Chapter 2- Arise

2433 Words
Donna's Pov: Mabilis na lumabas ako ng banyo nang marinig ulit ang sunod-sunod na katok. "Sorry na. Tinatawag na talaga ako ng kalikasan," nagmamadaling sabi ni Fhaye bago pumasok sa banyo. Natatawang tiningnan ko na lang ang pagsara ng pinto. S'ya ang roommate ko at katulad ko din, isa s'yang Mongrel. Subalit Human Hollow ang tawag sa amin ng iba, iyon ay dahil mula kami sa lahing nagpasakop sa kadiliman. Matapos mag-ayos ng sarili ay muli akong lumapit sa bintana. Medyo inaantok pa ako dahil sa ginanap na assembly kahapon. Inabot iyon ng gabi dahil na din sa dami ng announcement ng mga propesor para sa pagbubukas ng klase. May kalahating oras din na pinagsawa ko ang sarili sa maliwanag na paligid sa labas habang hinihintay na mag-ayos si Fhaye. "Pasensya na. Masyado ba akong matagal?" Agad na nilingon ko ang roommate ko na kasalukuyang inaayos ang necktie. "Hindi naman," sabi ko at kinuha ko na ang mga bag namin. Nauna na akong lumabas ng silid. Agad naman s'yang sumunod. Magkasabay na bumaba kami ng hagdan, ganundin sa paglabas namin sa dormitory. May ilang estudyante kaming nakasabay. Ilan sa kanila ay patay-malisya habang ang iba ay literal ang pinapakitang pangingilag sa amin. Nasanay na ako sa kanila. Kaya nga kaming dalawa lagi ni Fhaye ang magkasama dahil naiintindihan namin ang nararamdaman ng bawat isa. Iyon din ang dahilan kung bakit hiniling namin kay GrandMaester na kami ang magsama sa silid. Ang dati kasi naming kasama sa mga silid namin ay halos mangilag sa amin nang malaman nila kung ano kami. Hindi ko naman sila masisisi dahil ako mismo ay nandidiri sa pagkataong meron ako. Hindi ko maiwasang hindi mapatingala sa langit nang mas umaliwalas iyon. Bagong umaga, bagong pag-asa. Iyon ang isinisigaw ng liwanag na ibinibigay niyon. Pero hindi sa akin. Kalungkutan ang hatid ng bagong umaga sa akin. Dahil simula na naman ng bagong araw kung saan ipapakita sa akin ng paligid ko na naiiba ako. I heard Fhaye heave a sigh kaya hinawakan ko ang kamay n'ya at pinisil iyon. Alam kong pinipilit n'yang kalmahin ang sarili n'ya. Dahil kung ano ang nararamdaman ko ngayon ay siguradong nararamdaman din n'ya. Lalo na't natatanaw na namin ang tarangkahan ng eskwelahan. Anim na buwan na mula nang magtagumpay si Bernadette sa misyon n'ya bilang Binhi. Ganoon na katagal matapos ang muntik na pagkasira ng eskwelahan at ng mundo. Matapos ang araw na iyon ay nakita ng lahat ang resulta ng nangyaring paglalaban. Halos hindi na makilala ang eskwelahan. Ang Saint Runes ang nag-sakripisyo para lamang harangan ang mga Hollows na makalabas at makapaghasik ng kadiliman sa mga ordinaryong tao sa labas. Isa din ako sa nakipaglaban laban sa mga ka-uri kong piniling maging masama. Sariwa pa din sa akin ang sugat na iniwan ng nangyaring laban. Maging ang mga taong nagbuwis ng buhay dahil doon. Ikinurap-kurap ko ang mga mata ko para alisin ang mapait na alaala na iyon. Nilibang ko ang sarili ko sa paligid. Hindi na makikita ang bakas ng paglalaban sa buong Saint Runes. Maayos na ang lahat at kahit paano ay bumalik na din sa dati ang lahat. Anim na buwan na isinaayos ang buong eskwelahan kaya isinara din iyon. At ngayon nga ang unang araw na magbubukas muli ang Saint Runes. Ang ibang estudyante ay pansamantalang nanatili sa Faya noong mga panahong nakasara ang eskwelahan. Ang iba naman ay pinayagang makauwi sa mga pamilya nila sa labas. Pero kami nina Fhaye ay nanatili lang dito, dahil hindi namin magagawang tumawid sa harang ng Yuz. "Kinakabahan ako," Fhaye uttered. Muli kong pinisil ang kamay n'ya. Tuluyan na kaming nakapasok sa tarangkahan at mas dumami na ang mga estudyante na nakakasalubong namin. Walang pakialam sa amin ang iba, samantalang ang iba ay punong-puno ng kuryusidad ang mga mukha. Maybe they're asking their self kung ano ang ginagawa namin dito. Hindi ko na lang sila pinansin pa at mas nag-focus ako sa ilang pagbabago sa istruktura ng eskwelahan. Kasabay kasi ng pagbubukas muli ng Saint Runes ay ang ilang pagbabago. GrandMaester called us Warden. O mga taga-pagtanggol na binubuo ng mga Slayer, Guardian, Magistrate at mga Skill. Sa uniform pa lang ay mapapansin na iyon. Ganoon pa din naman ang uniporme namin. Nagkaroon lang ng iba't-ibang guhit na naka-slant sa gitnang bahagi ng necktie namin. Isang guhit para sa mga Freshman, dalawa sa aming mga Sophomores, tatlo sa mga Junior at apat sa mga Seniors na may pinakamalalakas at pinakamay kontrol sa kapangyarihan. Iyon ay para malaman kung ano ang uri ng bawat isa sa amin. Ang kulay gintong guhit ay para sa mga Slayer, ang ube ay sa mga Magistrates, ang puti ay sa mga Guardians at ang cream ay sa mga Skills. Kami nina Fhaye, Dice at Zen ay kasama sa mga Skills. Ganundin ang ilang Human Hollow na kasama namin noon sa Libyn. Naging sekreto ang katauhan nila pero matapos ang mga nangyari ay minabuti nilang ilantad iyon sa lahat para makapagsimula muli. Sa Skills kami nabibilang. Bagay na gusto kong tawanan. Kahit kasi sa uniporme ay hindi kinikilala ang lahi naming mga Mongrel. Na inilalayo nila kami kahit sa sariling lahi namin. Kulang na nga lang ay sabihin nilang kalimutan na namin ang dugong nananalaytay sa mga ugat namin. Wala namang nagreklamo sa amin. Wala naman ako o kaming magagawa dahil alam naming ito ang makakabuti sa ngayon. Nagkaroon din ng sariling training ground ang bawat Warden. Bukod pa sa may sariling pribadong lugar ang bawat uri na off-limits sa iba pang Warden. Tinatawag iyong Warden's Square dahil na din sa hugis parisukat na anyo noon mula sa itaas. May apat na building na nagsisilbing side ng Warden's Square, apat na building na para sa apat na uri ng Warden at bawat building ay binubuo ng limang palapag. Sa apat na iyon ay ang Building ng Skills lamang ang pwede kong puntahan, hindi ko maaaring pasukin ang tatlo pa dahil hindi naman ako kabilang doon, ganundin naman ang ibang estudyante. Makakapasok lamang sila sa building na kinabibilangan nila. Ang North-West Building ay para sa aming mga Skills, ang building naman sa North-East ay para sa mga Guardian, ang sa South-West ay para sa mga Slayer at ang nasa South-East ay para sa mga Magistrate. May mga tulay na tila hallway na nagdudugtong din sa ikalawa at ikaapat na palapag ng bawat building, iyon ay daanan ng mga propesor na nanggagaling sa bawat building. Ang gitnang bahagi naman ng parisukat ay tinatawag na Square's Fleet na maaaring puntahan ng lahat habang nakikisalamuha sa mga estudyante ng ibang Warden, ganundin ang iba pang lugar sa eskwelahan na pwede sa lahat tulad ng mga clubs, library at iba pa. Binuksan din ng Academy sa mga estudyante ang People's Town o ang lugar na nasa labas ng eskwelahan. Ang lugar na ilang beses ko nang nakita at minsan ko ding ginustong wasakin. Iyon nga lang ay iilan pa lang ang sumubok na pumunta doon. Muli akong huminga ng malalim para tanggalin ang mga isiping iyon. I want to start new at para makausad ako ay kailangan kong kalimutan ang mga hindi magagandang alaala. Dumiretso kami sa cafeteria kasabay ang iba pang estudyante. "Ang tagal n'yo." Pareho kaming napatigil ni Donna at lumapit sa nakasimangot na matangkad na lalaki. Inaantok pa ang mga asul na mata n'ya. "Kanina ka pa?" tanong ko kay Dice. Nakasandal s'ya sa pintuan at naghihintay sa amin. "Ang aga mo naman." Nakangusong sumulyap sa kanya si Fhaye. He just chuckled at agad kaming tinalikuran. Sumunod na lang kami sa kanya. Dumiretso na kami sa lamesang napili n'ya. Nakakuha na din kasi s'ya ng mga pagkain namin. Isa sa ipinagpapasalamat ko ay ang laging pagdikit sa amin ng lalaki. Alam kong isa din s'ya sa dahilan kung bakit walang mangahas na lumapit sa amin para magtanong ng kung ano-ano. Tahimik lang kaming nag-almusal. Paminsan-minsan ay may nahuhuli akong nakatingin sa lamesa namin pero minabuti kong hindi na lang sila pansinin. Patapos na ako sa pagkain ko nang umingay ang cafeteria. Curious na tiningnan ko ang dahilan ng halos pagtili ng mga babaeng estudyante. Muntik na akong mabilaukan nang magtagpo ang mga mata namin ng isa sa mga lalaking pumasok doon. Ang Chosen Magistrate o ang piniling maging kinatawan ng kamatayan, si Crayon. Kasama din n'ya ang mga kaibigan n'ya. Sina Fernando, Bhrail at ang Chosen Guardian na si Queven. Nagbaba na lang ako ng tingin at itinuon ang atensyon ko sa plato ko. Ngunit ramdam na ramdam ko pa din ang malakas na presensya n'ya. Ganoon din naman ang kay Queven pero iba talaga ang dating sa akin ng kay Crayon. Maituturing silang upper class sa mga uring pinagmulan nila o Elites. Dahil na din sa lakas ng kapangyarihang meron sila. Marami pang katulad nila dito sa eskwelahan. Pinangingilagan lalo na't malayo ang agwat nila sa iba lalo na kung kontrol at lakas ng abilidad ang pag-uusapan. "Okay ka lang?" nag-aalalang tanong ni Dice sa akin. Pilit ang ngiting ibinigay ko sa kanya. Mas tumabingi pa ang ngiti ko nang maramdaman ang pamilyar na presesensya sa gilid ko. Ang grupo nina Crayon ang natingala ko. Lumampas sa amin ang tatlong kasama n'ya at pumwesto dalawang lamesa ang layo sa amin. "Anong kailangan mo?" tanong ni Dice sa nagpa-iwan na si Crayon. Tiningnan lang s'ya ng lalaki bago ako binalingan. Inilapag n'ya ang isang baso ng tubig sa harap ko at kaagad ding tumungo sa mga kasama. Hindi ko inaasahan ang ginawa n'ya kaya mas lalo akong nasamid. Para kasing nakalimutan kong huminga ng ilang segundo. Marahang hinampas ko pa ang dibdib ko para lumuwag ang paghinga ko saka ininom ang tubig na bigay n'ya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa din maintindihan ang ikinikilos n'ya. Maayos naman kami noon, masasabi ko pa ngang malapit kami sa isa't-isa. Kundi lang lumabas ang tunay na pagkatao ko. Mula noon ay nanlamig na ang pakikitungo n'ya sa akin. Kinakausap pa din naman n'ya ako pero ramdam ko ang pader na ginawa n'ya sa pagitan namin. May pagkakataon naman na nakikita kong gusto n'ya akong kausapin at lapitan pero pinipigilan n'ya ang sarili n'ya. At meron ding pagkakataon na tulad nito, na sa pamamagitan ng maliliit na gestures ay naipapakita n'ya ang pag-aalala sa akin. Iyon nga lang minsan lang iyon. Dahil mas nananatili ang distansya n'ya sa akin. Hindi ko din naman s'ya masisisi. Komplikado ang katauhang mayroon ako maging s'ya. I came from darkness and he represents death. Kadiliman at Kamatayan. Ang dalawang bagay na kahit anong mangyari ay hindi pwedeng magsama. "Donna..." "Huh?" Napakurap pa ako nang marinig ang boses ni Fhaye. "Wala ka na naman sa sarili," komento ng kaibigan ko. Bakas sa kanya ang pag-aalala. "Okay lang ako. Inaantok lang", pagdadahilan ko na lang. "Tapos na ako, kayo ba?" Sabay pa silang tumayo. "Tapos na din kami. Mas mabuti kung pupunta na tayo sa klase natin tutal magka-kaklase naman tayo." Nag-aya na si Fhaye. Tumayo na din ako at sumabay sa kanila paglabas ng cafeteria. Minabuti kong diretso na lang ang tingin ko para maiwasan ang mapanghusgang mga mata ng ibang estudyante. "Ang una pala nating klase ay sa Warden's Square," sabi ni Dice habang nakatingin sa nasa palad n'ya. Ibinuka ko din ang palad ko at lumabas mula doon ang tila mapa. Tiningnan ko ang schedule ko. Ganundin ang ginawa ni Fhaye. Tama nga si Dice, sa Warden's Square ang unang klase namin kasama ang iba pang Skills. Pero iyon lang ang klase na magkakasama kaming tatlo. Ang iba ay academic subjects at hindi kami magkakasama, ang iba naman ay schedule para sa solo training namin. "Pasukang-pasukan, may training agad sa schedule ko. Sakit ng katawan agad aabutin natin ah," reklamo ni Fhaye. "Hayaan mo na pati din naman ako," sabi ko at sumimangot. Sa loob ng panahong nagsara ang eskwelahan ay wala kaming ibang ginawa kundi magsanay at palakasin ang mga kapangyarihan namin kaya hindi ko akalain na hanggang sa pagbubukas ng Saint Runes ay ganoon pa din ang mangyayari. Nanahimik na lang ako habang binabaybay namin ang direksyon papunta sa Warden's Square. Hinayaan ko na lang si Fhaye na kulitin si Dice na wala namang sinasabi kundi oo at hindi. Nakasabay pa namin ang ibang estudyante na may klase din sa lugar na ito. Iyon nga lang ay hanggang sa Square's Fleet lang dahil lahat ay nagkanya-kanyang punta na sa kani-kanilang building. Umakyat kaming tatlo sa ikatlong palapag. Nandoon kasi ang silid para sa unang klase namin. "Donna!" Muntik ko pang matakpan ang tenga ko dahil sa tinis ng boses ni Venice. Nakangiting sinalubong n'ya kami at halos kaladkadin n'ya kami ni Fhaye papasok sa silid. Nagpahila na lang ako sa maingay na babae. Ayoko man ay parang nahahawa ako sa pagka-energetic n'ya. Hindi ko din naman s'ya kayang iwasan tulad noong mga unang araw na nalantad ang pagkatao ko. Isa s'ya sa buong pusong tumanggap sa amin ni Fhaye. Nalaman ko ding sobra ang ginawa n'yang pag-aalaga sa akin noong nga panahong halos tirahan ko na ang clinic. "Dito tayo," sabi n'ya at itinuro ang mga upuang nasa gitnang bahagi ng silid. "Dito ang upuan ng mga magaganda." Natawa na lang kami sa kalokohan n'ya. "Oo na pero dahil sa pangangaladkad mo, naiwan namin si Dice." Natawa na lang si Fhaye. Agad na hinanap ko ang kababata ko. Tulad namin ay nakaupo na din s'ya at kausap si Luke, ang isa sa iilang estudyante na kinakausap n'ya. "Okay naman na s'ya saka malaki na 'yang si Dice kaya na n'ya sarili n'ya." Humahagikhik pa si Venice at nilingon ang lalaki na nasa may binatana. "Hindi ba Dice?" Tiningnan lang s'ya ni Dice habang nakakunot ang noo. "Umuo ka na lang aba!" Sumigaw pa si Venice na ikinailing ng kababata ko. Natatawang hinila ko s'ya paupo. "Tumigil ka nga sa kalokohan mo. Nasaan na nga pala si Bernadette?" tanong ko nang mapansing wala dito ang isa pa naming kaibigan. "Ayun, kay aga-aga pinapahirapan ni Sir Daecyll. Nagte-training na agad." "Grabe naman si Sir. Halimaw talaga. Mabuti na lang at hindi ko s'ya naging mentor." Kahit si Fhaye ay napangiwi din sa narinig. Sumang-ayon na lang ako. Alam naman ng lahat na istrikto bilang mentor si Sir Daecyll pero alam kong malaki ang naiitulong n'ya sa piniling Binhi sa pagkontrol ng kapangyarihan. ❤
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD