Chapter 39

2485 Words
Napasinghap ako at naghahabol ng hininga nang nagising sa panaginip... o bangungot? Hindi ko na maalala agad. Ano nga yung napanaginipan ko? Napabangon ako at piniga ang ulo para maalala ang naging panaginip ngunit walang silbi iyon at kahit iuntog ko pa yata ang sarili sa pader ay walang mangyayari. Napatingin ako sa kaliwa nang napansin ang paggalaw. Si tita pala. Nakaupo siya sa tabi ng bintana at umiinom habang nakatingin lang sa labas. Siguro'y mga estudyanteng maaga ang binabantayan niya. Hinayaan ko nalang siya at dumiretso na sa kusina. Habang kumakain ng luto ni tita ay 'di ko napansin na sumunod na rin pala siya. Nilapag niya sa harap ko ang tasa na may kaunti pang kape sa loob. Tinignan ko siya at halatang may problema siya dahil tulala pa rin siya. "Anong nangyari, 'ta?" tanong ko. Dun niya lang yata ako napansin. Ngumiti siya ngunit hindi man lang umabot iyon sa mata niya, halatang pilit at peke.  "Wala. Nga pala, kinausap ako ng reyna kahapon," paglihis niya sa usapan. Nawala naman ako sa pokus at natuwa sa ideyang kinausap siya ng reyna. Baka dahil sa akin? Sana! "Bakit daw?" Pinilit kong itago ang tuwa sa mukha ko ngunit inirapan ako ni tita, halatang hindi napalampas ang maliit na pagkatuwa ko sa nangyari. "May assembly mamaya." Nagkibit-balikat siya at umalis na ng dorm ko. Kumunot ang noo ko. Assembly? Pinatawag siya dahil dun? Akala ko, tungkol na sa akin. Sayang. Nalungkot man sa nangyari, bumawi naman ako sa ideyang makikita ko ang reyna mamaya dahil may assembly na siya mismo ang nagpatawag. Na-excite tuloy ako at kahit maaga pa ay naghanda na ako. Pagkalabas ng dorm ay nawala ang malaking ngiti ko. Sumalubong sa akin ang napakaraming estudyante at halos sabay-sabay pa ang paglingon nila sa akin. Napayuko ako at binilisan nalang ang paglalakad. Hindi ako sanay sa atensyon nila. Nang sa wakas ay nakarating na ako sa labas ng dorm ng babae kung saan halos makipagpatintero na ako sa dami ng tao, sa labas naman ay napakapayapa. Wala pa gaanong estudyante gawa ng maaga pa naman talaga.  Ang sariwang simoy ng hangin ang bumungad sa akin pagkalabas. Ang pagaspas ng pakpak ng mga griffin, pegasus at iba pang hayop sa himpapawid ay nakadagdag sa kagandahan ng aura ng paligid. Tumingin ako sa malaking orasan sa main building kung saan makikita ang karamihan ng classroom sa paaralan. Maaga pa pala para sa unang klase ko. Imbis na magmadali, sinulit ko ang pagtungo sa klase. Malakas na umihip ang malamig na simoy ng hangin na hinipan ang medyo kulot kong buhok. Hindi ko na inayos pa dahil natutuwa ako sa ginagawa ng hangin dito. Pinagmasdan ko ang paligid. Ang Akademya ng Sining sa Mahika ang siyang nagsilbing tahanan ko sa nagdaang mga taon. Wala na akong maalala sa buhay ko bago pa pumasok dito. Dito na nagsimula ang buhay ko. Napakaganda ng paligid. Mula sa mga punong iba't iba ang kulay, may mga gradient pa na mula sa taas ay kulay abo pababa sa mapusyaw na dilaw. Iyan ang paborito ko sa lahat. Ang puno ng maposa. Napayuko ako nang nakaramdam ng papalapit mula sa likod-- isang fairy ito na mapaglaro. Tinawanan ko ang pagtama nito sa d**o imbis na sa akin. Ang mga mariposa ang mas mataas na uri ng diwata. Sila ang mga pinili sa lahi nila upang magkaroon ng oportunidad na makapagpalit ng anyo mula sa pagiging diwata papunta sa maliliit ngunit malakas na mariposa. Mas marami ring kakayahan ang mga ito kumpara sa normal na diwata. Tinignan ko ang iilang estudyante na nakakalat sa field. Marami ang nagmumula sa dormitoryo ng lalaki. Nauuna laging pumasok ang mga lalaki sa hindi ko alam na dahilan. Dahil siguro nagkakaroon pa muna ng komosyon sa dormitoryo ng babae bago sila pumasok ng klase. Sa kanan ko ay ang papunta sa village para sa mga nakatataas na estudyante. Sila ang mga may kaya na may pera pambayad sa pagbili ng sarili nilang bahay sa loob ng paaralan. Karaniwan ay mga royalties ang nandyan o 'di kaya'y mga matataas ang ranggo at sa palasyo nakapwesto ang magulang. Sa malayong harap ko at harap ng dormitoryo ng babae ay ang dormitoryo para naman sa mga lalaki. Pinaglayo ito dahil sa iilang mga pasaway na pumupuslit gamit ang bintana. Naalala ko ang huling violation na nakapagpahimatay kay tita. Nakitulog siya sa dormitoryo ko at siya mismo ang nakarinig ng kakaiba sa katabing kwarto ko pa talaga. Pinasok niya ang kwartong iyon at naabutan ko nalang siya sa clinic kinabukasan. Kumaliwa ako papunta sa main building. Ang unang klase ko ay tungkol sa mga halaman. Hindi ko 'yon gusto dahil puro tungkol lang 'yon sa mga halamang dapat at hindi dapat kainin. "Hindi naman ako kumakain ng kahit anong halaman, hindi ko na 'yan kailangan," reklamo ko isang beses kay tita kaya't isang buwan niya akong pinakain ng puro dahon lang. Mula noon, hindi na ako naglabas ng saloobin ko sa kanya. Malapit na ako sa main building nang biglang dumilim ang langit. Napatingala ako at pati na ang iilang estudyante. Nag-antay kami sa lalabas doon. Tatlong bituing nakalinya ng sunud-sunod ang nagliwanag sa madilim na kalangitan. Mabilis lang iyon at bumalik na ulit sa normal na langit-- maliwanag at asul.  Dumiretso na ako sa stadium kung saan ginaganap lahat ng malalaking pangyayari sa paaralan. Ito na siguro ang tinutukoy ni tita na assembly na iniutos ng reyna. Napangiti ako sa isip na makikita ko siya. Hindi ko alam ngunit ang laki talaga ng paghanga ko sa reyna. Lahat naman siguro sa Methuselah, iniidolo ang reyna. Bukod sa taglay niyang 'di-makatotohanang ganda at busilak na puso, napakalaki rin ng ambag niya sa kasaysayan at pagkabuo ng Methuselah. "Dahil sa hindi inaasahang nangyari kahapon, ngayon itutuloy ang huling hakbang sa Sulat ng Tala. Ihahayag na namin kung sino ang pumasa sa ebalwasyon ng bawat samahan, sino ang hindi, at sino ang magiging pinuno niyo sa taong ito." Pumalakpak ang mga estudyante sa sinabi ng headmistress.  "Unang samahan, ang Orion." Umalis sa harap si tita at ibinigay ang entablado sa isang lalaking napakasiksik ng katawan. Bagay na bagay siya sa samahang kinabibilangan niya. "Sa Orion, higit isang daan ang binigyan ng tala ng pagkakataon na madagdag. Iilan lang ang pumasa sa ikalawang lebel, at iilan lang din ang papasa sa ikatlo. Hindi lang tibay, lakas at tapang ang hinahanap namin. Ang mga mangangaso ay dapat na mas mautak sa kanilang hinuhuli kung ayaw niyong kayo ang mahuli. Orions, the hunters of the wild! Ahoo!" Sa sigaw nito sa dulo ay sumabay ang iilang miyembro ng Orions at pumadyak ng dalawang beses ng sabay-sabay.  Pagkaalis nito sa harap ay biglang lumabas ang pinuno ng Lyra mula sa kanina pang stick doon. Akala ko ay mic iyon, sila pala ang nagpapalakas ng sinasabi ng nasa harap. Namangha ang lahat sa pinakita ng pinuno ng Lyra. "Sa mga papasok sa Lyra, tandaan niyo na hindi lang tayo puro pagpapaganda ng tunog sa paligid. Mayroon tayong tunguhin na magbigay ng ideya ng nakatakda. Hindi pwede ang tinig mo lang ang maganda, dapat busilak ang iyong loob upang biyayaan ka ng tala ng kakayahang makakita sa hinaharap." Naglaho itong muli at kasabay noon ay ang pagtubo ng malaking halaman na iniluwa ang pinuno ng mga Draco. "Draco. Tagapagbantay ng iniwang hardin sa atin. Sagrado ang bawat sulok ng katawan, pag-iisip at diwa. Hindi ka makakapasok kung ikaw ay nabahiran-- ni hindi ka makakatapak sa hardin. Humanda kayo sa hamon ng kalikasan at sa dala nitong mga kababalaghan." Ngumisi ito bago inangat ng mga halaman sa gilid at ibinalik sa upuan niya.  Naagaw ng malakas na kalabog sa gitna ang atensyon ko. Ang pinuno ng Scorpius ay tumalon tungo sa gitna na nagdulot ng malaking basag sa sahig! Napasinghap kami at may takot man, nanguna pa rin ang pagkamangha sa taglay nitong lakas. "Scorpius, lalaban sa lahat ng digmaan!" Maiksi ngunit dumagundong ang boses nito nang sinabi ang linya. Napakalakas na suporta ng mga kasama nito at halos gumalaw na ang lupa sa tindi ng sigawan at padyakan nila. Nang umalis na ang lider nila ay natahimik na rin sila ngunit pakiramdam ko ay nabingi ako sa sigawan. Kapalit ng pinuno ng Scorpius, isang kakaibang griffin ang bumagsak sa parehong pwesto. Nagdagdag ito ng mas malalim na sira sa ilalim nito. Sa lakas ng pagaspas ng mga pakpak nito ay inasahan ko na ang alikabok na maaaring mapunta sa amin ngunit nanlaki ang mata ko nang lahat ng ito ay hindi kumalat, bagkus ay bumuo lang ng bilog sa paligid niya! Nagmukha siyang nasa loob ng sarili niyang plataporma! Unti-unti ay huminahon ito mula sa kaninang ginawa. Napakalakas na awra ang ibinibigay nito kahit sa simpleng pagtayo.  Mula sa matikas ngunit may kakaibang kulay pulang mga guhit sa balahibo nito. Para bang ipinapakita talaga nito na malakas siya, na siya ang pinuno, na karapat-dapat siya. "Kami ang tagapangalaga ng lahat ng may buhay sa kagubatan, kami ang kanilang bantay palayo sa kapahamakan. Kung ikaw ay magiging kasapi ng Bootes, humanda kang maging isa sa kalikasan!" anito sa malalim at baritonong boses habang nasa anyong griffin pa rin. Namangha ako sa awtoridad sa boses nito at ang talas ng tingin nito, walang takot na ihinahayag ang kakayahan niya. Iniangat niyang muli ang kanyang mga pakpak at sa isang pagaspas ay lumipad ng pagkataas-taas ngunit may naiwan sa baba. Isang palumpon ng diwata ang nakapaikot sa isa't isa. Para silang bulaklak na namukadkad sa sabayang pagyuko nila at lumitaw ang napakagandang babae sa gitna.  Halata ang pagkamangha sa lahat nang nakita siya. Maraming singhap at komento ang mga kasama kong estudyante ukol sa biglang paglitaw nito.  "Sino 'yan?" bulong ng isa na nasagot agad nang narinig namin ang kalansing ng barya nang sabay-sabay na naghagis ang mga diwata nito at lahat iyon ay sabay-sabay maski maliit na galaw. Diretso iyon sa nakangat na kamay ng babaeng nasa gitna! Napapalakpak ako sa tuwa sa nakita. Siya ba ang pinuno ng Aquila? Wala itong sinabi ngunit pakiramdam ko'y sa kanya ang pinakadamang pagpapakitang gilas. Sa ikinalat na mga barya sa sahig at mga karaniwang kagamitan ng mga mangangalakal. Nagmukhang pista bigla ang stadium sa mga banderitas na biglang nagbagsakan sa paligid.  Kumaway ang babae habang nakangiti. Paminsan-minsan pa'y naghahagis ng iilang mga gamit na mataas ang halaga tulad ng magagarbong mga kwintas gawa sa lumipas na maposa o kaya'y mga gamit sa mahika tulad ng pampalutang at iilan pang mga gayuma. Nang nakarating ito pabalik sa pwesto nito ay unti-unting lumapit ulit sa kanya ang mga diwata at pumorma na parang bulaklak. Dahan-dahan silang umaangat at nang malapit na siyang matakpang muli ay naghagis siya ng isang barya sa ere. Sinundan ko ito ng tingin at sa isang kisapmata ay nawala na ang kasiglahan sa stadium. Laglag ang panga ng mga manonood sa gulat at pagkamangha. Sa hindi inaasahang pangyayari, may biglang malaking alon ang tumama sa stadium at pati na sa mga estudyanteng nasa paligid. Tinakpan ko ang mukha ko sa antisipasyon sa pagkabasa ngunit parang naging hangin ang asul na tubig nang tumama ito sa akin. Ni walang bakas ng tubig ang katawan ko.  "Roar of the waves!" Bakas ang awtoridad sa boses nito. May alon muli na tumama, ngayon ay hindi na umabot sa mga estudyante. Paglipas ng alon ay nandun ang isang malaking kabibe at sa ibabaw nito ang isang babaeng nakaupo na para bang reyna, may soot na koronang gawa sa perlas at iba pang yamang dagat.  Ang ganda niya. Mukha siyang diyosa na bumaba sa lupa. Pag-angat niya ng tingin ay ang matingkad na asul na mata niya ang namayagpa. Walang ni isang nagtangkang mag-ingay. Walang gustong mabalingan ng malalim na titig nito, singlalim ng dagat at sindilim ng gabi.  "Sa pagiging ganap na Aquarius, hindi mo parte ang tubig, hindi ka parte ng tubig. Ikaw ang mismong tubig mo at kung hindi mo iyon kaya para sa sarili mo, malulunod ka at kasalanan mo."  Nalunod ang boses nito kasabay ng pag-atras ng lahat ng tubig at pagsiksik nito sa isang hugis bilog. Kita sa loob na nandun ang pinuno ng Aquarius, nakatayo at nakatingala. Ngayon ay mukha naman siyang diyosa pabalik sa kinabibilangan niya. Para akong lumulutang habang tinitignan siyang unti-unting umangat at lamunin ng mga ulap. Teka... lumulutang?! Napatingin ako sa paligid ko at muntik nang mapatili nang nakita ang itinaas ko! Nakatingin na pala sa akin ang ibang estudyante kanina pa dahil lumulutang ako! Lumulutang ako!  Ayokong lumutang! Pagkasabi ko niyan sa utak ko, biglang para bang nagdilang itim na sisne ako! Literal na nawala ang kaninang pwersang nag-aangat sa akin at nararamdaman ko ang mabilis na pagbulusok ko papuntang-- "Huli ka!" sabi ng griffin sa harap ko. Nanlaki ang mata ko at napahawak sa puso ko. Pakiramdam ko ay lalabas ito bigla-bigla sa kaba. Hindi pa man ako nakakabawi ay sa isang pagaspas, lumipad ng mas mataas pa ang griffin at dinala ako kapantay na ngayon ng bilog na tubig at ang pinuno ng Aquarius. Lumabas siya doon. May mga tubig sa ilalim niya na para bang suporta sa biglang paglutang niya. Tumatapak siya sa maliliit na alon na sinusuportahan ng sapatos na gamit niya. Inilahad niya ang kamay sa akin at hinila ako paapak sa tubig.  Hindi ako makapaniwala. Nakakapaglakad ako sa tubig. Mangha man, nagtataka pa rin ako kung paano ito kaya't tatanungin ko sana siya ngunit bigla niya akong itinulak papasok ng bolang tubig! Hindi ako huminga at nagpupumiglas ako na lumabas. Pakiramdam ko ay anumang oras mawawalan na ako ng hininga. Nanlalaki ang mata ko habang tinitignan sila ngunit nakatingin lang sila sa akin. Padyak ako ng padyak ngunit walang progreso. "Huminga ka," bulong ng... tubig. Naubos na ang lakas ko kakapalag kaya't hinayaan ko nalang ang sarili ko na lumutang at pakawalan ang hininga, handa sa ano mang magiging resulta. Ngunit imbis na mabilisang pagpasok ng tubig sa baga ko ay pakiramdam ko ito na ang pinakasariwang hangin na nalanghap ko sa buhay ko. Malakas ang singhap at sunud-sunod sa pagbawi sa pagpipigil kanina. Para akong nasa labas lang, parang walang tubig sa paligid. Sobrang gaan ng paghinga ko. Hindi ko maintindihan. Anong nangyayari?! Unti-unti ay lumabo ang kaninang sobrang linaw na tubig. Bumilis ang pag-ikot nito at hindi ko na makita ang nasa labas. Hindi ko alam kung paano pero hindi ako natatangay ng malakas na agos nito.  "Tulong!" sigaw ko ngunit walang sagot ang bumalik sa akin.  Biglang tumigil ang lahat.  Literal. Ang mga tubig na naglilikutan kanina, hindi gumagalaw at kahit isang patak ay hindi naaalis sa pwesto.  Ang kaninang hangin sa taas ay hindi ko na maramdaman. Ang maliliit na alon na tumatama sa akin ay nahinto. Napatitig ako sa harap ko. Paanong may salamin dito? Sobrang linaw ng tubig, hindi ko nakikita ang labas ngunit nakikita ko ang sarili ko. Mali, hindi ako. "Sino ka?" sabay naming tanong sa isa't isa. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD