Chapter 19: Anton

1773 Words
"Anton! It's nice to see you tonight." Pilit na ngumiti si Anton sa may edad na lalaki na bumati sa kanya. "Mr. de Belen, kamusta?" Itinaas niya ang baso niya at nagpingkian sila ng shot glass na hawak nila. "Heto, palaging sinusuwerte sa UC. Kagabi, nakapag-uwi ako ng 15 million," pagmamalaki nito. Lalong naging peke ang ngiti ni Anton. Nagsimulang nag-init ang dibdib niya nang dahil sa narinig. "Pero balita ko, halos isang linggo ka nang minamalas. Balita ko, 50 million na ang talo mo." Nangapal ang mukha ni Anton. Nagkabikig ang kanyang lalamunan nang maalala ang halaga na naipatalo niya sa Underground Casino na pinupuntahan niya. Ang totoo ay doble sa nabanggit nitong halaga ang naipatalo niya noong nakaraang linggo. "Minamalas lang. Ganon daw kapag walang love life," natawa ang matandang lalaki sa kanya. "Oo nga pala. Kung sakaling maybebenta ka ulit ng shares, ako sana ang una mong tatawagan. Gusto kong palakihin ang shares ko sa Zaspa Group of Companies." "Sure, sure, Mr. de Belen. I'll call you. Doon na muna ako, Sir. Parang tinatawag ako ni Mr. Bellen," pagpapaalam niya rito na sinagot lang nito ng pagtaas nito sa hawak nitong baso na may lamang alak. Habang naglalakad papalayo sa matandang lalaki, lihim itong minumura ni Anton sa kanyang isipan. Kung magbebenta man siya ulit ng shares ng kumpanya, titiyakin niyang hindi ito makakabili kahit isang porsiyento lang. Dumiretso si Anton sa bar at tahimik na umupo. Nakakaisang baso pa lang siya ng brandy ay sumasakit na ang ulo niya. Naalala niya ang 100 million na naipatalo niya sa sugal noon nakaraan. Tiyak niyang kapag nalaman iyon ni Samantha, magwawala ito. Ngunit wala siyang pakialam dito. Wala na. Mula nang mag-away sila noong nakaraan dahil sa naipatalo niyang 38 million sa Underground Casino. Nang ilapag ng bartender ang baso ng alak sa harapan niya ay mabilis niya iyong tinungga. Napapikit siya nang mariin nang dumaloy ang alak sa kanyang lalamunan na tila sinusunog dahil sa lakas ng alcohol na ininom niya. Pagkatapos ay tumitig siya sa basong wala ng laman. Lumipad bigla ang kanyang isipan sa nakaraan. Ipinanganak siyang mahirap. Isang kahit, isang tuka ang buhay nilang mag-anak kayat sa murang edad ay nangarap na siyang yumaman. Nagsumikap siya sa pag-aaral. Mabuti na lang at matalino siya. Isa ring regalo sa Diyos na katanggap-tanggap ang itsura niya. At kahit na galing siya sa mahirap na pamilya, dahil sa angkin niyang itsura at talino, marami ang nagkagusto sa kanya. Isa na roon si Alexandria Zaspa, ang nag-iisang anak ng kumpanya na siya na ang namamahala sa mga panahong iyon. Bukod sa napakayaman, maganda rin naman ito, matalino, at higit sa lahat ay mabait. Aminado niyang ipinagpasalamat niya sa Diyos na sa lahat ng lalaki sa eskwelahan nila, sa kanya ito na in love. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay nang ma-in love siya sa best friend nitong si Samantha. Nakipaglapit si Samantha sa kanya ng dahil kay Dria. Sinabi nitong may gusto ito sa kanya at ayon pa rito ay ito ang magsisilbi nilang tulay. Ngunit habang nagiging malapit siya kay Samantha, nahuhulog na rin ang loob niya rito. Ayaw man niyang sa tulad niyang mahirap siya mai-in love, hindi niya nagawang kontrolin ang puso niya. Umamin siya kay Samantha. Nagkaroon sila ng mga lihim na pagkakita sa loob ng motel. Ito ang nagturo sa kanya ng mga bagay na dapat matutunan ng mga lalaki lalo na sa pisikal na pagpapaligaya sa mga babae. Sa katunayan, nagulat siya nang madiskubreng magaling si Samantha sa bagay na iyon. Inamin naman nitong may mga naging karelasyon na ito at lahat ng itinuro nito sa kanya ay natutunan nito sa mga iyon. Dismayado man kay Samantha, patuloy pa ring nahuhulog ang loob niya rito. Ngunit inutusan siya nitong ligawan si Dria at maging malapit dito. Sinabi nitong wala silang magandang future kung silang dalawa ang magkakatuluyan. Tanging talino ang meron sila. Wala silang kapera-pera. Wala raw magagawa ang talino nila. Pwede silang magtrabaho nang marangal ng ilang taon ngunit kailan daw nila maaabot ang mga pangarap nila? Kapag uugod-ugod na sila? Masinsinan silang nag-usap ni Samantha. Nagplano. Aakitin nito ang ama samantalang aakitin niya raw ang anak. Noong una ay tumanggi pa siya. Hindi niya kayang dalhin ang kaalaman na may nangyayari kay Samantha at sa ama ng pinaliligawan nito sa kanya. Ngunit magaling mangumbinsi si Samantha. Magaling itong maglaro ng mga salita. Lahat ng nakukuha nito mula sa ama ni Dria ay pinaghahatian nila at naitutulong sa kani-kanilang pamilya. At aminado si Anton na kahit papano, gumaan nang kaunti ang buhay nila. Kaya naman sinunod niya ang ipinag-uutos nito na ligawan na niya si Dria. Nang mamatay ang ina ni Dria, pagkaraan ng ilang buwan at doon na sa mansiyon ng mga Zaspa nanirahan si Samantha. Kahit anong tanggi ni Anton, ito ang nasunod. Pinapadalhan siya nito ng pera na hindi niya nagawang tanggihan dahil kailangan niya at ng pamilya niya. Pagkatapos lamang ng ilang buwan, niyaya na siya ni Dria na magtanan. Bilang ganti kay Samantha, pumayag si Anton. Nagpakasal sila ni Dria sa huwes at nagsama bilang mag-asawa. Syempre, nalaman iyon ni Samantha na siya pang may gana na manumbat sa kanya. Ngunit sa huli, sinabi nitong pinapatawad na siya nito ngunit kinakailangang ipagpatuloy nila ang plano niya kay Dria at ang plano nito sa ama nito. Pumayag si Anton para matahimik na si Samantha. Sa loob ng ilang taon ng pagsasama nila, inakala ni Anton na magiging buhay-hari siya sa piling ni Dria. Ito ang nag-iisang tagapagmana ng mga Zaspa at bilang asawa nito, may karapatan na rin siya sa kayamanan ng mga ito. Ngunit madamot si Dria. Ayaw nitong kunin sa ama nito ang mana nito. Paulit-ulit nitong sinasabi na hindi nito kailangan ang pera ng ama nitong nagtaksil sa ina nito. Pinagbigyan ito ni Anton sa unang mga taon nila ngunit kahit anong kumbinsi niya sa asawa, matigas ito. Ayaw pa rin nitong kunin ang mana nito sa ama. At kahit nang mamatay ito at maipamana kay Dria ang lahat, ayaw nitong galawin ang kayamanang namana nito dahil sa lintek na pride nito. At napapagod na si Anton sa pagtratrabaho para sa pamilya niyang umaasa pa rin sa kanya at sa asawang nagtayo nga ng bake shop nito, ngunit halos hindi naman kumikita. Akala ni Anton na kapag nagkaroon na sila ng anak ay magbabago ang isipan nito dahil ayaw nitong maranasan ang paghihirap nila kaya sinubukan niyang buntisin ang asawa. Ngunit lumipas pa ang isang taon, hindi pa rin niya ito mabuntis-buntis. Hindi na makatiis pa si Anton. Lumalabas na ang galit niya sa asawa. At sa pagrerebelde niyang iyon, nagkaroon ulit sila ng koneksyon ni Samantha. "Ganyan talaga si Dria, makasarili. Napakataas ng pride na akala mo naman kaya niyang mabuhay na wala ang kayamanan ng pamilya niya. Pwede ka niyang gawing Boss ng kumpanya nila pero Hindi Kuya ginagawa dahil gusto niyang pahirapan ka sa pagtratrabaho. Natatakot siya na kapag naranasan mo ang maginhawang buhay ay makakalimutan mo na siya." Tama si Samantha. Madali lang dapat kay Dria na gawin siyang presidente ng kumpanya ng pamilya nito. Pero ayaw nitong gawin iyon. Ayaw nitong guminhawa ang buhay niya. "Makikipaghiwalay ako sa kanya. Makukuha ko ang kalahati ng kayaman niya kapag ginawa ko iyon. Wala kaming pinirmahan na pre-nuptial agreement." "Kalahati lang ba talaga ang gusto mo? Ayaw mo bang kunin ang lahat? Isa pa, magagaling ang mga abogado ng mga Zaspa, Anton. Hindi papayag ang mga iyon na mapunta sa'yo na wala pang nagagawa para sa kumpanya ang kalahati ng kumpanya. Baka ni singkong duling, wala kang makukuha sa kanya." Napatingin si Anton sa katabing si Samantha na ang tanging saplot sa katawan ay ang kumot na pinagsasaluhan nila. Gaya ng dati ay nagawa na naman siya nitong akitin. "Ano ang pinupunto mo, Samantha?" Ngumisi si Samantha sa kanya. "Ang pinupunto ko, dapat manigurado ka na. At hindi lang kalahati ang makukuha mo kapag ginawa mo iyon. Lahat-lahat ng kanya ay mapapasayo, Anton." "Paano? Ano ang dapat kong gawin?" muli niyang tanong na ikinahalakhak ni Samantha. "Akala ko ba matalino ka, Anton? Of course, kailangang mawala si Dria!" "Mawala?" Bumagal ang pagtibok ng puso ni Anton nang sa wakas ay mauunawaan na niya ang gustong mangyari ni Samantha. "Mukhang pera ako pero hindi ako mamamatay-tao, Samantha!" "Masasabi mo pa ba yan kapag nalaman mong imbes na ikaw ang nag-eenjoy sa milyong-milyong kita ng kumpanya ay napupunta iyon sa hulsa ng iba? Bilyong Piso ang pinag-uusapan dito, Anton! Bilyon na ipinagdadamot sa'yo ni Dria! Kung hindi siya mawawala sa buhay mo, baka ni silip sa bilyong piso na iyon ay hindi mo magagawa! Isasakripisyo mo lang siya para sa sarili mo at sa pamilya mo. Hindi mo naman siya mahal, di ba? Kaya bakit nagdadalawang-isip ka pa?" Naaalala ni Anton kung paano siya napalunok sa sinabing iyon ni Samantha. Oo at galit siya sa asawa pero sa loob ng mahigit na tatlong taon na pagsasama nila, naging mabuti itong asawa sa kanya. Alam ni Anton na may damdamin na siya sa asawa dahil sa ginagawa nitong pagsisilbi at pagmamahal sa kanya. Ngunit mas mabigat ang damdamin niya kay Samantha. Mas mabigat ang kagustuhan niyang maalis sa hirap ang pamilya niya. Mas mabigat ang pangarap niyang maging may-ari ng bilyong halaga ng kumpanya. At alam niyang hindi matutupad iyon hanggang nabubuhay si Dria. "Kakausapin ko siya. Sasabihin kong makikipaghiwalay na ako kapag hindi niya ako gagawing tagapamahala ng kumpanya nila..." "Kalokohan! Magsasayang ka lang ng pagod sa kanya, Anton! Kung talagang gusto niya, ginawa na niya noon pa. Ibinigay na niya ang ginhawa sa'yo at sa pamilya mo na dapat ay itinuturing na rin niyang pamilya niya!" Gustong sabihin ni Anton na pamilya rin ang turing ni Dria sa pamilya niya ngunit hindi niya magawa. "Napakaraming niyang pera pero pinagdadamutan niya kayo! Lalo na ikaw na pinagmamalaki pa naman niyang mahal na mahal niya. Pero bakit hanggang ngayon, empleyado ka pa rin ng pipitsuging kumpanya? Bakit natitiis niyang nakatira kayo sa simpleng bahay at hindi sa napakalaking mansiyon niya?! Tingin ba niya hindi ninyo deserve na i-enjoy ang kayaman niya? Anton, ang tanging paraan lang ay ang mawala siya. At tanging Ikaw Ang makakagawa niyon, Anton. Tanging ikaw lang ang makakabura kay Dria sa mundo mo. Gawin mo para sa future mo, Anton. Huwag mong hayaan na mawala iyon sa'yo at mapunta sa iba." "Anong ibig mong sabihin?" Ngumisi si Samantha sa kanya. "Narinig ko na balak niyang ibenta ang kumpanya ng Daddy niya at i-d9nate ang mapagbebentahan sa isang bahay ampunan, Anton. Kaya kumilos ka na bago pa mahuli ang lahat. Patayin mo na si Dria."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD