CHAPTER 3

2167 Words
KANINA pa umalis ang mga kasama ni Cali sa karinderya. Pasado alas nuebe na iyon ng gabi subalit pauwi palang siya. Nagpaiwan siya doon dahil gusto muna niyang mapag-isa. Alas otso nagsasara iyon kaya kanina pa siya doon. Nang marinig niya ang malakas na pagkulog sa labas ay bigla siyang napatayo mula sa kinauupuan. Nabahala siyang bigla dahil nahinuha niyang anumang oras ay maaring bumagsak ang napakalakas na ulan. Nagmamadali na siyang kumilos saka hinagilap ang payong. Dinampot niya ang maliit na pouch sa mesa at saka mabilis na lumabas ng karinderya. Sinigurado muna niyang nakasarado na iyon bago siya umalis. “Bakit ba kasi nagpa-iwan iwan ka pa Cali? Hayan, inabutan ka na ng malakas na ulan.” Naiinis niyang sita sa sarili habang binubuksan ang payong. Nagsisimula ng umambon. Walang dumadaang jeep sa bahagi ng kalsadang iyon kaya kailangan pa niyang maglakad hanggang sa susunod na kanto humigit-kumulang dalawang daang metro ang layo mula sa karinderya nila para makasakay ng jeep. Pulos mga private vehicle ang lahat ng dumadaan sa lugar na iyon. Maari siyang magtricycle subalit walang dumadaang tricycle ng mga sandaling iyon. Ipinasya niyang maglakad nalang keysa maghintay sa wala. Habang naglalakad ay bumubulong-bulong pa siya sa sarili dahil sa inis at nang minsang kumulog ulit at muntik siyang mapatalon. Nang mapadaan siya sa malaking warehouse ng kumpanya nila Gilbert at bumagal ang kanyang mga hakbang. Hindi niya naiwasang mapatingin doon. Naisip niya ang binata. Kung naroroon pa kaya ito. Pero mabilis niyang ipinilig ang ulo dahil ang binata nanaman ang pumasok sa utak niya. “Ano ka ba calixa?! Aabutan ka na ng malakas na ulan pero ‘yung lalaking yun pa rin ang nasa isip mo.” Muli niyang sita sa sarili. Ang totoo ay ang binata ang dahilan kung bakit nagpaiwan siya sa kainan. Hindi ito maalis sa isip niya kahit pa anong pagtataboy ang ginagawa niya dito. Naisip niyang masyado nang gabi para isiping naroon pa ito. Inalis niya ang imahe nito sa isipan at ibinalik ang atensiyon sa daanan at sa paparating na malakas na ulan. Pagdating niya sa mismong tapat ng gusali ng UA, Inc.. ay bigla siyang natigilan. Nasilaw siya sa liwanag na nagmumula sa isang sasakyan. Isang itim na kotse ang biglang sumulpot sa daanan niya at anumang sandali ay sasalubungin siya. Naitakip niya ang mga braso dahil nasisilaw siya. Huli na para umiwas dahil naparalisa na ang buong katawan niya. Hindi na din siya nakapag-isip dahil inunahan siya ng pagka-shock. Napasigaw nalang siya ng halos gahibla nalang ang layo ng kotse sa katawan niya bago iyon nakapagpreno. Hindi niya naramdaman ang inaasahang sakit kung sakaling natuloy ang pagbangga. Ang akala niya ay masasagasaan na siya. Pero dahil sa matinding takot ay bigla siyang natumba. Kasabay niyon ay siyang pagbuhos ng malakas na ulan. NAGMAMADALING bumaba si Gilbert sa kanyang sasakyang itim na Audie pagkatapos niyang masaksihan ang pagkatumba ng isang bulto sa tapat ng kanyang sasakyan. Malakas na malakas ang kabog ng dibdib niya ng tunguhin ang bultong iyon. Sigurado siyang hindi niya ito nabangga pero marahil ay hinimatay ito sa sobrang kabiglaan. Madilim sa bahaging iyon kaya hindi niya napansin na may tao doon. Isa pa ay nagsisimula ng bumulusok ang malakas na ulan kaya malabo na ang paligid. Kanina pa siya dapat nakauwi subalit nagkaroon sila ng brain storming ni Josepp – ang vice president for operations. Nauna na itong nakauwi sa kanya kaya siya nalang ang natitirang empleyado sa kumpanya maliban sa guwardiyang pang-gabi. Plano sana niyang puntahan si Cali dahil hindi niya nakia ang dalaga sa araw na iyon dahil sa dami ng trabaho na kailangang tapusin kahit pa umuulan. Kaya nagmamadali siya kanina pero tila dahil sa pagmamadali niya ay hindi niya napansin ang taong makakasalubong niya. “Oh s**t!” palatak niya saka lumabas ng sasakyan. Mabilis niyang tinungo ang harapan ng kotse. Sa tulong ng liwanag ng head lights ng kanyang sasakyan ay nakilala niya ang taong muntikan niyang masagasaan. Tinakasan ng kulay ang buong mukha niya ng makilala ang nakahandusay na si Cali. “Cali!” mabilis niya itong dinaluhan at kinarga. Dumagundong sa kaba ang kanyang dibdib. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag mayroong nangyari masama dito lalo at siya ang dahilan. Lalo siyang nataranta ng mapagtantong wala itong malay. “God…. Cali, wake up!” Tinapik niya ang mukha nito. Napatiim-bagang siya dahil bigla siyang nagalit sa sarili. “Calixa, please wake up.” Tinapik-tapik niya ito sa pisngi pero wala pa rin itong reaksiyon. Hindi ito tuminag dahilan para lalo siyang mataranta. Malakas na ang pagbuhos ng ulan at nababasa na sila. Saglit siyang nagpalinga-linga sa paligid. Nang matantong walang ibang tao doon o maaring hingan nila ng tulong ay saka siya nagpasya. Binuhat niya ito at isinakay sa kose. Walang pagdadalawang isip na minaniobra niya ang sasakyan at pumasok sila sa loob ng building ng UA, Inc. HINDI maalis ang tingin ni Gilbert sa walang malay na si Cali. Matapos niyang matagpuan ang walang malay na katawan nito ay dinala niya agad ang dalaga sa loob ng gusali saka dumiretso sa kanyang opisina. Inihiga niya ito sa mahabang sofa at hinintay na magkamalay. Nakita sila ng guwardiya kanina habang papasok ng gusali at nagbilin siya dito na mananatili sila doon sa loob hanggat hindi tumitila ang ulan. Sinabi din niya sa guwardiya ang nangyari sa dalaga. Hinubad niya ang suot na coat at iyon ang ikinumot sa dalaga. Napansin niya ang mamasa-masa nitong damit dahil sa inabutan sila ng ulan. Kahit gusto niya itong bihisan ay wala siyang magawa. Baka bigla itong magkamalay na hinahawakan niya ang dalaga ay bigla itong maghisterikal. Hininaan nalang niya ang aircon upang hindi ito masyadong lamigin. Nagpalakad-lakad siya sa gitna ng kanyang opisina. Mariing nakakuyom ang mga kamao at mararahas ang kanyang paghingi. Maya’t-maya ang sulyap niya sa dalaga habang nag-iisip ng kailangang gawin. Nagsisimula na siyang mataranta na kung sa ibang pagkakataon ay wala sa bokabularyo niya. Pero pagdating kay Calixa ay nagbabago ang lahat ng nerves niya. Magkahalong pag-aalala para dito at galit para sa sarili ang nadarama niya. Alalang-alala siya sa dalaga dahil kalahating oras na simula ng dalhin niya ito sa opisina niya pero hindi pa ito nagkakamalay. Nagagalit siya sa sarili dahil kung sakaling mayroong hindi magandang mangyari dito ay hindi niya mapapatawad ang sarili. Sigurado siyang hindi niya tinamaan ang dalaga. Pero bakit wala pa din itong malay? Muli siyang napatingin dito. Kalahating oras na ang lumipas at patuloy na nadaragdagan ang pag-aalala at pagkataranta niya. Humakbang siya upang lapitan ito. Sumagi na sa isip niyang dalhin ito sa ospital. Subalit masyado nang malakas ang buhos ng ulan. Maririnig din ang malalakas na kulog at kidlat sa labas ng gusali kahit nasa loob sila ng opisina. Delikado na sa kanila kung magdadrive pa siya at susuungin nila ang daan. Isa pa, bahain ang lugar na daaranan nila kahit kaunting ulan lamang. Baka sa daan pa sila abutan ng disgrasya o ma-stranded. Mas mainam nang nasa loob sila ng opisina niya keysa nasa gitna ng kalye. Kung tatawag naman siya sa isa sa mga kasamahan ay wala ding magagawa ang mga ito dahil sa malakas na buhos ng ulan. Naisip niyang tawagan si Auntie Mila upang ipaalam ang kalagayan ng dalaga. Sigruadong nag-aalala na ang mga kasama nito dahil hindi pa nakakauwi ang dalaga. Wala siyang contact number ng tiyahin ni Cali kaya hinalungkat niya ang bag na dala ng dalaga kanina. Sa malas ay may password ang cellphone ng dalaga kaya hindi niya mabuksan. Lihim siyang napamura dahil sa sitwasyon. “Think Gilbert. Pairalin mo ang The Brainy mo ngayong ganyang ang nangyari sa babaeng minamahal mo.” Pinilit niyang kalmahin ang sarili para mas makapag-isip. Sa lahat ng pagkakataon ay palagi siyang may paraan. But with Calixa right now, hindi siya makapag-isip ng diretso dahil sa sitwasyon ng dalaga at sa klima sa labas. Huminto siya sa pagparoot-parito at tinitigan niya ang mukha ng dalaga. Isang bahagi niya ang nagsasabing nagagalak siya dahil kasama niya ito roon. Ng silang dalawa lang. Madalang pa sa solar eclipse na mangyaring masolo niya ang dalaga. Ilang saglit na nawala sa isip niya ang kinasusuungan nilang sitwasyon. Umi-squat siya at inilapit ang mukha sa walang malay na dalaga. Lalo niyang narealize sa sarili na mahal niya ito habang tinititigan. Mahal na mahal. Hinawi niya ang iilang hibla ng buhok na tumabing sa mukha nito. Talagang napakaganda nito. Ni walang bahid ng anumang make-up. Parang iniukit ng isang napakagaling na pintor ang kagandahan ng dalaga. At habang tinititigan niya ito ay lalo itong gumaganda sa kanyang paningin. Iyon ang unang beses na napagmasdan niya ang mukha nito ng sobrang lapit kagaya ngayon. At masarap sa pakiramdam na magkalapit ng ganon ang mga mukha nila. “God Calixa… you’re so beautiful. Kung hahayaan mo lang akong papasukin sa buhay mo ay ipinapangako kong mamahalin kita ng tapat.” Mahinang sambit niya habang nakatitig dito. Tuloy ay hindi niya alam kung matutuwa siya o hindi sa nangyari. Bumalik sa isip niya ang sitwasyon. Sinipat niya ang katawan nito sa pinakamaagang paraan. Sigurado siyang hindi tumama ang harapan ng kotse niya sa katawan nito. Maaring nawalan lang ito ng malay dahil sa matinding pagkabigla. Napabuntong-hininga siya at muling ibinalik ang tingin sa mukha nito. “Please wake up love… masyado mo na akong pinag-aalala…” Pero hindi pa siya nagtatagal sa ganoong posisyon ng biglang mamatay ang ilaw sa opisina niya. Brown out! Saglit lang niyang naigala ang tingin sa paligid at nang masanay ang paningin sa dilim ay muling ibinalik ang atensiyon kay Cali. Sa pamamagitan ng miminsang pagkidlat ay nakikita niya ang mukha ng dalaga. Hindi niya napigilan ang sarili ng umangat ang kanyang kamay upang haplusin ang makinis nitong mukha. Napapikit siya ng dumikit ang palad niya sa balat nito. Kahit nasa ganoong sitwasyon sila ay hindi niya napigilang magdiwang ang kanyang puso. Mabibilang sa isang daliri ang pagkakataong mahawakan niya ito at kung hahawakan man niya ito ay madalas na palaging nagugulat o umiiwas ang dalaga. Kahit ayaw niyang gawin ang pagkakataong iyon upang magsamantala ay iyon ang idinidikta ng kanyang puso. Marahas siyang napabuga ng hangin habang nakatitig sa mukha nito. May lungkot siyang nadarama. Para lang itong natutulog. At sigurado siyang oras na magising ito ay maari itong maghisterikal lalo pa at siya ang mabubungaran nito. “Calixa… kailan mo kaya ako tatanggapin sa buhay mo?” paanas niyang sabi dito. Alam niyang hindi siya nito naririnig. Ang totoo ay si Cali lamang ang babaeng sineryoso niya sa loob ng tatlumpong taon niya sa mundo. Ito pa lamang ang babaeng halos gawin niya ang lahat mapaamo lang ang dalaga. Aaminin niyang masakit sa kanyang kalooban sa tuwing nirereject siya nito. Pero may pakiramdam siyang mapapaamo din niya ito kaya hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy pa rin niya ang panunuyo dito. Hindi siya susuko. Dumako ang tingin niya sa labi nitong malarosas ang kulay. May kanipisan iyon kumpara sa normal na labi ng tao. Bahagyang nakaawang ang labi ng dalaga at iba ang epekto niyon sa kanya. Tumagal doon ang kanyang mga mata. Saglit siyang napapikit pagkatapos ay muling nagmulat. Hindi siya mapagsamantala pero … damn it! Gusto niya itong halikan. Gusto niyang maramdaman ang labi nito. Gusto niyang maramdaman ang init ng labi nito. Napalunok siya. Kinontrol niya ang sarili pero malakas ang dikta ng kanyang utak lalo na ng kanyang puso. “God help me para pigilan ang sarili ko…” parang nababaliw na wika niya. Pero ang lahat ng himaymay niya sa katawan ay malakas ang nagdidiktang samantalahin ang pagkakataon. Just this once…. Unti-unting bumaba ang mukha niya patungo sa mukha nito. Hanggang sa magkalapit ang mukha nila. Tumigil siya ng ilang hibla nalang ang layo ng labi niya sa labi nito. Nanaig ang sundot ng kanyang kunsensiya. Mabilis niyang inilayo ang mukha dito. Ayaw niyang magkasala dito. Nais niyang maging tapat sa dalaga. Ayaw niyang gamitin ang pagkakataong iyon upang mahalikan niya ito. Nakuntento nalang siya sa pagtitig at paghaplos sa mukha nito. Bago pa muling umiral ang kung anuman sa kanyang katawan ay tuluyan na niyang inilayo ang mukha sa mukha nito. Nagkasya nalang siya sa paghaplos sa pisngi nito. Nailayo niya bigla ang palad sa mukha nito ng bahagya itong kumislot. Unti-unti na itong nagkakamalay. Pero hindi siya tuminag at hindi umalis sa pagkaka-squat. Nanatili siya sa ganoong posisyon hanggang sa tuluyan itong magising. Nagtama ang kanilang mga mata ng magmulat ito kasabay niyon ang minsang pagkidlat sa labas ng gusali. Ang inaasahan niyang pagkagulat sa mukha nito ay hindi nangyari. Sa halip ay wala siyang mababakas na ekspresiyon sa mukha nito. Hindi siya gumalaw. Ilang sandaling nagtititigan sila. Saka biglang nagliwanag ang paligid. May kuryente na. At kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata nito. Kasabay niyon ay isang matinis na tili ang kumawala mula dito. Napatayo siya at bahagyang napaatras. Saka lang din niya nararamdaman ang pangangawit dahil sa ilang minutong pag-squat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD