AMY’s POV
“What do you think of Nathaniel?
Nathaniel is one heck of a man, iyan ang sasabihin ko kung bibig ko mismo ang sasagot. Gwapo, dahil hindi siya ang tipo ng lalaki na hindi mo puwedeng lingunin kapag nakasalubong mo siya sa daan. Pero bakit ko naman sasabihin sa kapatid ko ang totoong sagot ko? No way!
Inayos ko ang salamin ko dahil tumabingi ito nang humiga ako. “Okay lang.” Para sa akin, mas mabuti na ang matipid ang sagot para hindi ako magkamali. I really hate talking about this kind of topic lalo pa kung si Nathaniel ang subject. Inangat ko ang libro na hawak ko at nagpatuloy sa pagbabasa.
“Okay lang? Ha!” Natawa nang sarkastiko ang kapatid ko. Kahit nakatuon ang atensiyon ko sa libro ay aware ako sa bawat kilos niya lalo pa at nakikita ko siya sa peripheral vision ko. Pabagsak siyang humiga sa tabi ko. Itinuon niya ang siko sa kama habang ang ulo niya ay ginawang suporta ang kamay habang nakatingin sa akin. “Okay ka lang ba?”
Kumunot ang noo ko. “What?” Magkaiba kami ng personality ng kapatid ko kaya hindi ko siya minsan maintindihan. Si Anna Lee ang tipo ng taong tila ba walang problema. Hindi ko pa rin siya nakitang magalit kahit isang beses.
Kulang na nga lang ay pakpak sa kaniya para maging anghel siya. Well, with the halo, of course.
Unlike me.
Na kapag naririnig na ng mga katulong ang yabag ng mga paa ko ay yuyuko agad ang mga ito at tila ba takot na takot na masita ko sila kahit wala naman silang ginagawang masama. Sa tingin ko nga ay mas takot pa sila sa akin kaysa sa lola namin, eh.
My sister is everyone’s favourite. Bukod kasi sa pagiging mabait niya, sobrang ganda niya pa. But I am happy for her. Kahit isang beses ay hindi ako nakaramdam ng selos sa kaniya. Kuntento na ako sa kung ano ang mayroon ako.
Malaki ang agwat naming dalawa kapag pisikal ang pag-uusapan. Baka nga pagkamalan pa akong alalay kung pumunta kami sa mall na magkasama. Anna Lee has a skin like porcelain. Maamo ang maliit niyang mukha na pinaresan ng maliliit na mga mata na namana niya pa kay Tatay. And she has these curves, unlike me na dinaig pa ang may sinusunod na Korean diet dahil sa pagiging payat. Kung may isang asset man ako na pansinin ng mga tao sa paligid ko, iyon ang mala-Brazilian kong mga mata, at mahahaba at makakapal na pilik-mata. Aside from that, wala na akong maipagmamalaki sa pisikal ko.
“Psh! I asked you kaya kung ano ang palagay mo kay Nate, but you gave me a very typical answer. Kung hindi lang kita kilala, masasabi ko talagang tibo ka.”
Nagsalubong ang kilay ko dahil sa sinabi niya. Lesbian? Na! Walang sino man ang magsasabi na tibo ako. Manang pa, oo. I am those typical nerds sa mga movies. Mahaba ang suot parati, makapal ang salamin na suot, at may tangan na libro kahit saan pumunta. But I have my reasons kaya ganito ako kung manamit.
“I am not.” Normal lang ang tono ng boses ko. Hindi ako puwedeng magpaka-defensive dahil mas lalo lang niya akong aasarin. “At isa pa, bakit ang boyfriend mo ang pag-uusapan natin?” Habang nagsasalita ako ay naglalakbay rin ang mga mata ko sa bawat salita ng libro na binabasa ko.
“I know that, okay? Ang weird lang kasi. Ang laki lang talaga ng ipinagbago mo. Hindi ka naman ganito noon, eh. But since our parents died, parang hindi na tuloy kita kilala. Dinaig mo pa si Lola Estrella kung namamit, eh.”
Bumuntonghininga ako. “Hindi ko naman kasi kailangan na magsuot ng mga damit na kakarampot lang ang tela, eh. Mas hindi ako magiging komportable. Unlike you na may laban talaga. Bagay sa iyo iyang mga suot mo.”
Ang tinutukoy kong mga damit ay iyong mga usong damit ngayon na tinipid sa tela. Isipin pa lang ba magsusuot ako niyon, baka mag-hysterical na si Lola. O hindi kaya ay sumalubong na sa mukha ko ang maleta na may mga gamit ko, dahil pinapalayas na ako ni Lola.
Napangiwi ako dahil sa naisip ko.
“Mag-shopping kaya tayo bukas? Ako ang mamimili ng mga damit mo.” Nakita ko kung paano nagningning ang mga mata niya dahil sa suggestion niya. “Bibihisan kita. For sure mas mai-in love sa iyo si—”
Umiling ako. Hindi ako interesado sa kung sino mang irereto niya sa akin dahil may ibang laman ang puso ko. “I hate to burst your bubbles, but please, don’t do that. I am happy with my life. We can go shopping, oo. I need a new book, kaya sa bookstore ang punta natin kung gusto mo talagang mag-shopping tayo.”
“Shopping? Tapos bookstore? Geez! Hindi ko na alam ang gagawin ko sa iyo.” Tumayo siya sa humarap sa salamin. “Akala ko noon ay maganda na ako,” natatawa niyang saad sa akin.
Ibinaba ko ang libro na hawak ko bago ako umupo. Tiningnan ko ang likuran niya habang nakatingin siya sa reflection niya sa salamin. Mamaya ko na ipagpapatuloy ang pagbabasa ko. Nakuha niya na ang atensiyon ko.
“Pero maganda ka naman talaga, ah?” gagad ko sa kaniya. I hate to hear her being insecure. Gusto kong i-boost parati ang confidence niya.
“Pero para sa akin, mas maganda ka. Gusto ko rin ang katawan mo, Ate Amy.”
“Binola mo na naman ako.”
Umiling siya sa sinabi ko. “Hindi, ah. Actually, hindi lang ako ang nagsabi na maganda ka. And that guy, he really likes you. Ikaw lang, eh. I told you naman na puwede ko na siyang ipakilala sa iyo nang pormal, but you insisted na huwag because you’re not interested.”
3 years na simula nang sabihin sa akin ni Anna Lee na may secret admirer ako. At sa tatlong taon na iyon ay hindi nabigo itong si Mystery Guy na bigyan ako ng gift. I am not interested, pero sa kabila niyon ay mas pinili kong itago ang mga gift boxes na natanggap ko. Lalo na ang mga tula na iyong tao mismo ang nagsulat.