KINABUKASAN ay maagang dumating sa mansyon ang grupo na pinangununganahan ni Tony. Bago mag-alas-sais ng umaga ay naroon na ang lalaki kasama ang dalawang nakababatang imbestigador na sina Rex at Pauline. May bitbit na mga pagkain ang mga ito para sa mga naiwang pulis sa mansyon. Ipinaalam kaagad ng lalaki sa grupo nina Garcia ang tungkol sa muling pag-iimbestiga sa kaso ng pagkamatay ng ama ni Gracie na si Charles del Valle dahil sa posibilidad na hindi aksidente ang naging pagpanaw nito. Ipinaliwanag din ng lalaki na ang malaking dahilan ng muling pagbubukas ng kaso ni Charles ay ang mga nakitang discrepancies at inconsistencies sa report ng mga naunang nag-imbestiga sa kaso, ang mga nawawalang hindi kumpletong dokumento na may kaugnayan sa kaso at mga nawawala at tampered na ebidensya.

