Chapter 1

1015 Words
       "NAPANAGINIPAN mo na naman iyong ex-boyfriend mong bakulaw. E, tatlong taon na ang nakakalipas, hindi ka pa rin moved on?" Diretso niyang tanong nang tuluyang makalapit sa akin. Hinila niya ang nag-iisang monoblock chair sa kuwartong ito at naupo sa gilid ko. Nag-init ang dalawang mata ko't tila nanlabo. Nariyan na naman ang mga luhang gustong makawala ngunit kailangan nilang manatili lang roon. Hindi sila puwede lumabas. Hindi sila puwede magpakita sa ibang tao. "Hindi naman kasi gano'n kadali 'yon." Isang matunog na paghinga naman ang pinakawalan ko nang maalalang muli ang aking napanaginipan. "Hanggang ngayon kasi, hindi ko pa rin tanggap na ako ang nang-iwan pero ako itong talunan,"  "Kapag nakalabas ka ng hospital na ito... kapag umayos na ang pakiramdam mo, ako mismo ang magdadala sa iyo papunta sa kaniya." Nagulat ako sa sinabing iyon ni Bruno. Bagaman batid ko ang nararamdaman niya para sa akin ay hindi ako nahihiyang ipakita sa kaniya kung gaano kahina ang aking puso pagdating kay Ryex. Laking pasasalamat ko rin na kahit may gusto siya sa akin ay alam niya kung papaano ako pasisiyahin. Napangiti ako nang matamis. Pakiramdam ko'y isang napakagandang musika ang napakinggan ko dahil lamang sa sinabing iyon ni Bruno. Kailangan kong magpalakas... Kailangan kong gumaling... Kailangan kong balikan si Bam... PAGKASABIK ang nararamdaman ko sa tuwing maririnig ang kampana ng simbahan. Hudyat na mag-uumpisa na ang misa at ang lahat ay naghihintay sa sermon ng Pari. Ang mga christmas song na bagaman masasaya ay nagdudulot sa akin ng labis na kalungkutan. Sa kagustuhang makitang muli ang paligid ay mabilis akong tumayo sa aking higaan at sumilip sa nag-iisang bintana roon. Nasa ika-apat na palapag ako ng hospital. Hindi kataasan kaya nakikita ko pa ang iba't-ibang kulay ng christmas light. Humila ako ng isang bangko, sapat na upang masilayan ko ang kagandahan sa labas ng gusaling ito. Hindi ko maiwasang hindi mainggit. Para akong isang kriminal na nakakulong lamang sa apat na sulok ng kuwarto. Kadalasa'y nag-iisa, matutuwa kapag mayroong bisita. Gusto ko nang lumaya… Gusto ko nang makatapak sa lupa at hindi sa kulay puting tiles na ito. Nakaramdam ako ng pagkainis sa katotohanang wala akong magawa upang makaalis dito. Kung tutuusin ay bukas ang pinto at walang pumipigil sa akin na lumabas… bukod sa sarili ko. Gusto ko, kapag lalabas ako, iyong tipong hindi na ako babalik dito sa loob. Gusto ko, kapag nakalabas ako, hindi na ito ang dahilan sa tuwing isusugod dito. Nakapapagod nang magpabalik-balik sa lugar na ito. Ngunit hindi ako susuko. Gusto kong gumaling. Hindi para sa sarili ko, kundi para makasama ang taong mahal ko. Gusto ko siyang balikan ngunit hindi ko alam kung papaanom Alam kong kakaunti na lang ang tiyansang magamot pa ang sakit ko ngunit hindi nawawalan ng pag-asa ang aking puso. Gusto ko pang mabuhay. Gusto kong balikan ang taong mahal ko na nasaktan nang dahil sa akin. Gusto kong magkapamilya sa kaniya. "Ma'am, narito na po ang gamot ninyo. Inumin ninyo po sa tamang oras." Napalingon ako sa  nurse na hindi ko pala namalayang nakapasok na. Ngumiti ako sa kaniya atsaka tumungo sa gawi niya. "Iiwan ko na po ito rito," aniya. Inabot ko ang ilang pirasong tableta at isa-isa iyong ininom. "Salamat," baling ko sa nurse na iyon. Sa tuwing bibigyan ako ng mga nurse ng gamot ay hindi ko iyon binabalewala. Mas gugustuhin ko pang uminom nang gamot kaysa lunukin ang pagkakataon na gumaling ako. Kasabay ng paglunok ng mga tabletang nagsisilbing dugtong sa aking buhay ay isang panalangin ang nais kong matupad. Ang gumaling at makabalik sa piling ni Marcus. Ang magkaroon ng supling na siya ang ama. Nanatili akong nakatayo sa gilid ng side table habang hawak ang babasaging baso na aking ginamit. Pakiramdam ko, ilang taon na akong narito kahit na alam kong tatlong linggo pa lang buhat nang isugod ditong muli.  Sa tatlong taon kong pagtitiis sa sakit kong lung cancer, minsan ko na ring inisip na sumuko na. Sa tatlong taon, hindi ko na mabilang kung ilang beses akong bumalik dito. Ayaw ko na sanang magpagamot dahil tingin ko'y wala namang nangyayari, ngunit sa tuwing sasagi sa isipan ko si Marcus ay nabubura iyon ng mga ngiti niya sa aking alaala. Ikaw na lang ang nagpapalakas sa akin… Bumukas ang pinto ng aking kuwarto at iniluwa no'n ang mga kaibigan kong may mga dalang kahon ng regalo. Ang mga kaibigan ko sa banda. Ang bandang Revolution na nilisan ko, tatlong taon na rin ang nakalilipas. Kumpleto sila't may dalang gitara. Sa tingin ko, ay magiging masaya ang pagbisita nila. Tamang-tama at dalawang tulog na lang ay pasko na. "Merry Christmas, Scythe!" bati sa akin ni Venice kasabay ng paghalik sa aking pisngi. Lahat sila ay naka-face mask. Bakit?  Ngumiti ako sa kanila isa-isa at nilapitan. "Maraming salamat. Nag-abala pa kayo," tugon ko. Inilapag nila ang mga regalo sa may kalakihang lamesa roon na may maliit na christmas tree sa ibabaw. "Para sa akin ba ang mga iyan?" biro ko. "Ay hindi, 'te! Para sa akin!" Natawa ako sa sinabing iyon ni Frin. Ang nag-iisang bakla sa grupo. "Kaya nga namin dinala rito 'yan dahil para sa iyo! Kaloka 'to! Ginawa mo pa kaming bastos na magdadala ng regalo sa kuwarto mo pero para sa ibang tao," aniya na ipinaikot pa ang mga mata atsaka muling tumawa. Nahagip naman ng paningin ko ang isang lalaki na nasa sulok. Nakayuko ito't tila may tinitingnan sa kaniyang sapatos. Nakakunot pa ang mga noo nito. Napansin ko rin ang katabing babae nito sa kaniyang gilid. Pumailanlang ang katahimikan nang mapansing nakatingin ako sa lalaking iyon. Napansin niya rin na biglang tumahimik ang paligid kaya naman, pinasadahan niya ng tingin ang mga taong naroon. At ako ang huli niyang nakita. Mukhang napansin niyang sa amin nakatingin ang lahat ng tao kaya naman siya na rin ang bumasag sa katahimikan. Umayos siya nang pagkakatayo bago nagsalita. "M-Merry Christmas, Scythe," aniya. Hindi dapat ngunit natuwa ako nang marinig ang pagkautal niya habang nagsasalita, nakayuko pa ito na tila nahihiya. "Kumusta ka na?" "Ayos lang ako." At hindi na siya sumagot pagkatapos niyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD