Chapter 3

1103 Words
      NANLAKI ang mata ko sa sinabi ni Miandro. Doon ko na lang napagtanto na kasama nito si Inay Serra at Itay Kulim na aligaga na rin sa paghahanap. "Nasaan siya?"  "Hindi ko siya makita. Bago pa kita gisingin ay hinanap na namin siya ngunit hindi namin patagpuan." "Nakatulog ako?" "Hindi ko alam kung nakatulog ka nga. Basta't nakita ka na lang namin na nakahiga sa damuhan at nakabalot ng iyong sariling kapa." Labis akong naguluhan sa mga nangyari. Nagtataka man ay mabilis akong tumayo. Ngunit gayon na lang ang naging pagkapit ko sa braso ni Miandro nang bigla akong makaramdaman ng hilo. "Ayos ka lang, hija?" tanong sa akin ng nag-aalalang si Itay Kulim. Tumango naman ako bilang tugon. Agad kong inayos ang aking sarili at pinilit ibalik sa huwisyo. Kailangan naming makita si Nhykira. Pero saan ko siya hahanapin? Biglang sumagi sa isipan ko ang desididong mukha ni Nhykira kanina noong huli kaming magkita. Abot-langit ang naging kaba ko. Malakas ang kutob kong gumagawa na siya ng paraan. "Samahan mo ako! Hanapin natin ang kapatid ko." ani Miandro saka humarap sa kaniyang magulang. "Pumasok na kayo sa loob, Inay, Itay. Kami na ho ni Lorrine ang maghahanap kay Nhykira." "Sana nga ay mahanap ninyo na siya. Ang batang iyon talaga." Bakas sa mukha ni Itay ang pag-aalala, at hindi ko naman siya masisisi roon. Si Inay naman ay nakatingin lang sa akin. Hindi mababanaag ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Bagkus, para pa itong nakangiti nang bahagya. "A-aalis na po kami, Inay," pagpapaalam ko. Niyakap ko naman siya na sinuklian niya rin. Ngunit bago maghiwalay ang katawan namin sa isa't isa ay kinilabutan ako sa kaniyang ibinulong. "Oras na, Lorrine. Oras na." "Inay?"  Hindi na niya ako sinagot. Inakay na niya si Itay papasok sa kubo.  Naiinis ako. Hindi pa ako tapos mag-isip tungkol doon sa sinabi niya kanina, heto't nagsalita na naman siya ng kakaiba. Nagsimula kaming maglakad ni Miandro sa gubat, alam kasi naming doon at doon lang pumupunta si Nhykira para mag-ensayo. Wala siyang ibang pinupuntahan kun'di ang gubat. Ilang oras pa ang tatahakin namin bago kami makapunta sa pinakasentro ng gubat, kung saan namin ginagawa ang pagsasanay. Sa bawat hakbang ng aming mga paa ay siyang lakas ng t***k ng puso ko. Para bang may kung anong masamang mangyayari. At kahit hindi ko aminin, natatakot ako. Natatakot ako sa puwedeng mangyari kay Nhykira. Alam kong malakas siyang salamangkera ngunit hindi ganoon kalakas ang kapangyarihan niya upang gamitin nang tama. Marami pa siyang hindi kaya. Marami pa siyang hindi alam. Tahimik lang kaming dalawa ni Miandro habang tinatahak ang daan patungo sa lugar na aming pakay. Sa gitna ng aming paglalakbay ay nakaramdam ako ng kakaiba. Nakakarinig ako ng mga yabag na papalapit sa aming gawi.  "Miandro..." tawag ko sa kaniya. Agad din siyang napahinto sa paglalakad. "May papalapit. Hindi ko alam kung saan nanggagaling pero batid kong patungo sila rito sa atin," bakas ang takot sa tono ng aking boses. Habang papalapit na papalapit ang tunog ng yabag ng kanilang paa ay siya namang lakas ng kabog ng dibdib ko. Pakiramdam ko ay napakalapit na nila sa amin dahil palakas nang palakas ang naririnig kong yabag. Mas lalo akong kinabahan. Mas lalo akong natakot. "Sino sila, Lorrine? Ano'ng nangyayari sa iyo?" Tinakpan ko ang aking tainga kasabay ng mariin na pagpikit dahil tila ayaw kong marinig ang mga yabag na iyon. Parang may idinudulot niyong kilabot sa aking buong katawan. Hindi ko nagugustuhan ang ganitong pakiramdam. Nanghihina ako.  "Lorrine! Miandro!"  Kusang dumilat ang aking mata nang marinig ang boses ni Nhykira. "Nhykira?" sabay na saad namin ni Miandro. "Nhykira nasaan ka?!" sigaw ko sa kawalan. Palinga-linga kami ni Miandro. Hindi alam kung saan lilingon. Masyado kaming nililinlang ng nasa paligid. "Lorrine! Miandro! Tulungan ninyo ako!" Sa pagkakataong iyon ay mas malakas ang naririnig kong sigaw. Patuloy pa rin ang mga yabag ng paa. Agad kong kinalma ang aking sarili at itinuon ang atensyon sa naririnig kong ingat. Dahan-dahan akong pumikit... dinama ang bawat bagay na gumagalaw sa aking paligid. May kung ano'ng umusbong na puwersa sa aking katawan. Sa isip ko'y nagliliwanag ang aking kabuoan. Pinilit kong tingnan sa isipan ko ang kinaroroonan ni Nhykira. At nang makita ko siya ay agad akong napadilat. Habol ang hininga nang ibalik ko sa normal ang aking sarili. "Nu ascunde cine ești. Arata-te!" Pagkasabing-pagkasabi ko niyon ay biglang lumabas sa kawalan ang apat na nilalang kasama si Nhykira.  "Nhykira!" Akmang lalapit si Miandro nang matigilan siya. Kinumpas ng isang nilalang ang kaniyang kamay at itinuro si Miandro na naging dahilan ng pagkapako nito sa kaniyang kinatatayuan. "Ano'ng kailangan ninyo sa amin?!" Bagaman natatakot ay hindi ko ipinahalata sa kanila, tinitigan ko sila mata sa mata.  Hindi naman nakakatakot ang kanilang itsura. Dalawang babae na nakasuot ng pulang kapa. Habang dalawang lalaki na nakasuot ng itim na kapa. Kapwa sila may iisang tatak sa kanilang mukha. Ang itim na likido sa kanilang mga mga mukha ay marka ng kanilang pagkakakilanlan. Ang tatak ng mga taga-Questhora.  Ano ang ginagawa nila rito? Bakit nila hawak ang kaibigan ko?  "Ano ang ginagawa ninyo rito?" matapang ko pang tanong. Dahil hindi nababagay ang mga sapin nila sa paa na tumapak sa lupa ng Verphasa. Ang bayan na kinukutya ng marami sa kanila. Ang bayan kung nasaan ang mga pinakamahihinang nilalang. Kaya't bakit sila nagpunta rito? "Hoy, ano raw ginagawa natin dito?" pabirong tanong ng isang lalaki habang natatawang siniko ang babaeng katabi niya. Nakikipaglokohan ba sila? "Tumahimik ka nga muna, Nyx," asik naman ng isa pang babae atsaka matalim na tiningnan ito. Bumuntong-hininga ako saka muling nagsalita. "Bitiwan ninyo na ang kaibigan ko. Kung nakikipaglokohan kayo, hindi ito ang tamang panahon para doon. At isa pa—" "Sinong nagsabi sa iyong nakikipaglokohan kami? Sa tingin mo ba'y itatapak namin ang aming kasuotan sa lupa ng Verphasa para makipaglokohan?"  Napangisi ako sa sinabi ng babaeng iyon. Kung gano'y anong ginagawa nila rito? Ayaw pala nilang mabahiran ng dumi ang mga suot nilang akala mo'y ginto, bakit pa sila nagpunta rito? Ngunit ang tanong na iyon ay agad din akong tinanong. Bakit ba sila ang tinatanong ko gayong kasama nila si Nhykira na siyang kaibigan ko? Nanlaki ang mga mata ko, hindi kaya, kaanib na nila si Nhykira? Ito ba ang sinasabi niyang paraan upang makapunta siya ng Questhora? Ngunit paano? Paanong nangyari na nakatulog lang ako pagkatapos ay kasama na niya ang mga ito? Hindi ko maiwasang hindi humanga. Ngunit ang paghanga na iyon ay nabura nang magsalita ang lalaking kanina pa tahimik. "Sumama ka sa amin, Lorrine Kirschtein. Ipinapangako naming hindi masasaktan ang kaibigan mong ito."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD