* * Hanna's POV * *
"Oh anak, ginabi ka na ah. Hindi ka man lang umuwi dito sa bahay kanina para magtanghalian," bungad sa akin ni Tatay nang makapasok ako sa marumbarong naming mansyon na gawa lang sa kawayan at kahoy at malapit nang mabulok. Mukhang konting hangin lang ay tatangayin na ang bahay namin ng Tatay ko. Kaya sana, huwag muna bumagyo hangga't wala pa akong ipon, dahil kung hindi, talagang sa kangkungan kami pupulutin, isama pa ang sakit niya sa kidney. Hay naku, kung nakaka-menopause lang siguro ang problema at kawalan ng pera para sa mga pangangailangan namin, malamang ilang taon na akong menopause. Kaya kailangan ko talagang makausap si Tatay ng masinsinan dahil kailangan ko nang makipagsapalaran sa Maynila para makahanap ng maayos na trabaho, makaipon para sa operasyon niya, at mapalitan na rin itong mansyon namin.
"Pasensya na po, Tay. Nilako ko pa kasi ang paninda kong kakanin at gulay. Sayang naman po kasi kung hindi mauubos," turan ko habang inilalapag ang bilao at bayong na bitbit ko sa maliit naming lamesa.
Tumingin si Tatay sa bilao, tapos sa akin. "Anak, hindi ko sinasabing huwag kang magtrabaho, pero minsan naman magpahinga ka. Hindi ka na rin bumabata, at ayokong mapagod ka nang husto. Baka mamaya pati Ikaw ay magkasakit."
Napangiti ako nang bahagya, bagama't ramdam ko rin ang pagod sa katawan. "Kailangan po tayong magsikap, Tay. Hindi po puwede yung basta-basta lang. Kailangan nating kumayod para makaipon. Lalo na po para sa operasyon ninyo."
Hinaplos ni Tatay ang kanyang noo, tila binubuno ang mga alalahanin. "Basta anak, huwag mo rin kalilimutan ang sarili mo. Mahalagang makaipon, pero mahalaga ka rin."
Tumango ako at nagsimulang iligpit ang bayong at bilao. Habang ginagawa ko iyon, hindi ko maiwasang mapaisip. Tama si Tatay. Pero ang dami na naming pangangailangan. Paano nga ba ako makakahanap ng mas magandang oportunidad?
Ang tanging naiisip ko lang na paraan ay ang sumama sa kaibigan kong si Pamela papunta ng Maynila para maghanap doon ng trabaho, bulong ko sa sarili habang nagsimula akong mag-aayos ng hapunan namin ni Tatay.
Matapos kong magluto ng hapunan namin ni Tatay, agad ko itong inihanda sa lamesa. Siyempre, dahil isang tendera ng gulay si ako, ano pa ang aasahan naming uulamin kundi gulay din. Nagluto ako ng adobong sitaw at ginisang gulay. Matapos kong ihanda ang mga nilutong ito, agad kong nilapitan si Tatay sa kanyang paborito nitong tambayan sa may bintana, kung saan siya laging nakadungaw at binibilang ang mga taong dumadaan sa labas ng bahay namin.
Nakakapaglakad pa naman si Tatay, ngunit hindi na ito kasing dali ng dati. Paika-ika siya maglakad mula nang magkasakit siya. Pero kahit pa-paano ay kaya pa naman niyang maglakad mag-isa, 'yon nga lang ay paika-ika, inaalalayan ko pa rin siya kapag kasama ko siya.
"Tay, tara na at makakain tayo. Nakahanda na ang hapunan natin," wika ko. Agad naman siyang napalingon sa akin. Inabot ko ang isang kamay niya at inilagay ito sa aking braso para maakbayan siya at maalalayan ng maayos.
"Hay naku, anak, maraming salamat. Mabuti na lang talaga at nandito ka, kundi hindi ko alam kung ano ang gagawin ko dahil sa sakit kong ito," malalim na wika ni Tatay. Lagi siyang ganito magsalita kapag kami'y magkasama; hindi matapos-tapos ang kanyang pasasalamat.
"Alam mo, Tay, unlimited talaga ang pasasalamat mo. Kailan kaya 'yan mag-e-expire?" biro ko naman sa kanya habang inaalalayan ko siya upang makaupo sa harap ng hapunan namin.
Pasulyap-sulyap ako kay Tatay na abala sa kanyang pagkain. Bumubwelo kasi ako kung paano ako magpapaalam tungkol sa plano kong pagsama kay Pamela sa susunod na linggo sa maynila.
"Anak, hindi porke hindi kita tinitigan ay hindi ko na napapansin yang pagsulyap-sulyap mo sa akin," biglang sambit ni Tatay habang nakatutok siya sa kanyang pagkain. "Sabihin mo na kung ano ang gusto mong sabihin," muli niyang wika. Inabot ko muna ang baso ng tubig ko at nagpasyang uminom muna bago ko simulan ang pagpapaalam ko sa kanya.
"Ah, Tay, gusto ko po sana magpaalam sa inyo," panimula ko. Biglang napaangat ng mukha si Tatay mula sa kanyang pagkayuko at tinitigan akong mabuti.
"Magpaalam?" ulit niya, kaya napa-kamot ako sa aking ulo kahit wala naman akong kuto.
"Tay, stone kidney ang sakit niya, hindi pagka-bengi," biro ko.
"Eh, ano ba kasi yang sinasabi mong paalam-paalam na yan? Huwag mong sabihin na uunahan mo pa ako sa kabaong ko," turan niya, sinakyan pa talaga ang biro ko.
"Tay, hindi saka na yan at mahal ang kabaong. Wala nga tayong makain, tapos uunahin pa natin yan," dagdag biro ko, at sabay pa kaming natawa ng malakas dahil sa biruan namin na iyon.
"Pero seryoso nga, anak. Ano bang ibig mong sabihin?" tanong niya sa seryosong tono ng kanyang boses at sa reaksyon ng kanyang mukha.
"Gusto ko po sana sumama kay Pamela, Tay, sa Maynila sa susunod na linggo," walang paligoy-ligoy kong sagot sa kanya.
"Ano? Maynila? Sigurado ka ba d’yan sa sinasabi mo, Hanna Torres?" sunod-sunod na tanong ni Tatay, at bakas sa mukha niya ang pagkagulat dahil sa sinabi kong iyon. Binanggit pa talaga niya ang buong pangalan ko kasama ang apelyido, tanda ng kanyang pagkabahala. Binabanggit ni Tatay ang full name ko kapag hindi siya sang-ayon sa gusto ko o kapag nagagalit siya sa akin. So alam na, ibig sabihin hindi siya sang-ayon sa gusto kong gawin. Pero gano’n pa man, hindi ako titigil sa pagpapaalam ko sa kanya hanggang sa makumbinsi ko siyang payagan ako.
"Tay, payagan niyo na po ako. Kailangan ko itong gawin para sa atin, lalo na para sa pagpapagamot niyo, kailangan kong makahanap ng maayos na trabaho para makaipon tayo," seryoso kong wika habang patuloy kong kinakumbinsi siya. Alam kong mahalaga ang desisyong ito para sa aming dalawa.
Tumingin si Tatay sa akin, ang kanyang mga mata ay naglalaman ng labis na pag-aalala. "Tama ka, anak, kailangan nga natin ng pera. Pero kailangan mo ring isipin ang mga panganib sa Maynila. Alam mo namang iba ang sitwasyon doon, delikado," sagot ni Tatay, ang tono ng kanyang boses ay nagiging mas malambing.
"Isa pa, huwag mong sabihin na tutulad ka sa trabaho ni Pamela. Hindi ako papayag," overacting na saad ni Tatay, kaya napa-iling na lang ako sa kanyang reaksyon.
"Tay, ano ba kayo? Siyempre, hindi noh. Hindi naman porket sa kanya ako sasama o mag bestfriend kami, gagayahin ko na rin kung anong trabaho meron siya. Isa pa, kahit ganyan ang trabaho ni Pamela, alam natin na mabuti siyang tao," turan ko kay Tatay, na sinang-ayunan naman nila.
Naiintindihan ni Tatay ang kwento sa likod ng trabaho ni Pamela. Alam niyang hindi madaling pasukin iyon lalo pa at mabigat din sa loob ng kaibigan ko ng pumasok siya sa gano'ong uri trabaho, naiintindihan ni Tatay ang kaibigan ko kung bakit siya napasok sa gano'ong sitwasyon.
Kaya naman kahit anong naririnig ni Tatay minsan sa mga tsismosa naming kapitbahay, wala siyang pakialam doon. Mas kilala namin ni Tatay kung anong klaseng pamilyang meron ang bestfriend ko. Alam niyang hindi lamang trabaho ang batayan ng isang tao kundi ang kabutihan ng kanyang puso at asal.
"Saka na natin 'yan pag-usapan, Anak. Malayo pa ang susunod na linggo. Hayaan mong pag-isipan ko munang mabuti 'yang gusto mong mangyari," saad ni Tatay. Umaasa akong bago sumapit ang linggo ay payagan na niya ako para sa plano ko.
"Okay lang po, Tay. Naiintindihan ko naman na kailangan mo munang mag-isip," sagot ko, subalit sa loob-loob ko ay umaasa na sana'y maging positibo ang kanyang desisyon.