"Mama!"
Umiiyak na tawag ni Shey sa Mama niya habang tinatago siya nito sa loob ng cabinet. Sa munting isipan niya ay hindi niya maintidihan lahat ng mga nangyayari. Nagising na lang si Shey na puno ng dugo sa katawan.
Mahigpit na niyapos ni Shey ang leeg ng mama niya nang akmang itatago siya nito sa loob niyon. "No, Mama!" pigil niya sa ina niya.
Mahigpit na tinakpan ng Mama niya ang bibig niya. Tulad niya ay bakas sa mata nito ang labis na takot, pag-aalala at paghihinagpis. Katabi niya ang kapatid niyang babae na mas matanda sa kanya ng limang taon. Sa Ate ba niya galing ang dugo na nasa damit niya ngayon?
Ibig sabihin wala na ba ang Ate niya? Ang Papa niya? Nasaan na ang Papa niya? Ang Kuya niya? Nasaktan din kaya ang Kuya? Sa naisip niyang iyon ay mas lalong bumalong ang luha sa mga mata niya.
Umiling-iling ang Mama niya nang mapansin nito na lalakas na naman ang iyak niya.
"Huwag na huwag kang lalabas dito sa cabinet na ito, Shey. Naiintindihan mo?"
Nang hindi siya magsalita ay niyugyog siya ng Mama niya sa magkabilang balikat. "Kahit anong makita mo, huwag na huwag kang lalabas. Hindi ka mag-iingay, hindi ka iiyak, hindi mo ako tatawagin. Naiintidihan mo ba ako, Shey?"
Muli siyang tumingin sa Mama niya na ngayon ay tumutulo na ang luha sa mga mata. Noon lang din niya napansin na may bahid ng dugo ang mukha nito.
"P-paano ako, Mama.." umiiyak na sabi ni Shey sa mama niya. Hinawakan niya ang braso nito, ayaw niyang pakawalan ang mama niya.
Ngunit marahas na tinanggal nito iyon saka sinuksok siya sa cabinet nila. Ang cabinet na iyon ay kasyang-kasya lamang sa katulad niyang walong taon gulang. Katulad niyang maliit pa ang katawan. Kaya kung doon din magtatago ang Mama niya ay tiyak niyang hindi sila magkakasya.
"Keep this, Shey." anas ng Mama niya sabay suot sa kanya nang kwintas na lagi nitong suot.
Isa iyong gold necklace na cross ang pendant.
"This will make you safe, Anak."
Sa nanginginig nitong mga kamay ay hinaplos muna ng Mama niya ang pisngi niya at pinunasan ang luhaang pisngi niya. Kitang-kita ni Shey ang takot sa mga mata nito. Bago pa siya magsalita ay mas lalo siyang sinuksok ng Mama niya paloob sa cabinet. Tinakpan pa siya nito ng mga gamit para siguro hindi siya mahalata ng kung sino man ang nagtatangka sa buhay nila.
Ilang sandali ay narinig niya na parang may sumisipol. Isang sipol na punong-puno ng kalamigan. Sipol na pupuno ng labis na takot sa kung sino man ang makakarinig niyon.
Tinakpan ni Shey ang punong tenga niya. Baka sakaling hindi na niya marinig ang sipol na iyon.
"Found you!"
Narinig niya pa na sabi ng isang lalaki na hindi familiar sa kanya ang boses. Ngayon lang niya iyon narinig.
"Pakawalan mo ako! Hayop ka!" sigaw ng Mama niya sa lalaki. "Pinatay mo ang mga anak at asawa ko!"
Nanlaki ang mga mata ni Shey nang marinig ang sinabi ng Mama niya.
Wala na ang Papa niya at mga kapatid niya? Lalong bumalong ang luha sa mga mata niya. Ngunit sinunod niya ang bilin ng Mama niya, tahimik lang siyang umiiyak.
Walang narinig si Shey na sagot sa lalaki. Muli lang iyong sumipol nang mas malakas pa, na halos tumagos sa tenga niya ang sipol na iyon. Nakakapangilo sa kanya ang tunog niyon. Para bang sumusuot sa buong pagkatao niya kaya naman muli niyang tinakpan ng madiin ang magkabilang tenga niya.
Narinig niya ang malakas na tili ng Mama niya na para bang hinahagupit ito ng isang bagay.
Sipol at hagupit.
Iyon lang ang naririnig ni Shey habang nasa loob siya ng cabinet at nagtatago. Kahit nanginginig ang buong katawan niya sa labis na takot ay hindi niya hinayaan ang sarili niya na makagawa ng ingay sa loob niyon. Susundin niya ang bili sa kanya ng Mama niya.
Hindi alam ni Shey kung ilang minuto ang nakakalipas. Hindi na niya naririnig ang iyak at sigaw ng Mama niya. Ang tanging naririnig lang niya ay ang sipol ng lalaki na nananakit sa pamilya niya.
Sa nanginginig na kamay ay dahan-dahan tinanggal ni Shey ang mga gamit sa harap ng mukha niya, sapat para makakita ang mata niya. Ang cabinet kasi nila ay may maliliit na butas na pwede makita ang nasa labas. Ganon na lamang ang gulat ni Shey nang makita niya ang lalaki na nagpapa-ikot-ikot sa buong silid habang sumisipol.
May suot itong kulay pulang kapa at may hawak na isang bagay na hindi pamilyar kay Shey. Awtomatikong napahawak si Shey sa bibig nang biglang tumingin sa banda niya ang lalaki. Lalong nanginig ang buong katawan niya nang mapagmasdan niya ang mukha nito, puno iyon ng peklat at sobrang nakakatakot ang hitsura. Para itong isang halimaw na pumatay sa buong pamilya niya.
Kahit nanginginig ang buong katawan ay hindi lumikha nang kahit na anong ingay si Shey. Mas lalo pang napadiin ang kamay niya sa bibig nang lumapit ang lalaki sa banda niya kaya napapikit siya.
Nakita ba siya nito? Papatayin ba siya ng halimaw kapag nakita siya nagtatago sa cabinet? Mamamatay na ba siya gaya ng mga magulang niya?
Awtomatikong napapitlag si Shey nang biglang hampasin ng lalaki ang cabinet kung saan siya nagtatago ngunit hindi pa din siya gumagalaw. Sa totoo lang, parang naninigas na ang batang katawan niya sa sobrang takot.
Imbes na buksan ang cabinet ay sumipol muna ulit ang lalaki. Na para bang isa iyong ritwal na ginagawa nito. Nakakapangilabot.
Ngunit bago nito magawang buksan ang cabinet ay nakarinig siya ng sirena. Kahit sa batang edad niya, alam ni Shey na mga pulis iyon. Kaya naman muling bumalong ang luha sa mga mata niya. Siguro naman ililigtas siya ng mga pulis sa halimaw na ito?
Narinig niyang ang patawa nito nang malakas. Na para bang hindi ito natatakot kahit na paparating na ang pulis. Nakahinga nang maluwag si Shey nang tumalikod ang lalaki papalayo sa kanya.
Tatakas na ba ito?
Ngunit napapitlag siya nang biglang lumingon sa kanya ang lalaki. Muli itong sumipol at binigyan siya nang isang nakakapangilabot na ngiti.