Chapter 1

2597 Words
“ARE you sure it’s him? Baka naman kamukha lang ni Professor Grant ang nakita mo?” “Sigurado akong si Professor Grant. Nasa unahan ang table namin kaya kitang-kita ko na siya ang tumutugtog ng drums sa opening ng bar kagabi.” Mula sa loob ng cubicle ay rinig ko ang pag-uusap ng mga nasa comfort room. Sanay na akong marinig ang mga ganoong usapan sa loob man ng CR o sa locker room. Karaniwan nang topic nila ay ang mga heartthrobs at sikat sa school. “Ibig sabihin, hindi lang siya professor kundi drummer din! So cool! Gusto kong mapakinggan ang banda niya!” “May tugtog sila sa Biyernes, sumama ka sa amin.” “Totoo? OMG, sige sasama ako! I can't wait to see Professor Grant behind the drums! Sana pwede rin tayo lumapit at magpa-picture!” "Well, let's see." At naghagikhikan ang mga nag-uusap. Napakibit-balikat na lang ako sa mga narinig. Kilala ko ang taong pinag-uusapan nila. Sa pagkakaalam ko ay adjunct professor si Mr. Grant Zamora sa aming eskwelahan. Hindi ko siya prof pero, sikat siya sa buong school. Ang ilang kakilala ko mula sa ibang department ay may crush din dito. Wala na ang nag-uusap na mga estudyante nang lumabas ako ng cubicle. Tumayo ako sa harap ng salamin at ipinatong ang bag ko sa lababo. Binuksan ko ang gripo at naghugas ng kamay. Nagulantang ako sa padarag na pagbukas ng pinto ng comfort room. Nakita ko agad ang grupo ni Desiree na pumasok upang palibutan ako. Hindi ako nagsalita bagaman alam ko na ang kailangan nila. Tinapos ko na lang ang paghuhugas at hindi na nag-abalang tuyuin pa ang mga kamay ko. Dinampot ko na ang aking school bag upang makaalis. “Hep, hep! Saan ka pupunta?” tanong ni Desiree sabay tulak sa akin dahilan para bumangga ang puwitan ko sa gilid ng lababo. Nagtawanan ang mga kasama niya. Napabuga ako ng hangin sabay iling. Hindi naman ako takot na lumaban sa kanila. Kaya lang, nang minsang patulan ko ang pam-bu-bully sa akin ng grupo ni Desiree ay kasama rin ako sa mga ipinatawag sa opisina ng Prefect of Discipline. Binigyan kami lahat ng warning. Hindi nag-isang buwan ay napaaway ulit ko sa kanila. Gutom na gutom na kasi ako noon at karaniwan na sa akin ang magbaon ng pagkaing luto sa bahay pero, pagbukas ko sa plastic ware ng ulam ay may tatlong ipis doon akong nakita. Hindi ko na pinag-isipan kung sino ang gumawa noon at sinugod ko ang grupo ni Desiree. Nagkasakitan kami. Ipinatawag kaming lahat sa opisina ng prefect pero, ipinaiwan ako. Suspension ang parusa sa akin. Pinatawag din nila ang nanay ko noong araw ding iyon. Dumating si nanay na galing sa pagtitinda. Sa office ng prefect ay umiyak siya at nakiusap na huwag akong suspendehin. Ang sama-sama ng loob ko noong makita kong halos lumuhod na ang nanay ko. Kaya mula noon ay dinagdagan ko ang pasensiya ko at hindi ko na ulit pinatulan ang grupo ni Desiree. Sinikap kong umiwas sa kanila. At sa tuwing nagpapang-abot naman kami ay sobrang pagtitiis at pagtitimpi ang ginagawa ko. “Ibigay mo sa amin ang bag mo!” utos sa akin ni Desiree sabay ipinagkrus ang mga braso sa dibdib at itinaas sa akin ang mukha. “Ano'ng kailangan mo sa bag ko? Wala kang makukuha rito!” “Basta ibigay mo ang bag mo sa amin, tapos!” matapang na sabi niya. “Ano ba talagang gusto n’yo? Araw-araw n’yo na lang ginagawa ito, hindi pa ba kayo sawang pag-trip-an ako?” Humalakhak si Desiree. “Of course not! This is how we entertain ourselves, anong nakakasawa roon?” Hindi makapaniwalang tingin ang ibinigay ko sa kanila bago ko tinabig ang isa na nakaharang sa akin para makaalis na. Pero bago pa ako makahakbang ay may humila na ng buhok ko. Napasadlak ang katawan ko sa lababo ng CR. Itinayo ko agad ang sarili ko at hinarap sila. “Ano, ano! Lalaban ka, ha? Sige, laban!” Nagtagis ang mga bagang ko at sinikap na huwag masampal ang nakakabwisit na pagmumukha ni Desiree. Ikinuyom ko rin nang mahigpit ang mga kamao ko at doon ibinunton ang namumuong galit ko. Nakakasawa na ang ganito. Nang pumasok naman ako ay hindi ako umasa na magkaroon ng kaibigan kundi ang tahimik lang sanang buhay estudyante. Kung ako nga lang ang masusunod ay hindi na ako babalik sa pag-aaral. Mas gusto kong magtrabaho nang full-time at kumita ng pera. May mapapasukan naman ako kahit high school graduate lang. Kaya lang ay ito ang gusto ni Nanay - ang pumasok ako sa kolehiyo. Pinag-ipunan niya pa talaga ang pang-matrikula ko ngayong semestre dahil pangarap niya noon pa na maituloy ko ang aking pag-aaral. Umaasa kasi siyang magiging maayos ang buhay namin sa oras na maka-graduate ako sa college at maging professional. “Kunin n’yo ang bag niya!” utos ni Desiree sa dalawang kasama. Sumunod naman agad ang dalawa. Hinablot ni Venus ang bag ko. Nakipag-agawan ako pero, tatlo na silang nagtulong para kunin sa akin ang gusgusing shoulder bag ko. “Bitawan mo sabi!” gigil na sabi ni Desiree sabay kalmot sa kamay ko. Nahapdian ako pero, hindi ako bumitiw sa strap ng bag ko. Ngunit sa kalumaan ay napunit ang strap dahilan para makuha nila ang aking bag. “Ano bang gagawin n’yo sa bag ko? Wala kayong mapapala riyan!” Binuksan ni Desiree ang bag ko. Mula roon ay kinuha nito ang folder na naglalaman ng book report na idadaan ko dapat ngayon sa office ng professor namin sa Literature. “Gotcha!” sambit niya sabay ngiti sa akin. “Thank you dito, ha!” At inihagis niya sa paanan ko ang aking bag. Mabilis kong dinampot iyon habang tumalilis naman sina Desiree tangay ang pinaghirapan kong book report. Lumabas agad ako para sundan sila. Nakabunggo pa ako ng ilang estudyante na papasok ng CR. Paglabas ay nilinga ko ang maluwag at halos bakanteng hallway ng building. Nakita ko ang tatlo na nagmamadali sa paglalakad sa kabilang corridor. Sinundan ko sila. Lakad-takbo ang ginawa ko para maabutan sina Desiree. Tinawag ko pa ito pero, tila hindi niya ako narinig. Binilisan ko pa ang paglakad para mahabol sila. Yakap ko ang bag kong nalagutan ng strap. “Desiree, akina ‘yang folder ko!” sigaw ko nang may ilang metro na lang ang layo ko sa tatlo. Mukhang narinig ako ni Desiree dahil lumingon siya. Pero imbes na makinig at huminto ay sumibat pa siya ng takbo palayo. Napatakbo na rin ang mga kasama niya. “Desiree, ano ba? Ibalik n’yo ‘yang book report ko, hinihintay na ‘yan ni Professor Magno!” pakiusap ko habang sige sa paghabol. Bumaba sila sa hagdan. Dali-dali akong sumunod. Muntik pang sumala ang paa ko kung hindi ako nakakapit. “Desiree!” Naabutan ko siya pagbaba ng hagdan. Nahagip ko ang braso niya na may tangan ng folder ko. Nabitiwan ko pa ang bag ko. Sumaklolo naman agad ang mga alipores niya kaya nakawala ang braso ni Desiree sa akin. Akala ko ay tatakbo ulit siya pero, inisang hakbang niya ako at saka malakas na itinulak. Nawalan ako ng balanse. Babagsak na sana ako sa sahig kung hindi lang may malakas na mga brasong sumalo sa likod ko. Nakita ko nang pare-pareho silang natigilan habang nakatingin sa may ulunan ko. “S-Sir?” Nagusot ang noo ko sa reaksiyon ng tatlo. "What's going on in here?" tanong ng baritonong boses ng sumalo sa akin. Hindi rin nakatakas sa ilong ko ang panlalaking amoy ng pabango nito. Agad kong itinayo ang sarili ko upang lingunin siya. Nagulat ako nang bahagya. Nakita kong magkasalubong ang mga kilay ni Sir Grant nang tingnan ako at ang grupo ni Desiree. “Are you, girls, on a fight?” nagdududang tanong niya, palipat-lipat ang tingin sa akin at sa tatlo. “H-hindi, Sir!” “Mga bully sila, Sir! Kinuha nila ang folder ko!” agad na kontra ko sa sagot ni Desiree at itinuro ang folder ko sa kamay niya. “What?” kunot-noong tanong ni Sir Grant. “Sir Grant, wala akong kinukuha! Sa akin kaya ‘to!” giit ni Desiree na sinang-ayunan ng mga kasama niya. Nagpalipat-lipat ulit ang tingin ni Sir Grant sa akin at sa kanila. “Let’s see. Ibigay mo sa’kin ‘yan,” utos nito, inilahad ang kamay kay Desiree. Hindi ako nagsalita. Nakita kong ang pag-aatubili ni Desiree nang iabot ang folder na hawak kay Sir Grant. “Ano bang laman ng folder na ‘to?” “Book report po, Sir!” mabilis na sagot ni Desiree. Tiningnan ko siya nang matalim. Inirapan naman niya ako. Binuksan ni Sir Grant ang folder at tiningnan ang loob. Of course, tama ang sagot ni Desiree dahil book report ko iyon! “What’s the title of the book?” tanong nito. Hindi sila nakasagot. Napalunok naman ako sa kaba. Nagsalubong ang mga kilay ni Sir Grant. “What?” Tumaas nang bahagya ang boses ng professor. “E-e… S-Sir… k-kasi… ipinagawa ko lang po sa… sa kapatid ko. Hindi po talaga ako ang gumawa kaya hindi ko alam...” “Kung sa’yo talaga ito, patingin ng ID mo.” Halos mapangiti ako. May pangalan ko iyon kaya siguradong mabubuking si Desiree. “S-Sir?” “Show me your ID.” “Hindi po sa kaniya ‘yan, Sir dahil akin po talaga ‘yan,” walang gatol na sabi ko sabay tingin sa namumutlang si Desiree. Sa palagay ko ay gusto na nilang kumaripas ng takbo. Nilingon ako ni Sir Grant. Bigla akong sinalakay ng kaba nang titigan ko siya pabalik. Madalas ko siyang nakikita sa school at aaminin kong nagugwapuhan rin ako sa kaniya. Pero iyon ang unang beses na nakaharap ko siya nang malapitan. Nakatingala na ako sa kaniya. Sobrang tangkad kasi ni Sir Grant. Nasa six feet siguro ang taas niya. Umismid siya. “Are you sure? O baka naman nakikiagaw ka lang din sa hindi sa’yo?” Nagusot ang mga kilay ko. “Sa akin ‘yan, Sir. Alam ko po ang laman niyan dahil pinaghirapan ko po ‘yang gawin. Firefly Lane ni Kristin Hannah ang pamagat ng book report ko. May pangalan ko rin po ‘yan sa loob - Celine Macaraeg. Eto po ang ID ko, tingnan n’yo," sabay hawak ko sa ID card ko at ipinakita sa kaniya. Sandaling tiningnan ni Sir Grant ang school ID ko. Kumunot ang noo niya pagkatapos. “Bakit nasa kanila?” “Kinuha nga po nila ‘yan sa bag ko." Bahagyang tumaas ang boses ko. “H-hindi, ah! Hinihiram lang naman namin ‘yan sa kaniya, Sir Grant…” katwiran ni Desiree. Hindi makapaniwalang tingin ang ibinigay ko sa kaniya. Huli na siya pero, magpapalusot pa! “Hinihiram mo pero, ang sinasabi mo kanina, sa’yo ito,” wika ni Sir Grant kay Desiree bago tumingin sa akin. Nagulat ako nang iniabot niya bigla sa akin ang folder ko. Hindi na ako nakapagsalita. “Ingatan mo nga ang mga gamit mo para hindi kung kani-kanino napupunta!” sermon sa akin ni Sir Grant. Nagpanting ang mga tainga ko dahil sa tono niya. Ako na ang inagrabyado ay ako pa ang may mali? Ano bang klaseng mga tao ang nasa school na ito? Binawi ko ang tingin ko. Imbes na sagutin pa siya ay tumalikod na lang ako at umalis. Hindi ako nagpasalamat. Hindi ko kailangang magpasalamat dahil sigurado naman akong makukuha ko ang folder ko kay Desiree kahit hindi dumating si Sir Grant. Pagkagaling ko sa opisina ni Professor Magno ay umuwi na agad ako. Gaya nang dati, wala pa sa bahay si Nanay. Nagbihis ako. Naglinis-linis nang kaunti na sinabayan ko ng pagsasaing para sa hapunan. Pagkatapos ng mga gawain sa bahay ay lumabas ako at pumunta naman sa parlor ng baklang si Nicole. Mabait sa akin si Nicole. Siya ang laging tumutulong sa akin sa tuwing may problema ako. Noong hindi pa ako pumapasok sa school ay maghapon ako sa parlor niya. Nagwawalis-walis ako o kaya ay nag-aassist sa mga customer. Tinuturuan din ako nito na maggupit ng buhok. Pero mula nang nagbalik-eskwelahan ako, isa hanggang dalawang oras na lang ang nailalagi ko sa parlor. Inaabutan pa rin naman niya ako nang kaunting halaga. May dalawang babaeng customer na ginugupitan ng mga tauhan ni Nicole nang dumating ako. Hinawakan ko agad ang walis tambo at dust pan. “Kumusta ang school? Nakapagpasa ka ng project mo?” “Oo, naihabol ko naman kanina.” “Bakit matamlay ka? May problema na naman?” Sumimangot ako at tumingin kay Nicole. “Ayoko na kasing mag-aral. Pakiramdam ko nagsasayang lang ako ng panahon. Nagsasayang lang din ng pera si Nanay.” “G*ga! Maswerte ka nga iginagapang ka ng nanay mo sa pag-aaral!” “Nakakapagod na kasi. Nahihirapan akong isiksik sa utak ko ang mga lessons. Kapag bumagsak ako, sayang ang hirap ni Nanay.” “Pwes, pagsikapan mong maipasa ang pag-aaral para masuklian mo ang hirap ni Ate Luz. Aba, Celine, mabuti ka nga at may oportunidad mag-aral! Ang iba ay wala.” “Hindi ko naman hiningi ito kay Nanay. Ayos na sa akin ang nakatapos ako ng high school. Mas gusto kong magtrabaho para makatulong sa kaniya. Pwede na nga siyang magpahinga sa pagtitinda kung hindi niya ako pinatigil sa pagtatrabaho rito.” “G*ga! Iba pa rin ang may tinapos! Aasa ka rito sa parlor ko, gaano lang ba ang kita mo rito?” “Hindi lang naman dito sa parlor, e. Ang dami ko pang pwedeng pasukan. Balak ko ring mag-ipon para magnegosyo nang sarili ko. Diskarte lang ang kailangan ko para umasenso, Nicole. Ano bang silbi ng diploma? Kita mo nga ang ibang taga-rito na nakatapos, mga tambay pa rin gayong mga college graduate naman.” “Depende sa tao ‘yon, Iha! Kaya hindi makatagpo ng trabaho ang mga tinutukoy mong kabataan ay dahil mga tamad, iresponsable at palaasa sa mga magulang!” “Basta ayoko na talagang mag-aral. Mamaya kakausapin ko si Nanay. Kukumbinsihin ko siya na magtatrabaho na lang ako para makatulong sa kaniya.” Ganoon nga ang ginawa ko pagdating ni Nanay. Isinalin ko sa pinggan ang inuwi niyang lutong ulam. Pagkatapos maghain ay naupo na ako at hinintay siyang dumulog sa mesa. “Kaunti na lang at mabubuo ko na ang tuition fee mo para sa susunod na semestre,” bungad sa akin ni Nanay sabay dampot ng sandok upang kumuha ng kanin. “Kaya ikaw, Celine, umiwas-iwas ka sa gulo sa school n’yo. Pag-igihan mo lang ang pag-aaral, nagkakaintindihan ba tayo?” “Ayoko nang mag-aral, ‘Nay…” Nagkaroon ng katahimikan sa aming mesa. Mula sa pinggan ay itinaas ko ang tingin ko kay Nanay. Litong-lito ang reaksyon niya. “A-anong sinabi mo?” Kinabahan man pero, hindi ako nagbawi ng tingin. Gusto kong ipakita kay Nanay na desidido na ako. “Titigil na po ako sa pag-aaral, ‘Nay. Aasenso rin naman tayo kahit hindi ako makatapos. Marami akong kakilala na hindi nakatuntong ng kolehiyo pero, umalwan ang buhay nila. Tamang diskarte lang ang kailangan." "Celine, naririnig mo ba ang sinasabi mo? Bakit ka titigil sa pag-aaral?" Bahagyang-tumaas ang boses ni Nanay pero, hindi ako nagpatinag. "Nagsasawa na po kasi ako sa pambubully sa akin ng mga kaklase ko. Nahihirapan na rin ako sa mga aralin. Magtatrabaho na lang po ako, 'Nay, para makapagpahinga na rin kayo. Pangako po, gagawin ko ang lahat para maiangat ang pamumuhay natin. Sige na, 'Nay, hayaan mo na ako.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD