His Eyes - Last

2017 Words
KENEDIC VALENEZ Ngayong araw ko naisipan na ipagupit ang buhok ko. Siguradong matutuwa si Yui kapag nalaman niyang sa wakas ay nagpagupit na ako ng buhok. Ito rin ang araw na napili ko para magconfess sa kanya. Pumunta ako sa bayan para magpagupit. Bumili rin ako ng mga gagamitin ko sa surprise ko sa kanya. Syempre nagpatulong na rin ako kay tito para madali akong matapos. Pauwi na ako ng biglang bumuhos ang ulan. Naman! napaka-wrong timing ng ulan. Sana hindi ito makasagabal sa bangkang sasakyan ko. Mahirap pa naman pumalaot ka pag umuulan. Naalala ko si papa. Nakaramdam ako ng lungkot pero agad ko rin itong iwinaksi sa isipan dahil kagaya nga ng sabi ni Yui, alam kong magkasama na sila ni Mama at inaalagaan ang isa't-isa. Excited na akong makita ang magiging reaksyon ni Yui. "Iho, isa ka ba sa pasahero ng bangka?" Tumango ako sa isang lalaking kumausap sakin. "Hindi raw pwedeng pumalaoot ngayon dahil tumataas ang alon at lumalakas ang ulan. May bagyo parating. Ipagpabukas mo na lang muna ang pag-uwi. May malapit na apartment dito do'n ka na lang tumuloy." "Naku, hindi po pwede-" "Iho, masyadong delikado kong tutuloy ka pa rin." Hindi ko nagawang umangal pa kaya kinabukasan na ako nakauwi. Pagdating na pagdating ko sa bahay ay inayos ko na agad ang surprise ko para sa kanya. Inabot ako ng gabi sa pag-aayos dahil umulan kagabi, mahirap maglagay ng dekorasyon. Pero ayos lang para kay Yui naman ito kaya alam kong worth it ang ahat ng pagod ko. Langya! Gan'to ba talaga pag-inlove. Parang hindi ako ito. Pagkatapos kong mag-ayos ay pumunta na ako sa bahay nila Yui. Huminga ako ng malalim. Bigla akong kinabahan. Si Yui lang yan Ken. Si Yui ang babaeng mahal mo. Pati sarili ko kinakausap ko na. Kumatok na ako sa pinto ng bahay nila Yui. Bumukas ang pinto at ang tita niya ang sumalubong sa'kin. "Oh, Ken ikaw pala. Anong kelangan mo?" Nakangiting tanong nito sa'kin. "Si Yui po ba nandyan?" Bigla itong tumahimik. "Ken, hindi ba nasabi sa'yo ni Yui? umalis na siya. Bumalik na siya ng Maynila. Nanlumo ako sa narinig. Parang bumagsak ang mundo ko. "U-Umalis po?" "Oo.. Akala ko nasabi niya na sa iyo. Nagpaalam siya sakin na pupuntahan ka raw niya. Naku, madaling araw na nga nakauwi ang batang iyon at basang basa pa ng ulan." Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Gustong tumulo ng luha ko pero pinipigilan ko. Hindi dapat ako umiyak dahil hindi ito magugustuhan ni Yui. Umalis na siya. Iniwan niya na ko. Huli na ba ako? Marahas akong bumuga ng hangin. Nandito na ako sa bahay pero hindi mawala sa isip ko na umalis na si Yui. "Oh, Ken ang aga mo 'atang nakauwi. Ano nasabi mo na ba kay Yui?" Salubong agad sa'kin ni tito. "Tito, hindi ho. Wala na po pala d'yan si Yui. Nakauwi na po pala siya sa Maynila." "Ganun ba, sayang naman at hindi mo naabutan." Umupo ito sa bakanteng upuan sa tabi ko. "Oo nga po." Inakbayan ako nito. "Wag ka ng malungkot. Magkikita pa naman siguro kayo." "Nalulungkot lang ako tito dahil hindi man lang ako nakapagpaalam sa kanya." "Bakit naman kasi sa Maynila pa siya nakatira? eh sa Maynila rin nakatira ang tita Rose mo." Bigla akong napalingon kay tito. Nakita ko ang bahagyang pagtaas baba ng kilay nito. Tama. May pag-asa pa. "Oh, Ken ito na 'yung address ng bahay nila Yui. Ayaw pa nga sana ibigay sakin ng tita niya kasi baka daw magalit ang magulang ni Yui. Istrikto daw ang magulang nito. Mukhang mapapalaban ka talaga." Hinihingal pang sabi ni tito. Bigla naman ako kinabahan. Si Tito naman nananakot pa. "Salamat po tito. Paano po mauna na po ako baka mahuli pa po ako sa eroplano. Mag-ingat po kayo dito." Paalam ko. "Oo naman. Hala sige na at baka mahuli ka pa. Mag-iingat ka doon." 'VERGARA RESIDENCE' Pagbasa ko sa nakasulat na pangalan sa harap ng gate. Ito ang nakasulat na address na binigay sa'kin ni tito. Naalala ko ang sinabi ni tito na istrikto ang mga magulang ni Yui. Okay. Relax lang Ken. This is it, makikita ko na si Yui. Ang kailangan ko na lang gawin ay pindutin ang doorbell.. Pagkatapos ko itong pindutin ay inayos ko ang damit ko kahit wala namang gusot. Ito na Ken makikita mo na siya ulit. Sa wakas bumukas na rin yung pinto. Pero hindi si Yui ang nagbukas ng pinto kun'di isang lalaki. "Ahm, do I know you?" Tanong niya. Sa itsura nito ay nalalapit lang ang edad nito sa akin. Sino ang lalaking ito? Umayos ako ng tayo at nagtanong. "Ah, dito ba nakitira si Yui Vergara?" Nakahinga ako ng maluwag nang tumango ito. Nasa tamang lugar naman pala ako. "Ako si Kenedic Valenez. Kaibigan ako ni Yui." Kaibigan o kai-bigan? tanong ng isip ko. Ken hindi ka pa sigurado. Paano kung boyfriend pala ito ni Yui. Baka nahuli na ako. "Ganun ba, wala-" Hindi niya natapos ang sasabihin nang may lumabas na isang ginang. Sa tingin ko, ito siguro ang mama ni Yui dahil may pagkakahawig sila. "Josh, sino yan?" Tanong ng ginang. "Kaibaigan daw po ni Yui Ma." Ma? Kaano-ano ba nila ang lalaking ito. Imposible naman na may kapatid si Yui dahil wala naman siyang pagkakahawig kay Yui o kaya naman sa mama nito. "Anong pangalan mo iho?" Naalerto ako nang tanungin ako ng mama ni Yui. "Kenedic Valenez po pero Ken na lang po ang itawag niyo sa'kin." "Pasensya na Iho. Wala naman naipakilala si Yui sakin na isa sa kaibigan niya ay nagngangalang Ken." "Ang totoo po ngayon pa lang po tayo nagkakilala. Kaluluwas ko lang po ng maynila para po sana makausap si Yui at pati narin po kayo." * * * "Tama ba ang narinig ko? Gusto mong ligawan ang anak ko?" Pag-uulit ng Mama ni Yui. "opo kaya po humihingi po ako ng permiso sa in-" Hindi ko pa natatapos ang sasabihin ko ng magsalita na ang mama ni Yui na si Mrs. Lorna. "Sandali lang Iho. Hindi ba't parang napakabilis. Nagkakilala kayo ng anak ko nang magbakasyon siya sa Davao. To be honest, hindi pa namin gustong nililigawan anak namin." Naintindahan ko ang gustong ipahayag ng Mama ni Yui. Lalo na't nag-iisang anak ito. Mahirap sa kanila ang biglaang paglitaw ko. Kaya gagawin ko ang lahat para pumayag ang magulang ni Yui. Kung kinakailangan na maghintay ako ay gagawin ko para kay Yui. "Mama malaki na si Yui. Kaya na nga nu'n gumawa ng ba-" Hindi na natapos pa ni Josh ang sasabihin niya ng hinampas siya ni Mrs. Lorna. Inaanak pala siya ng mag-asawa. Pakiramdam ko umayat lahat ng dugo ko sa mukha ko dahil sa sinabi ni Josh. "Oh, may bisita pala tayo." Agad naman tumayo si Mrs.Lorna para lapitan ang asawa nito. "Pa, may gustong manligaw sa anak natin." "ANO?!" Gulat na wika nito. Namutla ako nang mapatingin ito sa gawi ko. Matapos kong ipaliwanag ang intensyon ko sa anak nila ay tahimik na nag-isip ang magulang ni Yui. "Pumapayag na kami na ligawan mo si Yui." Pahayag ni Mr. Lorenzo. Ang papa ni Yui. "Talaga po. Maraming salamat po." Lumawak ang ngiti ko sa mga narinig. "Pero sa isang kondisyon." Saad ng Mama ni Yui. Kondisyon? "Maaari mo siyang ligawan pero hindi ka pwedeng magpakita sa kanya." Bagsak ang balikat na nagpabalik-balik ang tingin ko sa mag-asawa. "Pero pa-" Itinaas ni Mrs.Lorna ang kamay na para bang pinapatigil ako sa pagsasalita.. "'Yan ang kondisyon namin. Nasa sa'yo 'yun kung tatanggapin mo o hindi." Napalunok ako. Alam kong kinikilala pa ako ng magulang ni Yui kaya mahigpit sila sakin. Siguro ay iniisip nila na lilipas rin ito at makakalimutan ko si Yui.l. Pero patutunayan ko sa kanila na tunay ang nararamdaman ko para kay Yui.. * * * "Lumipat ako ng school kung saan ka pumapasok. Luckily kahit matagal ng nag-umpisa ang klase ay tinanggap pa rin nila ako. Kahit na nasa iisang school na lang tayo at abot kamay na kita, hindi ko pa rin magawang lapitan ka dahil sa kondisyon ng mga magulang mo sa akin." Masayang pahayag ni Ken. I can't believe it. All this time nasa paligid ko lang siya. "Kaya naisip kong idaan na lang sa letter ang panliligaw ko sayo. Nagpapadala din ako ng chocolate, teddy bear o kaya naman flowers. Kaya lang hindi ko kasi alam kung anong gusto mong bulaklak kaya lahat ng klase ng bulaklak ang binigay ko." Natawa ako ng maalala iyon. Lahat ng klase ng bulaklak ay ipinadala nito sa akin. Pati mga kaklase ko noon ay natawa. "White roses. White roses ang favorite kong flowers." Nakangiting sabi ko. Magkatabi kaming nakaupo sa bench at pinagmamasdan ang mga bituin sa langit. "White roses. Okay, tatandaan ko 'yan." Nakangiti niya ring tugon. Tinitigan ko siyang mabuti. Ang laki ng ipinagbago niya. Ang dating mahabang buhok ay nakataas na ngayon na lalong ikinagwapo ni Ken. "Sana man lang nilapitan mo ko. Kasi nag-aalala ako sa'yo." Pakiramdam ko ay maiiyak pa ako. Nag-alala ako ng sobra sa kanya pero hindi ko magawang bumalik sa probinsiya dahil hindi ako pinayagan ni Mama. "Nilapitan kaya kita." Nagtatakang napalingon ako sa kanya. Huh? Wala akong maalala na nagkita kami. Ngayon lang. "Hindi ko alam kong naaalala mo, pero nilapitan kita nu'ng Foundation day mukha kang malungkot ng araw na iyon dahil hindi napasama sa napili ang pinasa mong story. Gustong-gusto kitang lapitan pero alam kong hindi pwede. Kaya gumawa na lang ako ng ibang paraan." Pilit kong inalala ang tinutukoy nito. Ang alam ko nagpasa ako ng story sa isa sa mga teacher ko. May writing contest kasi ako na balak kong salihan. Pangarap ko ang maging isang sikat na Writer at ang writing contest na iyon ang first step ko para maabot ito. Pero nabigo ako dahil hindi nakapasok sa finals ang entry ko. Sobrang down na down ako sa sarili ko ng araw na 'yon. Nagulat ako nang may lumapit sa akin na nakamascot. Pilit nitong inaabot sa'kin ang chocolate na hawak nito. Ayoko sanang tanggapin dahil wala ako sa mood para sa pangungulit ng mascot. Para matigil ito ay tinanggap ko na lang. "Para sa'kin?" Tanong ko. Tumango naman ang taong nasa loob ng mascot. Akala ko ay aalis na ito pero lumapit ito sa akin at hinawakan ang gilid ng labi ko. Pilit ako nitong pinangiti. "Ikaw 'yung.." "Oo, ako ang nasa loob ng mascot. Alam ko mukha na akong stalker pero stalker na kung stalker ganun-" Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap ko siya. Nagulat ito pero maya-maya ay niyakap niya rin ako. Pinipigilan kong 'wag umiyak pero hindi ko kaya. Naramdaman niya ang pagyugyog ng balikat ko kaya humiwalay siya sa akin. "Bakit ka umiiyak?" Nag-aalalang tanong niya. "Ikaw kasi! Ang tagal mong nagpakita pinaabot mo pa ng isang taon." Natatawang pinahid ko ang luha ko. Natawa rin ito. "Ang cute momagalit. Halika nga dito." Hinila niya ako palapit sa kanya at niyakap muli. "Pasensya na kung napatagal. Kinailangan kong patunayan ang sarili ko sa mga magulang mo. Gagawin ko ang lahat para sayo Yui kasi mahal kita." Humigpit ang yakap niya sa'kin. Mahal niya ako rin ako. Hindi pala one-sided ang pagmamahal ko sa kanya. "Kaya sana kahit hindi ako humingi sa'yo ng permiso na manligaw ay sagutin mo na ako." Hirit nito. Natawa ako. "Agad? Hindi ka naman pormal na nanligaw sakin. 'Yung harap-harapan." Biro ko. Ayos lang naman sakin na hindi na siya manliigaw ng pormal. Gusto ko lang malaman kung ano ang magiging reaksyon niya. "Ganun ba, sige manliligaw ako ulit this time 'yung makikita mo na. Gusto mo ba haranahin-" Napahalakhak ako. Hindi ko na napigilan pang tawirin ang distansya naming dalawa at halikan siya. Pagkatapos ay ipinagdikit ko ang noo naming dalawa. Nabigla ito. "Wag na. Mahal na rin naman kasi kita." Ilang minuto itong napakurap-kurap ng mata. "Ikaw! Magnanakaw ka ng halik." Namamanghang sabi nito. Natawa ako sa reaksyon niya. Akmang magsasalita pa ako nang kinabig ako nito para sa isa pang halik. "Now, it's a tie." - FIN

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD