Chapter One

3014 Words
HINDI mahulugang karayom sa dami ng mga taong sumugod sa launching ng libro ni Jack. Ikatlong akda na niya iyon na nailathala bilang libro. Hindi niya inaasahan na dudumugin siya ng mga fans na talaga namang minahal ang kanyang akda. Isang taon pa lamang siya sa industriya ng literatura bilang comics writer. Siya rin ang illustrator ng sarili niyang akda kaya talagang inalagaan siya ng publishing company. Isa lamang siyang simpleng mamamayan na may mataas na pangarap. Sa edad na biyente-singko ay naulila siya sa mga magulang. Itinataguyod niya ang dalawang nakababatang kapatid at sinuportahan ang pag-aaral. Pasado alas-otso na ng gabi natapos ang kanyang book signing na ginanap sa SM Mall of Asia sa Maynila. Isa lamang iyon sa pangarap niya maliban sa maging mahusay na arkitekto. Nakapagtapos siya sa kursong architecture ngunit mas pinili niya ang pagsusulat ng nobela. “Congratulation, Jack! You deserved this success,” nakangiting bati sa kanya ni Jomar Suarez, ang kanyang editor. “Thanks, sir. Hindi ko talaga ito ini-expect,” nagagalak naman niyang wika. “Keep writing good novels. Malayo ang mararating mo.” “I will, sir.” Malapad siyang ngumiti. Matapos makipagdaupang-palad dito ay nagpaalam na siya. Nang lulan na siya ng taxi ay saka lamang niya nabuksan ang kanyang cellphone. Natutop niya ang kanyang noo nang mabasa ang sandamakmak na mensahe ni Alona. Si Alone ang kasintahan niya na isang guro sa elementarya. May tatlong taon na silang magkarelasyon ni Alona. Nagkakilala sila sa university na pareho nilang pinasukan noong kolehiyo. Subalit dahil sa magkasunod niyang book singing at interview mula sa TV network ay nawalan na siya ng oras para sa dalaga. “s**t!” Natutop ulit niya ang noo nang mabasa ang huling mensahe ni Alona. Nakalimutan niya na sa araw na iyon ang ikatlong taong anibersaryo nila. Tinawagan niya ang dalaga ngunit hindi nito sinasagot ang cellphone nito. Sinabi na lamang niya sa driver na ibaba siya sa LC restaurant kung saan umano naghihintay si Alona. Pagbaba niya sa taxi at patakbong pumasok sa naturang restaurant. Mangilan-ngilan na lamang ang mga kumakain doon. Namataan niya si Alona sa may dulong lamesa. Paalis na sana ito sukbit ang pulang shoulder bag. Ang ganda pa naman ng ayos nito. Nakasuot ito ng pink dress at nakalugay ang mahabang buhok. Sinugod kaagad niya ito at pinigil sa kaliwang braso. “Babe, I’m sorry,” kaagad niyang sabi. Hindi maipinta ang mukha ng dalaga nang humarap ito sa kanya. Bumuntong-hininga ito at matiim na tumitig sa kanya. Sapilitan nitong inalis ang kamay niya sa braso nito. “I know how busy you are but it’s over, Jack. Hindi ko na alam kung saan ako lulugar sa buhay mo,” sabi nito sa malamig na tinig. “A-ano ang ibig mong sabihin?” nababalisang tanong niya. “Sinuportahan kita sa pangarap mo, inunawa, pero sana hindi mo ako nakalimutan saan ka man dalhin ng pangarap mo,” emosyonal na pahayag nito. Lumamlam ang mga mata nito at may ilang butil ng luha na lumaya mula roon. “Of course not. Hindi kita nakakalimutan. Ngayon lang talaga dahil sobrang daming tao na pumila para magpapirma ng libro at may taga-media na nag-interview sa akin,” paliwanag niya. “Alam ko, Jack, kaya hindi na ako magrereklamo.” Maagap na pinahid niya ng kamay ang luhang lumandas sa makikinis nitong pisngi. Ikinulong niya ito sa kanyang bisig. “I’m sorry,” anas niya. Hinagkan niya ito sa noo. “Promise, I will manage my time to give you enough attention.” Pinakawalan niya ito. “Huwag ka nang mangako, gawin mo na lang.” Tinalikuran siya nito. “Hey!” pigil niya rito. “Hindi ba muna tayo kakain?” “Wala na akong gana,” sagot nito. “Umuwi na lang tayo, inaantok na ako.” Lumabas na ito ng restaurant. Sinundan na lamang niya ito. Wala silang kibuan habang magkatabing nakaupo sa backseat ng taxi. Nalulungkot siya. Hindi pa sila nagkatampuhan ni Alona nang ganoon. Masaya ang pagsasama nila. Siguro nga ay ramdam na nito ang kawalan niya ng panahon dahil sa kanyang pangarap. Hinatid lang niya si Alona sa bahay ng mga ito. Pagkatapos ay dumiretso siya sa bahay na inuupahan niya sa Pasay kasama ang mga kapatid. Nag-iipon pa lamang siya ng pera para makabili ng sarili nilang bahay. Magkasunod na namatay ang mga magulang niya dahil sa parehong sakit na diabetes. Naibenta lahat ng ari-arian nila para maipagamot ang mga ito. Pagpasok niya sa bahay ay nagtataka siya bakit magulo ang mga gamit sa salas. Kinabahan siya sa isiping pinasok sila ng magnanakaw. “Sara? Bert?” tawag niya sa mga kapatid. Walang sumasagot. Nakabibingi ang katahimikan. Pagpasok niya sa kusina ay magulo rin ang mga gamit. May nagkalat na mga pagkain sa sahig. Ang sunod niyang tiningnan ay ang kuwarto ng mga kapatid niya sa ikalawang palapag ng bahay. Wala ang mga ito roon. Maging ang kagamitan sa dalawang kuwarto ay nagulo-tila dinaanan ng ipu-ipo. Tumindi pa ang kaba niya. Pagdating naman sa kanyang kuwarto ay magulo rin. Ang mga libro niya ay nagkalat-may ilang pahina na natanggal at napunit sa gitna. “Ano’ng nangyari rito?” natatarantang tanong niya sa hangin. Dinukot niya ang kanyang cellphone sa bulsa ng pantalon niya. Tumawag siya sa police station. Walang sumasagot sa numerong naka-save sa cellphone niya. Pinulot na lamang niya ang nagkalat na libro at ibinalik sa estante. Wala namang nawawala sa mga gamit niya. Naroon lang ang kanyang laptop sa study table. Humilab ang sikmura niya kaya bumaba muna siya sa kusina at kumain. Mabuti na lang may natira pang kanin at adobong manok. Saka na siya maglilinis pagkatapos kumain. Naisip niya, baka lumabas na naman ang mga kapatid niya para manood ng concert. Tumigil sa pagsubo si Jack nang biglang namamatay-sindi ang ilaw. Naduduling siya sa kislap nito. Uminom siya ng tubig. Nang tumayo siya ay may bulto ng lalaking nahagip ng kanyang paningin. Naghagilap siya ng bagay na maaring gamiting sandata. Niloob nga ata ng magnanakaw ang bahay nila! Nadampot niya ang kutsilyo sa ibabaw ng mesa. Sinuyod niya ang madilim na pasilyo patungo sa salas. Biglang bumalik ang ilaw. Iginala niya ang paningin sa paligid ngunit wala siyang makitang ibang tao. Kumislot siya nang may humilagpos sa ikalawang palapag. Patakbong umakyat siya ng hagdanan. Pagdating niya sa kanyang kuwarto ay tumambad sa kanya ang matangkad na lalaki na suot ay itim na duster jacket. Nakatalikod ito at nakaharap sa estante ng mga libro. Tila may hinahanap itong aklat. “S-sino ka?” tanong niya sa ilalim ng nanginginig na boses. Marahang humarap sa kanya ang lalaki. Nagulat siya. Pamilyar sa kanya ang hilatsa ng mukha nito. Bughaw ang mga mata nito na may kalaliman. Nakakasilaw ang kaputian ng balat nito, ga-balikat ang maalon na buhok na abuhin. “Hello, Jack!” seryosong bati nito. Lalo siyang nagulat nang kilala siya nito. “Ano’ng kailangan mo? Bakit kilala mo ako?” natatarantang tanong niya. Humakbang palapit sa study table niya ang lalaki at doon lumuklok. “Ako si Grego, ang anghel ng kamatayan,” tugon nito, humalukipkip habang matamang nakatitig sa kanya. Hindi niya napigil ang pagbunghalit ng kanyang tawa. “Niloloko mo ba ako?” aniya. “Seryoso ako,” giit ng lalaki. Tumayo ulit ito. “Ang totoo, nagkita na tayo dati sa ospital, noong namatay ang tatay mo dahil sa sakit na diabetes.” Nawindang siya. Naalala na niya. Ito ang lalaking naabutan niya noon na nakatayo sa tabi ng hospital bed ng tatay niya-ilang minuto bago binawian ng buhay ang kanyang ama. “I-ikaw?” Nanlaki ang kanyang mga mata. “Oo, ako nga,” tugon nito. Bumuga ito ng hangin. “Ang trabaho ko ay sunduin ang mga kaluluwang hindi na kayang tanggapin ng mortal na katawan at ihatid kung saan sila nararapat.” Bigla siyang inalipin ng kaba. “At bakit nandito ka? Hindi pa ako mamamatay!” “Tama, hindi ka pa mamamatay. Ngunit mayroon kang dapat malaman.” “Ano naman ‘yon?” Bahagya siyang kumalma. “Ang ibabang bahagi ng mundo ay nagkakagulo dahil sa isang propisiya na binabago umano ng isang mortal. Ikaw ang mortal na iyon, Jack.” Mariing kumunot ang kanyang noo. “Ako?” Itinuro niya ang kanyang sariling mukha. Tumawa siya nang pagak. “Sira ka ba? Isa lang akong ordinaryong tao.” “Pero alam mo ang tungkol sa ibabang bahagi ng mundo. Alam mo rin na may mga nilalang na naninirahan doon.” Tumawa na naman siya. “Alam ko pero hindi naman talaga sila nag-e-exist dito sa ibabaw ng lupa, eh. Gumawa ako ng nobela tungkol sa mga nilalang na nakatira sa ibabang bahagi ng mundo, at iyon ay kathang isip ko lamang. May pinagbasehan ako ng kuwento ngunit iniba ko ang ilang senaryo at detalye,” giit niya. Lumapit sa estante ng mga libro si Grego at kinuha ang pinakamakapal na aklat. Binuklat nito iyon sa gitnang pahina at binasa nang taimtim. “Hindi ito katulad ng libro na isinusulat mo ngunit may katotohanan,” sabi nito. “Ang librong iyan ay regalo sa akin ng uncle ko na dati ring manunulat. Nagustuhan ko ang kuwento kaya gumawa ako ng sarili kong bersyon pero hindi ko pa natatapos,” aniya. “Pero dahil sa librong ito ay marami ka nang alam tungkol sa underworld.” “Oo pero hindi ko naman siniseryoso.” Kumibit-balikat siya. “At alam mo ba kung bakit namatay ang iyong tiyo na hindi matukoy ang dahilan?” Natigagal siya. Kinse anyos siya noong namatay ang tiyuhin niya at walang nakaalam kung ano ang dahilan ng kamatayan niyon. Walang nakitang problema sa katawan niyon ayon sa autopsy report. Nadatnan na lang daw na walang buhay sa kuwarto nito ang tiyuhin niya habang nakahiga sa sahig-isang araw matapos maibigay sa kanya ang libro. “Alam mo ang dahilan, tama?” gagad niya rito. “Hindi siya namatay sa natural na paraan. Kinuha ng hadeos ang kaluluwa niya bilang ganti sa paglikha nito ng propisiya na magpapabagsak sa mga hadeos.” Alam niya ang tungkol sa hadeos-nakasaad sa libro ng kanyang tiyuhin. Ang mga hadeos ay ang mga nilalang na naghahari sa impiyerno. Maliban sa supremo, ang mga hadeos ang nangongolekta ng mga kaluluwa ng mortal sa ilegal na paraan. Ibig sabihin, kahit maari pang mabuhay ang tao ay kinukuha na ng mga ito ang kaluluwa. “Ang ibig mo bang sabihin, kinuha ng mga hadeos ang kaluluwa ng tito ko at iyon ang sanhi ng kanyang kamatayan?” tanong niya sa kausap. “Oo,” mabilis nitong sagot. Nagbukas pa ito ng ibang pahina sa libro. “Si Lucio na iyong tiyuhin ay may kakayahang makipag-ugnayan sa mga nilalang na naninirahan sa ibabang bahagi ng mundo. Isa siyang paranormal expert na kaya ring pumuksa ng mga diyablo.” Hindi siya makapaniwala sa natuklasan. “At paano natuklasan ng mga hadeos ang ginagawa ng tiyuhin ko?” usisa niya. “Ang mga hadeos ay umaakyat sa ibabaw ng lupa upang mag-abang ng mga kaluluwang malapit nang umalis sa katawan. Lahat sila ay sinasabutahe ang aking trabaho. At natuklasan nila na ang iyong tiyuhin ay gumagawa ng ritwal upang magkaroon ito ng kontrol sa propisiya ng ibabang bahagi ng mundo.” “Ano ang nangyari sa kanya?” “Kinuha siya ng mga hadeos,” tugon nito. “Kaming mga anghel ay hindi napapasok ang lugar na iyon.” Inagaw niya sa kamay ni Grego ang libro at binuklat ang huling pahina. Nawindang siya nang wala na ang huling bahagi kung saan nagtapos ang kuwento. Napunit ang ilang pahina sa huli. “May nakialam sa libro!” bulalas niya. “Pinunit iyan ng kapatid mo’ng lalaki na ginamitan ng hipnotismo ng isang hadeos. Iyon ang pangyayaring nakikita ko sa lugar na ito. Hindi ka ba nagtataka bakit wala ang mga kapatid mo?” Natigilan siya. Mabilis na ginapang ng kaba ang buong pagkatao niya. “Ang mga kapatid ko!” Tumakbo siya sa labas at hinanap muli ang nawawala niyang mga kapatid. “Wala na sila, Jack. Hindi mo na sila makikita rito sa ibabaw ng lupa,” sabi ni Grego, na nakabuntot sa kanya. Nabuburyong na siya. Hindi niya malamang ang gagawin. Paano niya mababawi ang kanyang mga kapatid? “Uubusin ng mga hadeos ang mga mahal mo sa buhay. Ganoon din ang ginawa nila sa iyong tiyuhin kaya naubos ang pamilya nito,” sabi pa ni Grego. “Hindi! Hindi ito maari!” nanggagalaiting sabi niya. Nang maglaho si Grego ay nilinis ni Jack ang kalat sa buong kabahayan. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari. Saan naman niya matatagpuan ang mga kapatid niya? Kung kaluluwa lang ang kinuha ng mga hadeos, dapat ay naiwan ang katawan ng mga kapatid niya. Ganoon ang nakasaad sa aklat ng tiyo niya. Pagkatapos maglinis ay pumasok siya sa kanyang kuwarto at umupo sa kama. Binuksan niya ang kanyang laptop at itinuloy ang nobelang hindi pa niya natatapos. Ang nobelang iyon ang naihango niya sa akda ng kanyang tiyo. Wala pa siyang maisip na akmang pamagat. Malakas ang hatak ng nobela sa online readers ng sikat na online reading platform kahit ito ay hindi pa natatapos. Nagpasa na rin siya ng buod nito sa publisher. Nakailang tipa pa lamang siya ng mga litra ay nawalan na siya ng gana. Tumayo siya at iniwang nakabukas ang kanyang laptop. Bumaba siya sa kusina at nagtimpla ng kape. Hindi na kasi niya mapigil ang antok. Tumambay siya sa salas ay nagbukas ng telebisyon. Huling balita na sa TV network ang pinanood niya. May bagong pasok na balita tungkol sa aksidente sa may kalsada malapit lamang sa kanilang lugar. Lumabas siya nang umingay ang serena ng ambulansya mula sa labas. Habang nakasilip sa kalsada ay biglang tumunog ang kanyang cellphone na nasa bulsa ng kanyang pantalon. Dinukot niya ito at sinagot nang malamang si Alona ang tumatawag. “Babe, napatawag ka,” aniya. Gumaralgal ang boses ng dalaga sa kabilang linya. “B-babe, hindi ako makatulog. Puwede mo ba akong puntahan?” sabi nito. “Sige, papunta na ako,” walang pag-aatubiling tugon niya. Kaagad naputol ang linya. Hindi na siya nagbihis ng bagong damit. Nag-lock lang siya ng pinto ng bahay saka patakbong nagtungo sa kanto at doon sana mag-abang ng sasakyan. Na-trap siya sa aksidente. Iyon na ang laman ng balita na napanood niya. Wasak ang itim na motor siklo. Ang kabungguan nitong kotse ay tumama sa pader. Napansin niya na gumagalaw pa ang lalaking driver ng motor siklo nang mailipat ito sa stretcher ng ambulansya. Sinundan niya ito ng tingin. May itim na aninong humarang sa harapan niya. “Lapitan mo ang biktima, Jack!” Kumislot siya nang biglang may nagsalita sa kanyang likuran. Paglingon niya ay nakatayo roon si Grego. “Bakit ako? Hindi ba’t ikaw dapat ang lalapit sa kanya?” aniya. “Hindi pa siya mamamatay ngunit may hadeos na nakabang.” “Kung gano’n bakit hindi mo siya pigilan?” “Kapag nilapitan ko ang naghihingalong pasyente, awtomatikong mamamatay siya. Hindi pa niya oras kaya hindi ko siya maaring lapitan. Isa lamang akong anghel ng kamatayan.” “Pero nalalapitan mo ako.” “Wala ka sa gipit ng kamatayan, Jack. Ang mga naghihingalong mortal lamang ang sinusundo ko ayon sa estado ng katawan at kaluluwa. Nalalapitan kita dahil sa espesyal mong abilidad, at dahil na rin sa misyon ko,” paliwanag nito. “Pero ano ang gagawin ko sa pasyente?” Naguguluhang tanong niya. “Sumunod ka sa ospital kung saan siya dadalhin,” utos nito. “Ako naman ay sasawatain ang hadeos na magtatangkang kunin ang kaluluwa ng biktima. Ngunit kailangan mabigyan ng proteksiyon ang naghihingalong mortal.” Nang umalis na ang ambulansya ay sumakay naman siya ng taxi at sinundan ang mga ito hanggang sa ospital. Nakaupo sa kanyang kaliwa si Grego. May ibinigay itong dilaw na kaperasong papel sa kanya. “Ano ‘to?” ‘takang tanong niya. “Nakasulat sa papel ang orasyon na iyong babanggitin kapag malapit ka na sa pasyente. Nagmula ang sulat na iyan sa anghel ng panibagong buhay. Sa pamamagitan ng orasyon, mapuprotektahan ang mortal mula sa banta ng hadeos. Kinabisado niya ang may sampung kataga na orasyon. Nakasulat ito sa wikang Latin. Pagdating sa ospital ay saulado na niya ang orasyon. Patuloy niya itong sinasambit habang nakasunod sa pasyente na dinala sa emergency room. Dahil puno ng mga pasyente ang kuwarto, sa labas ito inasikaso ng doktor-sa pasilyo. Nagkaroon siya ng pagkakataong makalapit nang bahagya sa pasyente. Napagkamalan pa siyang kaanak ng pasyente. Ang sabi ni Grego, huwag niyang lubayan ng orasyon ang pasyente hanggat hindi nagiging normal ang t***k ng puso nito. Inabot ng dalawang oras bago naideklara ng doktor na ligtas na ang pasyente. Palabas na ng ospital si Jack nang maalala niya si Alona. Tinawagan niya ito ngunit hindi siya sinasagot. Naihilamos niya ang palad sa kanyang mukha. Mukhang napasama na naman siya sa dalaga. Pumunta pa rin siya sa bahay ng mga ito ngunit nakapatay na lahat ng ilaw. Ayaw niyang makaistorbo sa ibang natutulog kaya tinawagan niya ulit si Alona. Wala pa ring sumasagot sa cellphone nito. Nag-iwan na lamang siya ng mensahe. Umuwi na lamang siya. Hindi siya makatulog kaya binalikan niya ang kanyang laptop. Ngunit pagtingin niya sa kanyang files ay wala na roon ang nobela na kanyang isinusulat. Kahit anong gawin niya ay hindi na niya makita ang nai-save niyang manuscript. Nataranta siya. Imposibleng mawala iyon. Wala pa naman siyang backup ng files dahil wala pa siyang bagong flash drive. Hindi naman siya basta nagbubura ng junk files sa computer. Wala rin doon ang hinahanap niya. “s**t! Nasaan na ‘yon?” nabuburyong nang usal niya. Paikut-ikot siya sa kuwarto. Ang masakit pa, may isang daang kabanata na ang akda na isinulat niya. Wala pa iyon sa kalagitnaan ng istorya. Paano pa niya iyon maibabalik? Para siyang mababaliw sa kakaisip.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD