang bahala kay Terence. Mamaya pang mga nine 'yon magigising. Ipagluto mo na lang ng nuggets. Tsaka papanuorin mo ng cartoons. Kapag masyadong makulit, at kapag inaway ka tawagan mo ako sa shop." Binigyan niya ako ng calling card. "Hintayin mo na lang si Donna, maya maya nandito na 'yon." "Ok po, Sir." Lumabas na sila ng gate at sumakay sa van. This is it! Ito ang unang araw ko sa trabaho ko. Ang pinakamahirap ay ang mga unang araw kasi kailangan kong mag-adjust at maraming dapat matutunan. Pero kapag nalampasan ko na 'yun, masasanay na ako at magiging mas madali na ang mga bagay bagay. Kaya ko 'to!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD