CHAPTER 1 MALAYA

1087 Words
"Okay ka lang? Anong nararamdaman mo? Baka nahihilo ka o may masakit ba sa iyo? Masakit pa ba ang binti mo?" sunod-sunod na tanong sa akin ng bestfriend kong si Maezie habang nakaupo kami dito sa buhanginan at nakatanaw sa madilim na karagatan. Puro tango lang din naman ang kaya kong ibigay na sagot sa kaniya. Hindi ko kayang magsalita. Wala na akong boses. Wala na akong lakas. Hanggang dito na lang talaga ako. Hindi ko na kaya. Naramdaman ko ang pagbalot sa aking katawan ng makapal na tuwalya mula sa mahal kong bestfriend. Kinabig niya ako at isinandal sa kaniyang balikat. Napakalamig ng simoy ng hangin pero wala ng mas lalamig pa sa nararamdaman ng puso ko. Mas malamig pa sa isang bloke ng yelo na hindi na kaya pang tibagin ng kahit sino. Nagsimula ang kakaiba kong nararamdaman para sa kaniya noong mga bata pa lamang kami. Naging classmate ko siya noong grade five. Transferee siya noon. Unang kita ko pa lamang sa kaniya ay natulala na ako kaagad. Ang gwapo-gwapo niya, ang puti-puti. Namumula-mula ang kaniyang mga pisngi. Ang pupula na mga labi niya. Mapupungay ang mga mata. Lalo akong napahanga sa taglay niyang katalinuhan. Palagi siyang perfect score sa quizes, exams, recitations. Hindi siya nawawalan ng projects. Ang tataas ng mga grades niya sa card. Sumasali siya sa mga activities. Nag-boys scout pa siya. Sumasali siya sa mga palaro. Siya nga ang runner namin dahil sa bilis niyang tumakbo. Pero kung anong active at bibo niya sa lahat ay siya namang napakatahimik. Ni hindi siya nakikipagkaibigan. Kung aral, aral lang para sa kaniya. Nasa sulok lang siya, abala sa pagbabasa ng mga books at paggawa ng mga assignment. Kumakain ng mag-isa. Hanggang sa maging highschool na kami ay tumindi ang nararamdaman ko para sa kaniya. Ginawa ko rin ang lahat. Nag-aral ako kung saang school din siya nag-aral. Nag-aral din akong mabuti kahit alam ko sa sarili kong napakaboplaks ko. Napakahina ng ulo ko. Matagal akong maka-pick up ng words. Mabagal akong maka-relate sa mga pinag-uusapan. Alam din ng parents ko 'yan kaya nga kumukuha pa sila ng tutor para sa akin pero kahit siguro iumpog ko pa ang ulo ko. Halukayin ng pala para lang mahanap at mabuhay ang natutulog kong utak ay wala talaga. Suko ang aking mga magulang. Dinadaan na lang nila sa pera ang Principal para mailagay nila ako sa section one. Kaya mas lalo akong nabobobo doon. Pero dahil nga may inspirasyon ako at walang iba kundi si Skipper Steinfield iyon ay ginawa ko rin ang lahat. Gusto ko siyang makasama. Gusto kong mapansin niya ako. Kaya sumali din ako sa lahat ng mga activities. Lahat ng salihan niya na pwede ang babae ay sinalihan ko rin kahit hindi ko kaya ay pilit ko pa ring kinakaya. Dito na rin sa highschool nakilala ko ang bestfriend kong si Maezie at boyfriend niyang si Cedric. Sumali sila sa CAT? Sumali din ako dahil naroroon si Skipper. Siya lang ang habol ko doon. Gusto niyang magpulis at maglingkod sa bansa, ginusto ko rin kahit hindi iyon ang kagustuhan ng puso ko at katawan ko para lang makasama ko siya. Lahat-lahat ginawa ko para mapansin niya ako. Pero ang lahat ding iyon ay useless. Walang halaga. Wala ring nangyari. At kahit ngayong dumating na sa puntong muntik na akong mamatay? Kailan man ay hindi ko makakamit ang nag-iisang pangarap ko sa buhay. Siya. Si Skipper Steinfield. Dito na rin ako nagising sa katotohanan na kahit ano pa ang gawin ko. Kahit pa natuluyan ako sa ilalim ng dagat ay hindi niya ako kayang tapunan ng kahit kaunting halaga. Ngayon ko na rin naramdaman ang pagod. Tama na. Suko na ako. Ayoko na. Sarili ko naman. *** Kinabukasan ay huling araw na namin dito sa Boracay. Lumabas lang ako ng aming silid ni Maezie para kumain. Pagkatapos ay muli na akong bumalik sa aming silid at natulog na lang ako maghapon. Hinayaan ko na lang ang sarili kong mag-isa. Iyon din ang hiniling ko kay Maezie kaya nirespeto niya rin naman ang kagustuhan ko. *** Kinabukasan pa ay pabalik na kami ng Manila. Pinili kong maupo sa upuan na mayroon ng katabi dito sa loob ng airplane. Nagsuot ako ng tinted sunglasses, jacket, naka-pants at cap kahit hindi ko prefer ang ganitong get up kasi mas gusto ko iyong sexy para mapansin niya ang katawan ko, ang balat ko. Dahil ipinagmamalaki ko naman ang sarili kong maganda ako, maputi, sexy, makinis ang kutis dahil alagang-alaga ko ang sarili ko para sa kaniya. Pero ngayon? Kailangan ko na siyang itago. Kahit nga nag-two piece na ako sa dagat ay dedma lang sa kaniya. Hindi kinaya ng aking karisma ang kamanhiran niya. Kaya wag na lang. Nagsuot ako ng earphone at tahimik na sumandal sa upuan habang nakatanaw sa labas. Si Maezie at Cedric ay nasa aking likuran at siya? Hindi ko alam. Wala na akong pakialam. *** Pagdating sa NAIA ay mabilis na akong nagpaalam kila Maezie at Cedric dahil nakaabang na sa labas ang sundo ko na ipinadala ni daddy para sa akin. Siya? Hindi na akong nag-abalang sulyapan pa siya kahit sa peripheral vision ko ay hindi ko na siya hinanap kung nasaan man siya. Mabilis na akong sumakay sa aming sasakyan at hindi ko na sila nilingon pa. Ito na ang huling araw na makakasama ko sila. Napagdesisyunan ko ng hindi na ako tutuloy sa pagpupulis. Hindi naman kasi iyon ang nafe-feel ko para sa sarili ko. Hindi ko nakikita ang sarili kong nagliligtas ng mga tao. Kung sarili ko nga ay hindi ko makayang iligtas. Sila pa kaya? *** Pagdating ko ng mansion ay kinausap ko ng masinsinan ang parents ko. Sa ibang bansa na ako magtutuloy ng pag-aaral. Malayo dito. Malayo sa kaniya. Mas madali ko siyang makakalimutan kong malayo ako sa lugar kung saan ko siya palaging maaalala. Ang lugar kung saan napakarami kong katangahang ginawa para lang sa kaniya. Sa America na ako magsisimula ng bago kong buhay. Baka naroroon naman pala ang lalaking para sa akin at naghihintay lang sa akin. Paalam Skipper Steinfield.... Salamat dahil naging parte ka ng puso ko at buhay ko sa napakahabang panahon. Pero ngayon..... .... binubura na kita sa buhay ko. Tinatanggalan na kita ng karapatang tumira sa puso ko. Dahil hindi ka nararapat na makulong dito. Kahit na ni minsan ay hindi ka naging akin, pinalalaya pa rin kita. Malaya ka na....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD