LORRINE'S POV
KAHIT GULONG-GULO pa rin ako sa pangyayari ay hinayaan ko ang sarili na akayain ng tatlong tagapagsilbi upang ihatid sa aking magiging kuwarto. Marahan kaming naglalakad sa gitna ng malawak na pasilyo habang ang mga mata ko'y patuloy ang pagiging malikot. Gandang-ganda pa rin sa lugar na ito.
… sa kaharian ng Questhora.
Ni sa panaginip ay hindi ko inasam na makarating sa kaharian na ito ngunif ipinagkaloob sa akin ng pagkakataon. Ang dahilan ay hindi ko alam, ngunit gustong tanggapin ng sistema ko na para ako sa lugar na ito. Nagtatalo pa rin ang puso at isip ko. Dahil hindi ko naman gustong mapunta sa lugar na ito. Si Nhykira— ang kaibigan kong itinuturing ko nang kapatid. Siya ang may gustong makatapak sa loob nito at hindi ako.
Ang dami kong gustong itanong pero hindi ko alam kung paano ako mag-uumpisa. Hindi ko maapuhap ang tamang salita ng sasabihin ko upang maging angkop sa mga nangyari. Masyado nang napapagod ang isip ko sa paglalakbay dahil hindi ko pa rin nararating ang kasagutan. At ang mga nangyari kanina lang, hindi ko alam kung ano ba ang tunay na dahilan.
"Ito na po ba talaga ang kaharian Questhora?" tanong ko sa mga tagapag-silbi na kasama ko ngayon sa paglalakad.
Napahinto sila sa paglalakad at nagtatakang lumingon sa akin. Bakas sa mukha nila ang ibayong pagtataka.
Teka… hindi ba nila alam?
Naging malikot ang mga mata ko't hindi makatingin sa kanila nang diretso. Sa huli'y nagbaba ako ng tingin.
"I mean, sobrang ganda po kasi," pagdadahilan ko na lang.
Hindi naman na sila umimik sa akin at nagpatuloy kami sa paglalakad.
I should be careful next time. Hindi ko alam kung bakit ako narito, kung bakit ako kinupkop ng mga nilalang na ito at kung bakit ako nandito, hindi si Nhykira. Pero alam kong may rason ang lahat. Naniniwala akong may dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito.
Ang kailangan ko na lang gawin ay mag-ingat. Hanggang sa makaalis ako sa lugar na ito.
Bagsak ang balikat kong sumunod sa paglalakad kasabay ng mga tagapagsilbi. Hindi ko pa rin maiwasang mamangha sa ganda ng Questhora. Gusto ko sanang libutin ang malaking kaharian na ito ngunit imposible iyon sa maikling panahon. Sa lawak at laki ng kahariang ito, hindi ko alam kung ilang buwan o taon ko lilibutin ang paligid nito. Mula sa simula hanggang sa kadulu-duluhan. Sana man lang ay makagala ako rito bago ako itapon sa Horristhora.
Nakatatawang kinikuwestiyon ko ngayon ang aking sarili dahil takang-taka pa rin ako sa kaganapang dito ako naitapon sa Questhora na dapat sana'y sa Horristhora... kung talagang nakagawa nga ako ng kamalian.
Hindi ba dapat ay nasa Horristhora ako ngayon? Dahil iyon ang nasa batas ng mga salamangkerang tulad namin? Na ang kung sino mang lumabag sa batas, nakasakit ng kapwa salamangkero, pairalin ang pagiging ganid sa bayolenteng paraan, at gumawa nang hindi kaaya-aya, agad na susunduin sa kanilang tahanan at itatapon sa Horristhora.
Kaya naman, nakapagtataka na narito ako ngayon sa magandang kaharian na ito. Malayong-malayo sa kaharian ng mga masasamang wizard.
Biglang pumasok sa aking isipan ang mukha ni Nhykira bago kami maghiwalay. Bakas sa mukha niya ang galit na hindi ko alam kung saan nagmumula. Ano ba ang nagawa ko sa kaniya para gawin niya sa akin ito? Sa pagkakaalam ko, ni minsan ay wala akong ginawang masama sa kaniya. Maayos ang pagsasama namin bilang magkapatid at magkaibigan. Ni sa panaginip ay hindi ko nakitang magkakaroon kami ng ganitong hidwaan at lubos kong dinaramdam iyon. Hindi ko kailanman pinangarap na makapunta rito sa Questhora ngunit ako ang narito ngayon.
Ang mga tingin sa akin ni Nhykira… ang mga galit na tingin na hindi ko maapuhap kung saan nanggagaling… ang mga sigaw niya at pambibintang na talaga namang dumurog sa puso ko. Hindi ko akalaing magagawa niya ito.
Pero kahit na ganoon, hindi ko magawang magalit sa kaniya. Hindi magawang sumama ng loob ko. Nananatili ang pagmamahal ko sa kaniya at sa mga taga-Verphasa.
Kasabay ng pagbalik ng alaala sa nangyari kanina ay ang pagsibol ng mukha ni Inay Serra ang bumulaga sa aking isipan. Ang mukha niyang matamis na nakangiti habang sinasambit na makakatungtong si Nhykira dito sa Questhora kasama ako. Bigla akong kinilabutan. Paano nalaman ni Inay ang mangyayari? O nagkataon lang ang lahat?
Hindi ko maiwasang hindi kabahan. Hindi na nga nawala sa isipan ko ang mukha ni Inay Serra habang sinasabi iyon. Tuloy ay hindi ko namalayan na huminto na pala sa paglalakad ang mga tagapagsilbi.
"Narito na ho tayo," ani ng isang Servus— ang tawag sa mga tagapagsilbi. Iyon ang narinig kong itinawag kanina ni Lady Aurea sa mga ito. Sabay-sabay silang yumuko at umalis nang hindi man lang pinagkaabalahang isarado ang pinto. Hindi ko man lang nagawa ang magpasalamat sa paghatid nila, umalis na sila agad.
Matapos nila akong maihatid sa kwartong nakalaan para sa akin ay hindi ko maiwasang hindi malungkot.
Napabusangot ako. Hanggang kailan ba ako sa lugar na ito? Kailan ba ako puwedeng umalis nang hindi ako mapupunta sa Horristhora?
Dahil sa alam kong wala naman akong magagawa ay pumasok na lang ako sa loob ng kwarto at tinanggap ang katotohanang, dito ako sa lugar na ito magpapalipas ng oras habang hindi ko pa tuluyang naiintindihan ang lahat. Dala na rin ng pagod, pinili ko na lang na tanggapin na nandito na ako sa Questhora.
Huminga ako nang malalim habang inililibot ko naman ang paningin sa buong kuwarto. Nahahati sa asul at puti ang kulay ng dingding. Pagkapasok ng pinto ay bubulaga agad ang isang maliit na lamesa na may limang upuan. Gawa iyon sa matibay na kahoy ngunit puti rin ang siyang kulay ng lamesa habang mga asul naman ang limang upuan. Nakapatong ang isang maliit na plorerang may nakasuksok na magandang bulaklak doon.
Sa gilid no'n, may maliit na kusina na kumpleto sa kagamitan. Nagtataka ako. Ano ba ang kinakain ng mga salamangkero dito sa Questhora? Katulad din ba ng mga palay na inaani namin sa Verphasa? Ang mga prutas ba rito ay siya ring nakukuha sa mga taniman sa Verphasa?
Iginala ko pa ang aking mata at nahagip niyon ang isang istante na punong-puno ng libro. Maayos iyong nakapatong at maging ang sukat ng laki nito ay pulidong nakahilera. Ang pagkakaayos nito ay mula sa matatas na libro hanggang sa pinakamababang istilo ng libro. Tila organisadong-organisado ang pagkakalagay ng mga ito. Maging ang mga pabalat ng libro ay dapat sama-sama kung pare-parehas ang kulay.
"Hello!"
"Ay halimaw!" Natutop ko ang kamay sa aking bibig nang magulat sa narinig. Lumingon ako sa pinanggalingan ng boses na iyon at gayon na lang ang pagtawa niya nang malakas nang makita ang naging reaksyon ko.
Ano'ng nakatutuwa sa panggugulat?
"Nakakatuwa ka naman. I'm Aryll," aniya saka inilahad ang kamay. Nag-atubili pa akong tanggapin iyon dahil tila simputi ng niyebe ang kulay ng kaniyang balat. Mamula-mula pa iyon dahil ramdam ang malamig na simoy ng hangin sa kwartong ito dahil nakabukas ang bintana. Ang kinis pa ng balat niya, mukhang isa siha sa mga prinsesang hindi man lang gumagawa ng gawain sa bahay.
Nakakahiyang hawakan. Ngunit kinuha niya ang kamay ko upang sapilitang makipagkamay. Siguro'y nabagalan sa aking naging reaksyon. Nagulat naman ako roon ngunit hindi ko pinahalata.
"L-Lorrine," pagpapakilala ko. Ngumiti siya sa akin nang malapad. Ginantihan ko naman ng isang matipid at nahihiyang ngiti iyon.
Napayuko ako. Nahihiya ngunit nilalabanan ko rin naman kahit papaano. Hindi naman ako mahiyain. Sadyang alam ko lang kung saan ako dapat lulugar.
"I know, right? Isa ako sa sumundo sa iyo, eh," aniya at muli na naman siyang tumawa.
Siya ang babaeng may pulang buhok na kumausap sa akin kanina habang naglalakad kami sa pulang karpeta. Hindi ako nagkamali, mabait nga siya.
Hindi ko na ipinagdamot ang ngiti kong kanina ko pa pinipigilan. Sa kanilang apat, siya ang mas napapalagayan ko ng loob dahil iba ang mga ngiti niya. Nakakaakit iyon at nakakahawa. Para bang kapag ngumiti siya, mapapangiti ka na lang din nang walang dahilan.
Kapwa kami natawa sa hindi malamang dahilan. Bigla ay nakaramdam ako ng pagiging kampante kasama siya. Para bang, ang mga pagtataka at mga pangamba ko ay nawala.
Sa sandaling ito, para bang nakatagpo na ako ng isang kaibigan.
"Napakaganda rito, Aryll," namamanghang saad ko habang inililibot ang paningin sa kung hanggang saan naaabot ng aking paningin ang paligid.
"Siyang tunay, Lorrine. Kahit na rito ako lumaki, ni hindi ako nagsawang pagmasdan ang ganda ng kaharian na ito," aniya sa akin at ngumiti.
Saglit akong ngumiti pero hindi rin naitago ang lungkot kalaunan. "Ngunit, maaari ba akong magtanong kung bakit ako narito? Gusto kong malaman ang lahat. Tunay ang sinabi ni Lady Aurea kanina, hindi ako makakatulog nang may iniisip."
Lumungkot ang mukha ni Aryll kasabay ng pagyuko. At alam ko na kung ano ang rason niyon. "Patawad, Lorrine. Ngunit kabilin-bilinan ni Lady Aurea na ipagpabukas na lang ito. Siya ang dapat na magkuwento sa iyo ng lahat." Ngumiti siya sa akin pero tipid iyon. "Sa ngayon ay narito ako upang tulungan kang mag-ayos ng iyong mga gamit."
Nagtaka ako sa kaniyang tinuran. "Wala ako maski isang gamit na nadala, Aryll."
Tumingin ako sa paligid. Totoong wala akong kagamitan maski isa rito. Ano ang aayusin ni Aryll?
Ang kaninang malungkot na mukha ni Arylle ay napalitan ng tawa. "Hindi iyon problema. May mga gamit ka na sa iyong kuwarto. Halika, sumama ka sa akin, ililibot kita sa kuwarto mong ito," masayang saad niya saka hinawakan ang kamay ko at hinila.
Hanggang ngayon ay naiilang pa rin akong hawakan siya dahil ang balat niya'y walang kasing lambot at pino. Napakadulas din niyon na parang hindi man lang naranasang magbuhat.
Pumasok pa kami sa isang pinto. Doon na bumungad sa akin ang mas maganda pang disenyo ng kuwarto. Doon nakalagay ang aking puting-puti na kama, sa tingin ko pa lang ay lulubog ako sa sobrang lambot niyon. Parang ayaw ko na siyang higaan. Sa gilid niyon ay may lamesita kung saan nakapatong ang flower vase at lamp shade. Mayroong puting tukador, study table, at isang acquarium na maraming maliliit na isda.
"Natutuwa akong nagugustuhan mo, Lorrine." Tumingin ako sa kaniya na nakatingin na pala sa akin. Bakas ang saya sa mukha niya habang pinagmamasdan ang malawak kong pagngiti. "Magpalit ka muna ng iyong kasuotan."
Iginiya niya ako sa isang pinto kung saan naroon ang banyo bitbit ang damit na ibinigay nito sa akin mula sa puting tukador. Muli na naman akong namangha sa kagandahan niyon ngunit pinagpaliban ko muna ang aking pagpapantasya. Mabilis kong inayos ang aking sarili dahil batid kong naghihintay sa akin sa labas si Aryll. At nang matapos ay naabutan ko siyang nakaupo sa aking kama habang may binabasang libro.
"Tapos ka na pala," aniya saka tumayo. "Magpahinga ka na, Lorrine. Bukas ay malalaman mo ang lahat ng kasagutan sa inyong tanong."
"Ikaw? Saan ka na tutungo? Babalik ka na ba sa iyong silid?"
Tumango siya bilang sagot. "Ang kuwarto ko ay iilang hakbang lang ang pagitan mula rito kaya huwag ka masyadong mangamba."
Tumango-tango naman ako, nauunawaan ang kaniyang mga tinuran.
"Magpapahinga na ako. Maraming salamat sa tulong mo, Aryll."
"Ano ka ba! Maliit na bagay 'yon," aniya saka siya muling tumawa.
Mayamaya pa'y ramdam ko na ang pag-iisa ko. Nahiga ako sa malambot na kama. Unang bagsak pa lang ng katawan ko'y gusto ko nang tumayo. Hindi sanay ang aking likod sa malambot na kama. At isa pa'y hindi naman ako natutulog. Napabuntong-hininga ako. Muling bumalik sa akin ang labis na pag-iisip. Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit ganoon na lang kabilis tanggapin sa akin ang lahat.
Noong una, nasaktan ako dahil pinaratangan ako ni Nhykira sa kasalanang hindi ko ginawa. Nagalit ako, pero biglang may kung ano'ng umudyok sa akin na sumama sa kung saan nila ako dalhin. Ang balak kong paglilinis ng aking pangalan ay nawalan ng saysay, dahil hindi ko inaasahan ang mga sumunod na naganap.
Pangalawa, basta ko na lang hinayaan na sumunod ako sa gusto nila para sa akin. Kung tutuusin ay puwede ko silang suwayin at bumalik ng Verphasa. Doon sa lugar na aking nakasanayan, doon sa lugar kung saan ako kumportable. Hindi sa lugar na ito na parang puros may malalaking bani lang ang nakakapasok.
At panghuli, ang ngayon. Kinapa ko ang aking sarili kung ano ba ang tunay kong nadarama. Ngunit nahahati lagi iyon sa dalawa. Nais kong bumalik ng Verphasa dahil iniisip ko kung kumusta na nga ba sila Nhykira. Pero gusto ko ring manatili rito sa hindi ko malamang dahilan.
Hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin ako. Maski ang damdamin ko'y nililito ako. Bakit nga ba ako nananatili rito?
"Dahil dinala ka ng iyong tadhana rito."
Napabalikwas ako ng bangon nang marinig ang tinig ng isang lalaki. Inilibot ko ang paningin sa buong kwarto at mas nanlaki ang mata ko nang makita siyang nakaupo sa bintang hindi kalayuan sa aking puwesto.
Siya… ang lalaking seryoso na isa sa mga sumundo sa akin sa kagubatan kanina. Siya ang isa sa apat na sumundo sa akin. Ang lalaking sumaway sa tinawag niyang Nyx kanina. Ang lalaking walang ibang ekspresyon ang mukha kundi pagkaseryoso... na para bang ang laki ng galit sa mundo.
Ano ang ginagawa ng isang lalaking ito rito? Ano ang kailangan niya sa akin?
Gusto kong tumayo dahil sa gulat at kaunting pangamba pero hinayaan ko ang sarili na kumalma. Hindi magandang maging mahina ako sa lugar na ito dahil ang kaharian na ito ay sumisigaw ng katapangan at kalakasan. Wala sinoman sa mga salamangkero dito ang mahina. Iyon ang pagkakaalam ko.
Kaya kahit isang beses o minsan pa, kailangan kong magpanggap na isa ako sa kanila… na malakas din ako tulad nila.
"Sino ka?" Sinikap kong hindi mautal. Hindi naman sa natatakot ako. Masyado lang akong nabigla sa presensya niya. Hindi ko man lang naramdaman ang pagdating niya. Paano siya nakapunta rito?
At bakit nandyan siya agad sa bintana? Nakatulog ba ako nang panandalian upang hindi mamalayan na nakapasok na siya ng aking silid?
Ang tanong ko tungkol sa katauhan niya ay hindi niya sinagot. Bagkus nagsalita siya at isa rin iyong tanong.
"Bakit ka pa pumunta rito? Bakit mo kami sinunod? Bakit ka naniwala kay Nhykira?" sunod-sunod niyang tanong habang nanatili ang kaniyang paningin sa malayo.
Hindi pa nasasagot ang mga tanong ko kanina ay panibagong sakit sa ulo na naman ang binitiwan niyang salita sa akin ngayon. Ang mga tanong na 'yan ay siya ring tanong ko sa sarili ko. Kung kailangan niya ng sagot sa tanong na iyon ay mas higit akong nangangailangan ng sagot mula roon. Kaya sigurado akong wala akong maibibigay na sagot sa kaniya dahil maski ako, walang ideya sa mga nangyayaring ito.
Ngunit hindi ko maiwasang mainis. Ano't nagtatanong siya ng mga ito, eh, sila nga ang sumundo sa akin?
"Bakit ayaw mong sumagot, hangal?"
Hangal? Ako? Isang hangal?
"H-Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Sinundo ninyo ako, 'di ba? Kayo ang nagdala sa akin dito. Alam ninyo hindi tunay ang binanggit ni Nhykira ngunit dinala ninyo pa rin ako rito. Bakit mo ako tinatanong ng ganiyan kung gayong dapat ay alam mo na ang sagot sa tanong na 'yan?"
Nanatili akong nakatingin sa kaniya kahit wala naman sa akin ang paningin niya. Nakatingin siya sa malayo, kasunod niyon ay isang buntong-hininga.
"Hindi ka na dapat pa nagpunta pa rito. Sana tumakas ka na lang. Sana hindi mo kami sinunod. Sana nagmatigas ka pa," matigas na anito saka humarap sa akin.
Labis na nangunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Wala akong maintindihan sa gusto niyang iparating dahil napakalabo niyon. Ni hindi ko maapuhap ang maski isang rason lang para intindihin ang sinasabi niya.
Bakit parang kasalanan ko pa na nandito ako ngayon sa Questhora? Oo, alam kong hindi naman ako dapat naririto. Alam kong hindi ako nababagay sa lugar na ito. Alam ko kung saan lang dapat tumapak ang mga paa ko.
Pero ginusto ko ba? Ginusto ko bang mapunta rito? Bakit parang ako pa ang may kagustuhan kaya ako narito?
"Umalis ka na rito."
Nagpantig ang tainga ko sa narinig. Oo, hindi ko naman ginusto rito pero sino ba siya para paalisin ako? Anong karapatan ang mayroon siya para utusan akong umalis sa lugar na ito?
"Ano bang problema mo?" Lakas-loob kong tanong nang hindi ko na makayanan pa ang mga sinasabi niya.
"Tch."
Iyon lang ang sinabi niya at kusa na siyang tumalon sa bintana. Hindi ko na siya sinundan pa ng tingin dahil wala naman akong pakialam sa kaniya. Nakakainit lang siya ng ulo. Wala rin naman akong pakialam kung saan siya magpunta at kung ano ang gagawin niya. Ang mahalaga sa akin ngayon ay nakaalis na siya.
Bukas na bukas ay hindi ako papayag na hindi ko malaman ang lahat. Kung hindi nila sasabihin sa akin ay babalik ako ng Verphasa sa ayaw at gusto nila. Sa ngayon, gusto ko munang ipahinga ang isip ko. Punong-puno na at mukhang hindi ko na kakayanin kung may dadagdag pa.