Nabitawan ni Dria ang phone. Nanlamig at nanginig ang buong katawan niya. Pakiramdam niya sa mga sandaling iyon ay sasabog ang ulo niya. Kahit alam na niya, iba pa rin pala talaga kung mapapatunayan niya iyon nang harapan.
"D--dria..." nanginginig din ang boses na tawag sa kanya ni Samantha.
Bago pa namalayan ni Dria, lumipad na ang kamay niya papunta sa mukha si Samantha.
"Traidor ka! How could you do this to me? Sa Mommy ko?! 15 years, Samantha! 15 years!" umiiyak niyang panunumbat dito.
"Hindi ko sinasadya! Hindi ko sinasadya, Dria! I'm sorry... I'm sorry!" Sinubukan nitong hawakan ang kamay niya ngunit iniwas niya ang kamay niya rito. Ayaw niyang magdikit pa ang mga balat nila.
"Parang tatay mo na ang Daddy ko! Andami-dami namang nanliligaw sa'yo, Samantha kaya bakit ang Daddy ko pa ang pinili mo?!" Hindi namalayan ni Dria na umiiyak na rin siya sa sobrang galit at sama ng loob na nararamdaman niya sa mga sandaling iyon.
"Mahal ko siya! Mahal ko ang Daddy mo, Dria!"
"SINUNGALING KA!" Ipinagsigawan iyon ni Dria nang buong lakas. "Pera lang namin ang habol mo kaya pinatulan mo ang Daddy ko! Ikaw! Ikaw ang papatay sa Daddy ko pagkatapos ninyong patayin ang Mommy ko!"
Napanganga si Samantha sa sinabi niya at pagkatapos ay mabilis itong umiling.
"Hindi! Hindi ko magagawa iyon sa Daddy at Mommy mo, Dria! Hindi ko gagawin iyon!"
"Sinungaling! Demonyo ka, Samantha! Umalis ka! Umalis ka na at huwag na huwag mo nang ipapakita ang pagmumukha mo sa akin at sa pamilya ko! Huwag na huwag ka nang magpapakita sa Daddy ko! Huwag na huwag ka nang aapak sa bahay namin! Wala akong kaibigang demonyo!" Halos mamaos na si Dria sa ginagawa niyang pagsigaw kaya natatarantang lumabas sa sasakyan si Samantha.
"Uncle!" tawag ni Dria sa driver na agad namang pumasok sa loob ng sasakyan.
"Umuwi na po tayo, please!" Tumango ang driver at nagmaneho na papalayo sa lugar na iyon habang nasa gitna pa rin ng kalsada si Samantha at nakatingin sa papalayong kotse nila.
Galit na pinunasan ni Dria ang kanyang basang mukha. Hindi siya dapat maawa kay Samantha. Hindi niya ito dapat iyakan. Tama lang ang ginawa niya. Tama lang na putulin na niya ang lahat ng ugnayan nila habang maaga pa. Pinulot niya ang cellphone ni Samantha na nasa lapag ng sasakyan at ipinasok iyon sa bag niya. Alam niyang hindi na niya magagamit iyon dahil hindi naman niya nai-record ang boses at sinabi ng ama nang tawagan niya ito ngunit umaasa siyang sa pagtatago nito ay pansamantalang mapuputol ang komunikasyon nito sa kaibigan niyang malandi.
Nang huminahon na siya, kinausap niya ang driver.
"Uncle, huwag na huwag kang babanggit kina Mommy at Daddy tungkol sa nangyari, please? Hayaan n'yo po muna akong mag-isip kung paano ko masasabi kay Mommy ang lahat," pakiusap niya sa driver.
"Sige po, Ma'am Dria. Ititikom ko po ang bibig ko." Ngumiti nang may pasasalamat si Dria sa driver bago sumandal at pumikit. Ngayon, ang kailangan niyang pag-isipan ay kung paano niya haharapin ang Daddy niya. Hindi niya alam kung hanggang saan ang narinig nito sa naging pag-uusap nila ni Samantha kanina. Hindi niya maisip kung ano ang gagawin nito sa kanya ngayong alam na niya ang lahat tungkol sa relasyon nito sa kaibigan niya.
Ilang sandali pa ay pumarada na ang kotse sa harapan ng bahay nila. Huminga nang malalim si Dria at nag-ipon ng lakas ng loob bago siya bumaba sa sasakyan. Aandap-andap ang loob na pumasok siya sa bahay. Palingon-lingon at naghihintay kung kailan siya sasalubungin ng mga magulang niya.
"Dria!" Halos matumba si Dria sa gulat nang marinig ang boses ng Mommy niya. Nakita niya itong nakangiting naglalakad pasalubong sa kanya.
"Napaaga ang uwi mo. At himala. Wala iyong anino mo," saad nito na lumingon pa sa likuran niya para hanapin si Samantha. Nang hindi nito makita si Samantha at humarap ito sa kanya.
"M-mommy..." garalgal ang boses na tawag niya sa ina. Nanhahapdi ang mga mata niya dahil buhay na buhay ito sa harapan niya ngayon. Masiglang-masigla. Naguguluhan tuloy siya kung sasabihin na ba niya sa Mommy niya ang napatunayan niya tungkol sa ama niya. Natatakot siya sa magiging epekto ng sasabihin niya rito.
"Oh, umiiyak ka na naman? Kaninang umaga, ganyan na ganyan ang itsura mo. Hanggang ngayon ba naman, iiyak ka sa tuwing nakikita mo ako?" nagbibiro nitong sabi sa kanya.
"Parang mamamatay na ako niyan, ah?"
"Mommy, no! Please! Huwag mong sabihin yan! Huwag mong sasabihin yan!" Lumuluhang yumakap siya rito.
"Anak, I'm just joking! Ano ka ba?"
"Mommy, please don't ever joke about it. And I'm sorry. I'm sorry, Mommy. Sa lahat ng mga pagkukulang ko bilang anak mo, sana mapatawad mo ako. I love you so much, Mommy."
Bahagya siyang itinulak palayo ng Mommy niya at saka siya tinitigan.
"Dria, ano ba talaga ang problema? Kaninang umaga ka pa. Sobrang nawiwirduhan na ako sa mga ikinikilos mo pati sa pakikitungo mo sa kaibigan mo. Nag-away ba kayo kahapon? Kanina? Kaya ba siya wala rito ngayon? Ano ba talaga ang totoo?"
"Mommy, si Samantha... She's a traitor..." Halos ayaw lumabas ng mga salitang iyon sa bibig ni Dria.
"Ano? Are you saying that Samantha betrayed you? Anak, she wouldn't do that to you. Bata pa lang kayo, magkaibigan na kayo. Marami na kayong pinagdaanang magkaibigan. She will never betray you and your friendship..."
"Mommy, hindi mo naiintindihan! She... She..."
Hindi masabi-sabi ni Dria sa ina ang gusto niyang sabihin. Natatakot siyang baka kapag sinabi niya, may mangyaring hindi maganda sa Mommy niya.
Napapikit nang mariin si Dria. Dapat ang una niyang makausap ay ang ama. Sasabihin niya rito na bibigyan niya ito ng pagkakataon na maitama ang pagkakamali nito. Sasabihin niyang hindi makakayanan ng Mommy niya kapag nalaman nito ang relasyon ng Daddy niya at ni Samantha. Kaya dapat, bago malaman ng Mommy niya ang lahat ay maayos na ng Daddy niya ang gusot.
Tama. Iyon ang dapat niyang gawin. Iyon lang ang tanging paraan para mailigtas ang mga buhay ng Mommy niya at Daddy niya.
"Dria?"
Napatingin si Dria sa ina. Gusto na naman niyang maiyak habang pinagmamasdan ang maamo nitong mukha. Kahit may edad na ito, bakas pa rin ang ganda nito na namana niya. Napakabait din ng Mommy niya. Napakarami nitong tinutulungang mga tao. Karamihan nga sa mga empleyado nila ay galing sa mahihirap na pamilya na binigyan nito ng pagkakataong makaangat sa buhay. Napakamaasikaso at maalaga rin nito sa kanila ng Daddy niya. Kaya bakit? Bakit ito nagawang lokohin ng Daddy niya?
At si Samantha. Di ba, inaasikaso rin ito ng Mommy niya? Inaalagaan? Binibigyan ng mga libreng alahas? Kung binibigyan siya ng Mommy niya, meron din itong binibigay kay Samantha.Ito pa nga ang naging abala noong mag-debut si Samantha. How could Samantha throw them all away just for her own selfish feelings?
Agad na pinunasan ni Dria ang mga luhang basta na lang dumaloy sa mga pisngi niya. Pinaghalong sama ng loob, galit, at takot ang kasalukuyang sumasakal sa puso niya sa mga sandaling iyon.
"Mommy, may...may ginawa lang si Samantha na... na ikinagalit ko. Pero tama ka, dapat lang naming pag-usapan nang mabuti iyon para maayos namin ang naging problema sa pagitan naming dalawa." Pinilit ni Dria ang sarili na ngumiti sa ina sa kabila ng panhahapdi ng puso niya. She's not used to lying to her mom. Pero kung para sa kaligtasan nito, kahit minu-minuto siyang magsisinungaling dito.
"That's right, anak. Pag-usapan lang ninto at maaayos din Yan. Bukas, back to normal na naman kayong mag-best friend. Halika, gumawa ako ng fruit salad. Magmeryenda ka muna habang hinihintay natin ang daddy mo. Bukas, magpadala ka sa bahay nila para matikman din ni Samantha itong ginawa ko."
Tumango si Dria at sumama na sa ina. Nagdaraan sa isipan niya ang mga salitang hindi niya masabi-sabi nang harapan sa ina.
Mommy, kung alam mo lang ang ginagawa nina Daddy at Samantha laban sa'yo, baka lagyan mo ng lason ang salad na ipapadala ko bukas para sa kanya.
...
Tapos na silang mag-dinner na mag-ina at nasa living room na ngunit hindi pa rin dumarating ang kanyang ama. Ang suspetsa ni Dria, hindi totoo ang pinadala nitong mensahe sa ina na may biglaan itong ka-meeting na negosyante. Siguro totoong may ka-meeting ito pero nakakasiguro si Dria na hindi negosyante iyon kundi si Samantha. Lalo tuloy nadagdagan ang ngitngit na nadarama niya para sa ama.
Nag-aalalang napatingin si Dria sa Mommy niya na nakaupo sa tabi niya. Tahimik lang ito at tila may malalim na iniisip.
"Mommy?" Gulat itong napatingin sa kanya.
"Yes, anak?" Kinuha ni Dria ang kamay nito at pinisil iyon.
"Mommy, akyat ka na sa taas. Ako na lang ang maghihintay sa pagdating ni Daddy." Pinilit niyang itago sa ina ang galit at pag-aalala niya sa pamamagitan ng ngiti.
"Dria, dapat ikaw ang umakyat na para makapagpahinga ka na. Ako na ang bahalang maghintay sa Daddy mo, okay? Ako ang asawa kaya ako ang dapat na mag-abang sa pagdating niya. Aasikasuhin ko pa ang dinner niya, ipagliligpit siya, at..."
"Mommy, ako na lang ang gagawa ng mga yan pagdating ni Daddy. Tignan mo, 9 o'clock na. Mapupuyat ka na kapag hinintay mo pa siya ng ilang oras. Ako na lang, ha? Tsaka, may importante kasi akong sasabihin kay Daddy."
"Importanteng sasabihin? Ano yun? Hmm?"
"Ah, tungkol lang sa pag-o-OJT, Mommy," pagsisinungaling ni Dria. Ang totoo ay kokomprontahin niya ang ama.
"Umakyat ka na, Dria. Bukas mo na sabihin sa Daddy mo ang tungkol dyan tutal Sabado naman bukas."
"Pero Mommy..."
"Sige na, anak. Huwag matigas ang ulo. Oo nga pala, bukas pupunta tayo sa mall para dalawin yung isa sa mga jewelry shops natin. Sasama ka sa akin, okay?"
"Sige po," napilitang sagot ni Dria ar saka siya tumayo. Pasulyap-sulyap siya sa pinto habang naglalakad siya papunta sa hagdan ngunit makaakyat na siya at lahat, hindi pa rin dumarating ang Daddy niya.
Pumasok siya sa kuwarto niya at hinarap ang mga unan niya. Ang mga iyon ang pinaglabasan niya ng galit niya.
"Damn you! Damn you! Traitors! Traitors!" impit niyang mga sigaw habang pinagsusuntok ang mga unan na walang kalaban-laban sa kanya.
Ano kaya ang ginagawa ng Daddy niya at ni Samantha sa mga oras na iyon? Naghahalikan ba sila? Naghuhubaran? Pinaplano na ba ng mga ito kung paano sila mawawala ng Mommy niya sa buhay ng mga ito?! No. Sa future, papatayin din ni Samantha ang Daddy niya, di ba? Kaya ano kaya ang ginagawa ng mga ito sa mga oras na iyon?!
Inabot ni Dria ang isang unan at itinakip iyon sa mukha niya saka siya sumigaw nang malakas.
"MGA WALANGHIYA!!!"
Hingal na hingal siyang bumagsak sa kama.
Samantha, Daddy... hinding-hindi ko kayo mapapatawad kung sa ikalawang pagkakataon ay papatayin n'yo si Mommy dahil sa kalandian ninyong dalawa! Hinding-hindi ako papayag na masasaktan n'yo pa si Mommy! Hinding-hindi!
Pumikit nang mariin si Dria habang buong layang dumadaloy ang mga luha niya sa magkabilang-gilid ng mga mata niya. Mas mabuting lumabas na silang lahat ngayon kesa sa harapan pa ng Daddy niya o sa harapan pa ng Mommy niya lumabas ang mga ito.
"God, please! Help me protect my mom. Tulungan n'yo po ako! Anong gagawin ko? Anong gagawin ko?!"
Laban, Dria. Lumaban ka.
Natigilan si Dria. May sumagot sa tanong niya pero hindi niya boses iyon!
Fight, Dria. Fight, please. Fight, sweetheart, fight.
Huh?! Sa sobrang galit at hinagpis na nadarama niya sa mga sandaling iyon, nagsisimula na ba siyang mabaliw? Bakit nakakarinig siya ng boses na hindi niya alam kung saan nanggagaling? Wait. May tao ba sa kuwarto niya?!
"Sino ka?! Magpakita ka sa akin!" Bumalikwas siya ng bangon at saka malakas na nagtanong.
"Sino ka?!" Mas malakas niyang tanong ngunit wala na talagang sumasagot sa kanya.
Bumaba siya sa kama at saka mabilis siyang tumakbo papunta sa pinto ng kuwarto niya para magpasaklolo sa mga tao sa bahay nila kung sakali mang may magnanakaw na nakapasok sa kuwarto niya. Malapit na siya sa pinto nang masalabid ng isang paa niya ang isa pang paa niya. Nanlaki ang mga mata ni Dria nang tila nag-slow motion ang nangyayaring pagbagsak niya sa sahig ng kuwarto niya. Napapikit siya nang mariin at naghanda sa impact ng pagbagsak niya. Ngunit bago pa siya tuluyang makipaghalikan sa tiles ng kuwarto niya, buong lakas na napakislot ang katawan niya at napamulat siya ng mga mata.
Ang kisame ng kuwarto niya ang mamulatan niya. At wala siya sa sahig. Nasa ibabaw siya ng kama niya. Bumangon si Dria at napatampal siya sa noo niya. Natawa siya sa pagkaraan ng ilang sandali.
"Panaginip lang pala. Akala ko napasok na ng magnanakaw ang kuwarto ko," natatawa niyang sambit habang iginagala ang paningin niya sa paligid. Sa kakaiyak niya, nakatulog pala siya nang hindi niya namamalayan.
Kasalanan ito ng Daddy niya!
Napatingin siya sa wall clock. 1 am na pala. Siguradong nakauwi na ang Daddy niya. Pinigilan niya ang sarili niyang lumabas sa kuwarto niya para puntahan ito.
May bukas pa naman. Makakapaghintay pa naman siya hanggang bukas.
Ngitngit siyang napasuntok sa kama niya.
Maghintay ka lang, Daddy. Bukas, magtutuos tayong dalawa.