"T-Tali, anak..." Sa gate pa lang ng bahay ni Rozzean ay nakita ko na si manang. Mukhang may pinuntahan siya dahil nakabihis siya. Lumapit siya sa akin at pagkatapos ay hinawakan niya ako. Tinitigan niya ang aking mga kamay at ang parte ng aking braso na napaso. "Maayos ka na ba? p-pasensiya ka na sa ginawa ni sir, ha?" Umiling ako kay manang, sabay kaming pumasok sa loob ng bahay. "Okay lang po, naiintindihan ko ang galit niya sa akin, manang. Gagawin ko po ang lahat para mapatawad ni Rozzean," sabi ko. "Naniniwala ako, anak, mapapatawad ka niya kaya tiis lang, ha? wala akong maitutulong sa iyo, pasensiya ka na." Malaking tulong na nga itong pinagbubuksan niya ako palagi ng pinto at pinapatuloy. Kung siguro alam ni Rozzean na pupunta ako ay baka hindi na ako mapagbuksan ni manang.

