Maaga pa'y naghahanda na sina Xia at Alex para sa outing na gagawin nila kasama sina Martha at Nicole.
Buti na lang at naengganyo na rin niya ang asawa para sumama kahit pa ayaw nito nu'ng una.
Habang abala siya sa kakaayos ng kanilang mga dalahin ay nakita niya si Alex na pasimpleng nakatutok ang mga mata sa phone nito.
"Hon, may problema ba?" tanong niya rito. Nakita niya kung paano ito nagmamadaling itabi ang hawak na phone.
"Ah, wala. Wala 'yun, hon," aniya saka siya nilagpasan.
Napasunod na lang ang tingin niya sa asawang papalapit sa kotse nila at inayos ang kanilang mga gamit sa loob.
Napatingin siya sa phone nito na isinuksok nito sa bulsa sa likod ng suot nitong pants. Napailing na lamang siya dahil kung ano na naman ang pumasok sa utak niya na hindi naman dapat.
"Heto, ipasok mo diyan," sabi niya saka niya inabot dito ang hawak na food keeper na may lamang pagkain. Inabot naman nito saka inayos ang pagkakalagay sa loob ng kotse.
Nang matapos ay sumakay na sila at saka pinasibad na ng asawa niya ang kotse papunta sa pinag-usapan nilang beach. Doon na raw sila magkikita-kita.
"Hey, guys! You are here already," salubong ni Martha sa kanila nang nakababa na sila sa sasakyan.
"Kanina pa ba kayo?" tanong niya rito.
"Hindi naman. Kararating lang din namin," maagap namang sagot ni Nicole.
"Nasaan na ba ang mga bata?" tanong ni Xia.
"Ayon, naglalaro na sa buhangin," ani Martha habang tinutulungan sila ng mga itong ibaba ang iba pa nilang mga dala.
"May problema ba?" baling ni Xia sa kanyang asawa nang mapansin niya ang pananahimik nito.
Nasa cottage na ang dalawa niyang kaibigan bitbit ang iba nilang dala at nandu'n na rin ang asawa ni Martha, abala sa pag-aayos ng mga gamit at pagkain sa mesa.
"Ah! Yeah! I'm okay," nakangiti nitong sagot kahit pa damang-dama niyang hindi ito okay.
"Let's go," aya niya rito at tumalima naman ito sa kanya saka nito kinuha mula sa kanya ang dala niya.
"Pare," nakangiting salubong ni Marco kay Alex.
"Hey! How are you?" masiglang tanong ni Alex sa kaibigan.
"I'm fine. Hey, Xia?" baling ni Marco sa kanya at isang matamis na ngiti naman ang lumitaw sa mga labi niya.
"Hi?" bati niya rito saka siya dumiretso sa cottage kung nasaan nandu'n at sumunod naman ang dalawang lalaki sa kanya.
"Just put that here," ani Nicole saka nito kinuha ang dala ni Alex at inilapag nito sa ibabaw ng mesa.
Wala namang malisya kay Xia ang ganu'ng gesture ng kanyang kaibigan dahil kasundo naman talaga ni Alex ang kanyang mga kaibigan.
Makalipas ang ilang sandali ay abala na sina Marco at Alex sa pag-aalalay sa mga bata.
Si Marco, siyempre ang umaalalay sa sarili nitong anak na si Kurt habang si Alex naman ang siyang umaalalay sa anak ni Nicole na si Steph.
Kahit kailan ay hindi nabigyan ng utak ni Alex nang masamang kahulugan ng pagiging close ni Alex sa anak ni Nicole dahil parang ama na rin kasi ang tingin ni Steph sa kanyang asawa magmula nu'ng nawala ang ama nitong si Glendon.
Alam din niyang sabik na rin ang kanyang asawa na magkaroon ng sariling anak pero hanggang ngayon ay hindi pa sila nagkakaroon dahil sa ayaw pa niyang mabuntis.
Isang director si Alex sa kompanyang pinagtatrabahuan niya samantalang siya naman ay isang hamak na salesperson lamang ng kompanya.
Napakaliit, napakababa kumpara sa position na mayroon ang kanyang asawa.
Gusto niyang mapantayan ang ano mang mayroon ang kanyang asawa o hindi kaya, kahit umangat lang man ng kahit konti ang kanyang kinalalagyan sa kompanya para naman, wala nang masabi ang ibang taong nakapaligid sa kanila.
Ang baba kasi ng tingin ng iba sa kanya at lagi siyang binibigyan ng isyu kung bakit nakapag-asawa siya ng director.
Alam naman niyang walang kwenta ang ganu'ng bagay para sa ibang tao pero aminado siyang natatamaan ang kanyang ego kaya ninanais niyang umangat.
Kung magkakaroon sila ng anak, may posibilidad na hindi na niya magagampanan nang maayos ang kanyang trabaho o baka, sasabihin pa ni Alex na mag-resign na lamang siya para bantayan ang anak nila.
'Yon ang ayaw niyang mangyari dahil mas lalong bababa ang tingin sa kanya ng mga tao. Aangat muna siya para mapatunayan niyang karapat-dapat siya sa pag-ibig ng isang director.
Ambisyosa na ba ang dating niya? Hindi na niya papansinin 'yon basta ang mahalaga, magagawa niya ang gusto niyang mangyari.
Lalo na ngayong kalat na kalat sa loob ng kompanya na may promotion na magaganap kaya talagang pinag-iigihan niya ang lahat.
Kahit pa minsan, wala na siyang oras para sa kanyang sarili lalo na sa pangangailangan ng kanyang asawa ay hindi na niya iyon iniinda dahil gusto niyang makuha ang promotion na 'yon.
Malaki na rin ang kanyang tiwala na makukuha niya iyon dahil tiwalang-tiwala sa kanya ang kanilang nakakataas sa kompanya. Halos sa kanya na lamang inaatang ang mga nakatukang trabaho.
Wala naman siyang reklamong ginagawa dahil ang nasa isipan niya ay ang promotion na gusto niyang makuha.
"Parang bagay na bagay na kay Alex ang magkaroon ng anak, ah!" pahayag ni Martha habang magkatabi silang tatlong nakaupo sa buhanginan habang pinagmamasdan niya ang mga ito.
"Tingnan mo, aliw na aliw siya kay Steph," dagdag pa nito.
"Mahilig talaga si Alex sa mga bata kaya ganu'n na lamang ang pakikitungo niya kay Steph."
"Bakit, hindi mo na lang siya bigyan ng anak, Xi?" saad naman ni Nicole.
"In the right time," aniya saka siya napahiga sa buhangin.
"Kailan pa ang right time na 'yon? Kapag may iba na ang asawa mo?"
Napatingin siya kay Nicole pati na rin si Martha na nagtataka sa mga salitang binitiwan nito.
Nang mapansin ni Nicole ang pagkatigagal ng dalawa ay agad siyang nag-isip ng magiging palusot niya.
"Alam naman natin na ang lalaki kapag nag-asawa, umaasa 'yan na magkakaroon sila ng anak at kapag hindi sila mabigyan ng anak ng kanilang asawa, may posibilidad na maghahanap sila ng iba."
Muli siyang napabangon at nakaupo sa buhangin habang hindi nawawala ang kanyang tingin sa kanyang kaibigan.
"Tama!" Napatingin siya kay Martha nang mabilis itong sumang-ayon sa sinabi ni Nicole.
"May point si Nicole. Manood ka kaya ng kdrama, di ba mapapanood mo du'n ang ganu'ng scenario," pahayag ni Martha.
Napatingin si Xia sa kanyang asawa habang nakangiti ito nang kaylaki-laki habang binubuhat nito si Steph, ang anak ni Nicole.
Habang nakatuon ang kanyang mga mata sa kanyang asawa ay muli niyang naaalala ang text message na kanyang natanggap kahapon.
Keep your eyes on your husband. He's having an affair with someone you know.
Totoo kaya ang text message na 'yon? Hindi lang ba 'yon pagtitrip lamang ng mga taong walang magawa sa buhay?
"Hey! Natahimik ka, ah!" ani Martha.
"Wala! May iniisip lang ako."
"Ano 'yon? You can share it with us," sabi naman ni Nicole.
"Wala 'yon. Kalimutan niyo na," giit pa niya sabay ngiti sa mga ito.
Napangiti naman ang dalawa sa kanya pero ramdam naman niyang hindi naniniwala ang mga ito sa kanyang sinabi.
Kinahapunan, habang abala sila sa pagliligpit ng kanilang mga gamit para makauwi na ay napaling-linga si Xia sa paligid nang hindi mahagip ng kanyang mga mata ang kanyang asawa.
"Did you see Alex?" tanong niya kay Martha pero napailing lamang ito.
"No! Baka, may pinuntahan lang," sagot nito.
Agad niyang nilapitan si Marco na abala sa pagbibihis sa anak nito.
"Marco, nakita mo ba si Alex?"
"Yeah! Andu'n siya kanina, eh," sagot nito sabay turo sa direksyon kung saan nito nakita si Alex.
Agad naman niya itong pinuntahan para alamin kung nasaan na ito dahil uuwi na sila.
"Alex?" tawag niya rito pero walang sumasagot sa kanya kaya ipinagpatuloy pa niya ang paghahanap sa kanyang asawa na bigla na lamang nawala sa kanyang paningin.
Naglakad pa siya nang naglakad habang nagpalinga-linga siya sa kanyang nadadaanan dahil baka mahagip ng kanyang mga mata ang kanyang asawa.
"Saan kaya pumunta ang lalaking 'yon? Hindi man lang nagpaalam," himutok ng kanyang isipan habang patuloy pa rin siya sa paghahanap dito hanggang sa napakunot na lamang ang kanyang noo nang sa wakas ay nakita na nga niya ito.
Pero, bakit may kasama itong babae?
"Alex?" tawag niya na siyang ikinagulat nito.
"Sweetie?" gulat na sambit ni Alex nang makita siya nito.
"Nicole?" nagtataka niyang sambit sa pangalan ng kanyang kaibigan nang makilala niya ito.
"Ah! Xi, ikaw pala," parang takot na takot nitong saad, "K-kanina ka pa ba diyan?" kinakabahan nitong tanong sa kanya habang ramdam na ramdam niya ang pagiging kabado nito pati na ang panginginig ng boses nito.
Napatingin siya sa kamay nito kung saan, hawak-hawak ito ng kanyang asawa at nang mapansin nitong nakatingin siya sa mga kamay ng mga ito na magkakahawak ay mabilis na binawi ni Nicole ang kamay nito.
"A-anong ginagawa niyo rito?" tanong niya sa kabila ng kakaibang haka-haka na kanyang nararamdaman habang nagpapalipat-lipat ang tingin niya sa mga ito.
"M-may p-pinag-uusapan lang kami ng a-asawa mo," pautal-utal na sagot ng kanyang kaibigan.
"I-ikaw, bakit ka nandito?" balik-tanong sa kanya ni Nicole.
"Hinanap ko lang 'tong si Alex dahil uuwi na tayo."
"Ay! Oo nga pala!" bulalas ni Nicole, "S-sige, mauuna ako. May gagawin pa ako."
Pagkatapos sabihin ni Nicole ang mga katagang 'yon ay agad na itong umalis sa kanilang harapan.
Para itong nakakita ng multo dahil takot na takot. Damang-dama rin niya ang kaba nito nang makita siya.
"Anong pinag-uusapan niyo?" baling niya sa kanyang asawa.
"Ah! Wala 'yon! G-gusto lang niyang i-sorpresa ang asawa ni Martha . Alam mo namang malapit na rin ang kaarawan ni Marco, right?"
Nakikita niya sa mga labi ni Alex na nagsisinungaling ito pero wala naman siyang sapat na dahilan para pagdududahan niya ito.
"Ah, ganu'n ba?" tanong niya rito.
"Yeah!" maagap nitong sagot, "Let's go. Baka, maiiwan nila tayo."
"Okay," aniya saka siya nito inakbayan papunta sa cottage kung saan naghahanda na ang lahat para sa pag-uwi.