Chapter 1

902 Words
Chapter 1 – Pagbabalik Mahigpit na yakap ang sumalubong kay Divina pagpasok pa lamang niya sa bahay. Halos hindi na makapagsalita ang kanyang ina, si Terry, habang umiiyak ito sa kanyang balikat. “Anak ko… ang anak ko…” paulit-ulit nitong sambit. “Nanay…” mahina ngunit puno ng damdaming tugon ni Divina, kasabay ng isang matamis na ngiti. Kaytagal niyang pinangarap ang sandaling ito—ang muling mayakap ang kanyang ina. At ngayon, narito na siya. Hindi na lamang alaala o panaginip… kundi isang katotohanan na kay sarap damhin. Apat na taon din ang lumipas mula nang lisanin niya ang kanilang bayan upang mangibang-bansa. Apat na taon ng pangungulila, sakripisyo, at pananahimik. Ngayon, nakauwi na siya. Ang kanyang nakababatang kapatid na si Jun ang sumundo sa kanya sa airport, kaya’t walang kaalam-alam ang kanilang mga magulang sa kanyang pagdating. Kaya naman hindi maikakaila ang gulat sa mukha ng mga ito nang makita siyang pumasok sa kanilang tahanan. Ang kanyang ama ay napatigil sa kinatatayuan—tila naging estatwa sa pagkabigla. “Tay…” marahang tawag ni Divina habang lumalapit. Nang yakapin niya ito, tuluyan nang bumigay ang matibay nitong tindig. “Anak…” mahinang sambit ng kanyang ama. “Kumusta na po kayo? Wala namang ganyanan… wala namang iyakan!” biro niya, pilit pinapagaan ang emosyon. Napatawa ang lahat. Matapos ang madamdaming salubong, agad siyang ipinaghanda ng kanyang ama ng native na manok—ang paborito niyang ulam na matagal niyang hinanap-hanap sa ibang bansa. Samantalang ang kanyang ina naman ay naghanda ng kanyang paboritong maja blanca. Walang kapantay ang lasa ng sariling atin. Dahil sa pagod mula sa mahabang biyahe, nagpaalam si Divina na magpahinga muna. Inalalayan siya ng kanyang mga kapatid patungo sa kanyang silid—isang kwartong bahagyang nagbago sa apat na taong kanyang pagkawala. “Salamat, Jun,” sabi niya. “Ayos ka na ba dito, Ate? Sabihin mo lang kung may gusto kang ipaayos,” tugon ng kapatid. “Oo, okay na ako,” nakangiting sagot niya. Nang maiwang mag-isa, humiga siya at napatitig sa kisame. Pagod ang kanyang katawan, ngunit gising ang kanyang isipan. Unti-unting bumalik ang mga alaala. At gaya ng dati… Si Charlie. Akala niya, sa paglayo ay tuluyan na niyang makakalimutan ang lalaking unang pinag-alayan niya ng lahat. Ngunit nagkamali siya. Dahil kahit gaano kalayo ang narating niya… dala-dala pa rin niya ang sakit. At ang pagmamahal. Kanina lamang, habang palapag na ang eroplano sa NAIA, siya agad ang pumasok sa kanyang isipan. Napaisip siya—magkikita pa kaya silang muli? Magtatagpo pa kaya ang landas nila? Katangahan man kung iisipin… Ngunit umaasa pa rin siya. Kahit isang sulyap lang. Kahit mula sa malayo. Dahil hanggang ngayon, siya pa rin ang laman ng kanyang puso. Napansin na lamang ni Divina ang pag-agos ng luha sa kanyang pisngi. “Bakit hindi kita magawang kalimutan?” mahina niyang tanong sa sarili habang pinupunasan ang kanyang luha. “Hanggang ngayon… ikaw pa rin.” Hindi niya namalayang nakatulog siya habang umiiyak. Nagising siya sa marahang katok sa pintuan. “Anak, luto na ang tinolang manok ng tatay mo. Halika na, mainit pa ang sabaw.” “Susunod na po ako, Nay,” sagot niya. Agad siyang bumangon, naghilamos, at nagpalit ng damit bago lumabas ng kwarto. Pagdating sa kusina, nakahain na ang lahat. Nakahanda na rin ang kanyang plato—may kanin at isang mangkok ng umuusok na tinolang manok. “Wow… ito talaga ang sobrang na-miss ko!” masigla niyang sabi bago sumimsim ng sabaw—ngunit agad ding napaatras. “Ay! Ang init!” “Dahan-dahan lang, anak,” paalala ng kanyang ina. “Niluto ‘yan ng tatay mo para sa’yo.” “Ate naman,” singit ng bunsong kapatid na si Ronnie. “Hindi ka mauubusan. Pareho ka pa rin—matakaw kapag tinola ang ulam!” Napatawa ang lahat. “Bunso! Ang ingay mo, binibisto mo pa ako!” nakangiwi niyang sagot. “Na-miss lang kitang asarin, Ate,” natatawang tugon ni Ronnie. Napuno ng tawanan ang hapagkainan. Matagal na rin noong huli silang nagsama-sama ng ganito—kumpleto, masaya, at walang iniisip na problema. Kinahapunan, nagsalo sila sa maja blanca na ginawa ng kanyang ina. Kalaunan, nagpaalam si Divina na bibisita sa kanyang matalik na kaibigan na si Becky, na nagtatrabaho sa isang supermarket. Bitbit ang pasalubong para sa anak nito, lumabas siya ng bahay. “Ate, ihahatid ba kita?” alok ni Jun. Napangiti siya. “Huwag na. Magco-commute na lang ako. Hindi naman siguro ako maliligaw,” sagot niya. Sanay na siyang binabantayan ng kanyang mga kapatid kahit siya ang panganay. Ngunit kung alam lamang nila ang kanyang pinagdaanan noon… Sigurado siyang hindi lang bugbog ang aabutin ni Charlie. “Salamat, Jun.” “Sige, Ate. Mag-ingat ka.” “Baka tanungin ka pa ni Tatay kung anong oras ka uuwi,” biro ni Ronnie. “Grabe ka naman. Ang tanda na ni Ate,” dagdag ni Jun. “Hindi naman ako magpapagabi… siguro mga alas dose!” natatawa niyang sagot, bago agad bumawi. “Biro lang! Maaga akong uuwi.” “Tay, Nay, alis na po ako!” paalam niya. Sinundan lamang siya ng tingin ng kanyang mga magulang. Tahimik ang kanyang ama, ngunit kitang-kita ang pag-aalala sa mga mata nito. At habang papalayo si Divina… Hindi niya alam— Ang pagbabalik niya ay simula pa lamang ng mga alaala… at sugat na muli niyang haharapin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD