Nasa loob lang ng sariling silid si Byron habang may hawak na rosaryo. Nakaluhod siya sa harap ng kanyang altaran. Nagdadasal siya habang pinapalipas ang pagdaan ng oras. Ilang araw, linggo, buwan, at taon na ba ang lumipas? Napakahaba na.
Natapos na niya ang unang apat na taon for college seminary. At ngayon ay matatapos na rin niya ang apat na taon niya sa pag-aaral niya, in major seminary.
Naranasan na rin niyang lumabas ng isang taon sa seminaryo. Iyon ang ibinibigay sa kanila na pagkakataon para siguraduhin na itutuloy ba niya ang nais niya o hindi.
Doon umuwi siya ng Pilipinas para makasama ang mga magulang. Hanggang sa ginawa niya ang nais ng mga ito na huwag isipin ang pagpapari kahit isang buwan. Ngunit makalipas ang palugit na iyon ay hindi pa rin nagbabago ang kanyang kagustuhan.
Ngayon, naroon na ulit siya sa kanyang silid. Hindi niya alam kung ilang araw o ilang buwan pa ang kailangang hintayin para siya ay ordinahan para maging isang tunay na pari.
Matapos magdasal ay naupong muli si Byron sa kanyang kama. Kinakabahan, pero naroon ang malawak na ngiti.
"Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Ngunit sa tingin ko ay excitement talaga ito," ani Byron at kinuha ang cellphone niya.
Isang ring pa lang ay sinagot na kaagad ang kanyang tawag. Hindi naman napigilan ni Byron ang mapangiti. "Mommy."
"Mabuti naman tumawag ka anak. Miss na miss na kita." Napalunok ng laway si Byron. Heto na naman ang mommy niya.
"Mommy naman, magpapari lang po ako. At kaunti na lang pong panahon ay matutupad na po ang pangarap ko. Mommy huwag ka naman pong umiyak. Pagkatapos ko po dito ay uuwi po ako ng Pilipinas. May monasteryo pong naghihintay sa akin dyan. Sa isang liblib na lugar," ani Byron habang dinig na dinig niya ang panggigilalas ng mommy niya.
"Ulitin mo anak? Liblib na lugar?" Hindi na nagipigalan ni Patricia ang maiyak. "Nasa Pilipinas ka nga pero saan namang lupalop ng Pilipinas iyan anak?" reklamo ng ina.
"Mommy sa Maynila po ito. Hindi naman po lahat ng parte ng Maynila ay kabayanan. Mayroon din pong lugar na liblib kung ituring ng iba. Pero malapit lang po sa bahay. Mommy tatlong oras lang ang layo noon sa bahay. Maaari po ninyo akong dalawin ni daddy. Isang baryo po iyon na may ilang naninirahan. Doon po ako magiging pari."
"Ganoon ba anak. Akala ko ay sa dulo na ng Pilipinas. Narito ka na nga ay hindi ka naman mahagilap."
"Huwag kang mag-alala mommy at diyan na po ako mamamalagi pagkatapos ko po dito. Ang daddy po?"
Narinig niya ang pagtawag ng mommy niya sa daddy niya. Napangiti siya sa nalamang magkatabi palagi ang dalawa. Isa iyon sa hinangaan niya sa mga magulang. Palaging suportado ang bawat isa. Mula ng magdesisyon siyang gawin ang nais niya ay hindi nawala ang suporta ng mga ito sa kanya. Bagkus ay mas lalo pang ipinaramdam ng mga magulang kung gaano siya kamahal ng mga ito.
"Clyde kumusta ka na?" Alam niyang naiiyak din ang daddy niya base sa boses nito.
"Ayos lang po ako daddy. Basta huwag po kayong umiyak ni mommy. Magpapari lang naman po ako at hindi pa naman po mawawala sa mundo. Madami pa po akong ipamamahaging salita ng Diyos. Salamat po sa suporta ninyo. Kahit alam kong hindi ito ang inyong nais."
"Basta palagi mong tatandaan ang kasiyahan mo ang higit na mas mahalaga anak. Kahit ano pa iyan ibibigay namin. Basta makakabuti sa iyo."
Ilang minuto pa silang nagkakwentuhan hanggang sa nagpaalam na rin si Byron sa mga magulang.
Isang linggo pa ang mabilis na dumaan at dumating na ang araw kung kailan magiging ganap ng pari si Byron. Matapos niyang mag-ayos ng sarili ay inihanda na rin siya sa seremonyang kanyang pinakahihintay sa buong buhay niya.
Nakatayo lang si Byron sa harap ng altar. Ipinikit niya ang mga mata. Bilang simula ng seremonya.
Mula ng araw na iyon ay isang buwan pa ang mabilis na lumipas. Ngayon ay hinihintay na lang niya ang dala niyang bagahe, na lumabas sa may conveyor. Hindi na siya napasundo sa mga magulang. Gusto niyang masurpresa ang mga ito. Mayroon naman siyang isang linggo na pahinga bago siya magtungo sa monasteryo na kanyang magiging bagong tahanan.
Nasa may hardin lang si Patricia. Linggo noon at pahinga nilang mag-asawa sa opisina. Day off din ng mga katulong nila, para makauwi sa kanya-kanyang pamilya ang mga ito.
Naging bonding na nilang mag-asawa ang Sabado at Linggo. Mula ng magdesisyon ang anak sa propesyong ninais nito ay mas binigyan nilang mag-asawa ng oras ang isa't isa. Naging katwiran na rin nila ang kasabihang, maikli lang ang buhay. Kaya habang narito ka pa sa mundo sa lupa ay pilitin mong maging masaya kasama ng mga mahal mo sa buhay.
"Mahal nakaluto na ako ng meryenda," masayang tawag ni Patrick sa asawa. Si Patricia naman ay tumayo mula sa pagbubungkal ng lupa. Nagtatanim siya ng mga bagong mga bulaklak.
"Anong niluto mo ngayon mahal?" nakangiting sagot naman ni Patricia. Lumapit muna siya hugasan ng kamay doon. Dahil mahilig sa halaman ang asawa ay nagpagawa ng maliit na sink sa may hardin si Patrick.
"Carbonara at garlic bread your favorite mi esposa," masayang pahayag ni Patrick na ikinangiti lang din ni Patricia.
Magkatabi lang si Patricia at Patrick sa upuan sa may hardin. Mayroon din doong table kung saan sila naroroon.
Napahugot pa ng hangin si Patricia. "Namimiss ko na naman ang anak natin Patrick. Kung kaya ko lang hilingin na makasama natin siya. Kung pinili lang sana ng anak natin na mag-asawa. Sana punong-puno na ng ingay ng mga bata ang hardin. Hindi ako magrereklamo kahit taon-taon silang magkaanak. Pero isasaalang-alang ko pa rin ang kalusugan ng manugang natin. Tapos sa mga oras na ito, katabi natin ang manugang natin. Narito kasama natin at nagmemeryenda habang nasa sinapupunan pa ang bunso nila. Kahit hindi maraming-maraming anak. Kahit lima lamang ay ayos na," nangangarap na saad ni Patricia na maiiyak na naman.
Kinabig ni Patrick ang asawa para mapasandal ito sa kanyang balikat. Ang pangarap ng asawa ay pangarap din niya na mukhang sa pangarap na lang talaga matutupad.
Habang nakatanaw sa kalawakan ng hardin ay makarinig sila ng isang tikhim. Sabay namang napalingon ang mag-asawa. Napatayo sila ni Patrick dahil hindi nila inaasahan ang kanilang bisita. Malawak ang ngiti nito sa kanilang dalawa.
"Byron/ Clyde!" bulalas pa ng mag-asawa. Mabilis na iniwan ng dalawa ang pwesto nila para lang yakapin ang anak.
"Mommy, daddy," bulong pa ni Byron habang nakayakap sa mga ito.
"Bakit wala kang pasabi anak? Sana ay nasundo ka namin ng daddy mo? Magtatagal ka ba dito?" hindi mapigilang tanong ni Patricia habang hinahalikan ang pisngi ng anak. Si Patrick naman ay ilang beses na tinapik ang balikat ni Byron.
"I miss you Clyde," wika pa ng ama.
"I miss you too daddy, sa iyo din po mommy. Namiss ko kayo."
"Namiss ka din namin anak. Lalo na ako. Palagi kong hinihiling na sana ay umuwi ka na. Pero dapat nagpasundo ka naman. Dito ka na ba mag stay anak? Hindi ka na ba ulit aalis? Saan pa iyong monasteryo na sinasabi mo? Pwede ba kami palaging magtungo doon?"
"Mommy isa-isa lang po ang tanong. Pero hindi po ako nagpasundo ay para masurpresa ko kayo. Doon po sa narinig ko kanina. Makakasama po ninyo ako ni daddy. Isang linggo po akong mananatili dito sa bahay bago po ako magtungo sa monasteryo. Kung saan po ako mamalagi. Ang hindi ko lang po mapapagbigyan ay iyong ikalawa ninyong gusto. Mommy naman eh."
Natawa naman si Patrick sa sinabi ng anak. "Hayaan mo na kami ng mommy mo anak. Iyon lang ang pangarap namin. Baka hindi na matupad. Alam naman namin." Malungkot man ay pinilit niyang ngitian ang anak.
"Sorry po daddy, mommy."
"Wala kang kasalanan anak. Masaya naman kami kahit hindi ganito ang naging pangarap namin sa iyo." Kahit papaano ay pinilit nilang maging masaya sa oras na iyon.
Dinala nila si Byron sa may table kung saan nagmemeryenda silang mag-asawa. Dahil si Patrick ang nagluto, siya ang kumuha ng meryenda para sa anak. Kahit may kakulangan man sa buhay nila bilang mga magulang ni Byron. Masaya pa rin silang masaya ang kanilang anak.
Sinulit ng mag-asawa na makasama ang anak. Sa isang linggong iyon ay hindi nagtungo sa trabaho ang mag-asawa. Ang kanilang katulong ay masayang nakikita ang dating alaga. Masaya ang mga ito sa narating ng binata. Pero malungkot din at nanghihinayang, pero tulad ng mga pinaglilingkuran. Wala din silang magagawa.
Ngayon ay nasa harapan na sila ng monasteryo kung saan gugugulin ni Byron ang kanyang oras at panahon, bilang isang mangngaral ng Panginoon.
Doon sa lugar na iyon ay mayroong maliit na kapilya. Kung saan sila magdadaos ng misa. Naroon din ang isang may kalakihang shelter na siyang tinutuluyan ng mga batang inampon ng mga madre.
Sa lugar na iyon ay sama-samang naninirahan ang mga batang walang kinilalang mga magulang. May ilang mga madre na nagtuturo ng kabutihang asal at nangangalaga sa mga bata. Naroon din sina Manang Claire at ang asawa nitong ni Manong Juan. Sila ang naglilinis at taga luto doon. Naroon din si Mother Ofel na siyang pinaka superior ng mga madre. At sina Sister Vans at Sister Mary.
Nagpakilala si Byron bilang pari na siyang gagabay sa mga tao sa lugar na iyon. Masaya din naman siyang tinanggap ng mga tao doon sa kanyang magiging bagong tahanan.
Hapon na ng magpaalam ang mag-asawa. Nangakong babalik ang mga ito para doon na lang sila magsimba na mag-asawa. At para makasama ang anak.
Naglalakad si Byron pabalik ng bahay na kinaroroonan ng mga bata. Naroon si Sister Vans, Sister Mary at Mother Ofel na nakangiti sa kanya.
"Maraming salamat po ulit father sa pagtanggap dito sa amin," ani Mother Ofel na ikinangiti niya.
"Ako man po ay nagpapasalamat sa mainit ninyong pagtanggap. Kahit po bago lamang po ako bilang pari."
"Naku father, walang bago at matagal na. Ang mahalaga ay magkakaroon na ulit ng bagong pari dito sa aming lugar. Salamat po ulit. Nga pala," binalingan ni Mother Ofel ang dalawang madre. "Gabi na rin naman. Ihatid na ninyo si Father Byron sa kanyang magiging tahanan."
"Opo Mother Ofel," sagot agad ng dalawa ay itinuro ng mga ito ang magiging tahanan ni Byron sa lugar na iyon.
Isa iyong maliit na bahay. Simple pero masasabi niyang maganda lalo na at sa kulay puti nitong pintura. Napatingin naman si Byron sa katabing bahay ng titirahan niya. Mas malaki iyon kumpara sa magiging bahay niya. Ngunit may ilang pinto doon.
"Father dito naman po kami nakatira. Ang dulong pintuan ay kay Mother Ofel, ang kasunod po ay akin," ani Mary.
"Sa akin naman po iyong katabi ng kay Sister Mary," sabat naman ni Sister Vans. "Bakante naman po ang isang pintuan. Tapos po sina Manang Claire at Manong Juan ay doon po nakatira sa pinaka ampunan. May malaking kwarto po doon. Lalo na at naroon din po ang malaking kusina. Magugutumin po ang mga bata. Kaya po kahit po gabi kung tulog na po ang lahat at may batang nagutom may nakahanda po kaming mga biskwit na pwede nilang kainin. Bago ulit sila matulog," dagdag pang paliwanag ni Sister Vans na ikinatango ni Byron.
Pagbukas ng pintuan sa kanyang magiging bagong tahanan ay napangiti na lang si Byron. Oo nga at maliit iyon. Pero nakaorganisa ang lahat ng gamit. Ganoon din ang kanyang mga damit na nakaayos na sa lagayan nito.
Doon lang niya naalala ang ginawang pagpapasama ng mommy niya kay Mother Ofel para silipin ang kanyang magiging silid. Inayos na ng mommy niya ang lahat.
"Thank you mommy, daddy," nasambit na lang niya ng nakahiga na siya sa sariling kama. Na kahit matanda na siya, talagang hindi pa rin nawawala ang pagmamahal at pag-aalaga ng mga magulang sa kanya. Kahit ngayong isa na siyang tunay at ganap na mangangaral.